HINDI malaman ni Cruzette kung ngingiti ba siya o ano. Sa iilang talampakang layo niya sa lalaki ay ramdam ng bawat balahibo ng kaniyang katawan na sinusuri siya ni Clyde. Nakita niya nang patayin nito ang ningas ng sigarilyo at itapon sa paanan.
"G-good a-aft...af-ternoon p-po..." kandautal na bati niya at bahagya nang naiyuko ang ulo sa hindi mapigtas na paninitig ng lalaki sa harapan.
Iniisip pa niya kung paano pasimpleng aalis. Sa bihis at ayos niya ay hindi siya dapat umastang teenage girl na nate-tense dahil nakita ang kaniyang crush. Hindi siya dapat babae sa harapan ni Clyde!
"Sir Clyde! Pasensiya na, natagalan ako!"
Naibsan ang tensyon niya nang makita ang matandang Maintenance Supervisor na lumabas mula sa pintong dinaanan din niya kanina nang magtungo roon. May bitbit itong mga folder at may maliit na pagtataka sa mukha nang makitang naroon siya.
"Boy, break time a! Ba't hindi ka bumaba?" tanong nito na hindi naman pinagkaabalahan alamin ang kaniyang sagot dahil dumiretso na ito kay Clyde at inabot doon ang mga files.
"Hayan po ang mga dokumento, Sir..." anang matandang bisor.
Nilingon niya ang dalawa at halos malaglag ang panga niya nang makitang nakamasid pa rin sa kaniya si Clyde. Wala na ang kunot sa noo nito bagaman nanunuot pa rin ang uri ng tingin. Daig pa niya ngayon ang pakiramdam ng iniihaw.
Ano ba, Cruzette! Umalis ka na!
"May isang buwan na, Sir, mula nang i-request 'yan ng departamento, pero hanggang ngayon, wala pa ring balita. Lumaki raw po kasi ang maintenance and utility cost nitong mga nagdaang buwan kaya hindi agad maaprubahan."
Sinabayan na niya ng sibat ang muling pagsasalita ni Mr. Reyes. Sa nanginginig na mga binti ay mabilis niyang tinawid ang malaking pinto.
Wala siyang pakialam kung nakita ng Big Boss ang pagtalilis niya. Wala naman siyang business dito. Wala din siyang dapat ikatakot dahil hindi naman oras ng trabaho. Sige siya sa paglakad habang nililingon ang pinagmulan.
"Lord! Heto ba ang misyon ko? E, titig lang ni Clyde, para na'kong mamamatay!"
Muli siyang lumingon. Naroon pa rin ang dalawa. At dahil maliit na tao si Mr. Reyes ay nasisilip niya ang nakahalukipkip na si Clyde. Humuhulma nang husto ang mga muscles nito sa balikat at dibdib sa suot na round-necked shirt. Nakakagigil!
"My goodness, Clyde! Tomboy dapat ang ganap ko sa harapan mo, pero baklang-bakla naman ang pakiramdam ko!"
Huminto muna siya at sumandal. Tama ba na tinanggap niya ang trabahong iyon kay Miss Bridgette? Malamang sa malamang na ibuko niya ang sarili sa epekto sa kaniya ni Clyde at malalaman ng binata na pakana iyon lahat ng Lolo nito. Napapikit siya. Lagot talaga!
"I'll talk to Mr. Belleza about this as soon as he returns. For the mean time, i-consider na lang muna ng department ang suggestion ko. May iba pa bang maintenance issue na hindi nailagay dito sa report?"
Napamulagat siya sa narinig at sa minsanang paglingon ay nakita niyang nilalakad ng binata ang pasilyo kasunod ang matandang supervisor. Bumalik ang taranta niya.
Mabilis siyang kumilos sa kinatatayuan at binuksan ang unang pintong nakita at agad pumasok. Agad sumuot sa ilong niya ang halu-halong amoy ng mga materyales na naka-imbak sa maluwang na silid. Mga amoy ng plastic, karton at kung anu-ano pa. Pumapasok ang liwanag sa bintanang salamin kaya naman maliwanag din ang loob ng silid.
Naulunigan niya ang mga salitaan sa labas. Lumayo siya sa pinto at napasandal sa maputing dingding.
Grabe! First time niyang narinig ang boses ni Clyde. Kahit boses nito ay panalo! Buong-buo. Lalaking-lalaki. Ang sarap-sarap pakinggan!
Napabuntung-hininga siya sabay gala ng tingin para humanap ng mauupuan. May ilang minuto pa naman siya bago ang oras ng trabaho. Doon na muna siya tutal ay nawalan na siya ng ganang bumaba at magkape. Pero muntik siyang mapasigaw nang biglang bumukas ang pinto noon.
"O, boy? Ano'ng ginagawa mo dito?" takang-tanong ni Mr. Reyes pero hindi dito natuon ang gulat na ekspresyon niya.
Nakataas ang makakapal na kilay ni Clyde at kagaya ng supervisor ay pinanonood din ang kaniyang reaksiyon. Nahahati siya sa pamumula at pamumutla. Pamumula sa titig ng binata at pamumutla dahil talo pa niya ang dagang na-corner ng pusa.
"M-magpapahinga lang p-po sana..." kabado at mabilis niyang sabi nang makaisip ng sagot.
"Stock room ito. May lounging area ang mga utility workers sa labas ng first floor. Doon ka na lang."
Taranta siyang tumango at hindi napigilang tumingin sa big boss na kumukulot ang sulok ng mga labi. Pero maabilis din niyang ibinalik ang mga mata sa supervisor. "O-okay po..."
"Wait!" anang tinig na pumigil sa kaniyang pagtalikod. Namimilog ang mga mata niyang tumingin dito. "What's your name?"
Napalunok siya. At halos atakihin siya sa puso sa tindi ng kabog ng dibdib niya.
"A-a...e-e... C-Cruz po-"
"Bagong pasok, Sir. Bigay ng BOS Manpower."
Tumangu-tango si Clyde sa sinabi ng matandang bisor. Napapangiti naman siya ng alanganin habang iniilag ang mga mata sa binatang boss.
Maya-maya'y iniunat ni Clyde sa kaniya ang kamay na may tangan na mga folders. Napatingin siya doon.
"Dalhin mo sa office ko."
Napigil niya ang paghinga. Unang beses na kinausap siya ni Clyde ay inuuutusan siya nito. Pwede ba siyang tumanggi? Break time pa, di ba? Pero pwede ba siyang tumanggi?
Isang alnaganing ngiti ang gumuhit sa mukha niya at mistulang robot na tumango. "Y-yes, B-Boss!" kabadong tugon niya saka maingat na kinuha ang mga files at tiniyak na hindi manginig nang husto ang mga kamay. Akma siyang lalampas nang muli itong magsalita.
"Alam mo kung saan ang office ko?"
Napanganga siya sa tanong. Oo, alam niya. Nasabi na iyon ni Miss Bridgette. Pero alangang sabihin niyang oo. E, bago pa lang siya. Magtataka ito.
Natatawang umiling siya. "S-saan nga po ang office nyo?"
"Fifth floor. Dumirecho ka na agad doon," magaspang at nakaismid na sagot ng binata kaya nakita niyang muli ang supladong si Clyde.
At least 'yung kasupladuhan nito ay kabisado na niya. Pero 'yung tahimik at nakamasid? Mas nakakakaba iyon kesa anumang singing audition na dinaanan niya.
"O-okay, Boss!" aniya at tinalikuran na ang dalawa.
Hindi pa niya naranasang magtrabaho sa kumpaniyang kasinlaki ng kumpaniya ni Clyde. Naging Administrative Assistant siya sa isang accounting firm sa San Carlos at ang sumunod ay Inbound Customer Service Representative. Hindi nga siya tumagal sa mga naging trabaho niyang iyon nang mahigit limang buwan. Siguro ay dahil iba talaga ang gusto niyang tahakin na karera. 'Yung karera na ang finish line ay ang makilala niya ang ama.
"Fifth floor..." sambit niya pagkabukas ng pinto ng elevator. Bumugad agad sa kaniya ang hilera ng mga cubicle offices at mga empleyado ng departamento.
Tila abala ang lahat at ilan lang sa mga ito ang tumingin lang sa gawi niya at pagkatapos ay tuloy na ulit sa mga ginagawa. Pumasok na siya nang tuluyan at hinanap ang pinto ng opisina ni Clyde. Of course, alam niya kung nasaan ang opisina nito. May misyon nga siya at kasama sa mga impormasyong ibinigay ni Bridgette ay kung saan naroon ang private office ng CEO at Presidente ng kumpaniya. Alam din niya kung saan ang mesa ng assistant nito.
Nahinto siya sa paglalakad nang biglang may tumayo na lalake sa mesang nasa unahan sa dulo. Hindi pa niya kilala ang assistant ni Clyde, pero siguradong ang lalake nga iyon. Akala pa niya ay sasalubungin siya nito at aalamin ang pakay niya roon, pero dire-direcho lang ang lalake hanggang sa elevator. Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad hanggang sa marating ang opisina ng Boss.
“One point.” Iyon agad ang nasambit niya nang makapasok at makatuntong na sa mistula ay sagradong opisina ng hari.
Iginala niya ang tingin sa malamig na silid. Beige at dark brown ang nagbibigay ng kulay sa tila walang buhay na opisina. Maliban lang sa isang mukhang palmera na nasa sulok ng mahabang leatherette sofa at sa isang malaking painting na nasa likod ng executive chair ay wala nang ibang palamuti roon.
Ting!
Napapitlag siya sa maliit na tunog at paglingon niya sa kanan ay siya namang pagbukas ng elevator na nasa loob ng mismong office. Ano?
Laglag ang pangang pinanood niya ang paglabas doon ni Clyde. Dinaanan siya nito ng isang tingin bago dumiretso sa trono nito.
Hawak pa niya ang mga folder na pinadadala nito at gusto niyang murahin ngayon ang sarili dahil hindi niya minadali ang utos ng amo.
Pero sandali pa lang siya doon. Nakapag-usap na ba agad ito at si Mr. Reyes?
"Ilapag mo na ang mga 'yan dito sa mesa ko," maawtorisadong tinig na pumuknat sa pagtunganga niya.
Kabadong tumingin siya rito bago lumapit at maingat na inilagay ang folder sa mesa nito. Napansin agad niya ang makintab at organisadong office table ng CEO.
"Ano nga’ng pangalan mo?"
Natitilihan siyang tumingin sa nasa harapan, pero bago pa siya makasagot ay tumayo na ito at inikot ang mesang nakapagitan sa kanila.
"C-Cr…Cruz…. p-po, Boss…"
Itinaas ni Clyde ang kamay at kinalawit ng daliri ang kaniyang ID.
Mabilis ang paggapang ng kilabot sa kaniyang katawan sa ginawa nito. Napigil niya ang paghinga at bahagyang ikinubli ang mukha dahil ramdam niya ang pag-iinit ng mga pisngi. Ibinaba ni Clyde ang kaniyang ID.
"Cruzette," bigkas nito sa first name niya at nameywang sa harapan niya. "So you're a woman."
Doon siya biglang naalarma. Lumunok siya at itinuwid ang leeg at lakas-loob na tumingin dito.
"B-Boss naman...!" nakangising sambit niya. "Mukha ba 'kong babae?"
Tumahimik si Clyde, subalit hindi nagpakita ng reaksiyon. Hindi niya tuloy matiyak kung naniniwala ba ito sa sagot niya o hindi. Tumikhim siya at pasimpleng nag-iwas ng tingin. Baka nga inaarok nito ang katotohanan sa mga mata niya ay dapat mag-ingat.
"I see," untag ni Clyde na tumataas ang dalawang kilay nang kaniyang tingnan. Ngumisi pa ito bago siya tinalikuran.
Sandaling nag-piyesta ang mga mata niya sa malapad at makisig na likuran ni Clyde nang tunguhin nito ang executive chair at naupo. Pagkuwa’y dinampot nito ang telepono sa may kanan.
"Virgie Bautista," diretsong sabi nito sa kabilang linya at nagtriple ang kaba niya. Ibinalik nito ang aparato at saka tumingin sa kaniya. Isinenyas nito ang isang silya sa harapan.
"B-Boss?"
"Maupo ka muna habang hinihintay natin ang supervisor mo."
Hindi niya napigilan ang isang buntung-hininga bago pa niya masunod ang sinabi ng Big Boss. Tahimik siyang naupo at itinuon ang mga mata sa nanlalamig na mga kamay.
Dalawa lang ang ibig sabihin noon. May issue sa kaniya ang lalaki na kailangang iparating nito sa bisor o kaya naman ay may mga gusto itong alamin at kailangang naroon ang kaniyang bisor.
Di ba may gender equality? O, baka hindi siya dumaan sa tamang proseso? Ang sabi naman sa BOS Manpower ay hindi na niya kailangang magpa-interview sa HR ng Rodriuez Construction dahil hired nga siya ng ahensiya.
Ilang sandali pa ay may kumatok na sa pinto ng opsina. Ang lalakeng assistant ni Clyde ang kasama ni Virgie Bautista nang magpakita ang matabang bisor doon. Nasa mukha nito ang pinagsamang pag-aalala at pagtataka habang lumalapit at tinitingnan siya.
"M-magandang hapon po, S-Sir!" halata ang tensiyon sa boses ng bisor at napakaseryoso ng mukhang sumusulyap sa gawi niya. Pero sa lounging area naman nila ay panay ang halakhak nito.
"M-may problema po ba?"
Tumuwid si Clyde at tumingin sa babaeng nakatayo lang doon.
"Nothing. I just want to personally inform you that starting tomorrow Cruzette Romero will be assigned to my office. At hindi mo siya uutusan sa iba pang department kundi dito lang. Claro?"
PAGDATING ng apartment kinagabihan ay agad siyang nagpadala ng mensahe kay Bridgette. Pagkaraan ng isang oras ay kaharap na niya ito sa screen ng laptop na bigay din nito.
Ini-report ni Cruzette ang lahat dito. Simula sa pagkikita nila ng kaniyang boss at sa pagtatalaga nito sa kaniya sa panibagong task; at lahat ng mga panuntunan na idinikta naman sa kaniya ng supervisor.
"It's a good start, isn't it? Napansin ka agad ni Clyde."
"Pero kung gano'n ang panuntunan sa office niya, paano ko po makikita at malalaman ang mga ginagawa niya at ganun din ang mga taong nakakasalamuha niya?"
"Oh, it's fine. Nagsisimula pa lang naman tayo. Ang maganda dito, isang bahagi ng mundo ni Clyde ang itiniwala niya sa'yo. You just got the first key, Hija. Congratulations!"
Kiming ngiti ang itinugon niya sa sinabi ng babae. Pagkatapos noon ay may iilang bagay pa siyang inusisa bago niya pa binanggit ang tungkol sa pinag-usapan nila ni Roswell.
Pumayag naman si Bridgette na puntahan siya ni Roswell sa tinitirhang apartment. Sinabi nitong walang kaso iyon dahil kapamilya naman daw niya ang binata.
Ilang sandali pa ay nagpaalaman na sila nito. Iniwan niya ang laptop sa ibabaw ng coffee table sa maliit na living room at tumungo ng kusina. Nasa mesa ang paper bag ng binili niyang ChickenJoy sa Jollibee. Iyon na ang kaniyang dinner bagaman may stocks ng mga pagkain sa ref at cabinet. Nang maamoy niya ang manok ay biglang kumalam ang kaniyang tiyan.
Pagkatapos mag-dinner ay tinawagan niya si Roswell. Nabasa pa niya ang reply nito sa text niya pagdating ng bahay.
Good luck sa atin, Buddy. Sana pumayag si Miss Solano.
"Anong balita? Okay lang daw?" bungad ng kababata nang sagutin ang tawag.
"Oo. Pumayag si Miss Bridgette," anunsiyo niya at napa-Yes ang nasa kabilang linya. "Pero sure ka, Buddy? Sasamahan mo'ko dito nang ilang araw? Paano nga pala ang talyer mo?"
"H'wag mong intindihin ang tungkol do'n. Wala namang masyadong problema ngayon sa shop."
Nakausap din niya ang kaniyang Ninang. Hindi katulad noong unang linggo, mas kalmado na ngayon si Lottie sa sitwasyon nila. Nahihimigan niya iyon sa boses ng ina-inahan. Gayunman ay bukambibig pa rin ang pagkamiss nito sa kaniya at hindi natatapos ang bilin na uuwi siya kapag weekend.
Pagkatapos magpaalam dito ay naghanda na siya para matulog. Naglinis na siya ng katawan at nagbihis ng maginhawang damit. Iyon ang pinakanakakapagod na araw niya sa lahat. Hindi dahil nagkaharap na sila n Clyde kundi dahil ang daming iniutos sa kaniya ng bisor na gawin pagkatapos siya nitong 'takutin' sa magiging bagong assignment.
Pakiramdam niya'y sinadya talaga iyon ni Miss Bautista na para bang pinarurusahan siya nito sa kasalanang hindi niya ginawa. Pero sa kabila ng pagod ay hindi agad siya nakagawa ng tulog. Pabalik-balik sa kaniya ang mga eksenang kaharap at kausap si Clyde.
Niyakap niya ang unan habang inaalala ang magagandang mata at ang perpektong tangos ng ilong ng boss niya.
"Bakit ba ang gwapo mo, Clyde? Bakit ibang-iba ka sa lahat? Nakakainis!"
Napapailing na tumitig siya sa kisame. "Ang hirap nitong sitwasyon ko! Abot-kamay ko nga ang lalaking pangarap ko pero ni hindi ko naman mahawakan. Ano bang parusa ito? Oh, Clyde! Patahimikn mo ang isip ko!”
MAAGANG-MAAGA pa nang gumising siya at pumasok kinabukasan. Mas maaga siya ng kalahating oras kesa sa mga oras na ipinasok niya sa nagdaang araw. Gulat na gulat pa ang gwardiya nang pagbuksan siya.
Dumaan siya sa biometrics device para sa attendance. Sa locker room ay nagpalit siya ng uniform at saka tumungo ng lounging area para magkape. Mabilis niyang inubos ang isang tasa at kinuha na sa housekeeping ang mga kailangan sa paglilinis.
Sinimot niya ang lahat ng sulok nang malaking opisina ni Clyde. Tiniyak niyang malinis na malinis iyon at na walang mairereklamo ang big boss. Sabi kasi ng bisor niya ay maaga daw pumasok ang kanilang amo. Hindi nga lang nito sinabi kung gaano kaaga. Ipinagpalagay na lang niyang alas otso kaya nang pumatak ang seven forty-five ay nilisan na niya ang opisina.
"O, boy! Almusal muna!" alok sa kaniya ni Mr. Reyes pagpasok niya ng lounging area. Maaga ding pumasok ang matandang bisor. At ito ang madalas niyang makasabay sa pagkain.
"Opo, kakain na." Naghugas muna siya ng kamay pagkuwa'y kinuha sa bag ang baong pagkain at dinala sa pantry. May dalawa pang utility men ang naroon at mukhang patapos na.
"Kumusta naman ang trabaho?" usisa ni Mr. Reyes nang nagsisimula na silang kumain. "Balita ko'y nalipat ka ng assignment."
"Oo nga po. Sa opisina pa ni Boss Clyde."
Tumangu-tango ito. Hindi kagaya ng ibang kasamahan niya na namimilog ang mga mata at kung makapag-react ay akala mo na-assign siya sa kweba ng mga leon.
"Mukhang natuwa sa'yo ang amo natin kaya ikaw ang ipinalit kay Virgie. Kaya boy, pagbutihin mo ang trabaho mo."
"Naku, Mr. Reyes! Kahit hindi na siya matuwa. H'wag lang akong mapagalitan."
"Hindi basta-basta nagagalit si Sir Clyde. Maliban na lang kung hindi mo ginawa nang maayos ang trabaho mo."
Naroon lang siya sa lounging area buong umaga. Naghihintay na ipatawag ng nasa itaas. Panay nga ang tanong ng ibang kasamahan niya kung bakit nakatambay lang siya doon at walang ginagawa.
"Ano bang klaseng trabaho ito? Mas nakakapagod pa kesa mag-mop nang buong fourth floor!"
Nang tanghalian ay lumabas siya at sumama sa mga kasamahan sa cafeteria. Pagbalik ay nakatunganga na naman siya. Natapos ang maghapon na doon lang siya sa lounging area. Mukhang tanga sa paningin ng mga masisipag na kasamahan niya.
"O, hindi ka umakyat?" usisa sa kaniya ng bisor nang makita siya nito.
"Hindi po. Naghihintay nga ako ng tawag ni Boss."
"A! Talaga? Baka may meeting sa labas. H'wag kang mag-alala, oras na huminto si Sir sa office maghapon, magsasawa ka sa utos niya."
Quarter to six nang umugong ang pangalan niya sa buong gusali. Mabilis pa sa alas kwatro ay nasa elevator na siya dala ang kaniyang mga arganas. Parang may naghahabulang daga sa loob ng dibdib. Napapikit siya pagkatapos pindutin ang numero ng floor ni Clyde.
"Lord! Ikaw na po ang bahala sa akin!" bulong niya. Napapatingin pa sa kaniya ang isang kasama sa elevator.
Kumatok siya sa huling pinto sa ninth floor. At halos mapasigaw siya nang bigla iyong bumukas at tiumambad ang seryosong mukha ng assistant ng big boss.
"A... g-good afternoon..." bati niya.
"Good afternoon," bati din nito at nilampasan na siya saka dire-diretsong lumakad sa pasilyo.
"Come in!" boses mula sa loob na umuntag sa kaniya. Banayad niyang itinulak ang pinto at pumasok.
Nakatayo si Clyde sa harapan ng mesa nito at dinadampot ang dark brown na coat nang makita niya.
At hindi na naman niya mapigilang mapanganga sa kagwapuhan ng nilalang sa harapan. Nag-igtingan pa ang mga kalamnan ng binata sa dibdib at balikat nang isuot ang coat.
"I'm leaving. Ikaw na ang bahala dito." Kinuha nito ang sling bag at saka humarap sa kaniya.
"Yes, Cruz?"
Napamaang siya. Saka lang niya naisip na nakatulala pa rin pala siya dito. Kaya pala nakataas ang mga aroganteng kilay ni Clyde habang nakatunghay sa kaniya.
"Is there a problem?" anito at nataranta na nga siya.
"P-Po? A-a... o-opo, B-Boss! Opo!" nagpapanic na sagot niya na tinugon nito ng isang ngisi. Ngisi na hindi niya alam kung naiinis o naa-amuse.
Konti na lang, Cruzette! Mabibisto ka na!
"So ano'ng problema?" tanong ni Clyde at ibinagsak ang bag sa naroong silya saka nameywang sa harapan niya.
"Boss?" takang-tanong niya sa hindi matinag na reaksiyon ng lalaki. Nang biglang ma-realized niya na mali pala ang sagot niya. Napangiti na lang siya na parang tanga.
"A! E, ibig ko pong sabihin, e-everything's okay, Boss!"
Nagsalubong ang mga kilay nito. "Pagkatapos mong maglinis dito, umuwi ka na agad. Ayoko ng may tumitigil pa dito sa building kung wala na namang gagawin."
Natilihan siya sandali bago masiglang tumango. "No problem, Boss! Umuuwi ako agad pagkakatapos ng trabaho."
Hindi ito sumagot. Nilingon nito ang silya sa kaliwa at dinampot na ang bag.
"Ingat po, Boss!" habol niya at tahimik na nagbuntung-hininga. Good Lord! Ayaw pa niyang mawala sa paningin niya si Clyde!
"At isa pa nga pala..." ani Clyde sabay lingon ulit sa gawi niya. Awtomatikong tumuwid siya ng tayo.
"Tapos o hindi pa tapos sa trabaho, gusto kong nadadatnan kita rito sa office ko sa tuwing umaga. Maliwanag ba?"
Natigilan siya. At namamanghang pinanonood na lang niya ang pagpasok ng Boss sa naghihintay na elevator.