MARIING naipikit ni Alexis ang mga mata. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buong buhay niya, nakaramdam siya ng hindi niya mapaniwalaang katiwasayan sa yakap ni Diana. At ang sincerity na narinig niya sa boses nito ay may kung anong init na hatid sa puso niya.
Si Manang Renata lang ang madalas makaalala at bumati sa kanya tuwing birthday niya. Ngayong araw, may nadagdag sa nag-iisang nakalistang pangalan ng taong nakaka-appreciate na buhay siya. Hindi niya inaakalang si Diana pa iyon. Tumaas-baba ang dibdib niya sa pagragasa ng halo-halong emosyon sa sistema niya. Hindi siya emotional. Pero sa ganoong mga pambihirang pagkakataon tulad ng birthday niya, pasko, o bagong taon, may kung anong sakit pa rin na nagpapahina sa pagkatao niya.
Sa ganoong mga okasyon, habang ang kadalasang mga birthday celebrants ay umiihip ng kandila sa cake ng mga ito, siya ay nagtitirik ng kandila para sa sarili. Pakiramdam niya, ang mismong araw na ipinanganak siya ay ang mismong araw din ng kamatayan niya. Dahil iyon ang simula ng kalbaryo niya sa buhay, sa mundo.
Halos buong buhay niya ay wala siyang ibang ginawa kundi ang magsuot ng maskara. At habang nagkakaisip siya ay hindi niya na hinayaang maalis ang maskarang iyon sa kanyang mukha sa takot na mabuko ng mga nakapaligid sa kanya na isang pagpapanggap lang ang lahat... mula sa ipinapakita niyang katapangan hanggang sa ipinalalabas niyang katigasan.
He was too afraid to take off the mask and reveal his heart. Dahil wala namang pakialam ang mundo sa nararamdaman niya. Wala naman iyong pakialam sa pinagdaraanan niya. Walang nakaunawa sa kanya noong musmos siya. Walang nagtangkang alisin ang kanyang maskara. Paano pa kaya ngayong bente-tres na siya? Paano pa kaya ngayong masyado na siyang maraming kabalbalang nagawa para isipin pang alisin ang kanyang maskara?
"Gusto kitang maintindihan, Alexis. Help me do that, please." Ani Diana sa boses na punong-puno ng pagsuyo. Pagsuyong halos hindi mapaniwalaan ni Alexis na para sa kanya dahilan kung bakit napadilat siya.
Tumatanggi man ang puso niya ay bahagyang inilayo niya ang dalaga sa kanya. Pinakatitigan niya ito. Namangha siya sa nababasang sincerity sa mga mata nito. The senator looked at him with pure hatred, his mother with pure regret, Manang Renata with pity, women with lust, while some with judgment. Nakasanayan niya na ang ganoong paraan ng pagtingin sa kanya ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit wala siyang naging totoong kaibigan.
Sa oras na may aksidenteng nalalaman ang mga tao tungkol sa kanya ay nakikita niya sa mga mata ng mga ito ang pinakaayaw niyang makita: ang awa. Ang simpatya. Dahil lalo lang siyang nakararamdam ng rejection. Iyon ang dahilan kaya niya pinuntahan si Diana. Dahil ayaw niyang makasalubong ito na may bakas ng awa sa anyo. Kaya dinoble niya ang pagkapit sa kanyang maskara. Dinoble niya ang pagpapanggap. Gusto niyang ipakita rito na sa kabila ng mga posibleng nalaman nito tungkol sa kanya, hindi pa rin iyon nakabawas sa pagkatao niya.
But he looked at Diana and he saw compassion, hope, and honesty in her eyes. Paano nangyari iyon?
"Why would you bother, Diana?"
"'Yan din ang tanong ko sa sarili ko. Why would I bother?" Matipid na ngumiti si Diana. "Samantalang alam ko naman na malabo kang mag-open up sa akin. Hindi ko alam kung bakit nag-aalala ako. Hindi naman dapat. Sino ba ako at sino ka ba para maramdaman ko 'to? Pero hindi ko mapigilan. I've experienced my fair share of suffering as well and I normally don't care anymore."
Bumuntong-hininga si Diana. "Hindi ko alam. I guess it's safe to say na nakikita ko sa 'yo 'yong sarili ko. Nagtatago. You're afraid to let anyone see that deep inside, you're not okay. Posibleng magkaiba ang mga dahilan natin sa pagtatago. Pero halos iisa pa rin tayo ng pinagdaraanan. Hindi ba minsan parang... nakakapagod rin magtago? Na magsuot ng maskara? Don't you wish to be... found? To be freed from the mask?"
Napaatras si Alexis. Bigla, pakiramdam niya ay hubad siya sa mga mata ni Diana. Para bang malinaw siyang nakikita nito. Para bang malinaw nitong nakikita ang mga pinakatago-tago niya. At nakaramdam siya ng takot sa bagay na iyon. Tuluyan na siyang lumayo sa dalaga pagkatapos ay parang hinahabol ng kung ano na tinalikuran ito.
Ayaw niyang may makakita ng tunay na siya. Dahil nangangahulugan iyon na makikita nito ang lahat ng mga kahinaan niya. Ang maskara na lang ang mayroon siya. I don't want to be found. I don't want to be freed, Diana. Dahil likas na hindi makuntento ang mga tao. Napatunayan niya iyon sa kanyang mga magulang. Natatakot siyang may makatagpo sa nawawalang puso niya. Natatakot siyang may magpalaya sa kanya sa hawla ng kadilimang kinaroroonan. Natatakot siyang kumapit sa isang tao pagkatapos ay mawawala rin ang taong iyon sa oras na ma-realize nito na kapos ang mga bagay na handa niyang ialay manatili lang ito sa kanyang tabi. Gaya ng kanyang ina.
Sinubukan niyang magsikap sa pag-aaral noon. Sinubukan niyang magpakabuti hanggang sa mapagod na siya sa pag-iisip na isang araw ay makukuntento ang ina sa kanya at mananatili na lang sa tabi niya. Pero hindi iyon nangyari. Patuloy pa rin ito sa pag-alis papunta sa kung saan-saang lupalop ng mundo.
Bumabalik ang kanyang ina pero patuloy pa rin siyang iniiwan na para bang isang laruan lang siya kung ituring, na kung kailan nito maalala ay saka nito babalikan at uuwian. Pero ni hindi nito kukumustahin man lang. Kunsabagay, kailan nga ba naman kinumusta ang lagay ng isang laruan? Gamit lang iyon.
Sinubukan niya ring magpakatino para sa senador. Minsan sa buhay niya ay ginawa niya ang lahat ng mga ikasasaya nito hanggang sa mapagod na siya pagtungtong niya sa ikaapat na taon ng sekondarya. Umasa siyang isang araw ay mapapansin rin nito, na kikilalanin rin nito sa publiko, na hahanguin siya mula sa pagiging bastardo. Pero malupit ito. Ni ang magtapon ng panahon sa kanya kahit isang oras para iparamdam na mag-ama sila ay hindi nito ginawa.
Ayaw niya man ay sumagi pa rin sa isip niya ang mga panahong sama-sama silang naghahapunan isang beses kada isang buwan noon. Sasaglit lang sa kanila ang senador pagkatapos ay magkukulong na ito sa kwarto kapiling ang kanyang ina. Hindi ito mangungumusta. Hindi ito magtatanong. Magbibigay na lang ito ng pera na para bang doon na nagtatapos ang obligasyon nito sa kanila ng kanyang ina na itinakwil ng sariling pamilya nang matuklasan ang ipinagbabawal na relasyon nito sa senador. Ni hindi siya nabigyan ng pagkakataong makilala ang kanyang mga lolo at lola sa magkabilang partido.
Natatakot na siyang umasa at pagkatapos ay lalong malugmok at makulong sa kadiliman. Hindi siya binigyan ng mundo ng pagkakataon na makaramdam ng anomang positibo. Kaya hindi niya makakayang tanggapin ang iniaalok na liwanag ni Diana.
Hindi siya kailanman maghuhubad ng maskara.
"HINIWALAYAN mo na ba siya?"
Napayuko si Miranda nang sa halip na iabot ng ama ang palad nito sa kanya para sa tangka niyang pagmano ay ang mga salita nitong iyon ang ibinungad nito sa kanya. Gaya nang dati ay matigas pa rin ang anyo at boses nito.
Buwan-buwan, wala siyang palya sa pagdalaw sa mga magulang, umaasang isang araw ay magagawa rin siyang matanggap ng mga ito. Parati siyang hindi pinatutuloy ng mga ito sa kanilang bahay. Ni walang tinatanggap ang mga ito sa mga pasalubong na ibinibigay niya. At madalas, iilang salita lang ang naririnig niya mula sa mga magulang gaya nang kasalukuyang tanong sa kanya ng ama.
"Hindi ho, 'Tay. Hindi ko kaya." Mahinang sagot ni Miranda.
"Kung ganoon ay kayanin mo ring hindi na kami makita pa ng Nanay mo. Huwag ka nang babalik pa, Miranda. Dahil sa susunod, sinisiguro ko sa 'yo na kahit ang kausapin ka nang ganito ay hindi ko na magagawa. Napapagod na kami ng Nanay mong hintayin na matatauhan ka pa."
Mapait na natawa si Miranda sa naalala. Humahapay-hapay na pumasok siya sa kanyang bahay matapos siyang pagbuksan ng pinto ni Renata. Pabagsak na naupo siya sa sofa.
Nahihilo man dahil sa mga nainom na alak sa bar kung saan siya dumeretso matapos magpunta sa bahay ng mga magulang, hindi pa rin nakatakas sa kanyang paningin ang kadarating lang din na anak. Pero ni hindi siya nito tinapunan man lang ng sulyap. Paakyat na ito sa hagdan nang tawagin niya.
"Hey, Alexis," Bahagya pang nabubulol na sinabi ni Miranda. "Come here."
Parang napipilitan lang na nilingon siya ng anak. Ilang sandaling tinitigan siya nito pagkatapos ay kunot ang noong nilapitan siya at naupo sa tapat ng sofa na kinauupuan niya kahit pa sa espasyo sa tabi niya ito sinenyasang maupo. Mayamaya, sumilay ang ngiti sa mga labi ni Miranda. Napakagwapo talaga ng kanyang anak. Nakuha nito ang kulay ng kanyang buhok, ang kanyang ilong, at ang kanyang mga labi. Ang iba pang pisikal na aspeto ay namana na nito kay Alexander. Ito ang bunga ng kanyang ipinagbabawal na pagmamahal.
"Mukhang nadagdagan ang listahan ng mga paborito mong lugar. Dati sa casino, ngayon mukhang sa bar. Wow, Miranda." Pinalakpakan siya ni Alexis. "Talagang ginagampanan mo nang mahusay ang pagbubuhay-dalaga. You're doing it so well and with passion." Sarkastikong dagdag nito. "When will you ever get tired of living a s**t like this?"
"I should ask you the same." Malungkot na ngumiti si Miranda kahit pa sinakmal ng pait ang kanyang puso sa narinig. Ipinaglaban kita sa mga magulang ko. Ipinaglaban kita sa lahat noong nasa sinapupunan pa lang kita, Alexis. Pero bakit nang lumabas ka na, saka nawala ang katapangan kong harapin ka? Saka ako nahiya na maging ina.
"That's progress. Finally, you noticed how I'm living my life. Congratulations. That's one step towards motherhood."
Bahagyang napayuko si Miranda para itago ang pamamasa ng mga mata sa hindi maikakailang sakit sa boses ng anak. Bakit ganoon? Kaya siya naglasing ay para makalimot kahit na sandali. Pero tila nabalewala ang ilang bote ng alak na nasaid niya nang makausap ang kanyang anak. "I never wanted to be a mother, Alexis." Mahina niyang sinabi. "I never wanted to be your mother."
Narinig niya ang pagsinghap ni Alexis. "Great! Happy birthday to me. Ngayon lang kita nakausap sa birthday ko. At 'yang mga salita pang 'yan ang narinig ko mula sa 'yo. You really have no mercy, Miranda."
Nagtaas lang ng mukha si Miranda nang marinig ang mga papalayong hakbang ng anak. Tuluyang pumatak ang mga luha niya. "Hindi ko ginustong maging isang ina dahil hindi ako karapat-dapat para doon, Alexis. You don't deserve a failure like me, son."
But of course, Alexis wouldn't hear those words anymore. Parati na lang silang nagkakasakitan ng anak. Puno ng pagsisising napatitig siya sa hagdan. "Patawarin mo ako, anak."
"KAHIT na ngayong araw lang, Diana, please. It's my birthday. Let your presence at the party be your gift to me."
Napabuntong-hininga si Diana habang pinagmamasdan si Kurt na magdadalawang taon na rin halos nanliligaw sa kanya. Nang mawala si Yves, nagsimula na itong magpahaging sa kanya. Sa pagkakaalam niya, wala naman itong problema sa pandinig. Pero mukhang pagdating sa kanya ay parati nitong kinakailangan ng hearing aid. Ilang beses niya na itong tinanggihan pero napakatigas ng ulo nito.
Pilit na pinakikiharapan pa rin ni Diana si Kurt nang maayos pero nang dahil sa invitation nito nang araw na iyon ay hindi niya maiwasang maging malamig dahil sa pagpupumilit nito. Hindi niya alam kung bakit ito nagtitiyaga sa kanya samantalang gwapo rin naman ito. Sa katunayan, miyembro ito ng varsity at alam niyang may mga babae ring naghahabol rito.
Nadala na siya sa paanyaya ni Kurt na minsan niyang pinagbigyan. Dumalo siya ilang buwan na ang nakararaan sa wedding anniversary ng mga magulang nito. Pero pagdating niya doon, bigla na lang nitong sinabi sa lahat ng mga naroroon na girlfriend siya nito. Masyadong presko ang lalaki. Minsang pinagbigyan pero umabuso. Hindi na siya makapapayag na malagay uli sa isang alanganing sitwasyon.
"I'm sorry, Kurt. But I already have plans for tonight." Pagsisinungaling na lang ni Diana, umaasang kakagatin iyon ni Kurt at nang makakain na siya nang maayos. Inabangan siya ng lalaki sa labas ng classroom kaya wala siyang nagawa nang sumabay ito sa kanya hanggang sa canteen. Nakapag-order na siya't lahat ng pagkain at nakahanap na ng mesa ay nakasunod pa rin ito.
"Liar!" Mataas ang boses na sinabi ni Kurt. "Bakit hindi mo pa aminin ang totoo, Diana? Kayo na ba ng Serrano na 'yon kaya ang lamig-lamig mo sa 'kin ngayon? Nakita kayo ng ka-teammate ko noong mga nakaraang linggo na magkasama at nagyayakapan sa likod ng building n'yo! Ayoko sanang maniwala pero hindi ko mapigilan lalo na't nagkakaganyan ka ngayon. Siya ba ang ipinagmamalaki mo? Ang tarantadong 'yon? Ipagpapalit mo rin lang ako sa isa pang hindi kayang pumantay sa tulad ko! How dare you!"
