Kabanata 1
"Angelika! Hoy!" Napakurap ako. "Kaye?" utas ko pa.
"Nako! Buti naman at bumalik ka na sa reyalidad. At mabuti na lang at tinatawag mo na akong Kaye! Ayaw ko kaya sa pangalan na Kaizemira. Si ina lang naman ang mapilit e," talak nito. Napaismid lang ako.
"Nakita mo iyon?" Napakunot naman ito ng kanyang noo.
"Ang alin?"
"Iyong nagsagip sa iyo? Hayan oh, si Mang Greg." Itinuro niya pa ang matandang lalaki na nasa aking likuran. Nakaitim ito lahat pero hindi siya si Zsakae.
"Hindi siya 'yong nagsagip sa akin kanina," giit ko. Bigla naman niya akong kinutusan.
"Natanggalan ka yata ng turnilyo Angelika. Si Mang Greg kaya, 'di ba po?"
"Nako ineng, mag-ingat ka sa pagtawid. Heto ang bola niyo," anang dyanitor namin na si Mang Greg at umalis na.
"Kita mo na? Nako! Isauli mo na iyan kay ate Myla, tara na." Hinila niya pa ako kahit na hindi pa ako nakakabawi sa pagkakatulala at pagtataka kung bakit si Mang Greg ang nakita ko imbes na si Zsakae.
"Bakit nakaitim si Mang Greg, Kaye?" Inagaw naman niya sa akin ang bolang dala ko.
"Namatayan ito kahapon kaya nakaitim siya ng damit. Bakit Angelika, may problema ka ba ro'n?" Nailing naman ako.
"Mauna ka na sa dormitoryo. Isusuli ko lang itong bola kay ate Myla." Kinuha ko ang bola sa kanya at tinalikuran na siya.
Tinahak ko ang daan papunta sa klinika ng unibersidad. Napabuga ako ng hangin. Hindi ako puwedeng magkamali o mamalik-mata lamang. Alam kong si Zsakae ang nakita ko kanina. Paano ba ako magkakamali kung paminsan-minsan ay nakikita ko ito sa mansyon ng mga Zoldic dahil katiwala ng senyorito Zairan ang inay kong si Lucinda. At hindi talaga ako puwedeng magkamali dahil matagal ko na siyang gusto, dati pa no'ng una ko siyang makita. Paano ko ba makakalimutan ang mukha niya kung may larawan akong nakatago rito sa aking pitaka. Napalabi ako at napailing. Malabo rin na magustuhan niya ako dahil tanging si Luna lang naman ang nagtatakda sa kapalaran nila.
"Angelika!" Narinig ko pang tawag sa akin ni ate Myla. Napatakbo ako agad palapit sa kanya.
"Ate Myla, salamat dito sa bola pero isasauli ko na po," wika ko. Matamis naman niya akong nginitian.
"Sa iyo na iyan Angelika, para naman may paglibangan ka kapag wala kang pasok."
"Talaga po!?"
"Oo naman," aniya. Agad ko siyang niyakap.
"Salamat po rito ate, mauna na po ako."
"Ingat ka Angelika," aniya. Nginitian ko lamang ito at lumakad na. Habang papauwi ako ay nadaanan ko pa ang mga kasamahan ko sa dormitoryo.
"May bagong titira sa engrandeng silid ng dormitoryo natin Shaira," wika ni July.
"Pero bawal tayo gumawi sa silid na iyon para makiusyoso sana," maktol pa ni Achelle.
"Hayaan niyo na, baka mapagalitan pa tayo ng mayordoma," segunda naman ni Shaira. Tuluyan nang lumagpas ang mga ito sa akin at kumikit-balikat lamang ako. Wala namang bago kung may titira ro'n pero ang masaklap dahil katabi ito ng aking silid. Binilisan ko ang aking mga hakbang upang makarating agad sa aking silid. Nang makarating ako'y napuna kong nakaawang ang pinto sa katabi ng aking silid. Ito iyong silid na tinatawag nilang engrande dahil bukod sa malaki ang espasyo ay magara rin ang mga muwebles na nakapaloob sa silid. Lumapit ako at akmang hahawakan sana ang seradora.
