Chapter 1

1167 Words
Chapter 1 TATAKAS NA naman si Violet. Naplano niya na ang lahat mula sa paglalabasan, dadaanan, at sasakyan kung sakaling makawala sa mala-bangungot na hawlang iyon. Sana, sa pagkakataong ito ay magtagumpay na siya.   Ramdam niya ang kawalang-saysay ng pakikipagpatalo sa kanyang madrasta. Pagod na siya. Sakal na sakal sa mga nangyayari sa kanilang bahay. Hindi ganitong buhay ang pinangarap niya para sa kapatid. Ayaw niyang umabot sa puntong magtatanim ito ng galit sa mundo. Kung may kaya siyang gawin ngayon, wala ng dahilan para ipagpabukas niya iyon.   Hindi na sila parte ng bahay na ito kahit sila pa ang tunay na anak. Nabulag na sa pagmamahal kay Helga ang kanilang daddy para kampihan ang madrasta nila sa lahat ng desisyon nito. Sigurado siyang hindi ganito ang ibig sabihin ng salitang tahanan. Dapat dito nila nararamdaman ang kapayapaan. Ito ang lugar kung saan niya malaya sanang naipapahayag ang saloobin. Ngunit bakit hindi niya na maramdaman iyon? Pakiramdam niya, hindi na sila ligtas dito.   Hindi sila p’wedeng magreklamo o saliwain ang desisyon nito. Lahat ng iutos ni Helga o ng anak nito ay kailangang sundin. Bartolina ang abot nila sa oras na tumanggi. Kung mamalasin, hindi rin sila makakain sa buong maghapon.   "Wait, I think my calculation is wrong. This is all wrong!" Sinapo niya ang noo habang inilalapag ang lapis sa lamesita. Kinakausap niya na naman ang sarili. Patunay na nawawalan na siya ng pasensya sa ginagawa. Pero ito rin ang paraan niya para makapag-focus. "Kung dadaan kasi ako sa harap, papunta sa bukana, siguradong maraming bantay. Ilang beses kong sinusubukan ang pagsibat doon ngunit laging palpak. Madali akong nabibisto." Nag-isip siyang muli habang nakapangalumbaba. Malayo-layo na naman ang itinakbo ng utak niya.   "Paano ba ako makakatakas sa lugar na ito? Damn!" Sinabunutan niya ang sarili dahil sa frustration na nararamdaman. Nagsisigaw pa siya upang mawala ang pagkainis. "Sa likod kaya? Kaso parang may kakaiba roon. Bakit ba kasi ang laki-laki ng bahay na namin?" Umiling siya. Mukha siyang timang na kinakausap ang sarili. Hinding-hindi siya titingin sa salamin. Nasisigurado niyang mukha siyang bruha.   “Wala sanang makabisto sa gagawin ko,” isipin niya pa lamang ang bagay na iyon ay tila pinagpapawisan na siya nang malapot. Paniguradong bartolina na naman ang bagsak niya.   "Where is that damn blueprint?" patuloy pa rin siya sa paghahanap. Kalkal dito at kalkal doon na ang ginawa niya at nang mapagod ay itinapon ang binuong plano.  Wala iyong saysay kung walang blueprint. "Naniniwala ako sa 'yo Batman. Kung wala? Kay Superman na lang."   DAHAN-DAHAN niyang binuksan ang pinto at isinuot ang backpack. Mistulang isa siyang catwoman dahil sa kanyang ayos. Siguradong hindi rin mawawala ang isang maskara na lalong nagpatingkad sa pagiging misteryosa niya. Pumunta siya sa pagitan ng dalawang hagdanan na may chandelier sa gitna.   Tumingkayad siya nang dahan-dahan habang binabantayan ang buong paligid at maging ang kanyang sarili upang maiwasan ang ingay. Mataas-taas din ang tatalunin niya upang makarating sa ibaba.   Isang malaking pagkakamali kung dadaan siya sa hagdan, paniguradong mahuhuli siya kaagad. Mahaba-haba iyon. Baka bukas pa siya makarating.   Nang magpatihulog. Saka naalala ni Violet ang lubid na nasa backpack. Huli na, tuluyan na siyang lumagpak sa lapag. Pakiramdam ng dalaga ay nagkanda bali-bali ang spinal cord niya dahil sa ginawang kagagahan. Napangiwi siya sa sakit. Nakalimutan niyang hindi nga pala siya si Nikita. Mas lalong hindi siya Catwoman ngunit bakit naisipan niyang mag-ala stunt woman?   Ngunit ang ikinatakot niya ay ang sumunod na nangyari...   Tumunog ang sirena sa buong mansyon nang napakalakas. Kulang na lang ay matuliro siya dahil sa sobrang lakas. Umiilaw pa ng pula ang mga bombilya na animo'y may nakatakas na kriminal sa isang kulungan dahil sa detector na nasa paligid.   Gano’n ka OA ang kanyang madrasta para maisipang magpakabit ng kung anu-ano sa mansyon nila.   "Sino ang nakapasok?" tanong ng isang guwardya. "Bilis, hanapin niyo!"   “Malalagot tayo kay madam!” kinakabahang sabi naman ng isa.   Iika-ikang nagtago si Violet sa sulok. Puno ng kaba ang kanyang dibdib habang nagkukubli sa gilid ng isang malaking paso. Isiniksik niyang mabuti ang sarili. Patuloy rin sa pagkabog ang kanyang puso na tila gusto ng kumawala. Ngunit ang kaba ay mas lalo pang tumindi nang may makakita sa kanya.   Hinawakan ng armadong lalaki ang dalawa niyang kamay at pinilit na magsalita. Sa tono ng pananalita ng dalawa, mukhang hindi siya nakilala ng mga ito. Nakahawak ang mga ito sa braso niya habang kinakaladkad siya pababa ng hagdan.   "Ang lakas ng loob mo para pasukin ang teritoryo namin! Kilala mo ba kung sino ang kinakalaban mo?” nakataas ang kilay ng kanyang madrasta habang bumababa ng hagdan. Naroon pa rin ang pagiging sopistikada sa kabila ng suot na pantulog “Sagot! Sinong nagpadala sa ‘yo rito at ano’ng pangalan niya?" Hinawakan nito ang kanyang baba habang nanlilisik ang mga mata.   Bumabaon ang kuko ni Helga sa kanyang pisngi habang humihigpit ang pagkakahawak nito. Gustong tumulo ng luha ni Violet dahil sa matinding hapdi sapagkat humahalo rin ang pawis doon ngunit hinding-hindi siya iiyak. Sisiw lang ito sa mga napagdaanan nilang magkapatid. Nang hindi makontento ay binitiwan iyon ng kanyang madrasta at hinawakan ang kanyang buhok gamit ang kaliwang kamay. Ang kanan naman ay ginagamit na pangsampal.   "Sumagot ka lapastangan!" nauubos na ang pasensya nito.   Kahit na nanakit ang kanyang pisngi ay hindi niya maiwasang huwag paikutan ang mata. Paano siya makakasagot ngayon kung sa bawat tanong nito ay isang sampal ang kanyang natitikman? Hindi na yata talaga maayos lagay ng utak ng kanyang madrasta.   Isang sampal pang muli. "Sagot!"   Nahihilo na si Violet ngunit pinipiling magpakatatag. Hindi p’wedeng makita ng kahit na sino ang kahinaan niya. Bibigyan niya lamang ng pagkakataon ang mga ito na hamakin siya. Kahit anong gawin ni Helga ay hindi pa rin siya magsasalita.   "Ayaw mo ah! Makikilala ka rin naming lapastangan—“ hindi na nito naituloy ang sasabihin nang tanggalin ang maskara na nakalapat sa kanyang mukha. Isang malakas na sampal na naman ang pinatama sa kanyang pisngi nang makita ang kabuuan niya. "Walanghiya ka talagang babae ka! Lagi mo na lang ba akong gagalitin? Mamamatay ako nang maaga sa 'yo! " galit na galit nitong sigaw. Halos patiran na ng ugat sa leeg si Helga.   Ngumisi siya rito habang hawak ang pisngi. “Lumalakas na ang sampal mo.” Dumura siya ng dugo. Nagawa niya pa itong purihin sa kabila ng lahat. “Ipagpatuloy mo iyan, Tita. Sa susunod p’wede ka ng maging boksingera.”   Mukhang kakagising lang ng madrasta niya kaya lalong uminit ang ulo nito nang makitang siya pala ang gumawa ng ingay na nakapagpagising sa kanilang lahat. Bumakat ang palad nito sa kanyang pisngi nang sampaling muli. Kitang-kita ang pamumula ng bahaging iyon.   Nabuwal si Violet mula sa malakas na pagkakasampal na iyon at napaupo sa sahig. Pinilit niya pang tumayo muli at magpakatatag. Ngunit hindi na niya kaya, hilong-hilo na siya at nandidilim na ang buong paligid niya.   Ngayon niya nararamdaman ang bunga ng ilang araw na pagpupuyat. Gabi-gabi siyang hindi pinapatulog ng malalim na alalahanin. Pinilit niya pang kumapit sa upuan ngunit nawalan na ng balanse ang kanyang katawan at tuluyan nang bumagsak sa lapag. Trinaydor siya ng kanyang mga mata at dinalaw ng matinding kadiliman...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD