YEAR 2020
"Kumain ka na, Kat. Halos isang buong araw ka ng hindi kumakain." Pag-aalala ng Tita ni Katleya na tinutuluyan niya sa Island Garden City of Samal sa Davao Del Norte.
Sa America dapat ang unang flight na pupuntahan ni Katleya, pero hindi siya tumuloy dahil sa pagbabakasakaling habulin siya ni Blue sa Airport. Marami-raming tickets din ang nasayang niya ngunit walang Pierce Blue na dumating kung saan siya naghintay. Umaasa siyang magpakita ito at pigilan siyang umalis. Pero malinaw pa sa batis na hindi ito darating gaya nang sinabi ni Amber sa kanya. Sa panghuling ticket na binili ni Katleya ay biglang nagbago ang isip niya, hindi na sa America ang destinasyon niya kung hindi roon sa Samal kung saan nakatira ang kapatid ng Mommy niya, may malawak na hacienda kasi ito roon. At sobrang kailangan niya ng preskong hangin para makapag-isip at gamutin ang pusong winasak ng lalaking sobrang minahal niya.
"Wala po akong gana, Tita," sagot ni Katleya na nakatago sa ilalim ng kumot.
"Alam ba ni Ezma na nandito ka?" pag-aalalang tanong ni Ezralla, ang kapatid ng ina ni Katleya.
Tinanggal ni Katleya ang kumot na nakatakip sa kanya at bumangon. Hinarap niya si Ezralla.
"Ang alam nila ay nasa America po ako, 'wag niyo po munang sabihin sa kanila, Tita. Kapag feeling ko okay na ako, roon ko na sasabihin sa kanila na nandito ako sa inyo. Tita? Please, rito lang muna ako sa hascienda niyo."
"Wala namang problema sa akin, Kat. Ang pinag-aalala ko lang, ang pamilya mo."
"1 month, sasabihin ko na nandito ako sa inyo. Papatayin ko muna ang communication ko sa kanila, gusto ko muna ng kapayapaan."
"Pero ano ba ang nangyari sa iyo? Bakit para kang pinagkaitan ng mundo? Ang lungkot ng mga mata mo. Dumating ka rito na namamaga ang mga mata mo. Nandito ka sa pamamahay ko, may karapatan naman yata akong malaman ang tungkol sa iyo, hindi ba?"
Tumango si Katleya at kinuwento ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Blue, maliban na lang sa ginalaw siya nito. Napaluha ang Tita Ezralla niya habang nakikinig sa pamangkin niya, naramdaman niya kasi ang sakit na kinikimkim nito.
"Kat, ganoon talaga ang buhay. Hindi mo naman mapipilit ang damdamin niya. Alam mo kasi, ang pag-ibig hindi 'yan matutunan, kusa lang 'yan. Natural. Kung mahal ka, mahal ka. Sa kuwento mo, ilang beses na niyang sinabi na wala talaga at kaibigan ka lang sa kanya. Sana tinanggap mo na iyon noong una pa lang para hindi ka masaktan nang ganito ngayon. Hindi siya nagkulang sa pagpapa-aalala sa iyo, but ito ka, nagmamalimos ng pag-ibig na hindi niya maibigay sa iyo. Alam mo, Kat, sorry to say this, pero ikaw at ikaw lang ang nanakit sa sarili mo. We cannot please somebody's heart just to love us dahil sa gusto natin sila. Ang mapapayo ko lang bilang Tita mo, accept it, move on. Nasa iyo na ang lahat, marami pang lalaki sa mundo, maybe hindi siya talaga ang para sa iyo."
Humagulgol si Katleya at niyakap ang Tita Ezralla niya. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Para sa kanya iba pa rin talaga kapag may taong handang gumabay na walang panghuhusga.
"Salamat po, Tita," wika ni Katleya. Napatingin ito sa bintana. Bigla kasing bumuhos ang napakalakas na ulan. "Sinabayan ng ulan ang lungkot ko."
"Iyan ang nagpapatunay na tayong mga tao ay kailangan ng karamay. Basta Kat, nandito lang ako para sa iyo. Pero ano na ang plano mo?"
"Hindi ko pa alam, Tita." Napahawak si Katleya sa dibdib niya. "Pagagalingin ko muna ang sugat dito."
"Sige, nandito lang kami ng Tito at mga pinsan mo."
"Speaking of my cousins? Where are they?" tanong ni Katleya.
"Nandoon sa Davao City. Uuwi sila rito every Friday, bukas hanggang Sunday, tapos babalik naman sila sa condo nila roon."
"Sakit sa ulo pa rin ba sila, Tita?"
"Hindi mo na 'yan kailangan itanong. Alam mo na ang sagot," naapabuntong-hiningang sagot ni Ezralla.
"Excited na tuloy akong makita sila."
"Mas excited ang dalawa. Nang tinawagan ko sila kanina, napasigaw pa talaga. Anyway, kumain ka na, Kat."
"Wala pa talaga akong gana kumain, Tita. Bukas na lang ng umaga. Salamat sa pag-aalala. Matulog na lang muna ako."
"Sige, ikaw bahala. Pero bukas, hindi ko na hahayaan na hindi ka pa kumain. Mauna na ako, magpakatatag ka. Labanan mo ang sakit. Matapang ka, ikaw pa naman tagapagtanggol sa mga pinsan mo noon."
"Susubukan ko, Tita. Thank you again."
Lumabas na si Ezralla kaya bumalik muli ang lungkot na nararamdaman ni Katleya. Humiga na siyang muli sa kama niya at niyakap ang unan habang walang pigil sa pag-iyak.
•••
Nagising si Katleya dahil sa ingay ng mga hayop sa hacienda ng Tita niya. Dahan-dahan siyang bumangon habang nagtatanggal ng muta sa mga mata niya. Humikab pa siya at parang nakulangan pa sa pagtulog. Pero nilabanan niya ito at tumayo mula sa hinigaan niya. Papunta na siya ngayon sa bintana ng kuwarto niya. Pagbukas niya sa bintana na gawa sa mamahaling salamin, malamig na simoy ng hangin ang sumalubong sa kanya. Ngayon ay nakita na niya kung saan nagmula ang mga tunog kanina: una, sa mga manok panabong, pangalawa, sa mga batang kambing na sunod nang sunod sa ina nila, pangatlo, sa mga kalabaw at baka na abala sa pagkain ng mga damo, pang-apat sa mga kabayo na nagkarerahan, panglima, sa mga baboy na may sariling kulungan, at panghuli, sa Tita niya na tinatawag ang mga inahin na manok para pakainin. Napangiti si Katleya dahil muli niyang nasaksihan ang ganda ng Isla ng Samal sa Davao kung saan nakatira ang Tita niya. Sobrang laki ng hascienda nito dahil nakapangasawa ito ng isang haciendero, mga higit kumulang tatlong ektartayang lupain ang laki ng buong hascienda. Nakapuwesto ang lupa nito sa itaas ng bundok.
Kumislap ang mga mata ni Katleya nang makita ang dagat na parang mga kristal dahil kumikinang kapag natatamaan ng sinag ng araw.
"Wow!" namamangha niyang sabi.
"Kat!" pagtawag ng Tita niya sa ibaba ng bahay. Nakita niya kasi si Katleya na hindi matikom ang bibig na nakatingin sa malayo.
Napalingon si Katleya. "Good morning, Tita." Napangiti ito nang makitang dinalhan ng Tito niya ng umuusok pa sa init na kape ang Tita niya. "Good morning, Tito."
"Kat. Halika rito," pagtawag ni Monching, ang asawa ni Ezralla.
"Kat, magtimpla ka muna ng gatas roon sa kusina, tapos dumiretso ka rito. Masaya rito," ani Ezralla.
"Okay, Tita."
Nagsipilyo muna si Katleya sa sariling banyo niya sa kuwarto bago bumaba papunta sa kusina para magtimpla ng gatas. Nang matapos siya sa ginawa niya, lumabas na siya papunta sa Tita at Tito niya.
"Ginising ka ba ng living alarm clock namin?" natatawang tanong ni Ezralla. Ang tinutukoy niya ay ang mga tunog ng hayop.
Tumango si Katleya sabay higop ng gatas na tinimpla niya.
"Ganito talaga rito, Kat. Pero hindi mo mapagkaila na sobrang ganda rito. Makikita mo naman sa paligid hindi ba?" ani Monching.
"Kaya nga po. Grabe! Ngayon ko lang muli nakita ang ganda nito. Mas maganda na siya ngayon, sobrang berde ng mga damo tapos ang dagat kumikinang na kulay asu..." Hindi niya itinuloy ang sasabihin dahil naalala niya si Blue.
"Lumungkot na naman ang mga mata mo," pagpapa-alala ni Ezralla.
"Kat, nasabi na sa akin ni Ezra ang nangyari sa iyo. Nakalulungkot, pero I know makakayanan mo 'yan. Habang nandito ka, puwede mong ibaling ang atensyon mo sa isang bagay na hindi mo karaniwang ginagawa, katulad ng pagpapakain ng mga hayop dito, magdilig ng mga halaman, magtanim, at mag harvest ng mga prutas at gulay. Marami kang puwedeng gawin dito," ani Monching.
Napa-isip si Katleya. "Matutulungan niyo po ba ako?"
"Oo naman," sagot ni Ezralla, makikita mo sa mga mata niya na gusto niyang matulungan ang pamangkin para malagpasan ang sakit na dinaramdam nito ngayon.
"Marami kang puwedeng maging kaibigan dito. Marami kaming farmers dito, may mga babae at mga lalaki na hindi malayu-layo sa edad mo," masayang sabi ni Monching.
"Sige po. Gagawin ko," sagot ni Katleya.
•••
"Ate!" sigaw ni Dayessa Gold, ang pinsan ni Katleya.
Kakarating lang nito galing sa Davao City, doon kasi sila nag-aaral sa isang pang-pribadong paaralan. Tatakbo na sana si Gold sa Ate Katleya niya ngunit hinawakan ito ni Silver Lay, ang lalaking kapatid nito.
"Oops. Mas close kami ni Ate kaya ako ang unang yayakap sa kanya." Hinila ni Silver pabalik si Gold at tumakbo papunta kay Katleya. "I miss you, Ate."
"Aray ko, Kuya!" sigaw ni Gold, natumba kasi ito sa sahig.
"Mommy, oh, si Kuya!" pagsumbong ni Gold. Tumayo ito at sumali sa yakapan ng magpinsan. "Alis na, Kuya."
"Ikaw ang umalis! Sipain kita riyan," sigaw ni Silver.
Napangiti si Katleya.
"Wala pa rin kayong pinagbagong dalawa. Ang ingay niyo pa rin. Kumusta na?" Tiningnan niya si Gold. "Ang ganda mo na lalo." Sinunod niyang tingnan si Silver. "Na miss ko tuloy si Kuya Black sa iyo. Sobrang magkahawig kasi kayo."
"Idol ko iyon, e. Balak ko rin kasi mag model soon. Pero ngayon, aral muna," anito.
"Dapat lang, study first. Magbihis na muna kayo sa kuwarto niyo, tapos agad kayong bumaba. Kuwentuhan niyo ang ate," ani Katleya.
"Okay," sagot ng dalawa sabay takbo papunta sa kanilang mga kuwarto.
Si Silver Lay at Dayessa Gold ay ang dalawang anak ni Ezralla Cordova Aurella, ang kapatid ni Ezmeralda Cordova Quizo o ang ina ni Katleya. Si Silver Lay ang panganay sa magkapatid, dalawang taon sa kolehiyo sa kursong Accountancy, ang pangarap niya sa buhay ay sumunod sa yakap ng kanyang iniidolo na si Blackarlito Monteriru Fufu. Gusto niya rin kasi maging isang sikat na modelo. Siya ay isang captain ball ng basketbal sa paaralan nila. Mayroon din itong taglay ng kaguwapuhan kaya halos ng estudyante sa pinapasukan niya ay patay na patay sa kanya. May taglay rin itong talino kaya napagsabay niya ang hilig sa sports at ang pagiging consistent dean's lister.
Si Dayessa Gold ay kakatapos lang sa Senior High noong Abril. Nanatili lang siya sa tabi ng kapatid niya dahil hanggang ngayon ay walang tiwala si Ezralla sa panganay na anak niya. Si Dayessa ay isang palaban na babae, mapa-eskwela at sa totoong hamon ng buhay. Marunong din siya makipaglaban katulad ng ate Katleya niya. May taglay rin itong ganda kaya habulin ng mga lalaki ngunit ang pinto nito ay laging nakasara.
Habang nagbibihis pa ang mga pinsan ni Katleya sa mga kuwarto nila ay tinutulungan niya muna si Ezralla sa paghanda ng pagkain sa mesa.
"Parang kailan lang, magkasing tangkad lang kami ni Silver, ngayon ay kailangan ko nang tumingala para makausap lang siya," natatawang sabi ni Katleya.
"Sinabi mo pa," pagsang-ayon ni Ezralla.
"Si Gold naman ay napakagandang bata, nagmana sa iyo, Tita."
"Nagmana sa amin ni Ezma," nakangiting sagot ni Ezralla.
"Oo, si Mom. Kumusta na kaya sila ngayon?" palungkot na tanong ni Katleya.
"Ano'ng sinabi mo sa kanila? I'm sure nagtanong sila kung dumating ka na ba sa California."
"Kaninang madaling araw, nagbilin ako ng mensahe sa kanila, Tita. Sabi ko na safe akong dumating at 'wag na silang mag-aalala sa akin. Sinabi ko rin sa kanila na papatayin ko muna ang komunikasyon namin dahil pansamantalang hindi ako gagamit ng phone, to avoid distructions."
"Mabuti naman, kahit paano ay hindi na sila mag-aalala sa iyo."
"Ate!" sigaw ni Gold at Silver, sa mga ngiti nila ay hindi maitago ang saya na makitang muli ang Ate Katleya nila.
Napatigil sa pag-uusap si Katleya at Ezralla nang dumating ang dalawa. Nang maka-upo na ang mga ito ay pinaalahan sila ni Ezralla na walang sino man sa dalawa ang magsasabi na nandito si Katleya sa kanila. Nangako ang dalawa na wala silang sasabihin na kahit ano. Kinuwento na lang rin ni Katleya ang nangyari sa kanila ni Blue dahil panay tanong si Gold tungkol sa kanilang dalawa. Kilala niya kasi si Blue dahil akala niya ito ang makakatuluyan ni Katleya, pero mali siya. Dahil iyon pala ang wawasak sa puso nito.
•••
TATLONG LINGGO na ang lumipas mula nang tumira si Katleya sa Hacienda ni Ezralla. Masaya siya na makasama ang Tita niya dahil hindi siya nito pinapabayaan. Naramdaman niya ang pagmamahal nito sa kanya. Unti-unti na rin bumabalik ang ngiti sa labi niya. Nakaramdam siya ng kasaganaan kung nasaan man siya ngayon. Natutuwa siya sa mga ginagawa niya lalo na sa pagpapakain ng mga hayop na kailanman hindi niya nagawa noon.
Ngayon ay kasalukuyang naglalaba si Katleya ng mga damit niya sa labas ng bahay ni Ezralla.
"Kat, ang putla mo. Si Manang na ang maglaba niyan," ani Ezralla na nakaupo sa gilid habang umiinom ng kape.
"Kaya ko pa naman, Tita. Magpapahinga lang ako pagkatapos nito." Napatakip si Katleya sa bibig niya.
"Kat? Ano'ng nangyari sa iyo?" pag-aalala ni Ezralla.
Tumayo ito bigla at tumakbo papunta sa may daluyan ng tubig para sumuka. Napatakbo si Ezralla at hinimas ang likod niya.
"Kat? Ano ang nangyari sa iyo?" tanong muli nito.
Hindi na makasagot si Katleya dahil wala itong katapusan sa pagsusuka. Nang sinubukan nitong tumayo ay biglang nanlabo ang paningin niya hanggang sa mawalan siya ng malay at bumagsak sa sahig.
"Kat!" sigaw ni Ezralla.
~~~