Hindi malaman ni Sam kung ano ang gagawin. Ramdam niya ang unti-unting nalalagas na dila. Naiiyak na siya sa takot at sakit na nararamdaman. Palabas na sana siya ng kuwarto nang mapasulyap sa kahon ng mga damit. Parang may nag-uudyok sa kaniya na damputin ang notebook. Agad-agad na kinuha niya ito dahil may naalala siya. Ang babala!
Hindi kaya...?
Halos mapunit ang pahina nito nang pabiglang buklatin niyang muli kung saan niya nabasa na may mangyayari sa kaniyang masama kapag hindi niya sinunod ang utos. Bago pa man mabasang muli, napatakbo papuntang lababo si Sam. Iniluwa niya ang naipong laman sa bibig. Kaunting laman ng kaniyang dila at dugo iyon. Wala na siyang pakialam kahit pa nakakadiri ang itsura. Mabilis na niyang binasa ang utos dahil baka tuluyan na siyang mawalan ng dila. Malakas ang kutob niya na dahil iyon sa notebook kaya siya nagkakaganito!
Nakasaad na dapat ay magawa niya bago o eksakto sa oras at araw na ibinigay. Bakit may ganito pa? Naiyak na siyang tuluyan bago sumulyap sa orasang nasa dingding. Alas onse diyes na pala ng gabi. Ngayon ang itinakdang oras! Dapat daw bago pumatak ang alas dose, magawa na niya ang utos.
Hindi niya malaman kung susundin ba o hindi. Paano kung nakukulam pala siya at hindi ito ang solusyon? Pero nangyari lang naman ito nang magsulat siya sa wishlist at kinabahan talaga siya sa babala.
Pagkatapos na dumurang muli ay wala nang pagdadalawang-isip na tumakbo siyang pabalik ng kuwarto. Hinagilap ang panyo sa kahon at itinali sa kalahati ng mukha. Tinakpan niya ang bibig dahil pakiramdam niya ay may tumutulong dugo sa gilid ng kaniyang labi. Pamunas niya ito.
Mabilis na kinuha ang kutsilyo at susi ng bahay. Buti na lang at umalis ang ina dahil susunduin ang mahal na kinakasama. May sariling susi naman ang mga ito kaya okay lang nai-lock niya.
Matapos na itago sa likuran ang kutsilyo ay mabilis ang mga hakbang na naglakad siya. Mangilan-ngilan na lang ang tao sa daan at mga wala namang pakialam ang mga ito. Hindi niya alam kung saan niya hahagilapin ang iniuutos ng wishlist. Basta lakad lang siya nang lakad.
Lalagpasan na sana niya ang tindahan ni Aling Bining nang mapaigtad. Napatigil siya dahil nakarinig siya nang ungol sa parte ng puwesto nito. Lumapit siya nang bahagya at sinino ang medyo may kadilimang parte ng lugar na iyon. Sarado na kasi ang tindahan at isang lamesa sa gilid nito niya narinig ang ungol.
Babae iyon at mukhang si Aling Bining, base sa pangangatawan nito. At isa pa, gabi-gabi naman talaga itong umiinom. At gaya nito, lasing na naman at mukhang dito na makakatulog. Pababayaan na sana niya nang maalala ang utos. Marahang lumapit siya rito at tumabi nang upo. Nakahiga ang kalahati ng katawan nito sa lamesa habang nakaharap sa gawi niya ang mukha nito.
Nag-iisa na sa buhay ang babaeng ito na iniwan ng asawa at isinama ang dalawang anak. Kaya siguro laging ganito, naglalasing.
Inilapit niya ang mukha at narinig pang naghihilik ang matabang babae. Pilit na pinatatag ni Sam ang loob. Inilibot muna niya ang paningin sa paligid at suwerte niya dahil walang gaanong tao. At kung meron man ay hindi na sila mapapansin dahil madilim nga sa gawing iyon.
Ibinuka niya ang bibig ni Aling Bining at kinapa ang dila nito. Nahihirapan siyang ilabas ito dahil madulas. Sobrang kalasingan siguro nito kaya hindi nito nararamdaman ang ginagawa niya. Nanginginig na hinila niya paunti-unti ito. Natigilan siya nang umungol ito pero saglit lang kaya hinila ulit niya nang marahan. Medyo maikli kaya hindi niya maputol ang dila nito kaya hinila niya nang kaunti pa. Pero sagad na at maikli lang talaga. Okay na siguro ito.
Akmang puputulin na niya gamit ang kutsilyo nang magising ito. Kagyat na hinawakan nito ang pupulsuhan niyang nakahawak sa dila at kinagat ang kamay niya. Napaigik sa sakit si Sam pero bago pa man makapiyok si Aling Bining, pabiglang nasaksak niya ito sa leeg. Natalsikan pa siya ng dugo nito. Patay agad ang babae.
Napatayo sa gulat si Sam! Hindi niya sinasadya! Nagulat siya kaya nagawa niya iyon. Napalingon siya nang may dumaang lalaki. Walang ingay na umupo siyang muli sa tabi ng bangkay ni Aling Bining. Napakalakas nang t***k nang kaniyang puso. Nang ganap na makalagpas ang lalake, mabilis na binunot ang kutsilyo at ibinuka ang bibig ng babae. Hinila nang pabigla ang dila nito. Pinutol niya gamit ang kutsilyong dala. Wala na siyang pangamba pa, nakapatay na siya!
Mabilis na siyang tumalilis sa lugar na iyon para bumalik sa bahay. Habang naglalakad, hinubad niya ang panyo at dumura. Pinunasan niya lang basta ang kamay na may dugo at tumatakbong tinungo na ang pintuan ng bahay. ini-lock nya kaagad ang pinto at buti na lang wala pa rin ang dalawa kaya malaya siyang makakilos. Binuksan niya ang gripo sa lababo at hinugasan ang kutsilyo at kamay. Pati ang dilang pinutol ay hinugasan niyang maigi.
May pagmamadali sa bawat kilos niya. Tinungo niya ang kuwarto at sinulyapang ang alarm clock niya. Limang minuto na lang ang natitira bago ang alas dose! Kanina niya pa nabasa ang utos at hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwalang nakapatay siya nang dahil sa pagsunod dito!
Isa na lang ang dapat niyang gawin para matapos na ang lahat ng ito. Pikit-matang sinubo niya ang dila ni Aling Bining. Hindi ba puwedeng lutuin muna bago kainin? Halos maduwal siya habang ngumunguya at nakatingin sa bawat paggalaw ng oras. Inisip na lang niya na sisig iyon. Tiniis niyaa ang sakit at patuloy na nginuya ang dila. May nalalasahan pa siyang sariling dugo. Baka sumama pa ang ilang laman ng sariling dila. Naiiyak na rin siya dahil parang unti-unting nagsi-sink-in na sa kaniya ang mga nangyayari.
Eksaktong pumatak ang alas dose, nalunok na niya ang may kalakihang dilang pinutol niya kanina lang. Patakbong tinungo ang lababo at uminom ng tubig. Nanghihinang napasandal dito.
Nababaliw na ata siya dahil sa mga pinaggagawa.
jhavril---