POSER

1530 Words
CHAPTER 3 In-accept niya agad si Leigh. Naghintay siya na mag-message ito sa kanya ngunit hindi nangyari sa gabing iyon. Dahil siya si Culver Ayala, hindi siya pwedeng maunang mag-message. Gwapo siya at macho sa pictures niya. Hindi siya basta-basta magmemessage ng gano’n gano’n na lang. Nagdesisyon siyang matulog na lang kaysa maghintay siya sa wala. Nilog-out niya si Culver Ayala at ni-log-in niya ang kanyang account. Bago natulog ay muli siyang nag-message ng pang 17 na di nabubuksan ni Leigh. Siguro sampung buwan na mula nang nagsimula siyang mag-hi. Minsan o dalawang beses lang naman niya iyon ginagawa sa isang buwan. Yung “Hi” niyang pang-17 ay wala lang din naman ‘yon sa kanya. Hindi na siya umaasang sagutin siya. Nasanay na kasi siya ng gano’n. Tumunog ang notification niya. Tinignan niya iyon na papikit-pikit pa dahil inaantok na siya. “Hi rin.” “Nanaginip lang ba ako?” Sinuntok niya ang kanyang dibdob. Nasaktan siya. “Aray! Gising ako! Tang-ina, pinansin niya ako! Nag-reply siya ng Hi!” Napabangon siya sa tuwa. “Takte! Anong sasabihin ko? Anong dapat isasagot ko sa “Hi rin” niya na dapat magka-interes siya na magtuluy-tuloy ang aming kuwentuhan? Ano na ang itatype ko…” bulong niya sa kanyang sarili. “Gising ka pa pala…” Delete. Parang ambobo. Nakapag-chat nga di ba? “Kumusta naman?” Boring, sasagutin lang niya iyon ng, “ok lang” at end… tapos ang usapan. “Ano nangyari sa buong araw mo?” Delete… “Tang ina! Masyadong mahaba ang sagot niyan. Ikukuwento pa nito ang buong araw niyang ginawa. Baka mainis i-block pa siya. “May boyfriend ka na?” Backspace… masyadong personal. Ano bang pwede niyang itanong sa simpleng “Hi rin.” “Salamat sa reply, model ka po ba?” Iyon na ang pinakasafe na tanong. Pinindot niya ang send button. Iyon ang tanong na kahit hindi diretsuhan ay sinasabi niyang maganda siya at nang mga kuha nito, pang model. Sana sumagot. Kinakabahan. Nawala na ang antok niya kanina. Handa siyang magpuyat. Ngunit seen lang. Sobrang tagal na ang isang oras niyang paghihintay. Kahit inaantok ay umaasa siyang magre-reply pa ito ngunit mukhang hindi na mangyayari pa. Binuksan niya ang kanyang poser account na Culver Ayala. Sunud-sunod ang mga notification sa message. Lahat ay galing kay Leigh. Minessage na siya ni Leigh. Kaya pala seen na lang siya sa totoong account niya dahil ang kagaya ng tipo ni Culver ang gusto niyang kausap at hindi siya na sunog sa araw at payat. “Musta po? Salamat sa pag-accept.” Iyon ang unang message ni Leigh. “Ang gaganda naman ng mga kuha mo. Sana maging friends tayo.” “Busy ka ba?” “You there?” Apat agad? Nakalimutan yata niyang babae siya. Huminga muna siya nang malalim. Kailangan niyang sagutin ang unang message ni Leigh. “No worries. Thank you sa pag-friend request.” “Ikaw rin po, pangmodel ang mga kuha mo. Friends? Sure.” Nakangiti siya. Kahit alam niyang poser lang siya, iba ang dating ng saya na nararamdaman niya kahit alam niyang hanggang chat lang naman ito at hindi ang totoong siya ang nasa picture na pinaniniwalaan ni Leigh na siya. “Sorry ngayon lang kasi ako nag-open.” “Yes, I’m here na po.” Lahat ng message ni Leigh ay sinagot niya isa-isa. Wala siyang nilagpasan. Umaasa na gising pa ito at mag-reply. Umabot pa ng limang minuo bago ito nagreply. “Totoong account mo ‘to?” tanong ni Leigh. Napangiti siya. Nawala na uli ang kanyang antok. “Mukha bang hindi? May mga videos pa ako riyan.” “Bakit konti lang friends mo?” “189 konti ba ‘yon sa’yo?” “For me, yes.” “Yang 188 na nandiyan, mga family ang friends ko na close ko lang. Ikaw yung 4,899 na friend mo sa f******k kilala mo ba lahat?” “Hindi.” “See, anong silbi na madami kang friends sa f******k kung di mo naman sila kilala? Sorry ikaw lang kasi ang in-accept kong hindi ko kilala.” “Talaga? Buti in-accept mo ako?” “Maganda ka kasi at mukhang okey naman.” Kinikilig na siya. Naisip niyang ang sarap palang ka-chat ni Leigh. Madaling araw na nang matapos silang mag-usap. Nalaman niya ang kumpleto nitong pangalan, kung ilan na ang kanyang naging boyfriend. Mga dreams niya, likes and dislikes, favorite food at ang gusto niya sa isang lalaki. Nagpalitan din sila ng number. Iyon ang pinagsisihan niyang ginawa niya. Paano kung tatawagan siya at pilit itong makipagkita sa kanya? Hindi naman habang-panahon na magdadahilan siya kung bakit hanggang text at chat lang sila. Ang masaklap dahil sa sinabi niyang 189 na totoong friends niya lahat ang nasa f******k nya, kinabukasan, hindi na niya friend pa si Leigh sa original account niya. Ilan na lang ang nakita niyang bilang ng friends nito sa f******k. Gano’n kalakas si Culver Ayala sa kanya? Kaya niyang magpuyat at isa-isahing burahin ang di niya totoong kaibigan o kakilala sa f******k niya dahil lang sa sinabi niya bilang si Culver. Nainis siya slight sa sarili niya. Dapat hindi niya binigyan si Leigh nang ganoong idea. Ngayon ‘eto siya, yung real account niya ang in-unfriend ni Leigh. Ilang gabi ring napuyat siya dahil sa walang patid na pag-chat nila. Hanggang sa pakiramdam niya mahal na niya si Leigh. Kilalang-kilala na kasi niya ito. Nagsabi rin naman si Leigh na magaan na ang loob nito sa kanya. Ngunit gusto niyang magkita na muna sila. Hindi siya maaring magmahal sa taong hindi niya pa nakikita o nahahawakan. Isang araw ay nagulat na lang siya nang biglang tumawag si Leigh sa kanya. Mabuti at kasama niya ang katrabaho at matalik niyag kaibigan lalaki na gwapo ang boses. Hindi kasi ganoon kaganda ang boses niya sa telepono. Dapat swak ang kaguwapuhan sa tikas ng boses na maririnig ni Leigh. Hinila niya ito. “Bakit?” “Sagutin mo. I –speaker ko. Isesenyas ko ang sagot mo, okey? Sabihin mo lang na ikaw si Culver.” “Sinong Culver e ikaw si Klein?” “Tol, ano ba? Si Culver? Maalala mo yung kinukuwento kong ako na poser sa’yo.” “Ah so, ito si Leigh na ka-chat mo bilang si Culver.” “Sa wakas nagamit mo rin ang utak..” “Ah, so ganyanan? E di ikaw ang kakausap.” Ibinalik niya kay Klein ang tumigil na sa pag-ring niyang cellphone. “Hayan, nawala tuloy.” Biglang tumunog uli ang cellphone. “Hayan na uli, Tol. Natawag na naman. Sagutin mo na. Bilis!” Pinindot niya ang cellphone at naka-speaker ito. Iniabot niya ang cellphone sa kaibigan niya. “Hello.” Malambing ang boses na narinig nila ng kaibigan niya. “Hello, Culver, si Leigh ‘to.” Hindi nila napigilan ng kaibigan niya at katrabahong lalaki na kiligin sa ganda ng boses nito. Malambing. Babaeng-babae. “Hello?” “Sumagot ka na kasi, hello na siya ng hello,” bulong niya sa kaibigan niyang natameme. “Hello Leigh, nag –eecho ka kasi e,” sagot ng kaibigan niya. Muntik na niya itong masipa sa kawalang kuwenta nitong kausap. “Ano magkikita tayo mamaya?” Sinenyasan niya ang kaibigan niyang hindi pwede. “Oo naman, saan ba at anong oras?” Nang marinig niya ang sagot na iyon ng kaibigan niya ay gusto na niya itong sakalin. “Mamayang 6, Glorietta tayo?” Gusto na niyang agawin ang cellphone. “Sige mamaya na lang 6. Text mo ako kung sa’n tayo doon sa Glorietta magkikita ha?” Inagaw na niya ang cellphone. “Sure.” Pinatay niya na agad. “Anong ginawa mo? Nakakainis ka naman e.” “So ano? Seseryosohin mo ‘yan tanga? Pinaglalaruan mo ang buhay mo at buhay ng babaeng ‘yon. Itigil mo nga ‘yan. Alam mo namang noong nagkukuwento ka pa lang e di na ako pumapayag diyan sa ginagawa mong ganyan.” “Anong gagawin ko? Sarap mo talagang kalbuhin e.” “E, di pumunta ka ro’n. Magpakilala kang ikaw si Culver. Sabihin mong niloko mo lang siya. Na ikaw ay isang malaking joke. Isang manloloko at nananakit ng kalooban.” “Hindi ko yata kaya ‘yon.” “Hayan nga ang sinasabi ko. Kahit isipin mong mabuti, walang patutunguhan ‘yan. Masasaktan lang kayong dalawa. Habang maaga pa, itigil mo na ‘yan.” “Paano ko tatapusin?” “Sinabi ko na yung una kanina. Makipagkita ka at sabihin mo na ang totoo. Pwede ring dahil sa chat lang naman kayo nagkakilala, doon mo na lang din tatapusin. I-delete mo na agad yung account mo na yan pagkatapos mong aminin sa kanya ang totoo. Kawawa rin yung taong ninakawan mo ng pictures at identity. Ginagamit mo sa kalokohan mo. Til, hindi joke ang ginagawa mong ganyan. Magpakalalaki ka.” Huminga siya nang malalim. “Ibig sabihin, hindi talaga maging kami ni Leigh kahit sa pangarap lang? Ang hirap naman.” “Mahirap talaga. Mas mahirap pa kung patatagalin mo pa ‘yan.” Bago mag-alas singko, nakapagdesisyon na siya. Magkikita sila ni Leigh.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD