WAVES OF DISTRESS EPISODE 29 THE CONFUSION AMARA GEORGINA’S POINT OF VIEW. Simula nang makita ko si Papa na naglasing at umiyak nang umiyak sa aking harapan, naging ganoon na talaga siya. Hindi na siya bumalik sa kanyang dating siya, ang masayahin at palangiti kong ama. Palagi na lang siyang wala sa aming bahay at kapag umuuwi naman siya sa amin ay lasing siya o hindi naman ay wala sa mood. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari kay Papa o ano man ang kanyang problema. Nalaman ko rin na umalis na siya sa kanyang trabaho at tinanong ko rin ang boss niya kung bakit umalis si Papa, ang sabi nito sa akin ay hindi niya rin alam. Hindi ko alam kung kaya ko bang iwan si Papa rito sa probinsya lalo na at parang nawawalan na siya nang gana na mabuhay at pinapatay na niya ang sarili niya sa alak.