Elia’s POV
“Diyan na lang po sa tabi,” sabi ko sa jeep na sinakyan ko pagdating dito sa palengke ng Angat Town. Sa wakas, nakauwi na rin ako sa probinsya ko. Walang pinagbago, ganoon pa rin. Maingay dahil sa mga sasakyang dumadaan at marami pa ring nagkalat na nagtitinda sa gilid-gilid. Akala mo ay palaging fiesta. Ah, oo nga pala. Linggo kasi kaya maraming nagtitinda. Sidera ang tawag sa mga ito. Sari-sari ang mga tinda, may mga damit, gamit sa bahay at kung anu-ano pa.
Dati, kapag bumababa ako ng jeep dito masaya ako dahil alam kong narito na ako sa bayan na pinaglakihan ko. Pero ngayon, nababalot ng dilim ang buong awra ko. Ang lungkot, ang bigat sa pakiramdam, lalo’t alam mong wala ng buhay ang ina mong madadatnan sa bahay.
Nagsimula na akong maglakad. Lakad na matamlay. Dati, kapag bababa na ako sa jeep, mabilis ang lakad ko at halos tatakbo na agad sa paradahan naman ng tricycle para agad makasakay. Ganoon ako ka-excited kapag uuwi dito. Ngayon naman, gusto kong bagalan ang paglalakad ko. Bakit, dahil tiyak na pagkauwi ko sa bahay ay lalo akong manlalata.
Biglang kumulog at kumidlat. Mukhang nagbabadya pang umulan kaya nagmadali na rin akong sumakay ng tricycle. Dumidilim na rin kasi ang kalangitan.
“Saan tayo, miss?” tanong sa akin ng tricycle driver.
“Sa Kalye po ng Sulucan dito sa Poblacion,” sagot ko sa kaniya. Pagkasabi ko niyon ay umandar na agad ang tricycle.
Sino kaya ang nag-asikaso kay Mama? Nadala na kaya ito sa puneralya? Nakaburol na kaya sa bahay? Hay, wala akong alam. Hindi kasi kami nagkikibuan ngayon ng frenny kong si Jaycel na siyang kaisa-isang kong ka-close sa amin.
“Balita ko may patay ata sa street na ‘yun? Sabi ng kasamahan ko sa paradahan ng tricycle ay may ginang na inatake roon sa puso. Alam mo ba, miss, kung sino ang patay doon?” tanong pa ng tricycle driver sa akin kaya napabuntong-hininga ako. Dito sa probinsya, mapa-lalaki o babae, madidiwara. Gusto nila, palagi silang updated sa mga bali-balita. Ganoon pa man ay sumagot pa rin ako.
“Ang ina ko po,” matamlay kong sagot sa kaniya.
Napatingin tuloy agad sa akin ang tricycle driver. “Naku, pasensya ka na. Ganoon pa man ay nakikiramay ako sa pagkawala ng nanay mo,” sabi niya.
Hindi ako nagpasalamat. Sabi nila ay bawal raw kasi. Tumango na lang ako biglang tugon sa kaniya.
At nang makapasok na kami sa street namin, lalong bumigat ang pakiramdam ko dahil alam kong heto na, narito na ako sa amin at makikita ko na ang ina ko na wala ng buhay ngayon.
Malayo pa lang ay tanaw ko na ang malaking tent o kubol sa harap ng bahay namin. Ibig sabihin ay may nag-asikaso na sa kaniya. “Doon po ako sa may tent.”
“Okay, sige,” sagot naman niya.
Nang huminto na ang tricycle driver ay inabot ko na ang bayad sa kaniya. Pagkakita ko palang sa tarpaulin ni mama ay tumulo na agad ang mga luha ko. Sa labas pa lang, humagulgol na ako.
“Ayan na pala si Elia.”
“Naku po, kawawa naman. Magiging mag-isa na lang siya sa buhay.”
“Paano na siya ngayon. Mukhang nag-aaral pa naman si Elia.”
“Sana tulungan siya ng kinakasama ni Lili.”
Kaniya-kaniyang komento ang mga kapitbahay namin habang humahagulgol ako papasok sa loob ng bahay namin. Pagdating sa loob ay doon ko na nakita ang kabaong nito at ang maraming bulaklak. Panay ang tulo ng luha ko nang makalapit na ako sa ataol nito. Pagkakita ko may Mama, lalong gumuho ang mundo ko. Hinimas ko ang salimin habang tinititigan ito. Ang ganda niya, parang natutulog lang siya.
“Mama!!!”
Hindi ko na napilang ang pag-iiyak ko. Doon na ako nagwala, nagsisigaw at naglulupasay. Lumapit naman sa akin ang ilan sa mga kapitbahay namin para lapitan ako. Sinalo nila ako nang akmang pabuwal na ako sa sahig. Mayroon ding humahagod sa likod ko. May nagpapaypay din sa akin at mayroon ding nag-aabot ng tubig. Nanginginig ang buong laman ko sa lungkot na nararamdaman ko ngayon.
Sa isang oras na pag-iiyak ko, kumalma na lang ako bigla dahil wala na rin akong boses at halos wala na ring luhang tumutulo sa mga mata ko. Nakatulala na lang ako at doon ko lang napagtanto na katabi ko na pala sa upuan si Jaycel—ang frenny ko. Niyakap ko siya para gumaan manlang ang kalooban ko.
“Hindi dapat kita kikibuin pero nang mabalitaan kong nagwawala ka raw at halos maglulupasay ay tumakbo agad ako rito para sa iyo,” sabi niya. Galit siya sa akin talaga. Kasi nang mag-aral ako sa Manila, madalas niya akong pagalitan tungkol sa boyfriend kong si Jared. Sinabi niya kasi na pineperahan lang ako ni Jared. Alam ko naman na tama siya, pero ganoon ako magmahal. Nagpapakatanga para lang huwag mawala sa akin ang mahal ko. Kaya ayon, mas pinili ko ang boyfriend kaysa sa bestfriend. Kaya alam kong malaki ang galit niya sa akin.
“Saka na ako magpapaliwanag, Jaycel. Dito ka muna sa tabi ko hanggang sa ilibing si Mama. Wala akong kasama. Wala akong katuang dito. Hindi ko alam ang gagawin ko. Mababaliw na ako ngayon palang. Sobrang gulo ng utak ko,” sabi ko sa kaniya. Hindi ko na naman tuloy napigilang maluha.
“Pero bago ako um-oo, makikinig ka na ba ulit sa akin simula ngayon?” tanong pa niya.
“Oo, frenny, makikinig na ako ngayon sa iyo. Kailangang-kailangan kita. Ikaw ang utak ko, ikaw ang gumagabay sa akin kaya alam kong kapag nariyan ka, hindi ako maliligaw ng landas,” sagot ko naman sa kaniya.
“Kung ganoon ay sige, sasamahan kita at magtutulungan tayo. Frenny, I’m back. Dito lang ako sa tabi mo. Akong bahala sa iyo. Gagabayan na ulit kita simula ngayon,” sagot niya sa akin kaya lalo kong hinigpitan ang pagkakayakap ko sa kaniya.
Alam kong si Frenny ang nag-asikaso kay mama habang wala ako. Siya lang ang gagawa nito kaya talagang malaki ang utang na loob ko sa kaniya.
Pagbaklas ko sa pagkakayakap sa kaniya ay kinausap ko na siya tungkol sa mga gastos. “Magkano nga pala ang mga magagastos sa lahat-lahat? Sa kabaong, sa pagapapalibing at kung anu-ano pa?” tanong ko sa kaniya.
Kumunot ang noo niya. “Bakit sa akin mo itatanong ‘yan?”
“Teka, hindi ba ikaw ang umasikaso sa mga ito?” turo ko sa nakaburol na si mama.
“Hindi. Teka nga lang, wala ka rin bang alam na may kinakasama ang ina mo?” tanong din niya sa akin kaya napakunot ang noo ko. Umiling ako. “Tignan mo, sa sobrang busy mo sa pagpapakatanga sa boyfriend mo, wala ka tuloy alam sa pamilya mo. Jusmiyo, Frenny, halos isang buwan na ata silang nagsasama rito sa bahay ninyo. At huwag ka, mapera ata si boy. Hindi lang ‘yun, tila magkalapit lang ang edad ninyong dalawa. Pogi naman siya para sa akin, pero sa katawan kasi, medyo parang matakaw, ganoon.”
Hindi ako makapag-react dahil sa sinabi niya tungkol sa kinakasama ni mama. Doon ako mas nag-react sa patungkol niya kay Jared na hanggang ngayon ay sinisisi niya. Patay na kasi ‘yung tao kaya dapat matahimik na ito. Pinagsisisihan ko na rin naman ang mga maling nagawa ko.
“Frenny, alam mo, tama na ang pang-iinsulto kay Jared, patay na ‘yung tao. Kamamatay lang din, isang linggo na ang nakakalipas,” sabi ko sa kaniya kaya nagulat pa siya.
“My God! Seryoso ba ‘yan?”
“Mukha ba akong nagloloko?”
“Pero, teka, anong kinamatay ng lalaking ‘yun?”
“Natamaan siya ng ligaw na bala ng baril sa sabungan ng mga manok.”
Napailing na lang tuloy siya.
“Ay, teka, ayan na pala si Migo,” sabi ni Frenny at saka tinuro ang isang lalaki na papasok na sa bahay namin. “Siya ang kinakasama ng mama mo, Elia,” dagdag pa niya.
Napakunot ang noo ko pagkakita ko sa lalaking ‘yun. Tama si Jaycel, bata pa lang siya at hindi nalalayo ang edad sa akin. Chubby din ang katawan nito at kung titignan ang mukha, guwapo naman.
Nang makapasok na siya sa loob ay tinuro ako ng isang kapitbahay namin. Siya ang nagsabi na ako ang anak nang kinakasama niya. Pagtingin niya sa akin ay namilog ang mga mata niya na para bang nagulat pa. Napatitig din ako sa kaniya. Pero teka, parang…parang pamilyar siya sa akin.
Sino ito? Sino nga ba siya? Parang nagkita na kami na hindi ko maintindihan.