Pagkatapos ni Reza na kumuha ng vitals signs ng mga pasyente ay bumalik na siya sa nurse station. Naglalakad na siya sa hallway nang makasalubong niya si Tita Marites, na doktor din dito sa ospital na pinagtatrabuan niya.
"Good morning, hija!" maaliwalas ang mukhang salubong sa kaniya ng tiyahin. Nakababatang kapatid ito ng kaniyang ina. Si Tita Marites ang nagpasok kay Reza dito sa Iloilo City General Hospital, bilang nurse. "Hindi ka naman ba pinapahirapan o sinusungitan ng mga pasyente mo?"
"Hindi naman po, tita," nakangiting sagot ng dalaga. "At saka parte naman po ng work natin ang maging mahinahon palagi. Kahit gaano pa kakulit at kasungit ang pasyente natin."
Natutuwa siya nitong tinapik sa kamay. "Very good, Reza. Natutuwa akong makita ang dedication mo sa trabaho. Hindi ako nagkamaling ipinasok kita rito. Hindi ako mapapahiya sa mga boss natin."
"Hinding-hindi ko po talaga sasayangin ang tiwala n'yo tita," nakangiti pa ring sagot ni Reza.
"Okay, Reza. I have to go. May patients akong naghihintay," paalam ng tiyahin. "Basta sabihin mo lang sa'kin kapag may problema ka. Okay? Or kung hindi ka comfortable sa apartment. Anytime ay welcome ka sa bahay."
"Thank you so much, Tita Marites."
Masaya ang mukha ni Reza nang maghiwalay silang magtiya. Natutuwa si Reza na mabait ang tiyahin at hindi villain sa buhay niya katulad ng iba. Kaya nga nang alukin siya ni Tita Marites noon na mag-apply dito sa ICGH, kaagad na pumayag si Reza. Kahit pa napakalayo nitong Iloilo sa hometown niyang Bataan. Dahil bukod sa alam ni Reza na hindi siya pababayaan dito ng tiyahin, nakakaengganyo din ang laki ng sahod. Malayong-malayo sa sinasahod niya noon sa pinagtatrabahuan niyang private ospital sa Bataan. Maliit na nga, lagi pang delayed.
Gustong sumahod ni Reza nang malaki para may pantustos sa pag-aaral ng tatlong kapatid sa kolehiyo. At para may pang-maintenance sa dialysis ng kaniyang ama na stage four na ang kidney disease.
Panganay si Reza sa apat na magkakapatid. Nanggaling siya sa simpleng pamilya sa Bataan. Isang retired elementary teacher ang kaniyang ina. At dati namang government employee ang ama.
Gustuhin man ni Reza na personal na alagaan ang ama, napilitan ang dalaga na lumayo. Kulang na kulang ang pension ng kaniyang mga magulang para sa kanilang mga gastusin. Ang panggastos niya sana noon para sa pag-aabroad ay nagastos din sa pagda-dialysis ng ama.
Noon pa man ay pangarap na ni Reza ang makarating at makapagtrabaho sa Canada. Pinag-ipunan na rin nila iyong magpamilya. Kaso kung kailan malaki-laki na sana ang naipon nila ay saka naman na-diagnose ang ama ni Reza.
Dahil ang dalaga na ang katuwang ng kaniyang ina sa pagtaguyod ng kanilang pamilya, kaya halos wala na siyang oras para sa sarili. Ni hindi na maharap ni Reza ang pag-aasawa. Iyong huli niyang naging boyfriend noon ay hiniwalayan siya dahil lagi siyang walang oras. At the age of thirty, dalawang beses pa lang nagkanobyo si Reza. Pareho naman sanang okay ang dalawang iyon. Si Reza lang talaga ang may problema. Siya at ang pagpapa-priority niya sa family.
"Oy, bakla!" salubong ng kaibigan ni Reza na si Sandro, na nagiging si Sandra kapag nakakita ng macho at pogi. "May naghahanap sa'yo kanina."
"Sino? 'Yong bumbay na amoy bayabas?" natatawang sagot ni Reza.
Ang makulit na lending collector sa mga tindahang malapit sa ospital ang tinutukoy ni Reza. Araw-araw siya nitong kinukulit na aasawahin daw siya.
"May iba pa ba? 'Wag ka na kasing choosy, gurl," biro sa kaniya ni Sandro. "Isipin mo na lang na kapag 'yong bumbay na 'yon ang napangasawa mo, tanggal lahat ng financial problem mo."
"Gaga! Kung ikaw nga hindi makatagal sa amoy-bayabas na 'yon, ako pa kaya?" Pabiro siyang nagpa-cute. "Beauty and brain ito, 'no? Pang Italian model yata ako."
"Katulad ng pantasya mong si Pietro Boselli?" pang-ookray uli sa kaniya ni Sandro. Pero alam ni Reza na nagbibiruan lang sila kaya tinatawanan lang niya ito. "Eh, 'di hamak na mas macho at guwapo pa d'on si Dale, eh."
Tinukso si Reza ng mga kasamahan nilang nurse sa station. At sakto namang dumating si Dale. Kapwa nurse ito ni Reza at unang araw pa lang niya rito sa ICGH, nagpalipad hangin na ito sa kaniya. Guwapo naman, mabait at may abs din si Dale. Nanggaling din ito sa maykayang pamilya. Pero hindi talaga ito magustuhan ni Reza. May hinahanap siya na hindi niya makita kay Dale.
"Oo nga naman, Reza," sakay ni Dale sa biro ng mga kasamahan nila. "'Wag ka na d'on sa hanggang pantasya lang. Dito ka na sa makatotohanan. Aalagaan at mamahalin naman kita, eh."
"Tse! Isa ka pa!" kunwari irap ni Reza kay Dale. "Dahil diyan kaya double basted ka na sa'kin."
Nagtawanan lang ang mga kasamahan nila sa nurse station, at gan'on din si Reza. Samantalang napakamot na lang sa ulo nito si Dale.