Habilin

1553 Words
Elia’s POV Tumayo ako, hinila ko naman si frenny para may kasama akong humarap sa lalaking ‘yun. Paglapit ko sa kaniya ay titig na titig pa rin siya sa akin. Hindi ito kumikibo. Siguro tahimik siyang tao. O baka kaya siya natahimik ay napagtanto niya na halos magkalapit lang kami ng edad, tapos pumatol siya sa ina kong sobrang layo ng edad sa kaniya. “Hello po.” Ako na ang unang bumati sa kaniya dahil mukhang wala siyang balak magsalita ng una. Naghintay ako ng ilang sandali pero hindi pa rin siya kumikibo. Bakit ba titig na titig siya sa akin? Tinignan ko tuloy si Jaycel. Maging siya ay nagtataka rin kung bakit titig na titig ito sa akin. “Hi po,” ulit ko tuloy sa kaniya at saka na ako kumaway sa harap ng mukha niya. “Oh, hello,” sabi niya habang kakamot-kamot ng ulo. Parang tanga lang. May sayad ata itong lalaking ito eh. “Ikaw si?” tanong niya. Boses binata pa siya. Halatang batang-bata pa. Actually, mas may itsura pala siya sa malapitan. Pero ‘yun nga lang, chubby talaga siya. Pero wala naman akong issue sa mga chubby. Ganoon lang kasi ang nakikita ko sa kaniya. Tapos, ‘yung pormahan niya, parang nagmumukha tuloy siyang matanda. Pantalon na butas-butas, t-shirt na sobrang luwag sa kaniya. May bimpo pa siyang nakasabit sa balikat niya. Siguro dahil sa ganiyang porma niya ay kaya siya nagustuhan ni mama. Gustong-gusto pa naman ni mama ‘yung mga mukhang dugyot tignan. “Elia, anak ni Lili Guzman. Nag-iisa niyang anak na babae,” sagot ko sa kaniya. “Ako naman si Migo. Kumusta ka naman, Elia?” tanong pa niya. Bakit ba pakiramdam ko ay naiilang siya sa akin? Sa totoo lang, nung makita ko siya kanina ay parang pamilyar siya sa akin, pero nang malapitan ko, hindi ko pala siya talaga kilala. Siguro may kamukha lang siya sa school namin kaya napagkalaman ko siyang kakilala ko. Pero sa inaasta niya ngayon, para bang may ginawa akong mali o may ginawa siyang mali sa akin kaya parang hiyang-hiya siya sa akin. “Siyemre, heto, malungkot at masakit sa akin ang nangyari at maaga akong iniwan ng mama ko. Anyway, magkano lahat-lahat nang babayaran ko? Ikaw daw pala ang nag-asikaso sa lahat ng ito,” tukoy ko sa pagbuburol kay mama. Ngumisi siya at umiling. “Huwag ka nang mag-alala sa mga bayarin, ako nang bahala sa lahat ng ‘yan, Elia,” sagot naman niya kaya napatingin ako kay Jaycel. Nginitian naman ako ng frenny ko pero hindi naman ako natuwa. Siguro may perang iniwan sa kaniya ang mama ko. Sigurado rin naman ako na kaya niya pinatulan si mama ay dahil din sa pera. Tama, kaya ang lakas ng loob niyang sabihin na siya na ang bahala sa lahat ng gastusin ay dahil nasa kaniya ang lahat ng pera ni mama. At ngayong narito na ako, siguradong aalis na siya dahil ‘yun lang naman ang gusto niya—ang pera ng mama ko. Grabe ang lalaking ito. Ang dami-dami niyang puwedeng perahan at lokohin—ang mama ko pa talaga na hindi naman mayaman. “Mabuti naman kung ganoon,” sagot ko na lang. “Sandali lang, ha. Mag-uusap lang kami ng kaibigan ko,” paalam ko sa kaniya kaya tumango naman siya. Hinila ko si Jaycel sa likod ng bahay namin. Naupo kaming dalawa sa mahabang bangko sa ilalim ng puno ng makopa namin dito. “Why?” tanong ni Jaycel na nakataas agad ang dalawang kilay. “Ang kapal ‘no? Ang lakas ng loob niyang sabihin na siya na ang bahala sa lahat ng gastusin.” Tumawa si Jaycel. Hindi ata ako na-gets. “Oh, ayos nga ‘yun eh. Wala ka nang poproblemahin. Sagot na lahat ng stepdad mo ang mga gastos dito. Bakit, kaya mo bang bayaran lahat ng gagastusin dito? Hindi naman ‘di ba kaya mainam na ‘yun. Para ngayon pa lang ay mabunutan ka na ng tinik sa lalamunan.” Umirap ako sa kaniya. “Gaga, akala ko naman na-gets mo agad ako. Hindi mo ba naisip na baka may nakatagong pera si mama. Tapos siya ang nakakuha kaya ang lakas ng loob niyang magsabi na siya na ang may sagot sa lahat. Ang kapal talaga ng mukha niya.” Napabuga tuloy ako ng hangin. Nakakainis. Kung napaaga lang sana ang uwi ko ay baka ako na nakakuha ng pera ni mama. Tiyak na may ipon ‘yun eh. Baka nahalungkat ng stepdad ko ang alkansya ni mama kaya tuwang-tuwa siya ngayon. “Si Elia naman parang hindi pa kilala ang ina niya. Isipin mo nga, sino bang taong sugarol ang magkakaroon ng ipon? Parang wala pa ata akong naririnig na nagkakaroon ng ipon ang mga sugarol. Walang ganoon, frenny. Saka, usap-usapan dito sa kalye ng Sulucan na mapera raw ang Migo na ‘yan. Tiba-tiba nga raw palagi ang mama ko sa stepdad mong ‘yan dahil libo-libong piso kung abutan siya nito sa tuwing sasahod ‘yan.” Napakunot tuloy ang noo ko. “Sigurado ka?” “Oo, frenny. Kaya nga nagkaroon ng mga bagong gamit dito sa bahay ninyo eh. Hindi ka ba nagtataka kanina sa loob ng bahay ninyo na marami kayong bagong appliances?” “Napansin ko nga.” Naisip ko tuloy na baka galing din sa lalaking ‘yun ang pera na pinapadala sa akin ni mama. Kaya ba hindi na siya pumapalya sa pagpapadala ng mga pera sa akin? Kaya ba kahit anong hilingin ko kay mama tungkol sa bayarin sa school ko ay naibibigay niya agad ay dahil sa Migo na ‘yun? “Anong trabaho ng Migo na ‘yan?” tanong ko tuloy sa kaniya. “Yan ang magandang tanong. Ano nga kaya? Kasi kahit ang mga madidiwara nating kapitbahay ay hindi rin matukoy kung ano ang trabaho niyan. Madalas din kasi siyang wala rito. Parang sa Manila siya nagtatrabaho. Uuwi na lang ito pagkaraan ng tatlong araw o limang araw.” Naintriga tuloy ako bigla. Hindi kaya may trabahong malibag ang Migo na ‘yun? Pagkatapos naming mag-usap ay bumalik na kami sa loob. Hinanap ng mga mata ko si Migo. Wala siya sa loob kaya sumilip ako sa labas. Naroon siya sa may kubol at may kasamang apat na lalaki. Nakaupo sila sa isang mesa, kumakain at umiinom ng juice. Napatingin sa akin ang mga kasamahan niya. Nginitian nila ako pero iniwas ko na ang tingin ko sa kanila at parang iba rin kasi ang kutob ko sa mga ‘yun. Hindi kaya sindikato itong stepdad ko kaya siya maraming pera? Tapos, mga tauhan niya ‘yung mga kasama niya ngayon? Eh, kinikilabutan ako. “Ah, Elia, anong gusto mong merienda mamayang hapon para sa mga bisita? Gusto mo ba ng lugaw o sopas?” tanong sa akin ng bff ni mama na si Aling Tarsing—na naman nanay ni Jaycel. “Sopas na lang po. Mamayang gabi na lang ang lugaw,” sagot ko kaya tumango siya. Hindi na siya nanghingi ng pera sa akin. Malamang ay binigyan na siya ni Migo. “Anak, Jaycel, samahan mo ako sa palengke at tayong dalawa ang mamili. Hayaan mong bantayan na muna ni Elia ang mama niya.” Pag-alis nila, lumapit na ako sa kabaong ni mama. Napabuntong-hininga ako. Hindi ko na naman mapigil ang luha na tumutulo sa mga mata ko. Napapahimas na lang tuloy ako sa salamin ng kabaong niya habang bumulong sa kaniya. Isiniwalat ko na kay mama ang lahat-lahat nang naging kasalanan ko sa kaniya. Kung ‘di pa siya namatay ay hindi ko pa masasabi ang mga nagawa kong kasalanan sa kaniya. Siguro, kung nabubuhay siya ngayon at inamin ko ang mga kasalanan ko, baka mag-asawang sampal ang natanggap ko sa kaniya. Habang nag-e-emote ako ay may tumapik sa balikat ko. Dahan-dahan ko itong nilingon at nagulat ako dahil ang stepdad ko ito. “Bago siya nawala, may sinabi sa akin ang mama mo,” sabi niya kaya napapunas tuloy ako ng luha sa mga mata ko at saka ko siya hinirap. “Ano? Anong sinabi niya, Migo? Tungkol ba sa akin?” tanong ko tuloy sa kaniya. “Oo, tungkol nga sa iyo,” sagot niya. “Sinabi niya na kung mawawala raw siya ng maaga, huwag daw kitang pababayaan. Kung maaari ay kahit wala na siya ay samahan daw kita rito sa bahay ninyo.” Namilog ang mga mata ko sa sinabi niya. Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi niya. Ibig sabihin ay hindi na siya aalis sa bahay na ito para samahan ako? OMG! Kinilabutan ako bigla. Ano ‘yun, pagtapos niyang asawahin ang ina ko, ako naman ang isusunod niya? Yuck! Hindi ang gaya niya ang tipo ko ‘no. Ang gusto ko, hunk, malinis tignan at maganda poporma. At ang mga katangian na ‘yun ay wala sa kaniya kaya tumigil siya. Ni wala manlang ata siyang mga abs sa tiyan niya. “Ayos lang ba sa iyo ‘yun, Elia?” tanong pa niya ulit. Hindi ako makasagot. Ayoko talaga sa kaniya, pero sa mga narinig ko kanina kay Jaycel tungkol sa pagiging mapera ng lalaking ito ay mukhang mapapakinabangan ko naman siya habang wala pa akong ibubuga sa buhay. Ugh, bahala na nga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD