"OH, my gosh!" tili ng babaeng naka-mini skirt habang lumalapit sa mga kasamahan.
Naagaw naman agad nito ang atensiyon ng dalawang babaeng kapwa abala kanina sa panunuklay at pagkukulay ng mukha.
"Muntik na 'kong maubusan, buti na lang! As in, nag-iisa na lang 'to nung makita ko!"
"Lemme see, lemme see!" konyong sabi ng isa sabay hablot sa babasahin. "Oh, sh*t! He's so hot!" nangingisay na sambit saka niyakap ang magazine.
"Kainis naman, o!" sabay hila ng isa sa babasahin. "Bakit ganiyan siya kagwapo? Unfair!"
"Sandali nga kayo! Ako muna! Ako ang bumili, e!" At inagaw na ang magazine mula sa dalawa.
"Grabe ka naman! Sabay-sabay na nating tingnan!"
"Ako ang magbubuklat!" giit nito at biglang napadako ang mga mata sa kaniya. Hindi niya agad nabawi ang tingin.
"O, anong itinatanga mo diyan?" nandidilat na tanong nito. "Bakit hindi ka nagtatrabaho?"
Nagulat si Cruzette sa tanong at tono ng babae. Gusto sana niyang ibalik ang katarayan nito pero nagpigil siya. Hindi siya pwedeng umasta kagaya ng mga ito na kulang na lang ay magpatayan para sa babasahin na ang front cover ay walang iba kundi ang big boss ng kompaniya kung saan sila lahat naroon.
"Tapos na, Ma'am. Ayos na." Hindi niya kailangang pahirapan ang vocal chord. Sadyang malagom at medyo husky pa ang boses niya.
"'Yun naman pala, bakit nandiyan ka pa?"
Alanganin siyang umiling. "Wala naman, Ma'am. Napatingin lang."
"Napatingin e, kung makatitig ka d'yan!"
"Oy, Kuya!" tawag sa kaniya ng isa. Kulot ang itim na itim nitong buhok. "Baka may pagnanasa ka sa 'min, ha? Kadiri lang! Totoong lalaki ang type namin!" At inirapan siya nito.
Tumaas ang mga kilay niya. Ano daw? Siya? May pagnanasa?
"Sige na! Umalis ka kung tapos ka na! At h'wag mo kaming gawing panoorin!" aboy sa kaniya ng pinakamaliit sa tatlo pagkuwa'y sabay-sabay na nagsitalikuran at ilang sandali lang ay nagtitilian na muli sa ibabaw ng mamahaling babasahin.
Mga bruha! Ang aagang magsipasok magtsi-tsismisan lang pala! Napaismid siya sa hawak na mop. May gender equality nga ang kompaniya ay ang mga empleyado naman ang grabeng manghusga. Napatingin lang e, masama na agad ang iniisip sa kaniya.
Hindi na siya sumagot. Dinampot na niya ang mga gamit sa paglilinis at lumabas ng HR Department. Hindi naman niya masisisi ang tatlong babae. Dahil kahit wala siyang sabihin, at wala din namang nag-uusisa pa tungkol sa kaniyang s****l preference, sa bihis at ayos niya ay isa lang ang iisipin ng kahit sinong makakakita. Isa siyang lesbian. Tomboy. At iyon ay parte ng misyon na tinanggap niya kay Bridgette...
(Flashback)
"Simple lang ang gagawin mo, Cruz. Ang kailangan mo lang ay mapalapit sa apo ni Don Marciano."
Napaawang ang bibig niya sa mga huling sinabi ni Bridgette. At habang nakaantabay sa karugtong ay parang mga dagang naghahabulang ang nasa loob ng kaniyang dibdib.
"Kailangan mong makuha ang tiwala ni Clyde. Doon iikot ang magiging trabaho mo."
Hindi siya nakapagsalita. Naisip niyang maglulundag sa tuwa. Ang tagal na niyang pangarap na mapalapit kay Clyde. Ang magpakilala dito. At ngayon nga ay dadalhin siya ng misyong iyon sa lalaking matagal na niyang gusto. Pero dumungaw ang pagdududa niya. Pakiramdam niya ay hindi basta-basta ang kaniyang magiging misyon. At agad ngang naglaho ang tuwa niya nang isa-isahin sa kaniya ng babae ang mga dapat niyang gawin.