Sandaling nasorpresa si Diana sa mga narinig. Nang makabawi, tumaas-baba ang dibdib niya sa pinipigilang galit. Nagsisimula na silang makaagaw ng atensiyon mula sa mga kumakain dahil sa lakas ng boses ni Kurt. Hindi niya pinansin ang panlalaki ng mga mata ni Laurice sa pagkagulat. Wala siyang anumang inaamin rito tungkol kay Alexis.
Tumayo si Diana at hinarap si Kurt. "No, how dare you!" sagot niya sa mariing boses. Napakarami niya nang naririnig na panghuhusga kay Alexis. At sa pagkakataong ito, napapagod na siyang manahimik. "How dare you talk as if I cheated on you? Kurt, you and I had never been an item. Nanliligaw ka lang. Wala kang karapatang magsalita na para bang pagmamay-ari mo na ako. Dahil sa pagkakaalam ko, binasted na kita. Too bad, mukhang magkaiba ang alam mo sa alam ko."
Umawang ang bibig ni Kurt sa pagkabigla.
"Thank you for saying those words to me, though. That just goes to show that I made the right choice by saying no to you." Hindi kailanman naging bastos si Diana sa kanyang kapwa. Hangga't maari, sinisikap niyang unawain na lang ang sitwasyon kaysa ang makapanakit ng damdamin ng iba. Pero minsan, kailangan niya ring basagin ang katahimikan at manindigan. Walang kinalaman si Alexis sa problema nila ni Kurt pero nadadamay ang lalaki ngayon dahil sa mga pambibintang nito.
"One more thing, wala kaming relasyon ni Alexis. But I would rather be with him than be with you. At least, he's not a hypocrite." Isinukbit na ni Diana ang bag sa kanyang balikat pagkatapos ay nilagpasan na si Kurt. Nawalan na siya ng ganang kumain. Pero natigilan siya sa paglabas nang makita niya si Alexis na nakasandal sa pinto ng canteen. At sa anyo nito ay walang dudang narinig nito ang palitan nila ng mga salita ni Kurt.
Dalawang linggo na rin ang matuling lumipas mula nang layasan siya ni Alexis sa field. Hindi niya na ito nababalitaang napapasabak sa gulo, naglalasing, o kung ano pa man. Araw-araw, tuwing pumapasok ito ay palihim niya itong tinatanaw. Ito na ang mag-isang tumatambay sa field ngayon tuwing hapon. Nakasanayan niya nang tahimik na pinagmamasdan ito roon bago siya dumederetso sa parking lot para umuwi.
Gusto niyang mag-reach out kay Alexis pero hindi niya alam kung paano. Dahil para bang mas naging unreachable ang binata noon kaysa dati. Pakiramdam niya, kumapal na nang kumapal ang maskarang isinusuot nito. Wala na itong babaeng kasa-kasama pero mas naging tahimik ito na para bang nakulong na ito sa sariling mundo.
Naiilang na natutop ni Diana ang noo. "I was just-"
Hindi niya na natuloy ang mga sasabihin nang bigla na lang siyang hilahin ni Alexis sa kamay pagkatapos ay ipinaloob sa mapagpalang mga braso nito. Hindi kaila sa kanya ang malalakas na pagsinghap ng mga nakapaligid sa kanila. Gaya nang dati, muling bumilis ang t***k ng kanyang puso.
"Are you aware that you just defended me in front of everyone here?" Bulong ni Alexis na para bang wala itong pakialam sa dami ng mga matang nakatutok sa kanila nang mga sandaling iyon. "Hindi ka ba natatakot? Itinaya mo ang maganda mong reputasyon para lang ipagtanggol ako."
"Para kasing wala ka namang balak na ipagtanggol ang sarili mo-"
"Kaya ikaw na lang ang gumawa, gano'n ba?" Hindi alam ni Diana kung guni-guni niya lang o bumakas talaga ang amusement sa boses ng binata. "Pero tama naman kasi sila. Tarantado naman talaga ako."
"Alexis-"
"Sshh." Humigpit ang pagkakayakap sa kanya ng binata. "Thank you, Diana."