TINUPAD ko ang pangako ko kay Wesley na magba-basketball kami kinabukasan. Pagkatapos mag-almusal ay dinala ko siya sa court sa clubhouse kung saan may naabutan kaming tatlong teenagers na lalake na naglalaro. Half-court lang ang gamit nila kaya sa kabilang banda na kami pumwesto ni Wesley. Tinuruan ko muna siya ng ilang basic techniques sa paglalaro ng basketball bago kami nagsimula. Malaking bulas si Wesley. Matangkad din sa edad niya. Para sa’kin, tamang-tama ang built niya para sa kinahihiligang sports.
“Importante na bukang-buka ang mga daliri mo sa paghawak ng bola. Mahusay ka na sa dribbling, pero kailangan mong pag-aralan kung paano ang tamang pagkontrol.”
Pagkatapos ng ilang minuto ay one-on-one na kami. Sa simula ay hinahayaan ko lang si Wesley, pero unti-unti ay lumalabas ang galing niya kaya sineryoso ko rin ang paglalaro.
“Yes!” sigaw niya nang magkasunod na beses na maka-shoot. May potential ang bata. Bukod sa madaling turuan, bentahe rin na mataas siyang tumalon.
Isang oras pagkatapos ay namahinga muna kaming dalawa. Naupo kami sa bleacher. Inabot sa akin ni Wesley ang isang bote ng tubig. Maliit na bagay lang, pero natuwa ako sa ginawa niya. Naramdaman ko bigla ang pagiging kuya, pero kasunod din noon ang panghihinayang. Kung naiba lang sana ang sitwasyon, masaya sigurong maging nakakatandang kapatid ni Wesley.
Umupo ako sa tabi niya at uminom.
“Kuya Idol, may girlfriend ka na ba?”
Kumunot ang noo ko sa tanong ni Wesley. Nilingon ko ito at nang mapangalahati ang laman ng bote ay sumagot. “Wala. Bakit?”
Pinunasan nito ang mukha at leeg. “Si Ate Andy, wala pa ring boyfriend? Ayaw mo siyang ligawan?”
Hindi ko napigilang masamid ng iniinom na tubig at kalaunan ay mapaubo.
“Maganda naman ang Ate ko, ‘di ba? Bakit hindi mo ligawan?”
Napatawa ako. “Bakit ba gusto mong ligawan ko ang ate mo?”
“Narinig ko kase si Leah sinabi niya bumabait daw ang babae kapag may lalakeng nagkakagusto.”
Lalo akong napatawa sa sagot ng bata. “H’wag kang maniwala. Hindi totoo ‘yon. Saka hindi ako papasa sa ate mo.” Kinuha ko ang towel at nagpunas ng pawis.
“Gusto mong tulungan kita?” alok ni Wesley na ikinagulat ko. “Alam ko kung ano mga favorite ni ate.”
Tumawa ulit ako sabay gulo sa buhok niya na basa na rin ng pawis. “Loko kang bata ka! H’wag nga nating guluhin ang ate mo. Mamaya isumbong pa tayo sa Daddy n’yo, e ‘di magalit sa akin.”
“Parang hindi naman. Tuwang-tuwa nga sa’yo si Daddy! Lagi ka niyang ipinagmamalaki.”
Bahagyang nabura ang ngiti ko sa sinabi ni Wesley. Sa ngayon. Pero oras na malaman ni Williard ang dahilan ng pagparito ko, sigurado akong lalabas din ang itinatagong sungay nito.
Nakaisang oras pa kami sa court bago ako nagyayang umuwi. Sinalubong si Wesley ng yaya nito pagdating namin sa bahay. Nahuli ko pa ang matalim na tingin sa'kin ni Leah bago ito tumalikod kasunod ng alaga. Noong isang araw ay kinompronta ako nito at tinanong-tanong kung bakit lagi kaming magkasama ni Margaux. Hindi ko alam kung mabubwisit ako o ano, pero sa huli ay tinawanan ko na lang. Sinabihan ko siya na kalimutan na ang nangyari sa amin dahil hanggang doon lang 'yon, pero iniyakan pa niya ako at minura-mura na akala mo pinilit ko siya. Okay lang kung galit siya dahil wala naman akong pakialam. Hindi ko kasalanan na umasa siyang may ibig sabihin ang nangyari sa'min sa kusina. Hindi naman ako ang nauna sa kaniya kaya hindi ko rin alam kung anong inirereklamo niya. Magpasalamat na lang dapat siya na pinatulan ko siya.
Naligo rin ako at nagbihis. Binasa ko ang text message sa akin ni Genesis at pagkatapos mag-reply ay bumaba na rin ako agad. Kaninang bago kami umalis ni Wesley ay narinig kong may lalakarin ang mag-asawa kaya hindi nakasama sa amin sa paglalaro si Williard. Iniisip ko ngayon kung isinama ba ng dalawa si Andy dahil hindi ko pa ito nakikita. Parang wala namang tao sa kwarto nito nang dumaan ako.
Nasagot lang ang tanong ko nang pumunta ako sa kusina. Day-off ni Norma at umalis naman si Tita Marcella. Mukhang si Andy ang nakatokang magluto ng pang-lunch. Sa sobrang abala nito ay hindi na namalayan ang pagpasok ko. Nakita ko ang cellphone niya sa ibabaw ng kitchen table. I sat myself on a chair and watched her silently.
“Oh, my!” She was shocked to see that she’s not alone. Napahawak siya sa dibdib sabay bato sa’kin ng masamang tingin. “Bakit ba bigla kang sumusulpot? Natakot tuloy ako!”
I didn’t bother to react. Maya-maya naman ay umupo si Andy sa katapat kong silya. Mukhang napilitan nga lang siya dahil hindi pwedeng iwanan ang ginagawa.
“Do you need help?” I asked as I leaned my arms on the kitchen table.
Umiling si Andy. Okay na rin ‘yon kesa hindi siya sumagot. Ipinagpatuloy nito ang paglalagay ng mga kung ano-anong sangkap sa isang malaking bowl. May pinapanood siyang video habang ginagawa ‘yon. I’m amazed to see that she’s putting a lot of effort. May pakinabang din naman pala sa bahay.
“I notice that you love cooking. Bakit interior designing ang kinukuha mo?”
Huminto siya sa ginagawa at tiningnan ako. “Ako ba ang kinakausap mo?”
I smirked. “Hindi naman siguro ako makikipag-usap sa hangin?”
Natigilan siya saglit at nagpatuloy. “I love decorating. That’s my only reason.”
Tumango ako. “I know some interior designers who after they graduated, isa o dalawang taon muna ang hinintay bago nagkaroon ng first project.”
“That’s true. Alam ko rin naman ang downside ng course ko, but so what? Pwede naman akong magtrabaho ng iba kung wala pa akong makuhang project.”
Tumango ulit ako, tahimik na nasosorpresa dahil pwede naman pala kaming mag-usap ni Andy nang maayos. And I realized that it’s possible. Walang kinalaman si Andy sa problema ko sa ama niya. It’s just that I had an ‘encounter’ with her before finding out that she’s Williard’s daughter. Iyon ang nakikita kong rason kaya malamig o kung hindi ay iritable naman siya sa’kin.
“Uhm… nagugutom ka na ba kaya ka nandito?” kaswal na tanong niya na pumukaw sa pag-iisip ko.
“Hindi naman. Anong oras daw babalik sina Tita Marcella?” pag-iiba ko ng usapan.
“They’ll be here just in time for lunch. May dinalaw lang silang kamag-anak ni Mommy.”
“Ang relatives ni… Tito Williard? Taga-rito rin ba sila?”
Nagkibit siya ng balikat. “Honestly, I don’t know any of them. Ang alam ko lang ay nasa ibang probinsiya ang mga pinsan ni Daddy at may isa siyang kapatid na nasa ibang bansa. Pero hindi ko pa sila nakakausap o nakikita man lang.”
“What about his parents? Your grandmom?”
Tumigil si Andy sa pag-slice ng carrot at tumingin sa'kin. “Hindi ko na rin sila nakita. Relatives lang talaga ni Mommy ang kilala ko. Bakit mo ba tinatanong?”
Umiling ako. “Wala. Naitanong ko lang.”
Tama ang sinabi ni Andy. Dumating sina Williard at Tita Marcella saktong lunch. Nagsiupo kami sa kani-kaniyang pwesto habang hindi na nagpaawat si Wesley sa pagkukwento sa mga magulang niya tungkol sa game namin sa court.
“Ang dami kong natutunan kay Kuya Idol! Daddy, pwede bang dito na tumira si Kuya? Tutal mag-isa na lang naman siya.”
Natahimik kami lahat sa sinabi ni Wesley. Si Williard ang bumasag noon nang tawanan nito ang anak. “Not a problem! Kung iyon ang gusto ng Kuya Ivan mo.”
Tumingin sa'kin si Wesley. “Kuya, gusto mo bang maging part na ng family namin?”
Hindi ako agad nakasagot. Nakuyom ko ang mga palad ko na nasa gilid ng pinggan.
Napilitan akong ngumiti. “It’s a great idea, Wes, pero may iniwan akong Tito at pinsan sa Manila. They’re my family. Isa pa, kailangan kong bumalik para humawak ng posisyon sa company ng Tito ko. Nangako ako sa kaniya na magpapahinga lang ako ng isang taon, pero pagkatapos magtatrabaho na ulit ako.”
“Sayang naman…” malungkot na sabi ni Wesley.
“Don’t worry, son. Hindi pa naman agad aalis ang Kuya Ivan mo. You can still enjoy his company while he’s here with us.” Ngumiti si Williard at tiningnan ako.
Nagsimula na kaming kumain. Pinuri si Andy ng mga magulang nito dahil sa mga nakahain sa mesa.
“Ang alat naman nito!” sambit ni Wesley.
Nakita kong natigilan si Andy. Bahagyang namula ang makinis na leeg. “Maalat ba?”
“Oo, ang alat! Masarap pa rin ang luto ni Mommy at ni Ate Norma!”
Hindi nakasagot si Andy. Sa tingin ko ay napahiya talaga ito sa sinabi ng kapatid.
“For me, okay lang.”
Napatingin sila sa'kin. Tumango ako at isinubo ang nasa tinidor. Sa totoo lang ay tama si Wesley, pero dahil nakita ko ang effort ni Andy kanina, unfair kung madi-discouraged siya.
“It’s really good. Nasanay lang siguro si Wesley sa luto ng kasambahay at ni Tita kaya gan’yan.”
“I agree. Masarap kaya ang luto ng panganay ko! Good job, princess!”
Nabura ang ngiti ko sa sinabi ni Williard. Panganay? Ha! 'Yan ang pagkakamali mo, Williard Gallano. Hindi si Andy kundi ako ang panganay mo.
Binalikan ko ang pinag-uusapan namin sa texts ni Genesis. May ipinapagawa ako rito at inaalam kung tama ba ang pagkakaintindi niya sa mga bilin ko. Nag-video call na ako sa kaniya.
“’Yan nga. I’ll just text you the address where you can send them. Keep me updated.”
Nagpahinga lang ako at bumaba na rin ulit. Wala akong naiisip na gawin maliban sa panoorin ang mga tao sa bahay.
“Halika, tuloy ka!”
Naabutan ko si Andy na pinapapasok ang lalakeng kasama niya kagabi. Napahinto ako sa paglalakad at pinanoood ang pagdaan nila.
“Good afternoon po!” bati ng lalake nang makita ako. Nilingon ko si Andy. Halatang umiiwas siya ng tingin sa’kin.
“O, may bisita ka pala ulit?”
Binati rin nito si Tita Marcella na kalalabas lang galing kusina.
“Ah, yes, Mommy. May pag-uusapan lang po kami ni Bench about sa school. Okay lang ba na roon kami sa pool side?”
“Sure. Pahahatiran ko kayo kay Leah ng meryenda.”
“Thank you po, Tita.”
Pumanhik ulit ako sa kwarto at nahiga sa kama. Pagkalipas ng ilang minuto ay bumagon ulit ako. Humanap ako ng ibang mapaglilibangan. Nagbasa ako ng ilang articles sa internet site na paborito ko. Pero hindi nagtagal ay nagsawa rin ako kaya itinabi ko ang cellphone at lumabas ulit ng kwarto.
Sa kusina ako dumirecho. Napasukan ko sina Williard at Tita Marcella na masayang nag-uusap. Nang makita ako ay niyaya ako ng dalawa na maupo at makikain ng meryenda.
“Akala ko ay natutulog ka kaya hindi muna kita pinatawag kay Leah,” sabi ni Tita Marcella.
"Nakatulog ako, pero sandali lang," pagsisinungaling ko.
Nagsimulang magtanong ang mag-asawa tungkol sa buhay ko sa Manila. They also asked where I finished my course in Economics. Sa tuwing mababanggit ko naman ang mga magulang ko ay napapansin ko ang pananahimik ni Williard.
“Magaling na negosyante kasi ‘yang si Abraham kahit noon pa. Maswerte ka, Hijo, dahil pagka-graduate mo ay may kompaniyang naghihintay sa’yo. Matindi pa naman ang kompetisyon sa Manila kaya hindi madaling makahanap ng magandang trabaho.”
“Tama. At maswerte rin itong Ninong mo dahil nakapasok siya sa magandang kompaniya at nasa mataas na posisyon siya.”
Ngiti lang ang sagot ko sa sinabi ni Tita Marcella. Maya-maya naman ay nagpaalam na ako sa dalawa. Nagdahilan ako na hinihintay ng pinsan ko ang tawag ko, pero ang totoo ay gusto kong makita kung ano ang ginagawa ni Andy at ng bisita niya. Sa back door ako dumaan dahil papunta na ‘yon mismo sa swimming pool.
At natigilan ako. Ramdam ko ang mabilis na pag-akyat ng dugo sa ulo ko nang matanaw si Andy at ang kasama niya. They are kissing! Hindi na ako nag-isip pa. Tinakbo ko ang kinaroroonan nila. Walang sabi-sabing hinila ko ang lalake at inundayan ng isang malakas na suntok sa mukha.