1 | Ang Pangarap ni Russel

3547 Words
'RUSSEL GUEVARRA' "Kuya!!" "Kuya Russel! Gising, Kuya!" Kanina pa ako ginigising ni Butchoy pero hindi pa rin ako dumi-dilat. Kung ano-ano ng ginawa niyang paraan para lang gisingin ako pero hindi pa rin ako bumibitaw sa pagpapanggap ko. Gising naman na ako kanina pa, nag-su-surf lang ako sa phone ko nang maramdaman kong papasok na si Bunso para gisingin ako na s'yang nakagawian na niya tuwing umaga kaya nagtulog-tulugan ulit ako. Inatake na naman kasi ako ng sapi ko kaya ayan, ang aga-aga man-ti-trip ako. "Kuya! Kakain na nga raw sabi ni Mama. Sige ka, adobong tinuyo sa sabaw pa naman ang ulam tapos 'yong kanin sinangag na maraming toasted bawang. Uubusan talaga kita. Kuya! Hoy!" Paulit-ulit n'ya akong inuga-uga at kiniliti pero hindi pa rin s'ya nagtatagumpay na padilatin ako. Pero sa totoo lang, natakam ako bigla roon sa adobong baboy na tinuyo ang sabaw. Favorite ko kasi 'yon pero syempre, ganap na ang sapi ko kaya hindi pa rin ako dumilat hanggang sa isakatuparan ko na ang maitim kong balak. Nagsimula kong i-galaw ang mga paa ko, inuga-uga ko ito mula sa mahina hanggang sa palakas nang palakas hanggang sa pati ang buong katawan ko ay inuga-uga ko na rin. "Arrghhh! U-urgh!" Umungot-ungot na rin ako na parang sinasaniban habang bumabali-bali ang katawan. Nakarinig ako ng parang bumagsak sa sahig kaya dumilat na ako saka tumingin kay Butchoy na nakaupo sa sahig sa gilid ng kama ko. "Hala! Sinasapian ka ba, Kuya?" tanong n'ya pero kitang-kita ko na natatakot na ito. Ang laki na kasi ng singkit n'yang mga mata. Pigil na pigil ko na ang sarili kong tumawa dahil sa sobrang cute ni Bunso habang natatakot. Kung sinasapian na pala talaga ako tatanungin n'ya pa ako kung sinasaniban ba ako. "Arghh! B-butchoy! Waah! A-akin ang katawang ito! Hindi! Akin! Sa akin ang katawang ito! Ahhh!" Ganap na ganap na ako sa pagpapanggap ko na sinasapian. Umiikot-ikot na nga rin ako sa ibabaw ng kama at ilang beses na nagpagulong-gulong para lang mag-mukhang totoo. Talagang pang-award winning na itong acting ko na kahit si Lotus feet ng pelikulang Feng Sui ni Kris Aquino ay mapapatakbo ng matulin sa takot sa akin. Aba! Talented yata ito at ang pag-arte ang pinaka-main gun ko. Maya-maya ay sumigaw na si Butchoy na pilit idinidilat ang mata n'yang singkit. "K-kuya! Mama! Si Kuya Russel, s-sinasaniban na yata!" sigaw niya habang nakatitig pa rin sa akin. "Ayy hala! Mama, nagbabalibag na s'ya! Nagpagulong-gulong na s'ya sa kama at bumabali na ang leeg. Mama!" Lumundag-lundag ako sa kama habang nakahiga habang nakatitig ng masama kay Butchoy na nakadikit na sa pader sa sobrang takot. Lahat ng unan na nakapaligid sa akin ay talagang binalibag ko na sa paligid para mas kapani-paniwala ang acting ko. Kahit nga ang suot kong pantulog ay halos mapunit na sa kabaliwan ko. Maya-maya pa ay nakarinig na ako ng mabibigat at mabibilis na yabag sa labas ng kwarto ko kasabay ng biglang pagbalibag ng pinto at pag-pasok ni Mama na may dala pang plato at sandok ng rice cooker. Nagulat din ito lalo na nang tignan ko sya na parang may sanib talaga ang kaso lang ay bigla itong sumugod ito sa akin. "Anak ko! Umalis ka sa katawan ng anak ko, kung sinong demonyo ka! Anak!" sigaw ni Mama. "Butchoy, tawagin mo ang mga kapitbahay at ang Pari, bilis!" Madaling kinuha ni Mama ang palaspas na nasa likuran lang ng pinto bago ito pumatong sa kama at walang awa akong pinaghahampas. "Layas, masamang espiritu! Layas! Wala kang mapapala sa katawan ng anak ko. Maraming libag 'yan sa katawan saka mabaho ang paa niya kaya wag mo siyang angkinin! Lumayas ka na lang! Ayy! Layas!" sigaw ni Mama na patuloy pa rin sa paghampas ng palaspas sa akin. Sinabunutan na rin ako ni Mama nang madurog na ang palaspas at sumakay pa sa likuran ko. Hindi na ako nakatiis sa pananabunot n'ya at sa bigat n'ya kaya pina-cut ko na kay Direk ang scene. "Cut na, Mama sabi ni Direk! Aray ko po! Awat na, Mama! Aray!" sigaw ko habang nginungud-ngud niya ang mukha ko sa kama. 'Shuta! Gusto ko lang naman pag-trip-an si Bunso na dapurak at na bugbog pa ako!' Dali-dali akong lumayo kay Mama nang tumigil ito sa pagngud-ngud sa akin at umalis na sa aking likuran. Mabilis akong tumakbo palapit kay Butchoy na nasa pintuan pa lang para magtago sa likuran n'ya. "Russel? Russel, anak wala ka ng sapi?" tanong ni Mama na mas mukha pang sinapian kesa sa akin dahil sa gulo-gulo n'yang buhok at damit. "Mama, siguro nag-a-acting na naman 'yang si Kuya. Totoo 'no, Kuya?" tanong naman sa akin ni Butchoy bago humarap sa akin. Lumuhod kaagad ako sa harapan niya at pinaulanan ng halik ang mapipintog n'yang mga pisngi. "Opo, Bunso! Good Morning!" "Ikaw na bata ka! Akala ko sinasaniban ka na talaga!" singhal ni Mama na palapit na sa amin. Tumayo naman ako at yumakap sa kanya, "Sinusubukan ko lang kung pang-award winning pa rin ba ang acting skills ko, eh pang-award winning pa rin naman pala! Bongga!" Piningot ako ni Mama at kinurot sa tagiliran. Bayad daw sa ginawa kong pangloloko sa kanila. Ang sakit pero okay lang kasi masaya naman ang umaga. "Aatakehin ako sa puso sa kagaganyan mo," sabi niya na nakahawak pa sa kanyang dibdib. "Noong isang araw nagsisisigaw ka na parang nababaliw sa kalsada habang hinahanap sila Crispin at Basilio. Kahapon naman naglupasay ka sa kusina at nagpagulong-gulong na may fake blood pa sa noo tapos ngayon sinasaniban ka naman!? Aba, Russel! Alam kong matagal mo ng pangarap na maging artista pero sana naman wag ako ang pag-practice-an mo, Anak. Mamamatay ako ng maaga sa kakaganyan mo nang hindi pa kita napapanood sa Tv." Nagkatinginan na lang kami ni Butchoy saka kami nagtawanan sa haba ng sermon ni Mama. "Yes po, Mother superior. Hindi na po mauulit," sabi ko na lungkot-lungkutan pero dinapurak lang ang mukha ko. "Ginigising lang kasi para mag-almusal nag-acting pa. Ayan, sermon tuloy ni Mama ang inalmusal mo." Singit ni Butchoy. Natawa ako lalo sa sinabi ni Butchoy. Ang cute cute kasi talaga nya dahil sa singkit n'yang mga mata tapos ang bilog pa ng mga pisngi. "Hoy, ikaw! Wag mo akong pinagsasalitaan ng ganyan dahil ampon ka lang naman! Anak ka lang ni Mama sa isang Chinese na mag-sio-siopao kaya matuto kang i-lugar ang sarili mo!" sigaw ko rito na may kasama pang panduduro at pagtataray pero snob lang inabot ko sa kanya. "Naku, luma na 'yan, Kuya. Isip ka ulit ng iba. Yung mas bago at mas mainit pa sa siopao." Pag-snob nito sa akin bago ito lumabas ng kwarto ko. "Aba! Inisnob ako no'n, Ma!" Sumbong ko kay Mama pero inirapan lang din nya ako at nag-walkout. Nakakaloka! Mag-nanay nga! "Ewan ko sa'yo, Russel, pati ako dinamay mo pa riyan. Kelan naman ako nagkaroon ng boyfriend na Chinese, aber?" sabi pa ni Mama bago ito tuluyang nakalabas ng aking kwarto. "Sumunod ka na sa kusina, handa na ang pagkain!" sigaw niya pa. Natawa na lang ako sa kabaliwan ko kanina at sa masayang umaga na ito. ••••• Pagtapos kumain ay ibinilin na sa akin ni Mama ang pananghalian na idadala ko kanila Papa at Ate sa pwesto namin sa Palengke. May maliit kaming pwesto roon ng gulay at prutas. Sila Ate at Papa ang tandem doon dahil pareho silang magaling sa sales talk eh ako kasi hindi. Noong one time nga na nagbantay ako ang tumal na nga ng benta binagyo pa kami, kaya sabi ni Papa sila na lang ni Ate ang magbabantay doon dahil may balat daw ako sa pwet. Dito na lang daw ako sa bahay para may magbantay kay Butchoy at para may katulong si Mama. Pagkabihis ko pang-alis ay lumabas na ako ng bahay, nadatnan ko pa si Mama na nag-aasikaso sa mga customer na namimili ng meryenda sa stall na tinayo namin ni Papa sa tapat lang ng bahay namin. Lumapit na ako kay Butchoy at humalik sa kanyang pisngi. "Bunso, sabihin mo kay Mama umalis na ako." Ang cute talaga. Nine na s'ya pero baby pa rin ang tingin namin sa kanya. "Ikaw na. Sabihin mo na sa kanya roon," sabi nito sabay turo kay Mama na nagbabalot ng mga meryenda. "Busy nga oh!" sagot rin pabalik bago bumaling sa kanya. "Sandali nga, baka naman malugi si Mama at ikaw na ang lumalantak ng mga 'yan," sabi ko habang inisa-isa ko ang mga paninda ni Mama na iniisa-isa n'ya ring kuhanan. "Tumitikim lang naman." Depensa naman niya. Wala na s'yang masabing mas mahaba kasi puno na ang bibig n'yang bilog na bilog. "Araw-araw bang nag-iiba ang lasa ng mga 'yan kaya everyday din na kailangan tikman?" tanong ko ulit. Makulit kasi s'ya sumagot kaya aliw na aliw akong kausap s'ya o di kaya ay ka-debate. "Kuya, ayaw ko lang masira si Mama sa mga customer n'ya. Dapat tikman ko lahat ng paninda n'ya araw-araw para alam ko kung masarap o hindi," sagot naman nito. Dahil sa sinabi niya ay pinanggigilan ko na lang ang pisngi n'ya. Ang laki-laki kasi talaga kaya hindi ko maiwasan. Hindi na nga ako nakapagpaalam kay Mama, alam naman na n'ya kung saan ang punta ko kaya hindi na s'ya magtataka kung wala na ako sa bahay saka alam naman na ni Butchoy. Hindi naman ganu'n kalayo mula sa bahay ang palengke, isang tricycle lang naman at wala pang kalahating oras makakarating ka na. Pagdating ko ay diretso kaagad ako sa pwesto ng gulayan at prutasan namin. May ilan akong nadadaanan na bumabati sa akin kaya't todo kaway naman ako pabalik. "Hi, Rus! Ang bango natin ngayon ah!" sigaw ng kargador ng mga prutas nila Aleng Beth. "Rus, may gagawin ka ba mamaya? Date tayo. Kain tayo sa labas!" sigaw pa ng isa. "Anong sa'yo sasama! Baka nga sa fishball-an mo lang idala yang si Russel!" singhal sabay batok naman sa kanya ng isa bago kumaway sa akin. "Sa akin ka na lang sumama, Rus. Magbubusog ka na, mag-eenjoy ka pa!" Napailing na lang ako at natawa sa bangayan ng tatlong trabahador nila Aleng Beth, hindi nila alam na nasa likuran na nila ang Ale. "Hoy! Kayong tatlong kumag kanina ko pa hinihintay 'yang mga lansones na 'yan!" sermon at pingot nya sa tatlong lalaki. "Ang lalakas ng mga apog ninyong ayain iyang si Russel kumain sa labas wala naman kayong pera. Paano ako gaganahan magtaas ng sahod sa inyo kung puro kayo ganyan? Hala, sige! Ipasok na 'yang mga 'yan sa loob!" Matapos pagsabihan ang tatlong makukulit na tindero ay kumaway naman sa akin si Aleng Beth sabay hagis ng isang mansanas. "Hala! Si Aleng Beth daw may pa-mansanas pa meron din naman kami roon sa pwesto." Natatawa kong sabi. Yeah, remember prutas at gulay ang binibenta namin? "Hayaan mo na, natutuwa kasi ako sa'yo. Saka pagpasensyahan mo na 'yong tatlong makukulit kong pamangkin, sadyang nagagandahan lang talaga sila sa'yo. Ano ba kasing sekreto mo at napaka-kinis ng balat mo at para ka pang babae? 'Yong asawa ko kasi hindi na tumatabi sa akin dahil para na daw liha sa gaspang ang balat ko, sa inis ko hinampas ko nga ng langka." Nagtawanan na naman kaming dalawa sa sinabi niya. "Ang harsh naman ng langka, Aleng Beth! Kawawa si Manong Tony." "Naku! Hayaan mo s'ya at mabuti nga iyon sa matandang 'yon para magtanda! Sige na, magpatuloy ka na sa paglalakad dahil alam kong marami ka pang fans na madadaanan d'yan. Mamaya ay magtampo na sa akin at sino-solo kita," sabi niya pa saka muling kumaway. At tulad nga ng sabi ni Aleng Beth ay tuloy ulit ako sa pagrampa papunta sa pwesto. Hindi nga nagkamali si Aleng Beth sa sinabi niya na may mga madadaanan pa ako dahil halos lahat ay bumabati sa akin. Feeling artista naman ako na may pakaway-kaway pa na akala mo ay nanalo ng best actor of the year. Maraming nakakakilala sa akin lalo na rito sa palengke at sa barangay namin dahil madalas akong bumibida sa mga stage play at bukod doon dahil na rin sa itsura ko. Hindi naman kasi sa pagmamayabang ay marami nga talaga ang nabubudol ng aking itsura. Marami ang napagkakamalan akong babae dahil nga sa kutis ko at sa balingkinitan kong katawan. Kung tama ang pagkakatanda ko ay Androgynous ang tawag sa ganito kondisyon ko. Having the both characteristics of a male and a female, ika nga. Kapag nga magkasama kami nila Mama at Ate ay mas napapansin pa ako at laging tampulan ng tukso o papuri na mas maganda pa raw ako sa kanilang dalawa. Kaya nga 'yong mga nadadaanan kong lalake na kung ano-ano ang mga pinagsisigaw tulad na lang nang tatlong pamangkin ni Aleng Beth ay normal na sa akin. Highschool pa lang ako marami ng ganu'n pero syempre may promise ako kanila Mama at Papa na wala munang boyfriend-boyfriend at may priority rin kasi ako– ang maging isang Artista! Nasa ganung pagkaway at pagbati ako pabalik sa mga bumabati sa akin nang may biglang humarang sa akin. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. Mukhang mapapalaban na naman ako ah. "Nandito na naman pala ang feelingera na kaya raw talbugan sila Bea Alonzo, Angel Locsin at Maja Salvador sa acting-an," sabi nito na puno ng katarayan at nakuha pang magpa-mewang. Naagaw na n'ya ang atensyon ng mga malapit sa amin mapa bumibili man yan o mga nagtitinda pero kalma pa rin ako. Ngiti lang. "At nandito rin pala ang Reyna ng mga Bangus. Naligo ka ba, kasi sa malayo pa lang amoy na amoy ko na ang lansa mo?" sagot ko pabalik. Napa-'ow' ang mga tao na nanonood na sa amin. Aba! Ako pa ba, papatalo? No way! "Bakit kasi tumatapak ka pa rito? Pag-aari ko ang buong palengke na ito kaya walang lugar ang isang dukha at feelingera na tulad mo rito!" Taas kilay nitong sabi. Lumapit na ako sa kanya at sasampalin na sana sya nang bigla nya itong harangin. "Wala sa script ni Direct ang sampal, tii!" Natatawang sabi nya. "Pwede adlib?" Nakangiti kong sabi saka kami nagtawanan. Pati mga nanonood sa amin nagtawanan na rin, ang ilan ay napapalakpak pa. "Wala talaga kayong kapaguran sa pagda-drama riyang dalawa, ano!?" Natatawang komento ni Ate Jenny, s'ya ang may pinakamalaking pwesto ng mga isda lalo na ang Bangus dito. S'ya rin ang Nanay nitong friend ko na si Jammy. "Biggest dream namin ang maging artista 'no, kaya dapat always prepared kami para just in case na may pa-audition ay pasok sa banga kaagad ang acting skills namin, di ba?" Baling ni Jammy sa akin. Nakangiting tumango-tango naman ako. "Always hasa para matalim kapag nilaban," dagdag ko naman. Tampulan na naman kami ng usapan sa lahat ng pwesto dahil sa ginawa naming eksena ni Jammy. Halos araw-araw na nga yata naming routine ito pero iba-ibang ganap. Sabi nga niya dapat ay lagi kaming ready mapasabak sa isang acting-an kaya kami nagda-drama araw-araw. Ito ang naging dahilan ng pagkakaibigan namin, pareho naming hilig ang umarte at biggest dream nga namin ang maging artista pero ayun nga, nasa province kami at malabong may magawing star hunt o audition dito sa amin kaya hanggang palengke muna ang acting-an naming dalawa. Habang sumasagot ako sa mga tanong ng mga tindera ay s'yang pagdating naman ni Ate, nakasuot pa ito ng pink na apron at nakapusod pa ang buhok. Tinginan kaagad ang mga kalalakihan sa kanya dahil hindi naman talaga maipagkakaila na maganda talaga ang ate ko. Mukha lang siyang suplada dahil sa salamin na suot n'ya pero baliw din 'yan parang ako. "Sabi ko na. Tama talaga ang kutob ko na napatambay ka na rito kaya sinundo na kita. Gutom na kami ni Papa nasa iyo ang pagkain namin," sabi nito pagkalapit sa akin. Hala! Oo nga pala! Nakalimutan ko na maghahatid nga pala ako ng pagkain nila. Si Jammy kasi hinarang ako napalaban tuloy ako at nakalimutan ko ang sadya ko rito. "Sorry, Ate, napalaban lang." Depensa ko kaagad. "Sige, Jammy. Mamaya na lang ulit." Paalam ko muna kay Jammy pati sa Mama n'ya at sa mga fans namin sa palengke. "Asahan niyo bukas, mas maganda ang eksena!" sigaw ko pa na umani naman ng tawanan at palakpakan. Kumaway-kaway pa ako na parang totoong artista habang hila-hila ni Ate ang isang kamay ko. Pagdating namin sa pwesto ay sinumbong kaagad ako ni Ate kay Papa. Nakikinig lang ako sa kanila habang nagbabalat ng dalanghita na kinuha ko sa paninda namin. "Ikaw talaga, Russel, ang hilig-hilig mo talagang gumawa ng eksena. Ang Mama mo nagtext sa akin kanina, may kalokohan ka na naman daw na ginawa," sabi ni Papa na kumakain na kasama si Ate. "Huh? Ano na naman 'yon? Hindi kaya Papa, wala akong ginawa!" Giit ko sabay kagat ng dalanghita. "Nga pala, Russel. Kamusta 'yong ina-apply-an mo kamo na Encoder?" tanong naman ni Ate tungkol sa trabaho na in-apply-an ko sa isang online job site. "Wala pa ngang reply, Ate. Mag-f-follow up na lang ako mamayang gabi," sagot ko naman. Bigla namang sumabat si Papa. "Ayan ba 'yong trabaho sa Maynila?" tanong n'ya. Tumango lang ako bilang sagot. "Aba, Russel, malayo ang Maynila. Wala tayong ibang kamag-anak doon, mag-isa mo lang doon." Nagkatinginan kami ni Ate sa patutunguhan ng sinasabi ni Papa. Alam na kasi namin ang sunod n'yang sasabihin kaya alam na rin namin ang sasabihin namin pabalik. "Pa, sayang naman kasi yung offer sa akin. Malaki ang sahod saka libre pa ang tutuluyan. Kahit naman wala akong kilala roon ay kaya ko naman," sabi ko bago tumingin kay Ate para humingi ng back-up. "Saka Pa, matanda