CHAPTER 8
GANOON na lamang ang panlulumo ni Violet nang aminin ng kapatid niyang hindi ito marunong gumamit ng jet ski. Wala rin siyang alam sa bagay na iyon.
"Papaano natin mapapatakbo iyan?" tanong niya rito. Mararamdaman ang kawalan ng pag-asa sa tinig niya.
Natataranta na silang dalawa ngayon dahil sa patuloy na paglapit ng mga kalaban.
Pinagpapawisan siya nang malapot. Mas kumikirot din lalo ang kanyang sugat habang nanlalabo ang paningin. Hindi siya pwedeng mawalan ng malay nang hindi sila nakakaalis sa lugar na ito. Handa siyang magpaiwan kung kinakailangan masigurado lang ang kaligtasan ng kapatid.
"Sabi ni Butler Jude, ibigay ko raw sa 'yo 'tong manual," napakamot pa si Pink at pinagdikit ang dalawang hintuturo.
Pinagmasdan iyon ni Violet at pinag-aralan nang seryoso. Hindi niya pwedeng biguin si Butler Jude. Alam niyang umaasa ito na magagamit niya ang iniwan nitong jet ski. Maaaring alam na nito ang plano ni Helga kaya gumawa ito ng paraan para matulungan sila.
"Buhay pa kaya ang mga 'yon, Ate? Nasabugan natin sila!"
"Hindi naman sila nasabugan talaga, nakatulog lang ang mga ‘yon,” pagdadahilan niya sa kapatid. Baka kung ano pa ang maisip nito’t puntahan bigla ang mga kalaban nila para tulungan. “Meron lang akong dalawang minuto para pag-aralan ito," wika niya saka inilipat sa kabilang pahina ang manual na binabasa.
Ito ang isa sa katangian niya. Kaya niyang pag-aralan at sauluhin ang isang bagay sa loob lamang ng isang tingin. Photographic memory ang tawag doon. Isa sa mga bagay na hinahangaan ng mga magulang niya sa kanya.
"Matanong nga kita, Pink. Paano mo nalaman ang lahat ng ito? Magsimula sa trap at sa lagusan?" naramdaman niya ang pagkirot ng braso, ngunit muling inignora.
"Isa kasi akong matadiha!" buong pagmamalaki nitong wika at itinuro pa ang sarili.
"Matadiha?" ngayon niya lang narinig ang salitang iyon. Lagi siyang nagbabasa ng mga libro. Imposibleng makaligtaan niya ang salitang iyon pwera na lamang kung wika ng ibang bansa.
Saan na naman nito napulot ang salitang iyon? Baka alien language. Lihim niyang wika sa isipan.
Bumuntong-hininga si Pink. "Matalinong 'di halata, Ate! Nako naman, aral-aral din kase!" sabay yuko at kamot sa ulo.
"Iyong totoo, Pink?" ‘di pa rin siya naniniwalang kapatid niya ang lahat ng dahilan kung bakit matagumpay silang nakalabas.
"Naalala mo noong bumalik ako sa kwarto?"
"Yes," sagot niya sabay lipat sa kabilang pahina ng manual.
"Ganito 'yon ate, napansin ko kasing parang seryoso ka, halatang problemado at takot. Sabi kasi ni Butler Jude sa akin noong tumakas kami dati na kung sakali daw na magkagipitan ay kailangan alam daw natin ang paglabas dito, kaya itinuro niya sa akin ang lahat ng paraan upang makatakas! Ang kaso nakakalimutan ko at alam niya ring makakalimutin ako. Hmp!" pinagsalikop nito ang kamay.
"Tapos noong nagtitingin ako ng singsing na gagamitin ko ay joke-joke ko lang iyon ate, kasi antagal ng signal kaya hinintay ko. Tapos 'yong granade binigay ko sa 'yo, dahil 'di ako marunong gumamit noo. Natatakot rin ako."
"Alam ko," muli niyang inilipat ang pahina ng manual.
"Ano? Grabe ka naman, ang sama mo!" sabi ng kapatid niya at saka yumuko. "Kaya rin bumalik ako ng kwarto para kuhanin ito," kinuha nito ang hearing device na nasa taynga.
May naalala si Pink "Ay oo nga pala dalawa ito, ibigay ko daw sayo itong isa."
