Chapter 4
GABI NA pero tulad ng inaasahan, walang naghatid ng kahit anong pagkain. Takot ang mga katulong sa kanilang madrasta. Si Butler Jude lang ang tanging kakampi nila ngunit dahil wala na ito sa kanilang tahanan, alam nilang wala ng darating na kahit anong tulong. Kailangan na nilang matutong tumayo sa sariling paa upang makayanan ang mga darating pang pagsubok.
"Ate may nagwawala na ah!" Humagikhik si Pink nang marinig ang tumutunog niyang tiyan.
Hindi naman kasi handa si Violet sa mangyayari. Minsan kapag gusto niyang tumakas ay kakain muna siya nang marami o mag-iimbak ng pagkain sa bodega na pagkukulungan at iisiping nagpi-picnic lang siya.
"Kung hindi sana ako tumakbo. Kung 'di sana ako natapilok—hindi sana ito mangyayari. Napahamak ka pa ng dahil sa akin," kanina pa sorry nang sorry at iyak nang iyak si Pink. Napaka-babaw talaga ng luha nito.
"Shh... tama na Pink. Ilang beses ka na bang nag-sorry kay ate? Okay lang 'yan, gutom lang naman ito." Ngumiti pa siya sa kapatid.
"Ate kasalanan ko talaga—"
Hindi na niya pinatapos si Pink. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya.
"Stop saying sorry, will you?" seryosong turan ni Violet. “When you’re not at fault, don’t say that word. Saying sorry means, you will not do it again.”
Katulad ng dati, nakatingin lang si Pink sa kanya sa tuwing pinapangaralan niya ito. Dahil lumaki silang hindi kapiling ang ina, ginagawa niya ang makakaya upang gabayan ito. Idolo siya ng kapatid, alam niyang makikinig ito.
“Ganoon iyon?” inosenteng tanong nito.
Tumango siya. “Yes.
Nakatingin na namang muli si Pink sa kanya. Mayamaya, nabasa niya ang matinding takot sa mga nito.
"Kakayanin ko ang lahat, ate. Basta huwag mo akong iiwan ha?" may dinukot ito sa bulsa at ibinigay iyon sa kanya. "O ayan ate, sa 'yo na lang ang itinago kong Yakult."
"Suhol ba ito?" natatawa niyang tanong sa kapatid. Gutom na gutom na talaga siya para hindi magdalawang-isip na tanggapin iyon.
“Ang sarap sigurong maging bituin,” wala sa sariling wika ni Pink. “Nakikita mo kase ang lahat mula sa ibaba. Malaya ka. Kayang ilabas ang kinang nang walang humahadlang,” malungkot nitong turan.
“Pero sa bawat bituin ang may isang gabi. Nababalot tayo ng matinding kadiliman bago natin makita ang ating kinang,” nakangiti niyang wika habang nakatanaw sa bintana. “May hangganan ang lahat. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa kadiliman ka. Ano pa’t nagkaroon ng umaga?” nakangiti niyang tanong sa kapatid.
Hindi na naman nagsalita si Pink. Nakayakap lang ito nang mahigpit sa kanya.
KAHIT PUYAT ay maagang nagising si Violet. Hindi siya komportableng hindi nakahiga sa malambot na kama. Sumasakit kaagad ang likuran niya. Natigil siya sa pagmumuni-muni nang iniluwa ng pinto ang katulong na kinaiinisan niya.
"Violet, nariyan na ang tutor niyo."
Hanggang ngayon ay nagngigngitngit pa rin siya sa inis dahil isinama pa si Pink sa naparusahan. Hindi ba pwedeng siya na lang? Awang-awa siya sa kapatid. Hindi ito kumain ng hapunan at tanghalian, o baka umagahan pa nga ng dahil sa nangyari kahapon. Wala ring bentilador sa bodegang iyon. Baka puro kagat na ng lamok ang kapatid niya.
Nakahalukipkip si Violet dahil nasira na ang umaga niya, "May balak pa pala kayong palabasin kami? Nakakahiya naman. Baka naabala pa namin kayo," pinipili niya ang igagalang at hindi kabilang doon ang bagong mayordoma.
Masyado itong bata, palautos, at buhay prinsesa. Kahit minsan ay hindi niya pa ito nakitang kumilos sa loob ng bahay. Ang isa pang kinaiinisan niya ay napatalsik ang Yaya Sita nila dahil pinalitan nito. Masyado na raw matanda.
Hindi nagpatalo ang mayordoma at pinamaywangan siya "Actually, pinaalala ko lang sa tita Helga niyo na nandyan pa rin kayo ni Pink sa bodega. Violet, oo nga, nakakahiya naman talaga sa akin kasi napagod pa akong umakyat dito hay... kaya dapat marunong kang magpasalamat!" wika nito habang nakatingin pa sa bagong manicure na kuko.
"Mabuti nga iyon para pumayat ka naman," pabulong niyang wika. Matitiris ko talaga ang babaeng 'to! Lihim niyang turan. Sarap kurutin ng nail cutter!
"Ano 'yon, Violet?"
"Ow!” peke siyang ngumiti. “Dapat pala kaming magpasalamat sa iyo, Matilda. Sayang hindi ako nakapaghanda ng nakakaiyak na speech."
"Actually, ganon na nga,” wala sa sarili nitong turan.
"Never. In your dreams." Inirapan niya ito. "Magsama kayo ng tita kong may sapak."
Nagtagumpay si Violet, kitang-kita sa mukha ng mayordoma ang inis "Isusumbong kita kay Madam Helga!" nananakot pa ang gaga.
Pssh... parang bata.
"Sumbongera, galingan mo ha? Para mapalakpakan ko ang tatlong layer na pisngi mo." Umiiling niyang turan sa katulong.
“b***h!” galit nitong turan.
Natawa siya. “I am. So, try harder if you want to piss me.”
Dumiretso na siya sa kapatid na natutulog. Naiwan sa pinto ang nakangangang mayordama. Nabigla talaga ito sa paraan ng pagsagot-sagot niya.
Niyugyog-yugyog niya ang kapatid "Pink, wake up!" makailang ulit na niya itong ginigising pero hindi pa rin natitinag.
Partida, tulo pa ang laway nito. Mas gusto pa yata ang matulog sa bodega kaysa sa kwarto. Ngumuya-nguya pa ang gaga niyang kapatid. Mukhang nanaginip.
"Ano? Tatayo ka riyan o hahampasin kita!"
"Ahm... mayamaya na lang ateh..." aakto pa itong may yayakapin na kung anuman sa loob ng bodega.
Ito na lang ang tanging paraan, may naisip siya. Kapag hindi ito nagising iiwanan niya talaga sa kwarto. "Pink, may daga!" nagtatalon siya at nagkunwaring takot. “Iyan na ang daga!”
Bigla ring nagsisigaw si Pink dahil sa takot. Napabalikwas ito ng tayo. "Aray! Saan? Whoo— ang sakit!" nauntog ito sa bentilador na sira sa may ulunan.
Sapo niya ang kanyang tiyan sa kakatawa habang si Pink naman ay hinahaplos ang noong nauntog.
Napanguso naman si Pink. "Grabe ka naman. Ang sakit kaya ng noo ko, ate!" habang hinihimas-himas ang nauntog na ulo.
"Grabe ako? Hindi ko naman sinabing matulog ka sa lamesa, at hindi ko rin kasalanang mauntog ka sa electric fan! Kanina pa kasi kita ginigising, ayaw mo pa ring tumayo."
"Malapit na iyon ate! Kaunti na lang..." halatang-halata sa mukha ni Pink ang pagkainis. Sinabunutan pa nito ang sarili.
"Ano bang napanaginipan mo at parang loka-loka ka na naman, Pink? May yayakapin effect ka pang nalalaman," ginaya niya ang ginawa ng kapatid.
"Ate naglalakad daw ako sa isang mahabang daan, pagod na pagod, at gutom na gutom nang biglang nakakita ako ng isang malaking-malaking Yakult na fountain! Iinom na sana ako..." may panghihinayang nitong saad.
"Oh, kaso?" nagtatakang tanong ni Violet.
"Dumating ka... sinira mo ang panaginip kong maganda!"
"So, ako pa ang may kasalanan ngayon? Mas maganda naman ako sa panaginip mo. Kung hindi kita ginising baka... kinuha ka na ng multo rito." Nananakot niya pang saad.
Kaagad na nilingon ni Pink ang bukas na pinto "Hala! Bakit hindi mo sinabing bukas na ang pinto? Yehey! Lalabas na tayo dito. Bukas na ang pinto ate! Bukas na. Yehey!" Pumalakpak-palapak pa ang bruha at gaga niyang kapatid. Alam naman ni Violet na iniiba lang nito ang usapan at nagkukunwaring walang narinig sa kanyang sinabi.
Natawa na naman si Violet. Kapag kapatid niya talaga ang gumagawa, napakababaw ng kaligayahan niya. "Takot ka lang, Pink," pangbubuska niya.
Biglang umangat ang itaas na labi ni Violet. Kitang-kita niya ang mukha ni Pink na puno ng takot at may tinuturong kung ano sa madilim na bahagi ng aparador.
"Ate, nandyan na siya..." nanginginig pa ito sa takot at umuurong pa. Nang makalagpas sa kanya ay nagtatakbo si Pink.
Wala pa ring tigil si Violet sa pagtawa kahit nakaalis na ang kapatid. Ngunit ganoon na lamang ang pagtaas ng balahibo niya nang biglaang humangin nang malakas. Natagpuan niya na lang din ang sarili na tumatakbo matapos ng sunod-sunod na kalabog mula sa kanyang likuran. Parang ginisa niya na rin ang sarili sa inihandang mantika.
Kanina, siya lang ang nananakot, ngayon siya na rin ang takot. Hindi man lang siya hinintay ng magaling niyang kapatid.