“MONAY! Kapag hindi ka lumabas diyan ngayon din, ipapa-Barangay kita! Monaaaaay!!!” Napapiksi ako sa higaan dahil sa parang nagtatambol sa labas at sa matinis na boses na bumubulabog sa aking ulirat. Dala ng matinding antok ay muli akong nahiga. Sino ba ang nag-aalok ng tinapay? Alam kong almusal na ngunit pandesal ang gusto ko, hindi monay. Pumikit akong muli at yumakap sa unan at sinubukan muling matulog.
“Ramona! Monay! Ano ba?! Hindi ka ba talaga lalabas?! Alam kong nandiyan ka at nagtatago!” Agad akong napabangon sa mas malakas na kalampag. Hindi pala ito tambol! Pintuan na pala ng bahay ang kumakalabog. Doon ko napagtanto na si Aling Cora, ang aking kasera pala ang naghuhurumentado sa labas!
“Wala po ako rito!” Napamura ako sa isip. Bakit ba ako sumagot? Dala ng katarantahan ay hindi na nakapag-isip. Bakit ba kailangan niyang magalit ng husto gayong anim na buwan pa lang naman akong hindi nagbabayad ng upa?
“Monay! Maghintay ka, ipapa-Barangay na kita!” Agad akong bumangon at nagpunas ng mata at gilid ng labi. Baka mas lalo siyang magalit kung may muta at tulo ng laway pa siyang makita pagharap ko sa kanya. Kinuha ko ang gold coated kong ballpen itinapat ito sa aking ilong, nag-antanda ako at saka huminga ng malalim. Kasabay ng pagsilay ng pinakamatamis kong ngiti ay ang pagbukas ko ng pintuan, sabay pilantik ng aking hintuturo upang mablis na pindutin ang mechanical ballpen ng pitong ulit at pagtitig sa kanyang mga mata. Nang masigurado kong napukaw ko na ang atensiyon niya, gaya ng dati kong ginagawa, banayad at may kumpiyansa ang aking boses habang nakatingin ng mataimtim sa aking kausap.
“Aaaaling Cooooraaa. Kayo po talaga ang nagpapaganda ng aking umaga. Makita ko lang ang inyong magandang mukha ay isa nang malaking karangalan. Bagong kulay kayo ng buhok. Alam naman ninyong kahit hindi po kayo magpakulay ay mukha pa rin kayong edad veinte siete. Isama ninyo ako sa zumba dahil pa-sexy kayo ng pa-sexy!” Mula sa pagkagulat ay napatulala ang matandang dalaga na nakasuot ng asul na sumbrerong pang-Donya sa kanyang bloody red na buhok. Asul din ang sleeveless na maxi-dress nitong nagpakita ng putok na putok nitong mga braso at mala-coke in can na katawan. Terno rin ang high heels nito na pihadong nangitim na dahil sa putik ng daan papasok sa kanilang eskinita.
“Tuwing Sabado ang Zumba, sige ipapasundo kita.” Marahan ko siyang iginiya papasok sa pintuan ng aking mansyon. Hindi ko inaalis ang matamis na ngiti sa aking mukha o ang pagkakatitig ko sa mga mata niya. Ito ang alas ko. Ngiti at tinging nakakahipnotismo. Nang nasa loob na kami at malayo sa mga mata ng nag-uusisang kapitbahay, nagseryoso na ako ng ekspresiyon. Kumapit sa kabila niyang balikat at inilapit ng bahagya ang aking mukha sa kanya.
“Nakabayad na ‘ko para sa buwang ito. Babalik lamang kayo rito sa katapusan ng susunod na buwan.” Nang tumango na si Aling Cora ay saka ako muling nagsalita, “Kailan kayo babalik?”
“Sa katapusan ng susunod na buwan.” Ilang segundo pa bago ko iginiya palabas ng bahay si Aling Cora. Nang nasa labas na ito ay ibinigay ko ang huli kong bilin, “Uuwi na kayo at matutulog para lalong maging maganda.” Tumango ito at dahan-dahang naglakad palayo ng bahay. Nang makalayo na siya ay saka ko lamang isinara ang pintuan at ikinandado. Noon lang ako nakahinga ng maluwag. Babalik pa sana ako ng higaan nang may kumatok na naman. Halos magiba ang pintuan sa lakas ng katok. Iniisip na si Aling Cora muli, sinilip ko muna ang bintana. Napabuntong-hininga nang isa na namang bwisita ang dumating.
“Monay! Dali, buksan mo!” Umirap muna ako bago ko pinagbuksan ang kapitbahay kong si Carla.
“Ang aga pa. Anong meron?” Pagbukas ko ng pintuan ay agad siyang pumasok. Siya na mismo ang nagsara ng pinto at sumandal pa ito habang humahangos.
“Itago mo ‘ko. May humahabol sa’kin!” Inilapag nito ang suot na sumbrerong itim, isa itong beret, sa may lamesa. Iyon ang sumbrerong paborito ko na matagal ko nang hinahanap. Hiniram pala ng gaga.
“Sira ulo ka ba?! May humahabol pala sa’yo bakit dito ka pa nagpunta?!” Napasilip akong muli ng bintana. Nang wala namang makitang ibang tao maliban sa mga batang naglalaro at mga tambay na nag-iinuman, inayos ko ang itim na kurtina upang walang makasilay kahit man lang liwanag.
“Galing ako sa labasan. Napansin kong may sumusunod sa’kin. Niligaw ko sila pero hindi ko sigurado kung alam nila kung saan ako nakatira. Kapag may naghanap sa’kin, ‘wag mo ‘kong ituturo, ha?”
“Idadamay mo pa ‘kong gaga ka! Magulo na nga ang buhay ko, dadagdagan mo pa! Dali na magtago ka na sa kwarto!” Napairap si Carla dahil sa ang tinuturo kong kwarto ay ang mismong lugar kung nasaan kami dahil parang isang kahon lang ang mansyon ko. Sa kanang bahagi sa tabi ng pintuan ang sala, sa tabi nito ang kwarto at sa tapat ng kwarto ang lamesa at kusina. May maliit na banyo rin naman sa sulok. Sa sobrang liit ng tinitirhan kong mansyon ay kaya kong libutin ito sa pitong hakbang lamang.
KALAHATING oras na ang nakalipas ay wala pa ring kumakatok o nangyayaring kakaiba. Nakasampung level na ‘ko sa Hay Day ay wala pa ring naghanap kay Carla.
“Carla, mukhang wala naman. Baka natakasan mo talaga.” Pagtingin ko sa bwisita ko ay mahimbing na pala ang tulog niya. Napailing na lamang ako at nagpasiyang maghanda na para maghanap ng trabaho. Iyong matinong trabaho na kayang bumuhay sa’kin at sa pamilya ko sa Benguet.
Nagbihis ako ng isang blusang puti sa ibabaw ng panloob kong itim. Sa lahat ng panloob ko ay ito na ang pinakamaayos, ang iba ay parang bacon na at gulagulanit na sa kakalaba. Kung ako ang masusunod, mas mainam talagang hindi na mag-bra. Sayang pa sa sabon at mainit pa sa pakiramdam kapag suot.
Dahil kailangan kong magpa-impress ay isang pencil skirt na checkered na nabili ko pa sa pinakasikat na ukay-ukay sa aming bayan ang aking isinuot. Sabi ng tindera ay branded ito kahit singkwenta pesos lang ang ibinayad ko.
Nang handa na ako sa giyera ng corporate world, kinuha ko na ang ballpen ko at iniipit sa gitna ng suot kong blusa. Isinuot ang bagong bawi kong beret na itim, at ang ka-terno nitong bag at dahan-dahang lumabas ng mansyon. Kinailangan kong maging matahimik dahil nakakahiya naman sa bisita ko kung magigising ko siya. Magtitipa sana ako ng mensahe para kay Carla pero wala nga pala akong load. Naubos na ang load ko sa pag-unli surf para makapaglaro ng Hay Day.
Nakakasampung hakbang pa lamang ako papasok ng eskinitang nakakapagtaka na walang katao-tao ay may humablot na sa braso ko at ibinalya ako sa sementadong pader na siguradong marami nang ihing umagos mula sa mga lasenggong mahilig magdilig doon. Kung hindi ako sanay sa bugbugan at balyahan, baka napa-aray na ‘ko. Ngunit hindi ko rin magagawa ‘yon dahil sa mapuputing kamay na kumapit sa leeg ko. Hindi ko alam kung ano ang mas nakakaliyo, ang pagkakasakal sa’kin ng estranghero o ang mga mata nito. Isama na rin ang amoy ng cologne nitong napakabango. Parang idinuduyan ng nakakaakit na samyo niya ang ilong ko.
“You made me f*****g enter this dump! Where is it?! Who are you working for?!”
“Hin..di..ko...alam...” Hahabaan ko pa sana ang linya ko ngunit mas hinigpitan niya ang pagkakapit sa leeg ko. Sinubukan ko siyang itulak ngunit parang mas gusto ko siyang kabigin palapit. Kung sa kamay ng nilalang na ito ako mamamatay, naisip kong sana ay matikman ko muna ang mapupula niyang labi.
“Answer me!” Umiling ako hindi dahil ayaw kong sumagot o hindi ko alam ang sagot kung hindi dahil sino ba ang makakapagsalita kung halos malagot na ang vocal chords sa pagkakapiga niya? Itinaas ko ang mga kamay ko mula sa dibdib niya patungo sa mga kamay niya. Marahil dahil sa pagbawas ng oxygen ko sa utak, kaya ko nagawa ang isang kabaliwan.
Hinila ko rin ang leeg niya ngunit hindi para gumanti o umalpas kung hindi para halikan ang lalaking nananakal.