Pero sa hanay ng mga sinabi nito ay isang bagay ang lubos na nakapagpalito sa kaniya.
"B-bakit kailangan ko pong magpanggap na lalaki?" tanong niyang kumukulubot ang mga kilay. "Parang mahirap naman po 'yan."
"Hindi, Cruz," ani Bridgette. "Hindi ka magpapanggap na lalake. Dahil unang-una, legal na mga dokumento ang gagamitin mo sa pag-aapply ng trabaho. Ang dapat mo lang baguhin ay ang iyong karakter. Magbibihis ka nang parang isang lalaki. Kikilos nang parang isang lalaki. Tandaan mo, hindi ka dapat na babae sa harapan ni Clyde."
Lalo siyang nagulumihanan. "B-bakit po?"
Ngumiti si Bridgette. "Dahil hindi mo makukuha ang atensiyon ni Clyde kung ikaw ay isang babae. Mahihirapan ka ring magawa ang misyon mo kung gano'n."
Napaawang ang bibig niya. Ganun ba? Teka! Ibig sabihin, kung ano ang nakikita niya kay Clyde ay ang siyang totoo? Ubod nang suplado nito. Halos hubaran na nga ito sa titig ng mga kababaihan ay hindi man lang natitinag ang binata. Unaffected. Teka! Hindi kaya?
"Oh, don't get me wrong, Hija," untag ng nasa screen sa pananahimik niya. Napatingin naman siya dito. "Clyde is a straight guy..."
NAPUWAK ang pagmumuni-muni ni Cruzette nang bumukas sa tapat niya ang elevator. Hinila niya ang cart at sumakay.
Padalawang linggo na niya sa Maynila at patatlong araw naman sa kompaniya. Sa unang isang linggo, naroon lang siya sa modernong apartment na pinagdalhan sa kaniya ng tao ni Bridgette. Hinahanda niya roon ang sarili. Inaaral ang kaniyang magiging trabaho. Hindi naman iyon naging mahirap dahil kontrolado ni Bridgette ang kaniyang magiging lagay sa kompaniya.
Mula nang tanggapin niya ang misyon ay sinanay na rin niya ang sarili sa bagong image. Nagbihis siya nang maluluwang na kamiseta. Namaalam na rin siya sa mahaba at maalong buhok. Gayunman ay may pagkakataon pa ring nagugulat siya sa tuwing haharap sa salamin at makikita ang bagong itsura. Kahit si Lottie nang makita siya nito, dahil umuwi siya minsan sa San Carlos bago tuluyang pumasok sa kumpaniya, ay nagulat at nadismaya. Ang dami din nitong tanong at takang-taka sa ginawa niya sa buhok.
Kung tutuusin, wala naman sa maiksi niyang buhok ang ikalilito ng sinumang titingin sa kaniyang sekswalidad. Dahil kung magdadamit lang siya ng pambabae ay mag-iitsurang babae na din ulit siya. Pero dahil sa suot niyang uniporme na ini-issue ng agency, at sa kilos niya na kailangan sa pagpapanggap, mukha na nga siyang lesbian. Lesbian na nakakadiri daw kung tumingin.
Sa susunod ay iiwasan na lang niya ang tatlong babaeng iyon sa HR at baka ipangalandakan pang type niya ang mga ito. Siya itong nandidiri! Totoong lalaki din kaya ang gusto niya.
And speaking of 'lalaking gusto niya', ikatlong araw na niya iyon sa kompaniya ay hindi pa niya nakikita man lang ang Big Boss. Ni anino ni Clyde ay hindi niya nararamdaman gayong laman ng hangin ang machong-macho nitong pangalan lalo na sa mga department na karamihan ay babae ang empleyado.
Tatlong araw na. Wala pa rin siyang makitang paraan para makalapit. Paano niya masisimulan ang kaniyang misyon?