"Angelika!" Napalayo ako agad sa pinto. "Kaye..."
"Tara na sa klase, may bago raw tayong kaklase.
Galing daw sa isla Bakunawa."
"Ha? Ibig mong sabihin ay ang mga–" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil agad na lumipad ang kaliwang palad nito sa aking bibig.
"Huwag mo na banggitin. Alam mo namang konti lang dito sa atin ang nakakalam, 'di ba?" Napatango ako. Dahil totoo naman talaga ang kanyang sinabi. Ang isla Herodes ay isang malaking isla rin kung saan konting bampira lang ang pinapayagang manatili rito. Ang isla Herodes ay kilala bilang kulungan nila dahil walang kalayaan ang mga kakaibang nilalang dito na maghasik ng lagim. Kilala rin ang isla Herodes bilang mga taga hukom. May malaki silang kulungan dito na tinatawag naming Selda De Luna.
"Kailan ka ipinatapon dito Kaye?" Natigilan ito sa naging tanong ko.
"Nagkusa akong pumarito para takasan ang responsibilidad na iniatas sa akin ng mga angkan ko. At isa pa Angelika, gusto kong mahanap ang lalaking mag- aalis sa akin sa ganitong pasanin."
Umuna na itong lumakad sa akin. Gusto kong maawa pero nakatakda na ang kapalaran ni Kaye.
Magiging ganap na taong lobo siya sa susunod na mapag-isa ang buwan at araw. At isa siyang Seltzer, kinatatakutang angkan ng mga taong lobo.
Nagpapanggap siya bilang isang normal na nilalang sa isla Herodes at naging matalik ko siyang kaibigan.
Laglag ang aking mga balikat na sumunod sa kanya.
Ngunit bago pa man ako tuluyang makalapit kay Kaye ay narinig ko pa ang malakas na pagsarado sa kabilang silid. Agad ko itong nilingon, at tama nga ang narinig ko. Nakasarado na ang pinto.
"Angelika, mahuhuli tayo kapag makupad ka." "Oo na po," sagot ko na lamang. Lumakad na
kami papunta sa aming silid-aralan. Katabi lang kasi ng aming dormitoryo ang unibersidad na pinapasukan namin.
"Huling taon na natin sa kolehiyo Angelika kaya dapat magsaya tayo mamayang gabi," yaya pa nito.
Umiling ako.
"Bawal sa dormitoryo iyon. Mamasyal sa parke, puwede pa," sagot ko naman. Napanguso naman ito.
"Minsan lang naman e," aniya. Umiling ako at umuna sa pagpasok sa aming silid-aralan.
"Umupo na kayo," anang guro namin. Hinila ko na si Kaye at tinungo ang aming upuan.
"May naaamoy ako," wika ni Kaye nang makaupo na kami.
"Ano?" taka ko rin namang tanong sa kanya. Ngunit bago pa man ito makasagot ay nagsalita na ang aming guro.
"May bago kayong kaklase pero isang aralin lang ang papasukan niya. Ang isa sa mga anak ng may- ari ng unibersidad. Ginoong Zoldic, maari na po kayong pumasok." Parang nabingi ako sa narinig ko mula sa aming guro.
"Zoldic?" sambit ko pa.
"Sabi na nga ba!" bulong din naman ni Kaye sa aking tabi. Napako lang ang aking mga mata sa pinto. Nang umapak ang isang paa nito ay halos mapigtasan ako ng panloob. Nakakabaliw man pero iyon ang nararamdaman ko. Nang tuluyan itong makapasok ay agad ko itong hinagod ng tingin mula sa kanyang sapatos hanggang sa kanyang ulo.
"Zsakae..." nakatulala ko pang utas nang makilala ko ito. Bigla naman itong tumitig sa akin. Paano ko ba makakalimutan ang kulay abo nitong mga mata na kapag wala sa kanyang kalooban ay nagiging pula ito.