na 'yang si Russel. Twenty years old na 'yan, alam na niya ang tama at mali. Hindi ko rin naman papayagan 'yan kung wala akong tiwala riyan." Segunda naman ni Ate kaya super smile kaagad ako. "Russel, ang akin lang naman ay marami naman kasing pwedeng pasukan na trabaho rito. Maunlad naman na ang Zambales kaya bakit ka pa lalayo? Dito sama-sama tayo, maaasikaso ka pa namin ng Mama sa kung anong kailangan mo," sabi muli ni Papa. "Hindi naman tayo ganu'ng naghihirap para lumayo ka pa. Kaya ko pa namang magtrabaho para buhayin kayo." Dahil sa sinabi ni Papa ay tumayo na ako at umakbay sa kanya. Pati si Ate na nasa tabi n'ya ay isinandal na rin ang ulo niya sa balikat ni Papa. "Si Papa ang drama talaga. Sa'yo ko nga yata talaga namana ang talent ko sa pag-arte eh." Pilit kong pinagaan ang mood ni Papa na nagawa ko naman dahil ngumiti na rin ito. Ayaw na ayaw ko kasing nakikita si Papa na ganu'n. Ayokong iniisip n'ya na mahina ang tingin namin sa kanya dahil sa hindi na ito makabalik sa pagpu-pulis matapos s'yang maaksidente at mapuruhan ang kanyang paa. Nakakalakad pa naman s'ya pero hindi na tulad ng dati kaya tumigil na s'ya sa serbisyo at nagtayo na lang ng pwesto dito sa palengke. "Iipon lang naman ako ng konti Papa para matuloy ko na 'yong pag-aaral ko saka para mas lumaki itong pwesto natin. Alam ko naman na parang anak na ang turing n'yo rito sa pwesto kaya papalakihin na lang natin." Paglalambing ko sa kanya. Natigil din kasi ako ng isang taon sa pag-aaral dahil naubos nga ang ibang ipon namin noon para sa operasyon ni Papa. Kaya nang may nag-offer sa akin ng trabaho sa Maynila ay ing-grab ko na kaagad. Magandang opportunity na kasi 'yon para makapag-ipon ako para makatulong sa business nila Papa at para na rin sa pag-aaral ko. Habang ako ay nakasiksik sa braso ni Papa ay pinitik nito ang tenga ko. Umayos kaagad ako ng upo hawak ang tenga kong pinitik n'ya. "Aray! Ang sakit no'n, Pa! Para saan 'yon?" Daing ko habang himashimas ang tenga ko na pinitik n'ya. Natatawang binangga naman ako ng balikat ni Papa. "Kung akala mo hindi ko lang alam, kaya mo rin balak pumunta ng Maynila ay para makapag-audition ka sa mga hunt doon para maging artista. Sinong niloko mo, Russel." Namula ako sa hiya at napanganga sa sinabi ni Papa. Tawa lang nang tawa si Ate dahil nabisto na raw ni Papa ang hidden agenda ko. "Hala si Papa!" "Hala si Papa ano?" Nakangiting udyok n'ya sa akin na ituloy ang sasabihin ko. Alam kasi n'yang huli na n'ya ako. "Syempre, Papa nandoon na ako eh. Mas malapit na ako sa Bahay ni Kuya. Magugulat na lang kayo na nasa Tv na ako, di ba?" Pag-amin ko na rin. Slight totoo rin naman kasi. Syempre nandoon na ako, mas malapit na ako kaya hindi na malayo para sa akin na makuha ang makinang na bituin ng aking pangarap, ganu'n! Nang mapapayag ko si Papa na ako ay magtrabaho sa malayo ay nagbilin na lamang ito sa akin. Wala na rin naman daw s'yang magagawa dahil gumagawa na raw ako ng desisyon at sariling daan sa buhay ko. Hindi naman daw n'ya ako panghabambuhay na mahahawakan, darating at darating din daw ang panahon na lalayo rin ako para hanapin ang buhay na gusto ko. Nakakaloka, di ba? Ano namang say niyo sa kadramahan ng Papa ko? Kaya nga wag na kayong magtaka kung kanino ko namana itong hilig ko sa pag-arte. S'ya na ang award winning!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD