Luca's POV
Pagdating namin sa hospital ay nadatnan namin ni mama na wala ng buhay si papa. Naliligo na ito sa sarili niyang dugo. Napatitig na lang ako sa bangkay ni papa. Tulala ako at halos hindi makapaniwala.
Paano na ito ngayon? Habambuhay na namin siyang hindi makakasama. Mas lumala pa tuloy ngayon ang sitwasyon. Parang mas gusto na iyong hindi namin siya madalas makasama, basta alam naming buhay pa siya.
Nagwawala sa kakaiyak si mama. Hindi ko na siya sinabayan dahil alam kong ako na lang ang aalalay sa kanya. Umiyak na lang ako nang tahimik. Nang hindi na kayanin ni mama ang sakit na nararamdaman niya ay doon na ito nabuwal at nawalan ng malay-tao. Alerto ako kaya agad ko namang siyang sinalo.
Na-confined tuloy si mama ng wala sa oras. May sakit din kasi ito sa puso kaya kailangan siyang alagaan. Natakot nga ako, eh. Baka kasi pati ang mama ko ay iwan na rin ako. Kapag siya pa ang nawala ay hindi ko na kakayanin.
May kumatok sa pintuan ng kuwarto ni mama kaya tumayo ako para tignan kung sino iyon. Pagbukas ko ng pintuan ay bumungad sa akin ang tatlong pulis. Binalita nila sa akin na isang kotse na walang plaka ang sadyang binangga ang kotse ng papa ko. Inabangan daw talaga ng kotseng iyon na dumaan ang sasakyan ni papa para banggain ito. Nang banggain ng kotseng iyon ang kotse ng papa ko ay sumalpok daw ang kotse ni papa sa rumaragasang truck kaya wala raw talagang kabuhay-buhay si papa sa nangyaring iyon.
Napapayukom na lang ang mga kamao ko sa narinig ko sa mga pulis na iyon. Ang pangit lang ay malinis daw ang pagkakagawa ng mga taong iyon sa pagpatay kay papa. Nakita kasi sa CCTV Footage ng isang kainan na malapit sa pinagyarihan ang dalawang tao na nakasakay sa isang sasakyan na bumangga sa kotse ni papa. Sinabi ko na lang sa kanila na gawin ang lahat nang makakaya nila para mahanap ang mga taong iyon. Hindi ako titigil hanggang hindi ko sila nakikita. Gusto kong makitang mabulok sa kulungan ang mga hayop na iyon.
Pagkatapos kong makausap ang mga pulis ay narinig kong tinawag na ako ni mama. Gising na ito.
"Anong nangyari, anak?" tanong niya agad sa akin nang maupo ako sa kama niya. Ang putla niya. Magang-maga rin ang mata niya dahil sa kakaiyak. Nawala tuloy ang pagiging fresh ni mama. Pati ang eyeliner niya ay kalat na kalat na sa mukha niya.
"Magpahinga na lang muna kayo." Kinuha ko ang wipes at saka ko nilinis ang mga kalat ng makeup sa mukha niya. "Makakasama po sa inyo ang pagiging emotional. Sa ngayon ay inaayos na nila manang ang pagbuburulan ni papa. Ako na ang nag-decide na sa bahay na lang siya iburol," sabi ko sa kanya. Mabuti na lang at kalmado na rin si mama. Umiiyak pa rin ito, pero hindi na iyong grabe na gaya ng kanina. Ganoon pa man ay kailangan pa rin niyang mag-stay sa hospital dahil naliliyo pa rin siya.
"Anak, iwan mo muna ako rito. Ikaw na lang muna ang pumunta sa bagong resort sa Mayana Street," sabi niya at saka kinuha ang cellphone niya. "Anak, surprise dapat namin ito ng papa mo ngayon sa iyo. Kaya lang ay hindi ka na namin masasamahan doon at wala na ang papa mo. Nanghihina pa ako kaya ikaw na lang muna ang mag-celebrate roon. Heto, ite-text ko sa iyo ang address na pupuntahan mo," sabi pa niya.
"Ma, ayoko! Hindi ko kayang mag-celebrate doon nang ganitong nagluluksa tayo!" reklamo ko sa kanya.
"Sayang, anak! Ready na kasi ang lahat doon. Opening na ng resort mo. Sayang naman kung hindi iyon matutuloy. Ang dami kong pinahandang pagkain ang dekorasyon doon. Buksan mo lang ang resort at saka ka na rin umuwi. Magkita na lang tayo bukas sa bahay. Tiyak naman na makakalabas na ako rito bukas. Huwag mo na akong alalahanin at ang secretary ko na ang bahala sa akin." Ayoko pa sana siyang iwan. Gusto kong kasama ko siya sa ganitong sitwasyon na masakit ang damdamin ko.
"Pupunta lang ako saglit doon, pero uuwi rin ako," sabi ko.
"Anak, nais kong sabihin sa iyo na kailangan mo nang mamuhay ng mag-isa roon pagkatapos ilibing ng papa mo. Katabi kasi ng resort mo ang bahay na titirahan mo na rin doon. Pinagpatayo ka na rin namin ng papa mo ng mansyon para matuto ka nang tumayo sa sarili mong paa." Nagulat ako sa sinabing iyon ni mama. Ngayon pa talaga? Kung kailang kamamatay lang ni papa ay parang tinataboy na niya ako. Nakakalungkot lalo.
Hindi na lang ako kumibo, ayokong makipag-away sa kanya. Baka kung mapaano pa siya. Umalis na lang ako sa hospital at sinunod ang sinabi niya.
Pagsundo sa akin ng driver ko sa hospital ay agad-agad na akong nagpahatid sa sinasabi ni mama na resort. Habang nasa biyahe ako ay hindi ko mapigilang hindi umiyak. Sobrang bigat ng damdamin ko ngayon.
Kailangan ko ng clown na makakasama ngayon para kahit pa paano ay sumaya naman ako. Ipinabalik ko na lang muna ang sasakyan para sunduin ang dalawa kong kaibigan.
"Kuya, daanan po natin muna sina Eli at Landon at para may makakasama tayo roon."
Una naming nadaanan si Eli dahil malapit lang kami sa bahay nila. Siya ang bestfriend kong maganda ang boses. Pa-girl ito dahil balak-balak na niya magpahaba ng buhok. Bakasyon pa lang kasi ngayon kaya sinusulit na niya ang pagiging pa-girl. Tiyak naman na gugupitin na niya ang mahaba niyang buhok sa oras na magkaroon na kami ng klase.
Pagdating namin sa bahay nila ay isang busina lang ay lumabas na agad ito. May dala agad itong bag dahil sinabi ko sa kanya na roon kami matutulog ng isang gabi. Pagpasok niya sa sasakyan ko ay agad niya akong niyakap.
"Nabalitaan ko ang nangyari. Condolence, BFF!" sabi niya. Nakakagaan ng loob ang yakap niya. Mangiyak-ngiyak pa nga ako. Ganito kasi ako, the more na kino-comport ay the more na nagiging emotional.
"Sana makita na ang mga hayop na iyon na gumawa nito sa papa mo!" galit niyang sabi habang nakikita kong nagpupunas din siya ng luha. Ganiyan iyan, kung ano ang nararamdaman ko, ganoon din siya. Kaya nga hindi ko ito matapon, eh. Love na love ko ang BFF kong ito.
Pagdating naman namin sa bahay nila Landon ay nagtagal pa kami dahil naliligo pa lang si bakla nang dumating kami. Gawain na niya iyan. Kung kailangan oras na ng paglakad ay saka pa lang siya gagayak. Pagpasok tuloy niya sa sasakyan ko ay sinabunutan agad siya ni Eli.
"Kahit kaylan ka talaga, Landon!" iritang sabi ni Eli sa kanya. Tinabig naman niya si Eli at ako ang nilapitan niya para yakapin ako. Late man palagi ay sweet din ito sa akin.
"Nakikiramay ako sa nangyari sa papa mo. Don't worry, karma na lang ang bahala sa mga iyon. Sigurado ako na mahuhuli at mahuhulin din ang mga iyon!" galit din niyang sabi.
Kahit pa paano ay gumagaan na ang loob ko. Alam kong sila lang ang gamot ko sa kalungkutan na nadarama ko ngayon. Kapag nasa tabi ko ang mga ito ay hindi ako puwedeng hindi tatawa. Kahit nagluluksa tuloy ako ay nag-iihit ako nang kakatawa dahil nag-aaway na naman ang dalawa. Usapin pa rin nila hanggang ngayon ang pagiging late ni Landon.
Niyakap ko na lang sila pareho para matigil sila. Iyon kasi ang kailangang-kailangan ko ngayon. Ang mahigpit na mahigpit na yakap nilang dalawa.