HANGGANG SA kinabukasan ay dala-dala pa rin ni Rocco ang balitang dumating sa kanya. Hindi pa rin niya maiwasang huwag mag-isip. Hindi siya nag-aalala sa kanyang sarili. Ang kalagayan ng pamilya ang kinababahala niya. Ang mga ito ang dahilan ng kalakasan niya at takot. Gagawin niya ang makakaya upang walang mangyari sa kanyang mag-ina. Kahit itaya niya pa ang kanyang buhay ay wala siyang pakialam.
Ikinuyom ni Rocco ang kanyang palad. Isipin niya pa lang kung sino ang bantang iyon ay nandidilim na ang paningin niya. Paano pa kaya kung makadaupang-palad niya ang kalabang iyon? Hindi niya alam ang magagawa, ngunit sigurado siyang hindi niya hahayaang may mangyari sa kanyang pamilya.
“Rocco?” untag ng asawa niya na naging dahilan upang manumbalik sa kasalukyan ang kanyang atensyon.
“Hon?” sinubukan niyang ngumiti ngunit maling-mali ang naging kilos niyang iyon dahil kilala siya ng asawa. Bawat kilos at galaw niya ay saulo nito kaya hanggang ngayon ay malaki pa rin ang pagpapasalamat niyang hindi siya nito nahuhuli.
“Kahapon ka pa ganyan. Sigurado ka bang ayos ka lang?” nag-aalalang tanong nito bago siya lapitan.
Nakatingin lamang si Rocco sa asawa. Hindi niya na sinagot ito dahil mahuhuli siya ng asawa kung magsisinungaling siya.
Sinapo ni Clairen ang magkabilaan niyang pisngi. Pilit nitong binabasa ang kanyang mga mata. Hindi niya naman maiwasang huwag ibaling ang atensyon sa asawa. Ang mga matang kalmado ni Clairen ang naging kanlungan niya nang mga sandaling iyon. Kahit hindi ito nagsasalita at nakatingin lamang sa kanya ay kahit papaano’y natatahimik ang kanyang isipan habang nakatingin dito.
Bukod sa kanyang nakaraan, ang isa pang kinakatakot niya ay ang gurong asawa. Hindi ito ang uri ng babaeng sesermunan siya o aawayin. Masyadong mabait ang asawa niya para doon kaya natatakot siya kung magagalit ito. Naniniwala pa naman siya sa kasabihang nakakatakot magalit ang mabait. Wala pa naman sa itsura ng asawa niya lalo na sa kilay nitong palaban na kapag itinataas nito ay kakabahan na ang mga hindi nakakakilala rito. Ang mga nangungusap nitong mata ang pinakagusto niya. Tingin pa lamang ng asawa niya, alam niya na kung gaano siya nito kamahal.
Nang bitiwan ng asawa niya ang magkabila niyang pisngi, hinabol niya naman ito nang yakap at iniyukyok ang ulo sa balikat nito.
“Hon, naalala mo ang sinabi mo sa akin noong nakaraang araw?”
“Alin doon?” nagtatakang tanong ng asawa niya.
“About Melly and me—”
“Rocco—”
“I want you to do that all the time. Choose our daughter no matter what,” nakangiti niyang saad bago isayaw ang asawa kahit wala namang saliw ng musika na naririnig. “Sabi mo, pipiliin mo ang anak natin higit pa sa kahit na sino.”
“Rocco—" saad ng asawa niya at kumalas ng yakap sa kanya, “—nadala lang ako sa pinapanood natin.”
“Kase—”
Hinampas ni Clairen ang kanyang balikat. Mapapansin ang pagkadisgusto ng asawa sa tinatakbo ng usapan nila. “Hindi ko akalaing tatanungin mo ako. Kapag nood, nood lang. Walang tanong-tanong.”
Natawa si Rocco. Sa paraang iyon niya itinago ang pag-alala para sa kanyang pamilya. “Nasobrahan yata ako sa pagkain. Bakit naman kase ang sarap magluto ng misis ko tapos masarap din siya?”
Ganoon na lamang ang pagngiwi niya nang kurutin siya nito sa tagiliran. Sa huli, hindi niya napigilang huwag humiyaw nang mas diinan iyon ng asawa. Pinanlakihan siya ng mata ni Clairen. Masyadong mabilis ang kamay nito na hindi niya napansing patungo na sa kanya.
“Clairen!” hiyaw niya habang sinusundan ang kurot ng asawa upang hindi siya masaktan.
Nang mahuli niya ang kamay ng asawa, hinalikan niya kaagad iyon. Hindi niya maiwasang huwag mabaling ang tingin sa tattoo nito sa pala-pulsuhan. Isa iyong espada. Nang mag-angat siya ng paningin, pansin niya ang pagiging seryoso nito. Ang tingin ni Clairen ay nasa bukana ng kanilang bahay.
Sinundan niya ang tinitignan nito. Ganoon na lamang ang pagkunot ng noo niya nang makita ang dalawang kinakapatid. Lalong nadagdagan ang pag-aalala ni Rocco. Hindi niya na maaaring ikaila na malaki ang kanila problemang kinakaharap.
“Tito Levin, Tita Caci!” masiglang bati ni Melly at sinalubong kaagad ang dalawa ng mahigpit na yakap. “Na-miss ko po kayo!” masayang bati nito.
Nasa baba ng kanilang bahay si Melly. Naroon kase ang playground nito habang silang mag-asawa ay nasa teresa ng pangalawang palapag.
Dali-dali ang pagbaba nilang mag-asawa upang daluhan ang dalawa. Matagal niya ng hindi nakikita ang mga ito dahil inatasan ng ama niya na mamahala sa mga negosyo nila sa ibang bansa.
“Daddy, Tito Levin and Tita Caci!” saad ng anak niya at nagtatalon sa tuwa nang makita silang dalawa na patungo sa labas ng bahay. “I miss you both!” hindi mapakaling saad ni Melly.
“Na-miss ka rin namin!” masiglang saad ni Caci bago yakapin ang bata.
“Melly, tulungan mo si mommy na ayusin ang higaan nila Tita Caci. Dito sila matutulog. Bukas na lang kayo mag-play,” aya ng asawa niya sa anak nang mapansin ang pagiging walang imik niya.
“Thank you,” saad niya sa asawa matapos halikan ang pisngi nito.
“Okay, Mommy,” malungkot na saad ng anak niya matapos na magpaalam sa tito at tita nito.
Nang makapasok sa loob ang dalawa, saka niya muling ibinaling ang tingin sa dalawang kinakapatid. Bukod doon, labis ding pinagkakatiwalaan ng ama niya ang dalawa. Parte ang dalawa ng elite na kung saan may trabahong protektahan ang kanilang pamilya. Ang mga ito ang unang nakakaalam kung sakaling magkakaroon ng problema sa kanilang pamilya. Uuwi kaagad ang mga ito kahit pa nasa malayong lugar.
“Levin,” bati niya rito bago yakapin nang panandalian.
“Caci,” ganoon din ang ginawa niya.
Parang tunay na kapatid na ang turing niya sa dalawa. Ang mga ito rin ang kasama niya sa mga misyong ginagawa dati.
Pare-pareho silang walang imik nang magturo sa kanilang hardin. Aso’t pusa ang dalawa. Ito ang unang beses na tahimik ang mga ito.
“Nalagasan tayo ng malaking bilang ng tauhan,” panimula ni Caci nang makaupo. “Hanggang ngayon, hindi pa rin namin malaman kung sino ang salarin ng pagpaslang. Walang nagalaw sa mga kargamyento kaya lalong hindi namin malaman ang motibo.”
“Kuya, kailangan niyong mag-ingat,” saad ni Levin. “Hindi natin alam ang susunod na galaw ng kalaban. Masyado silang madulas. Walang iniiwang bakas. Maaaring, isa na sa atin ang susunod—bakit na naman, Caci? Hindi kita ginagalaw. Nagsisimula ka na naman!”
“Iyong bunganga mo!” galit na turan ni Caci. “May sa demonyo pa naman ang dila mo, paano kung may taynga pala ang kalaban natin sa paligid?”
Natawa si Levin. “Wala tayo sa fantasy world, advance mo mag-isip!”
“Ang bobo talaga mag-isip!” inis na turan ni Caci. “Ang ibig sabihin niyon, baka minamanmanan na tayo! Hay nako, ipinaglihi ka ba sa lobo?”
“Bakit na naman!” inis na tanong ni Levin.
“Iyang ulo mo, puro hangin ang laman! Halatang walang utak,” nadidismayang saad ni Caci.
Nagsunod-sunod ang pag-iling ni Levin. “Nagsalita ang may utak.”
Katulad ng dating nakasanayan ni Rocco, hindi siya sumabat o nakisali sa usapan ng mga ito. Hinayaan niya lamang kung kailan matatapos. Kapag tapos na, saka siya muling papasok sa usapan ng dalawa.
“Okay na, Kuya,” nakangising saad ni Caci.
“Anong ginagawa ngayon ni dad?” tanong niya sa dalawa.
“Still finding the person who messed with us,” sagot ni Caci.
Inilabas naman ni Levin ang isang black envelope. Isa-isa nitong isinalansan ang mga larawang nakuha.
“Puro mga ganito lamang ang nakita sa CCTV,” saad ni Levin. “Anino na hindi maintindihan. Sa pagsusuri, makikitang iisang tao ang lahat ng iyan. Ang nakakapagtaka, bakit mabilis siyang magpalipat-lipat sa bawat lugar? Kahit gumamit siya ng pinakamabilis na sasakyan, imposible talaga.”
“Nasa totoong mundo tayo, imposibleng multo iyan o engkanto,” umiiling na saad ni Caci.
“We can’t disregard every possibility,” saad niya sa dalawa. Isang malalim na buntonghininga ang ginawa niya. Bakit kung kailan tahimik at masaya na sila saka siya susundan muli ng problema? Ngayon, iniisip niya kung anong kasalanan nila sa taong iyon? Ngunit sa dami ng kalaban nila, imposibleng malaman nila ang sagot sa kanyang katanungan.
Hanggang sa sumapit ang oras ng pagtulog, hindi siya nilubayan ng malalim na pag-iisip. Yakap-yakap niya ngayon ang anak na binasahan niya muna ng libro upang makatulog. Ganoon ang routine nila sa tuwing sasapit ang gabi. Hindi ito makakatulog kung hindi niya muna babasahan.
Nang mapansin niya ang malalim na paghinga ni Melly, dahan-dahan ang naging pagtayo ni Rocco sa higaan. Sinulyapan niyang muli ang anak bago tuluyang lumabas ng kwarto nito.
Nadaanan niya pa sa sala si Caci at Levin na naglalaro ng chess. Hindi niya na ibala ang mga ito nang mapansing mainit ang laban ng dalawa na umabot pa sa pagbabatukan. Nagtuloy-tuloy ang pagpunta ni Rocco sa kanilang kwarto. Ngunit hindi niya nakita ang asawa sa kanilang higaan. Nasa teresa na naman ito at malayo ang tanaw katulad na lamang kanina.
“Hon,” bati niya sa asawa upang kunin ang atensyon nito.
Nang lingunin siya ng asawa, isang malapad na ngiti ang sumalubong sa kanya. Ngunit ang ngiting iyon ay hindi umaabot sa taynga. Hinalikan niya ito sa noo bago yakapin ang asawa mula sa likuran. Naamoy niya pa ang amoy mansanas na pabango nito. Gustong-gusto niya ang amoy na iyon. Kapag yakap-yakap niya ang asawa, kumakalma siya. Ang laman ng isipan niya ay nawawala.
“Hon, everything will be alright, okay?” saad ng asawa niya. “Alam kong may problema ka pero hindi ako nag-aabalang magtanong sa mga iyon kase alam kong ayaw mong nadadamay kami ni Melly. Pero, kung hindi mo na kaya, tandaan mong nandito ako. I will listen. I will not judge you. I’ll try to understand.”
“Thank you,” sinsero niyang saad sa asawa bago halikan ang buhok nito habang yakap pa rin nang mahigpit. Ito ang isa sa mga bagay na nagustuhan niya kay Clairen. Palagi siyang hinihintay ng asawa sa mga magiging desisyon niya. Alam nitong may mga inililihim siya ngunit hindi nito pinipilit na magsabi siya.
Kumunot ang noo ni Rocco nang mabaling ang tingin niya sa kanang bahagi. Ganoon na lamang ang pagkunot ng niya nang makita ang malaking bahagi ng lugar na tinutupok ng apoy.
Napansin ng asawa niya ang pagkabato niya kaya naman ganoon na lang din ang paglingon nito sa direksyong iyon.
“Rocco...” bakas ang pag-aalala sa boses ng asawa niya. Naroon kase ang bahay ng mga kabaryo nila.
Hinalikan niya ang pisngi ng asawa bago magpaalam na pupunta roon upang tumulong na mag-apula ng apoy. Paniguradong malaki na iyon kaya kailangan niya ng ilang mga tauhan. Hindi niya na pinasama sina Caci, Levin at ilang mga tauhan. Kailangang may maiwan na magbabantay sa pamilya niya. Sa kabila ng pagmamadali, sinigurado niya munang naibilin ang lahat ng gagawin sa mga tauhan.
Nang makapagpaalam sa asawa, dali-dali ang pagtakbo niya patungo sa sasakyan. Pinaharurot niya kaagad iyon nang makasakay ang kanyang dalawang tauhan na kasama.
Labis ang pagtataka ni Rocco. Kailanman walang napabalitang kahit na anong nangyari sa baryong ito. Tahimik, mababait at masasaya ang mga taong nakatira. Kaya nga nang marinig niya ang Baryo Tahimik, ito kaagad ang lugar na pinili nilang mag-asawa na tirhan.
Sana ay normal na pangyayari lamang ito at walang kinalaman ang mga kalaban nila. Dahil kung hindi, baka hindi niya na kayang humarap pa sa mga taga-baryo.