"Pink!" tinignan niya nang masama ang kapatid, kung kanina pa sana nito ibinigay ang hearing device ay nakaalis na sana sila.
"Sorry po, nakalimutan ko." Kakamot-kamot pa sa ulo ang shunga niyang kapatid.
"Damn it!" dumaing siya sa sakit. Nakalimutan niya ang sugat niya at nasagi ito nang kukunin ang hearing device kay Pink.
"Hindi kase nag-iingat! Ipakuha kaya kita kay Swiper, gusto mo?" si Pink na ang naglagay sa taynga ni Violet ng hearing device.
"Miss Violet, bilisan niyo na! Tapos na ang dalawang minuto. Papunta na ang mga tauhan ni Madam Helga."
Ito kaagad ang bungad ng butler nila na halatang kinakabahan mula sa kabilang linya.
Pagkalingon nila sa likurang gawi ay may paparating muli na mga kalaban. Mga armado at may dalang matataas na kalibre ng baril.
Sumampa kaagad si Violet sa jet ski at hindi ininda ang sugat. Inisip na lang niya na nasa isa siyang pelikula at siya ang bida na hindi nakakaramdam ng sakit. Si Pink naman ay kumapit sa bewang niya upang hindi mahulog. Nagsuot din ito ng life jacket na nakalagay sa manibela ng sasakyan.
Napamura si Violet at natataranta. Hindi siya makapag-isip nang tama. Hindi niya mapagana nang maayos ang jet ski!
"Ate malapit na sila!" Kinakagat na naman si Pink ng kuko dahil sa kaba.
"Come on!" hinimas ni Violet ngayon ang jet ski na animo'y anak niya't pinapakiusapan. Sa inis ay hinampas niya iyon at muling ini-start.
Nagsunod-sunod ang muli ang pagpapaputok. Desididong punteryahin sila ng mga ito dahil may mga tumatama na sa jet ski nila.
"Butler Jude, bulok ito!" pinagpupokpok niya ang jet ski.
"Miss?" halatang kabadong-kabado na ito.
Sinubukang muli ni Violet na paganahin ang jet ski. Mga tatlong metro na lang ang layo nila sa mga kalaban. Tumigil na rin ang mga kalaban na magpaputok.
Damn, I don't want to go back there!
"Papa Lord pakiusap po ibalato niyo na sa aming magkapatid ang isang ito. Ayaw ko pong mahuli ng mga bakulaw na ito kahit ngayon lang po pagbigyan Niyo po ako. Promise po magsisimba ako tuwing linggo. Promise po magpapakabait na ako, at promise po hindi ko na tatawaging negra si Dora," wika ng mahadera niyang kapatid.
"Bumaba na kayo—" hindi na naituloy ng tauhan ni Helga ang sasabihin sapagkat biglaang gumana ang jet ski.
“Panis!” pang-aasar ni Pink.
“Walang magpapaputok!” sabi ng isang tauhan ni Helga. “Kailangan daw silang makausap ni Madam Helga. Pasundan mo sila sa mga tauhan natin. Magmadali!”
Pinaharorut kaagad ni Violet ang jet ski. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon para makaalis kaagad sa lugar na iyon.
Malayo-layo na ang binabaybay ng magkapatid. Tila walang hanggang karagatan ang nakikita niya. Ito ang unang bagay na bumungad sa kanila matapos ang walang hanggang pakikipagsapalaran sa kagubatan ngunit hindi niya magawang magsaya. Dahil ngayon ay nasa kalagitnaan sila ng karagatan at biglang huminto ang jet ski nila!
"Anong nangyari, Ate?"
"I don’t know!"
"Butler, papaano na ito ngayon? Butler? But—ate nawala ang connection ko sa kanya! Anong gagawin natin?" nag-alalang wika ng kapatid niya. Kinakagat na naman nito ang kuko.
"I don't know..." nahampas niya ang jet ski sa sobrang inis. Nararamdaman na ni Violet ang limitasyon ng katawan. Bumibigat na ang talukap ng kanyang mga mata.
“Ate?” tanong muli ng kapatid niya.
“I’m sleepy...” ang tangi niyang nasabi sa kapatid bago lamunin ng dilim ang buo niyang paligid.