Pero higit pa sa tunay na rason kung bakit siya naroon ay excited talaga siyang masilayan ulit si Clyde. Akala niya ay magiging madali lang ang lahat dahil naroon na siya sa mundo nito. Pero hindi pa rin pala. Kung mailap si Clyde sa San Carlos ay ganoon din ito kailap sa sariling gusali.
Nang tumunog ang elevator ay tumuwid na din siya at naghintay na magbukas ang pinto. Paglabas ay binaybay na din niya ang malapad na pasilyong patungo sa Finance Department.
"O, Brad!" bati sa kaniya ni Levi at agad nag-umang ng high five.
"Musta ang trabaho?" usisa pa ng lalaki matapos niyang isuntok ang kamao sa palad nito. Isa iyon sa mga gestures na pinag-aralan niya.
Nakilala niya si Levi nang unang araw pa lang ng pagpasok niya. Matangkad, moreno at friendly.
"Okay lang, Brad. Enjoy naman." At minsang pinalundag ang mga kilay bago ito nilampasan. "Sige, iwan muna kita."
"Sandali, Brad!" habol nito at napaharap naman siya.
"Saang agency ka nga ba?" tanong ng lalaki at walang anu-anong dinampot ang ID badge na naka-clip sa kaniyang dibdib. Muntik na siyang napasinghap. Mabuti na lang at napigilan niya.
"BOS Manpower Services," basa nito sa nakasulat. "A... kay Bridgette Solano." Sinundan nito ng tango ang sinabi at pagkatapos ay binitiwan na ang kaniyang ID. Tinitigan siya nito.
"Cruzette. Babaeng-babae ang pangalan mo, ah. Anyare?"
"Ha?" Nagkagitla ang kaniyang noo.
"Sayang! Maganda ka, Brad! Kung straight ka lang sana…" Nasa tono nito ang panghihinayang.
Natigilan muna siya bago sinibat ng ngisi ang kaharap. "Luko-luko!" tawa niya at tinapik nang may kalakasan ang tiyan nito.
At least may isang bagay na normal na sa kaniya. Madalas niya kasing tapikin ng likod ng palad ang tiyan ni Roswell kapag naiirita siya at balewala sa kaniya ang matigas na abs ng kinakapatid.
"Ouch! You hurt my abs!" ngiwi ni Levi na alam niyang biro lang. "Paganti!" At nag-akmang tatapikin siya sa tiyan.
"Baliw! D'yan ka na nga! Trabaho na 'ko!" aniya at tinalikuran na ito na tatawa-tawa naman.
EMPLOYMENT EQUALITY. Isa iyan sa mga pinatutupad ng Rodriguez Construction Company mula nang ito ay itayo. Dahil sa ganoong sistema, walang itinatangi ang kompaniya. Maging direct employee man o galing ng agency; Manager o gwardiya; Engineer o utility man; Architect o clerk; babae o lalaki; lahat doon ay pantay-pantay.
Kaya naman walang kahirap-hirap na na-dispatch siya ng agency na pag-aari mismo ni Bridgette sa kompaniya ni Clyde.
"Basta sa weekend, uwi ka ulit, ha? Sunduin na lang ulit kita sa terminal," ani Roswell na kausap niya sa kabilang linya.
Panay na ang text nito sa kaniya kanina, pero hindi pa niya narereplayan. At bago pa ito mag-panic ay agad niyang tinawagan paghudyat ng coffee break.
"Oo naman, Buddy. Di mo kailangang ipaalala," sagot niya at ipinasok ang isang kamay sa bulsa.
Naroon siya sa second floor, nakadungaw sa balustreng nakapalibot sa likurang bahagi ng building at mula sa kinatatayuan ay kita niya ang sanga-sangang kalsada ng parteng iyon ng siyudad. Sa kabila pa noon ay mas matataas na gusali at iba't ibang establishments. Ang lugar niya ay naaabot ng panghapong araw na masakit sa balat kaya nararamdaman niya ang pamamawis. Bahagya nang humihip ang hangin sa kaniyang gawi.
Na-miss niya tuloy ang San Carlos. Ang hangin doon, ang mga puno at mabeberdeng tanawin.
"Kumusta ka naman sa tinutuluyan mo? Hindi ka ba nahihirapan?"
Nangilid ang luha niya sa tanong ni Roswell. Hinding-hindi niya malilimutan ang pagtutol at pag-aalala nito nang sabihin niya ang tungkol sa alok na trabaho ni Bridgette…
(Flashback)
"Diyan lang naman ako sa Maynila, Buddy. Uuwi ako during weekend. At saka, tatlong buwan lang 'to. Three months! Ang bilis lang ng araw." Tumayo siya at lumapit dito. Nangunyapit siya sa matitipunong braso ng kababata. Inihilig niya ang ulo sa balikat nito. "Buddy, alam mo namang hindi ako papapigil, di ba? Pero kahit gano'n, importante sa 'kin ang suporta mo. Buddy tayo, di ba?"
Narinig niya ang bagot na pagbuga ng hangin ni Roswell at nakadama siya ng pag-asa. Mapapahinuhod na niya ito ilang sandali pa.
"Buddy, kailangan kong gawin 'to," susog pa niya. "Kasi... sabi ni Miss Bridgette, kapag nagawa ko ang misyon ko, humiling lang ako ng kahit ano at hindi ako mabibigo. Naisip kong malaki ang maitutulong nito para mahanap ko na ang ama ko..."
Naramdaman niya ang marahang paglingon nito at sinalubong naman niya ang mga tingin ng kinakapatid.
Oo. Hilig niya ang pagkanta. Pangarap na niyang maging singer noon pa dahil gusto niyang makilala siya balang-araw. Pero hindi para may maipagmalaki sa sarili at sa ibang tao. Kundi dahil iyon lang ang naisip niyang paraan upang mahanap kung sino ang ama niya. Ang sabi ng kaniyang ina, isang mahusay na manganganta ang kaniyang ama.
"Pa'no kung hindi ka magtagumpay sa misyon mo?" tanong nito. "Or worse, paano kung mabuko ka ng apo ni Don Marciano? Malaman niyang nagpapanggap ka lang? Sige nga! Anong mangyayari sa'yo?"
"Kung pagkatapos ng tatlong buwan at hindi ko nagawa ang ipinagagawa nila, okay lang. Bayad pa rin ako. Bayad ng kompaniya at bayad ni Miss Bridgette. At h'wag mong isiping mabubuko ako kasi hindi naman ako basta isasalang ni Miss Bridgette sa misyon ko. May mga kailangan pa 'kong gawin bago ko simulan ang trabaho. At kung sakali namang mabuko ako," aniyang pinagpatuloy ang sinasabi, "pwede akong umalis. Agad-agad. Hindi ako pababayaan ni Miss Bridgette at naniniwala ako sa kaniya."
"Obviously," sarkastikong komento ni Roswell at iritadong nagkamot ng ulo. Pinigilan niya ang matawa sa itsura nito. Ganito kasi ang kababata kapag napipilitan sa isang bagay.
"Saan ka titira?" nakataas ang mga kilay na tanong ni Roswell. Nagdiwang ang kalooban niya. Alam na niya agad na pumapayag na ang kinakapatid...
"OKAY lang ako, Buddy," sagot ni Cruzette kay sa tanong ni Roswell. "Nasabi ko naman na sa inyo ni Ninang, di ba? Okay 'yung bahay na tinitirhan ko. Kumpleto sa gamit. Hindi mahirap kumilos. Safe 'yung village. Okay lang." Hinugot niya ang face towel na nakasuksok sa likod at dinampian ang mga mata. Kung magsasabi siya ng totoo, sasabihin niyang nahihirapan siya. Nahihirapan siyang labanan ang lungkot. Nabuhay kasi siyang kasa-kasama ang mag-ina kaya nga kahit wala siyang mga magulang sa tabi niya habang lumalaki ay hindi naman niya naramdamang mag-isa siya.
"Minsan, bibisitahin kita. Kung okay lang din kay Miss Solano, sasamahan kita kahit ilang araw lang."
"Paano si Ninang?"
"Nandito naman si Ate Sol. Saka hindi maaano si Mommy dito sa 'tin. I'm sure, magugustuhan pa niya 'yung idea."
Napangiti siya. Sigurado iyon. Naalala nga niya kung gaano siya nahirapang magpaalam dito matapos siyang magpasya na tanggapin ang trabahong bigay ni Bridgette. Hindi naman bago kay Lottie na umaalis nang ilang araw kapag may malalayong gig sila ng banda. Pero iba daw kasi ‘yong naka-kontrata siya.
Kinailangan niya pa tuloy mag-imbento ng kunwari ay tatlong buwan na training sa trabaho na may kinalaman sa kursong tinapos niya at pagkatapos ng tatlong buwan ay ililipat din siya ng ahensiya ni Bridgette sa isang kumpaniyang nasa sa San Carlos. Tatlong buwan dahil iyon ang nasa kasunduan nila ni Bridgette na siyang itatagal ng kaniyang misyon.
"Ikaw ang bahala, Buddy, pero ipapaalam ko muna kay Miss Bridgette ang tungkol dito."
"Okay. Miss na kita, Buddy,” ani Roswell.
"Ako din, Buddy…” May bikig na namuo sa lalamunan niya. “M-miss ko na kayo. O-o, sige na! Tawag ako mamaya pag-uwi kong apartment."
Hindi na niya hinintay na magpatay ng cellphone ang kausap at inunahan na niya ito. Nag-iinit na kasi ang gilid ng mga mata niya.
Mabuti pa si Roswell, lagi siyang nami-miss. Mabuti pa ang Ninang Lottie niya, lagi siyang naiisip. Ang mga magulang kaya niya? May isa kaya sa mga ito ang nakaka-miss sa kaniya? Ang kaniyang ama? Napailing siya. Imposible. Iniwan nga nito ang nanay niya nang ipagbuntis siya. Ang kaniyang ina? Nagkibit lang siya ng balikat. Mukhang masaya naman ito at kontento na sa buhay sa piling ng bagong pamilya.
Hindi niya napigilan ang isang hikbi. Hinugot niya ang face towel na nasa bulsa ng uniporme at saka iniladlad bago marahang idinampi sa sulok ng mga mata.
"Ano’ng drama ‘yan, Cruz?" kastigo niya sa sarili. "Ngayon ka pa nagkaganiyan? Ang pangit! Tigilan mo na 'yan at mag-meryenda ka na habang may oras pa!"
Ilang sandali pa siyang nagsisinghot doon. Tinuyo niya nang maigi ang mga mata bago muling isinuksok ang towel sa likuran niya. Sinuklay-suklay niya ng mga daliri ang maiksing buhok at isang beses na tumikhim bago umalis sa kinatatayuan upang mapatda sa presensiya ng lalaking kilalang-kilala niya.
Naumid na nga ang dila at nag-riot ang t***k ng kaniyang puso. Namimilog ang mga mata niyang sinalubong ang nang-uuring tingin ni Clyde na marahang ibinubuga ang usok sa bibig.
Nakahilig ito sa sulok ng mahabang railings, magkakrus ang mga binti at nakaharap sa daraan niya. At sa pagitan ng mahahabang mga daliri nito ay isang mamahaling sigarilyo.
Sigurado siyang windang na windang ang reaksiyon niya ngayon sa ilalim ng mga nakamamatay na tingin ni Clyde. Kung wala siyang gagawin ay pihadong tutunawin siya ng mga matang kaytagal na niyang inaasam na dumako sa kaniya.
Hindi pala ganoon kadali ang malapatan ng tingin ng isang Clyde Rodriguez. Nakakawala sa sarili. Para siyang hinihigop ng titig nito.
Tumaas ang mga kilay ni Clyde sabay nang marahang paglakbay ng tingin sa kaniyang kabuuan. Tumigil iyon sa kaniyang mukha at nakita niya ang pagsingkit ng kulay kape nitong mga mata. Nagkaguhit din ang pagitan ng mga kilay nito at kaya naman di na niya napigilang mapalunok nang sunud-sunod.