Isang oras na lang ang nalalabi at magtatapos na naman ang isang araw na trabaho sa buhay ni Aliah. At dahil isang oras na lang ay napagpasiyahan niyang pumunta muna sa pantry kasama si Dabby.
Maayos namang naituro ni Aliah ang dapat malaman ni Jayrus sa unang araw niya. Binigyan niya si Jayrus ng birds-eye-view ng mga tools na ginagamit nila sa pagsagot sa mga e-mails.
Hindi nahirapan si Aliah sa unang araw ng pagtuturo nito kay Jayrus dahil in-aabsorb niya ang bawat sinasabi niya. Habang nagsasalita siya ay nakatuon ito sa bawat galaw ng kaniyang mga kamay sa keyboard at sa mouse.
Magkagayunpaman ay hindi maiwasan ni Aliah na panaka-nakang mapasulyap sa mala-anghel na mukha ng bagong teammate.
"Friend, hello? Nandito ako. Tulala ka yata?" tanong ni Dabby habang hinihipan ang 3 n 1 coffee na galing sa vending machine sa pantry.
"Wala! Napagod lang yata ako siguro ngayong araw. Alam mo naman na hindi ako nakakapagtrabaho ng maayos kapag may nagsa-side barging sa 'kin 'di ba?" wika ni Aliah habang nanonood sa telebisyon.
"Sus, para 'yun lang eh. Minsan ka nga lang namang maging mentor eh, kaya lubusin mo na. Ang pagkakaalam ko may adjustment 'yon. Kaya ok lang yan. How's Jayrus by the way?" page-eksplika ni Dabby habang hinihigop ang kaniyang kape.
"Okay naman siya. Very attentive at hindi ako nahirapang turuan siya. May pagkakalog din kagaya mo. Ha-ha," hindi napigilang pagtawa ni Aliah.
"Wow, friend, after 100 years nakatawa ka na. Congratulations! Hindi ko alam na si Jayrus lang pala ang makakapagpatawa sa 'yo. Naks, ikaw na!" Papalakpak na sabi ni Dabby.
"Ewan ko sa iyo. Walang ibig sabihin ang pagngiti ko no," bawi ni Aliah sa sinabi sa kaibigan.
Napahagikgik na lamang ang dalawa sa kakatawa. Pagkatapos no'n ay sandaling katahimikan ang namayani habang isa-isa nilang iniinom ang kanilang mga kape. Napadako naman ang kanilang mga mata sa balita sa led TV nang mga oras na 'iyon. Balitang hindi nila kailanman iisiping mangyayari pala.
Isang babaeng nasa edad 20 pataas ang natagpuan dakong alas singko ng umaga kahapon ng madaling araw na nakalutang sa isang creek side sa Chino Roces area. Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, napag-alamang nagtatrabaho ito sa RR Incorporated Industry na isa sa mga sikat na call center sa Makati.
Halos hindi na makilala ang mukha ng biktima dahil sa tinamo nitong mga sugat. Dagdag pa ng pulisya, punit-punit ang damit nito na pinaghihinalaang pinagsamantalahan muna bago at pagkatapos paslangin.
Binabalaan ang mga netizen na mag-ingat at siguraduhing nasa maliwanag na lugar kayo upang hindi mabiktima.
Oswaldo Benitez po nag-uulat para sa TV Patrol Weekend.
"Oh my gosh friend, narinig mo 'yun? Nakakatakot at nakaka-ewww naman ang ginawa ng killer," kinikilabutang yugyog ni Dabby kay Aliah.
"Ang OA mo ha? Siyempre, nakita ko at narinig parang hindi mo naman ako kasama dito sa pantry na nanonood. Tara na nga sa floor para makapag-prepare na tayo na umuwi," iwas na wika ni Aliah sa kaibigan.
Tama ang kaibigan ni Aliah. Maging siya man ay nahintakutan at mas kinilabutan sa napanood sa telebisyon. Pinagsamantalahan muna at pagkatapos pinatay ang biktima. Napailing na lamang si Aliah habang ini-imagine ang eksena ng pagpatay.
Pagkabalik nila sa floor ay nagtama ang paningin nila ni Jayrus habang kinakausap ito ng kanilang bisor na si Ms. Janice. Sa halip na tumagal ang titigang nangyari ay siya na mismo ang umiwas dito.
Wala siya sa mood. Pagod siya. Gusto na niyang matapos ang nalalabing tatlong araw niyang trabaho ngayong linggo nang sa gano'n ay makapagpahinga na siya ng maayos.
Dalawang araw pa lang ang dumating pero pakiramdam niya ay napuno na siya ng pag-aalala at pagtataka sa mga nangyari.
8am shift logged out.
As usual, rinig na naman niyang nagsalita ang kanilang officemate para ipaalam na uwian na nila.
Isa-isa namang kinlick ni Aliah ang "x" button sa mga internet explorer at tools sa kaniyang monitor. Sinigurado niya ring nalog-out nang maayos ang kaniyang avaya, icrs, at agent comm bago lumabas ng 5th floor kasama si Dabby.
Sa tropical hut, muli silang nagbantay. Tahimik lang ang dalawa. Marahil isa lang ang kanilang iniisip nang mga oras na iyon, ang maiwasang maging susunod na biktima ng r****t at murderer na napanood nila sa telebisyon.
Pumara si Dabby at nakasakay agad ng bus patungong Guadalupe. Si Aliah naman ay sumakay na rin sa bus na papuntang Cavite. Sa window seat pa rin siya umupo, dalawang hanay mula sa kinauupuan ng drayber.
At dahil marami na ang nakasakay nang mga oras na iyon ay sinimulan nang paandarin ng drayber ang makina ng sasakyan. Ipipikit na sana niya ang kaniyang mata nang mahagilap niya ang paakyat at nakatitig sa kaniyang si Jayrus.
Dahil wala namang nakaupo sa tabi niya ay kusa ng lumapit si Jayrus para tabihan siya.
"Hi, ma'am Aliah! Dito na po ako uupo sa tabi mo ha? Cavite ka rin pala nauwi? What a coincidence." nakangiting sabi nito na litaw na litaw ang malalim na beloy nito sa magkabilang pisngi at mapuputing mga ngipin.
"Walang problema. Hindi ko naman pagmamay-ari ang bus na ito eh. Kaya kahit sino ay puwedeng umupo. 'Wag mo na rin akong tawaging ma'am kapag nasa labas tayo ng office. Napakapormal naman kasi eh. Aliah na lang. He-he," napatawa na ring sabi ni Aliah.
Napag-alaman ni Aliah na sa Imus, Cavite pala umuuwi si Jayrus. Mag-isa na lang daw siya sa buhay. Matagal na siyang ulila sa kaniyang magulang. Hindi inakala ni Aliah na sa pakikipag-usap nito kay Jayrus ay magiging magaan ang kaniyang pakiramdam.
Sa bawat ngiting pinapakita nito sa kaniya ay palagay ang loob niyang makipagkwentuhan sa kaniya. Walang bahid na takot at pangamba ang naramdaman niya nang mga sandaling iyon.
Nguni't sa isang banda, sa dulo at hulihan ng bus na sinasakyan nila ay may matang lumiliyab at nag-aapoy sa galit na anumang oras ay puwede niyang paslangin ang lahat ng tao sa loob ng bus na nagmamasid sa kanila.