Chapter 1
Ang Simula
Kumuha ako ng malaking plastik at nagsimulang pulutin ang mga kalat sa dalampasigan.
"Mga taga-Manila talaga! Hindi malilinis!" inis kong sabi habang isa-isang pinupulot ang plastic wrapper ng tsi-tsirya.
"Yna! Umagang-umaga nagagalit ka na naman!" sigaw ni kuya Steven.
Hinarap ko siya at nakita kong marami siyang dalang balat ng natuyong buko na gagawin naming panggatong mamayang tanghali kapag nagluto. Papunta ito sa kubo na nagsisilbi naming kusina. Katabi ng kubo ay ang bahay naming gawa sa kawayan. Triple naman ang laki nito kaysa sa kubo.
"Naiinis na ako sa mga taga-Manila na tumambay dito kagabi, hindi man lang nila nilinis ang dalampasigan. Tignan mo," sabi ko sabay turo sa mga kalat.
"Hindi ka pa rin nasasanay. Hayaan mo, kapag nagkaroon na ako ng madaming pera, aalis na tayo dito, hindi na natin kailangan makitira," ani kuya.
Biglang dumating si Papa at Mama. May dalang malaking batya si Mama na puno ng isda. Si Papa naman ay may dalang balde na at ang lambat na ginagamit niya sa pangingisda.
"YNA! TIGNAN MO ANG DALA KO! MATUTUWA KA!" sigaw ni Papa mula sa malayo.
Kumaway naman ako.
"May hawak ka na namang plastik. Napakasipag talaga ng anak natin, Alberto," ani Mama.
"Aba'y syempre! Anak ko 'yan!" tumatawang sambit ni Papa.
Nang makalapit si Papa sa akin ay nilapag ni Papa ang balde at nanlaki ang mga mata ko sa malaking isda na nakapaloob dito.
"Maganda talagang mangisda ng umaga, palagi na lang akong nakakakuha ng malaking Tuna. Napakabigat! Maibebenta ko ito sa malaking halaga," ani Papa.
"May pangbaon ka na para sa lunes," ani Papa
"Ang galing talaga ng Papa ko!" sabi ko sabay yakap sa kaniya.
Naramdaman ko naman ang paghalik nito tuktok ng ulo ko.
Naglakad na si Mama patungo sa kubo kaya sumunod na kami ni Papa.
"Kapag naging nurse na ako, hindi mo na kailangan mangisda," sabi ko kay Papa habang naglalakad kami.
"Oo naman, alam kong ikaw ang magtataguyod sa amin. Magpasalamat ka sa kuya mo na nagtatrabaho na rin para pag-aralin ka. Ikaw talaga ang prinsesa namin," ani Papa at napatingin si Mama sa amin.
"Syempre, heto naman ang pinakamaganda kong reyna!"
Natawa kami ni kuya nang yumakap si Papa kay Mama at inamoy ang kili kili nito. Napangiwi lamang ako sa ginawa nila.
Masaya kaming namumuhay dito sa tabing dagat ng Guimaras Island. Hirap lamang kami sa gastusin pero dahil nagtutulong-tulong kaming lahat ay nakakakain naman kami araw-araw. Bente-tres anyos na si Kuya at sampung taon na siyang hindi nag-aaral dahil lang sa akin. Kaya naman daw magtrabaho ni kuya dahil lalake siya, babae daw ako kaya ako na lang ang mag-aral. Pangarap kong maging doktor ngunit hindi kakayanin ang pag-aaral doon kaya nauwi ako bilang nurse na lang.
"Bunsoy, hindi kita mahahatid bukas sa Guimaras State College, mayroong raket si Kiko, isasama ako. Sayang ang dalawang libo na offer," ani kuya.
"Okay lang, kuya. Mamamasahe na lang ako, may jeep naman ng alas-sais ng umaga," sabi ko.
"Sige, mag-iingat ka na lang bukas, alas-kwarto aalis na kasi ako," aniya.
"Swerte naman, may construction kayo ulit?" tanong ni Papa.
"Oo, Pa."
Nakita kong naglilinis na ng tilapia si Mama. Akmang tutulong na ako pero may isang lalakeng nakasuot ng itim na uniporme ang lumapit sa kubo namin.
"Kayo ho ba ang pamilyang Santos?" tanong ng lalake.
"Kami nga, anong kailangan nila?" tanong ni Mama at naghugas ng kamay sabay labas sa kubo para harapin ang lalake.
Na-curious naman ako kaya lumabas din ako ng kubo, naroon na sila Papa at kuya.
"Hindi naman ho pu-pwede na dito kayo habambuhay, libre na po kayong pinapatira dito ng boss namin," sabi ng lalake.
"Baka pwedeng makausap ang boss mo," ani Papa.
Napakunot ang noo ko. Masama ang kutob ko. Aware naman ako na hindi sa amin 'tong lupa na ito at ang parte ng isla na ito ay may nagmamay-aring mayaman na pamilya.
"Hindi ho namin kasama si Mr. Theodore Jallorina. Ang anak niya ang narito dahil sa kaniya na pinangalan ang lupa dito," sabi ng lalake.
"S-sino siya?" bulong ko kay kuya.
"Abogado."
Napatingin ako sa isang tatlong lalakeng naglalakad papalapit sa amin. Ang nangunguna sa paglalakad ay isang matipunong lalake, nakasuot siya ng shades, nakapamulsa ang dalawang kamay sa suot niyang Jeans. Napa-ismid naman ako sa suot niyang white shoes na alam kong madudumihan ng buhangin. Long-sleeve ang suot niyang pang-itaas na hapit at kulay grey ito.
Sa likod niya ang dalawang lalakeng mga naka-itim. Mukha silang mga body guard dahil sa postura nila.
"Mr. Jallorina!" tawag ni Papa sa lalake sabay takbo papunta roon.
"We're going to take this place. I am here to tell you that next week, this place will be sold," pormal na sabi ng lalake.
"Siya na ba si Khayne?" tanong ni Mama.
"Oo, siya nga," sagot ni kuya.
Khayne? Wala akong kaalam-alam.
"Mr. Jallorina, kami naman po ay nagpapasalamat sa pagpapatira ng pamilya niyo sa amin rito, pero baka pwede kami makiusap na kahit sa susunod na buwan na lang kami umalis. Wala kasi kaming ibang matutuluyan," rinig kong pakiusap ni Papa.
Napatingin sa paligid si Khayne at may tinuro siya. Naglakad sila ni Papa at sumunod naman ang dalawang lalakeng guard na kasama ni Khayne pati na rin ang abogado nito.
"Jusko, sabi na nga ba at darating ang araw na ito," bulong ni Mama.
"Sino si Khayne?" tanong ko.
"Siya yung anak ng may-ari ng lupa na 'to. Simula doon sa building na 'yon," tinuro ni kuya ang building na nagsisilbing cottage ng mga turistang nagpupunta rito. "Hanggang dito sa malaking bato."
Hindi sakop ng resort ang bahay namin dahil dito ay puro puno ng buko na inaani ng pamilyang Jallorina. Dahil makukulit ang mga turista ay minsan nagtutungo pa rin sila rito pero kahit papaano naman ay sinasaway sila ng gwardiya na nagbabantay.
"Si Khayne yung batang na-sea urchin noong bata ako. Pinalayas kami noon, pinagbubuntis ka pa lang ni Mama. Dito kami namalagi noong gabi pero nung umaga nakita ni Papa si Khayne na may sea urchin sa binti. Si Mama at Papa ang gumamot. Wala kasi yung magulang ni Khayne pati ang Yaya niya ay wala. Pagdating ng pamilya ni Khayne ay pinasalamatan si Mama at Papa, ang kapalit noon ay hinayaan kaming tumira dito sa dulo ng lupa nila."
Namangha naman ako sa paliwanag ni kuya. Ngayon ko lang ito nalaman sapagkat ang alam ko lang ay nakikitira kami. Hindi ko alam kung paanong dito kami nakatira.
"Mukhang bata pa yung Khayne," sabi ko.
"Magkasing-edad lang kami no'n. Bente-tres na rin 'yon," ani kuya.
"Kilala mo? Close kayo?" tanong ko.
"Hindi 'no! Ang yaman niyan, napakasungit. Simula bata kami hindi niya ako pinapansin," natatawang kwento ni kuya.
Napatango naman ako.
"Kaya ikaw, huwag ka mag-aasawa ng masungit, dapat yung mabuti at masiyahin para mapapangiti ka palagi," sabi ni kuya.
Napangiti naman ako. Sa simpleng ganiyan ni kuya nararamdaman kong mahal niya ako.
Biglang bumalik si Papa. Lahat kami ay lumapit sa kaniya.
"Kailangang-kailangan na daw nilang ibenta lahat dito doon sa may Amerikano nilang kakilala," ani Papa.
"Paano 'yan, Alberto? Wala pa tayong matitirhan," nag-aalalang sabi ni Mama.
Nakita ko ang pamomroblema sa mukha ni Mama, Papa at kuya. Hindi naman ako pu-pwedeng manood lamang.
Nakita ko si Khayne na naglalakad patungo sa labasan kaya agad akong tumakbo papunta sa kaniya. Narinig ko pa ang sigaw ni Mama at Papa na pinipigilan ako.
"KHAYNE!"
**************************