Nakakabinging katahimikan ang bumabalot sa sala ng mansyon nila Derek. Magkatabing nakaupo sa mahabang sofa na nasa kaliwa ang mga magulang niya habang sa kanan naman ang mga magulang ni Aiden at katabi rin ito. Sa single sofa naman nakaupo si Derek at isa-isa silang tinitingnan.
“Wala bang magsasalita sa inyo? Walang magpapaliwanag?” seryosong tanong ni Derek na bumasag sa katahimikan.
Hindi katulad ng panahon sa labas na maaliwalas ang nangyayari ngayon sa loob ng mansyon. Puno ito ng tensyon at kaba lalo na at nakikita ang galit sa mga mata ni Derek.
Tiningnan nina Rina at Danilo ang anak nila. Parehas na nagsusumamo ang itsura ng mga ito.
“I’m sorry, Anak,” nagsusumamong sambit ni Rina. Muli siyang yumuko.
“Sorry, Anak,” wika naman ni Danilo.
Nakatitig lamang si Derek sa mga magulang niya. Hindi siya makapaniwalang pati ang mga ito ay makikisali sa kalokohan.
“Hindi na kasi namin alam kung ano ang gagawin. Isang malaking eskandalo kung sakaling hindi natin itinuloy ang kasal mo. Siguradong masisira tayo at ikaw, masasaktan ka-”
“Sa tingin niyo ba hindi ako nasasaktan ngayon?!” mataas ang boses na tanong kaagad ni Derek na pumutol sa iba pang sasabihin ng kanyang ina. “Nalaman kong iniwan pala ako ng taong mahal ko sa mismong kasal namin… hindi ba iyon masakit?” nasasaktang dugtong pa nito. “At ang pinakamalala, wala akong alam doon… huli ko pang nalaman.” Tumingin sa ibang direksyon si Derek. Madiin na kinagat ang ibabang labi niya. Gumuhit angg sakit sa mga mata niya.
Napayuko lalo si Rina sa sinabi ni Derek. Hindi niya maitatanggi na nasaktan siya dahil nasasaktan ang kaisa-isang anak.
“Patawarin mo kami, Derek.”
Tiningnan naman ni Derek ang ina ni Aiden at Asha na si Esmeralda.
“Naisip lang namin na ituloy ang kasal at punan ni Aiden ang kakulangan ni Asha para hindi tayo mapahiyang lahat,” wika naman ni Timoteo.
Nagbaba nang tingin si Derek. Ipinikit-pikit nito ang mga mata. Naiiyak siya pero hindi niya hahayaang tumulo kahit isang butil ng luha niya.
Napayuko naman si Aiden. Mahinang nagbuga ito ng hininga.
Muling tiningnan ni Derek ang ina ni Asha.
“May balita na ba kayo sa kanya?” tanong ni Derek.
Mabagal na umiling-iling si Esmeralda.
“Wala pa. Wala pang balita.”
Walang maisip na dahilan si Derek kung bakit nagawang mawala ni Asha. Okay naman sila at walang problema kaya ang hirap sa kanyang isipin ang dahilan kung bakit nagawa ng kasintahan na iwan siya sa mismong araw pa ng kasal nila.
“Nag-away ba kayong dalawa bago siya mawala?”
Napatingin si Derek kay Esmeralda.
“Sinisisi niyo ba ako sa pagkawala niya?” madiin na tanong ni Derek. “Baka nakakalimutan niyo, kayo ang may atraso sa akin,” mariing dugtong pa niya.
Kaagad na umiling-iling si Esmeralda.
“Hindi sa ganu’n. Sa totoo lang, iniisip namin kung kami ba o ikaw ang may problema kaya niya nagawang umalis at hindi na magpakita. Wala kasi kaming maisip na dahilan kung bakit niya iyon nagawa. Isang palaisipan sa amin kung bakit sa isang iglap lamang ay naglaho siya na parang bula.”
Tumingin muli sa ibang direksyon si Derek. Tinitigan niya ang hagdanan. Kumuyom ang mga kamao nito. Hindi niya maitatanggi na sobra siyang nasasaktan. Si Asha, ang babaeng pinakamamahal niya na siyang nagpaligaya sa kanya ang hindi niya inaasahang wawasak din sa kanya ng ganito.
“Huwag kang mag-alala at patuloy pa rin siyang pinaghahanap. Tumutulong na rin ang mga magulang mo para agaran siyang makita kung nasaan man siya.”
Napatingin muli si Derek kay Esmeralda.
“Ano ng plano ngayon? Alam ng lahat na ikinasal ako kay Asha pero lingid sa kaalaman nila, pekeng Asha ang pinakasalan ko,” madiin na sabi nito saka tiningnan ng masama si Aiden na napatingin sa kanya.
“Uhm…” Huminga nang malalim si Esmeralda bago muling magsalita. “Napag-usapan na namin ito ng mga magulang mo. Palalabasin natin na mag-aaral si Asha sa ibang bansa at doon na muna siya. Kayo naman ni Aiden, doon na muna kayo sa Maynila manirahan at ipagpatuloy ang pag-aaral. Huwag kayong mag-alala, kami ng bahala umayos ng lahat. Ang mahalaga sa ngayon ay walang malaman ang mga tao tungkol sa nangyaring ito hanggang sa maibalik si Asha,” dugtong pa nito.
Marahas na napabuntong-hininga si Derek. Yumuko ito.
“Ma, ayokong umalis dito.” Mariing pakiusap ni Aiden.
Tiningnan ni Esmeralda ang anak na si Aiden.
“Anak, napag-usapan na natin ito,” sabi ni Esmeralda.
“Pero Ma,” nagsusumamo ang mukha ni Aiden.
“I’m sorry, Anak,” wika ni Esmeralda saka niyakap si Aiden.
Mistula namang nawalan ng kalayaan si Aiden. Buong buhay niya, dito na umikot sa lugar nila tapos sa isang iglap ay magbabago na ang buhay niya at sa ibang lugar na siya maninirahan.
---
Lumabas na muna si Derek ng mansyon at iniwan ang magulang na patuloy na nag-uusap sa loob. Nakapamulsa ang dalawa niyang kamay sa suot niyang semi-fit na pantalon habang nakatingin sa maaliwalas na kalangitan.
Napangiti siya ng may pait. Bakit parang ang saya-saya pa ng kalangitan sa pangit na dinaranas niya ngayon? Ito ba ang kagustuhan Niya? Ang maging miserable siya?
Marahas na nagbuga nang hininga si Derek. Ngayon nabubuo sa kanya ang malaking tanong na siguradong hindi masasagot ng matagal.
Bakit siya iniwan ni Asha sa mismong araw ng kanilang kasal?
Madiin na napapikit ng mga mata si Derek. Dumaloy sa kanyang alaala ang araw kung paano sila nagkakilala.
Nakatayo sa ibaba ng train station si Derek at nakasilong sa bubong nito. Tinitingnan niya ang madilim na kalangitan at may kalakasang pagbuhos ng ulan. Papasok siya sa school at dahil puti ang school uniform niya, nagdadalawang-isip siya kung susugod siya sa ulan at tatakbuhin na lang ang papuntang school na dalawang kanto ang layo mula sa kinatatayuan niya. Siguradong mababasa ang suot niya at pwedeng maputikan pa.
Sa harapan naman ni Derek, nakasakay ang isang babae sa bike. Nag-iisip din ito kung susugod sa ulan. Wala itong dalang pananggalang kaya siguradong mababasa ang suot nitong school uniform at ang bike niya.
“Hay! Bakit ba kasi biglang umulan,” naiinis na wika ni Derek. Napapalatak siya. “Dapat pala nagpahatid na lang ako kay Manong,” sabi pa nito. Nagsisisi tuloy siya kung bakit hindi niya iyon ginawa.
“Bahala na nga,” bulong naman ng babae sa kanyang sarili.
Naghanda ang babae sa pagsugod sa ulan dahil ayaw niyang ma-late sa klase. Inayos niya ang pagkakatayo ng kanyang bike pagkatapos ay nagsimula na siyang patakbuhin ito.
“Pucha- Hoy!!!” malakas na sigaw ni Derek saka dinuro pa ng hintuturong daliri niya ang babaeng nagbaba-bike na palayo na sa kanya.
Inis na inis si Derek. Tiningnan niya ang kanyang uniform na basa na ng tubig at putik dahil natalsikan nang gumulong iyong gulong ng bike ng babae sa putikan.
Muling tiningnan ni Derek ang babae. Bakas ang sobrang inis sa mukha nito.
Hanggang sa…
Kaagad na hinabol ni Derek ang babae. Matulin siyang tumakbo. Wala na siyang pakiealam kung mabasa siya o madumihan ang uniform niya at suot niyang sapatos.
“Hoy! Tumigil ka!!!” hiyaw ni Derek at tinuturo pa ang babaeng patuloy na nagba-bike.
Pinagtitinginan naman si Derek ng mga tao pero wala siyang pakiealam.
Nakaramdam naman ang babae na may sumusunod sa kanya kaya huminto siya at nilingon ang likod. Nakita niya ang isang lalaki na tumatakbo sa gitna ng ulan at hinahabol siya. Kumunot ang noo niya.
‘Bakit niya ako hinahabol?’ nagtatakang tanong nito.
Hingal na hingal si Derek nang tumigil siya sa pagtakbo. Kaagad niyang hinawakan ang likod ng bike ng babae saka tiningnan ang sakay nito.
“Hoy-”
Hindi na naituloy ni Derek ang paninigaw niya sa babae dahil natulala na siya nang makita ito. Pakiramdam niya, na-love at first sight siya sa kagandahan nito. Simple lang pero bigla nitong napabilis ang t***k ng puso niya. Ngayon niya napagtanto na totoo nga pala talaga ang love at first sight.
Nagtataka namang nakatingin ang babae kay Derek. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Napansin niyang basa ito, ang dumi sa damit, pantalon at sapatos nito.
“Mister, okay ka lang?” nag-aalalang tanong ng babae.
“I’m Derek,” wala sa sariling pagpapakilala ni Derek sa babae.
“Ha?” tanong ng babae na nagulat sa biglaang pagpapakilala ni Derek.
Ngumiti si Derek.
“Uh… o-okay lang ako. Okay lang na nadumihan mo ang damit ko,” hindi napigilang wika ni Derek.
Nanlaki ang bilugang mga mata ng babae.
“Hala! Natalsikan ka ba ng gulong ko?” tanong nito.
“O-Okay lang,” mabilis na sagot ni Derek habang nakatitig sa babae. Wala itong pakiealam kung nagmumukha na siyang tanga.
Bumaba ang babae sa bike niya at kinalso iyon para manatiling nakatayo.
“Sorry, hindi ko alam,” sincere na pagso-sorry ng babae saka kaagad na nilapitan si Derek. Marahan nitong pinagpag ang school uniform ni Derek na mayroong mantsa ng putik.
Binitawan ni Derek ang bike ng babae at umayos sa pagtayo. Hindi naaalis ang tingin niya sa babae. Ang maamo nitong mukha na parang sa anghel at nagpapagaan ng kanyang kalooban.
“Sorry talaga,” saad ng babae na sobrang nahihiya kay Derek.
“Anong pangalan mo?” diretsong tanong ni Derek.
Napatigil sa ginagawa ang babae at napatingin siya sa mukha ni Derek. Hindi niya maikakaila na magandang lalaki sa paningin niya ang nagambala niya.
Napangiti ang babae.
“I’m Asha.”