CHAPTER 1

1263 Words
Mga palahaw ang maririnig sa loob ng sementeryo kung saan ilalagak ang katawan ni Mang Dolfo. Namatay si Mang Dolfo kasama ng ilang katrabaho matapos gumuho ang building na ginagawa ng mga ito sa Cubao. Lalong lumakas ang iyakan ng pamilya ng tuluyan na itong tabunan ng lupa. Ilang saglit pa ay unti-unti ng nagsi-alisan ang mga nakiramay. "Bes, uwi na rin ako." Tapik ni Pamela sa balikat ni Blessa. "Auntie Grace, condolence po ulit." Baling ni Pamela sa ina ng kaibigan. Tango lang ang isinagot ni Grace matapos yakapin ni Pamela. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin maampat ampat ang mga luha nito. "Ma, uwi na po tayo," aya na ni Blessa sa ina. "Paano na tayo ngayon, anak? Wala na ang papa n'yo?" "Ma, nandito pa kami ni Ate Blessa at Rommel," alo ni Abby sa ina. "Umuwi na po tayo. Sa bahay na tayo mag-usap." Inakay na nila ang ina palabas ng sementeryo. At sa huling pagkakataon ay muli pang nilingon ni Blessa ang puntod ng ama. Sa layo ng sementeryong ito hindi alam ni Blessa kung kailan ulit siya makakapunta dito. Hindi niya alam kung kailan ulit makakadalaw sa kanyang ama. Pagdating sa bahay ay nagpaalam ng matutulog si Rommel. Sinundan na rin ito ni Abby sa itaas. Halos dalawang linggo rin kasing wala silang pahinga at maayos na tulog dahil sa burol ng ama. Problema pa nila ngayon ang naiwang bayarin na hindi nila alam kung saan hahagilap ng pambayad. "Anak, gusto ko lang sanang sabihin sa 'yo ngayon pa lang na hindi na matutuloy ang pagpasok mo sa kolehiyo," malungkot na saad ng kanyang ina. "Mama, 'wag po muna nating isipin 'yon ngayon. Mabuti pa po magpahinga na rin kayo sa taas. Ako na pong magliligpit ng ibang kalat dito," sansala ni Blessa sa iba pang sasabihin ng ina. Nang makaakyat na si Aling Grace sa itaas ay napabuntong hininga na lamang si Blessa. Napatingin siya sa perang nasa luma nilang lamesa. Nasa tatlong libo lang ang abuloy na nalikom nila. Pasalamat na lang rin sila at sinagot ng may-ari ng ginagawang building ang kabaong at pagpapalibing sa papa nila. Tama ang mama niya. Ngayong wala na ang papa nila, malabo na ang pangarap niyang magkolehiyo. Nag-e-extra lang ang mama niya sa paglalabada. Constraction worker naman ang papa niya. At dahil panganay siya, responsibilidad niyang tulungan ang ina lalo na at sila-sila na lang. Second year na sa pasukan ang kapatid na si Abby at graduating na si Rommel sa elementary. Tumayo si Blessa at lumapit sa dingding kung saan nakalagay ang mga achievements nilang tatlo sa school. Sa bawat achievements na natatanggap nila ay malaki lagi ang ngiti ng kanilang ama. Lagi rin silang ipinagmamalaki ng ama. Lagi nitong sinasabi na may mga anak siyang matatalino. Na para sa mga anak ang pagsisikap niya sa trabaho. Pero nasaan na siya ngayon? Maaga silang iniwan nito. At kahit mahirap man para kay Blessa ay kailangan niyang isakripisyo ang kanyang mga pangarap para tulungan ang mama niyang itaguyod ang kanilang pamilya. "Pa, sana po tulungan n'yo kami. Sana po palagi n'yo kaming bantayan," usal ni Blessa, habang haplos ang litrato ng ama. "Sure na ba 'yan, bes? Akala ko pa naman sabay tayong mag-co-college," malungkot na ani Pamela. "No choice, bes. Alam mo naman ang sitwasyon namin ngayon 'di ba? Saka hayaan mo na, kapag nakatapos si Abby ako naman ang mag-aaral," ani Blessa sa kaibigan. "Blessa, mag-usap nga tayo," wika ni Anthony na biglang sumulpot. Napatingin si Pamela kay Blessa bago tumayo. "Maiwan ko muna kayo," paalam na ni Pamela sa dalawa. Umusog si Blessa sa bench upang makaupo ang nobyong si Anthony. Tahimik lang si Blessa dahil mukhang galit ito. "Kailan mo balak sabihin sa 'kin ang mga plano mo?" may hinanakit na tanong nito. "Sasabihin ko naman-" "Kailan? Sa graduation?!" galit na sabi nito. "Kung hindi pa narinig ng tropa ko ang pinag uusapan n'yo ni Pamela, hindi ko pa malalaman!" "Anthony, sa ayaw ko man o sa gusto kailangan ni mama ng katuwang. Saka kung hindi ako hihinto sa pag-aaral, mas mahihirapan si mama," paliwanag ni Blessa. "Pwede kang mag-working student sa Maynila, Blessa. Sumama ka na lang sa 'kin." "Nagpapatawa ka ba?" hindi makapaniwalang tanong nito. "Pwede akong magtrabaho dito sa atin kung gugustuhin ko. Pero paano ang mga kapatid ko? Mag-aaral ako, pero para lang iyon sa sarili ko!" "Kaya nga sa Maynila ka para hindi mo sila iintindihin, eh! Pangarap mo lang ang iisipin mo. Tayo!" "Kung gusto mong mag-maynila ikaw na lang. Saka 'wag mo ng ipilit ang Maynila dahil kahit buhay si papa hindi ako sasama sa 'yo." matigas na tanggi ni Blessa sa gusto ng nobyo. Ayaw niyang sumama dahil alam na niya ang plano nito. Gusto nitong magsama na sila sa iisang bahay pagdating doon. Hindi naman na siya inosente sa mga bagay-bagay dahil kay Anthony ang lahat ng una niya. Pero hindi niya kayang ibigay ang puri niya dito. Ilang beses ng muntik silang umabot sa ganoon ngunit agad siyang nag-co-control dahil agad pumapasok sa isipan niya ang kanyang mga pangarap. "Para sa 'yo rin 'yon, Blessa. Ayaw mo bang makapagtapos?" giit ni Anthony. "Para sa 'kin o para sa 'yo?" natigilan si Anthony sa tanong niya. "Makakapag-aral ako kahit dito lang ako sa probinsya. Makakapagtapos ako ng pag-aaral, pero kailangan ko munang magsakripisyo para sa mga kapatid ko." "Paano ako?" malamig na tanong nito. "Kung kaya mo akong hintayin, sige. Pero kung hindi, mag-break na lang siguro tayo." "Fine! Break kung break! Madali naman akong kausap! Ang dami mo pang pasa-kalye!" galit na sabi nito, saka umalis sa harapan ni Blessa. Nasundan na lang ito ni Blessa ng tingin. Hindi siya makapaniwalang ganoon lang siya nito kadaling bitawan. Napailing na lang si Blessa saka huminga ng malalim. Mabuti na rin siguro iyon para mas makapag-focus siya sa pamilya. At siguro hindi talaga si Anthony ang kapalaran niya. Sumapit ang araw ng graduation at isa si Blessa sa mga honor students na nagtapos. Malungkot man ay pilit pinasigla ni Blessa ang kanyang sarili. Kung buhay lang ang papa niya marahil maluha-luha na naman itong aakyat ng stage para isuot sa kanya ang kanyang medalya. Matapos ang graduation ay nagsimba si Blessa kasama ang mga kapatid. Sina Abby at Rommel ang kasama niya sa graduation day dahil may tanggap kasing labada ang kanilang ina sa kabilang baryo kaya sila lang tatlo ang magkakasama ngayon. "Ate, boyfriend mo 'yon 'di ba? Malapit pala sa simbahan ang bahay nila," ani Abby sabay turo sa bahay na maraming tao. Napalingon si Blessa sa tinuro ng kapatid at nakita nga niya si Anthony. May kaakbay itong babae. Batchmate nila iyon. Sweet ang dalawa habang nakikisaya sa umpukan ng mga barkada ni Anthony. Totoo nga ang sabi ng bestfriend niyang si Pamela. May bagong nobya na ito. Halos two weeks pa lang silang naghihiwalay. "Kayo pa 'di ba? Bakit may kaakbay na?" nalilitong tanong ni Abby sa kanyang ate. "Hindi na. Break na kami no'ng isang linggo pa," mapait na tugon ni Blessa dito. Naglakad na siya paalis at baka makita pa siya ni Anthony. Oo, masakit. Tatlong taon rin sila. Pero hindi niya kayang ipagpalit ang pamilya para sa lalaking iyon. "Mag-bi-break din 'yan 'te. Sabi nga nila 'di ba walang forever!" Natawa na lang sina Blessa at Abby sa sinabi ni Rommel. Mabuti na rin sigurong wala siyang lovelife para mas matutukan niya ang kanyang mga responsibilidad. Saka ang laging sinasabi ng mama at papa niya. Bata pa siya at hindi lang isa ang lalaki sa mundo. Marami sila!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD