CHAPTER 1: The Visitors

1441 Words
Hanna "Ate, s-sampong piso nga ng kamatis," nahihirapan kong sabi sa isang tindera ng mga gulay dahil sa bigat na ng mga pinamili ko. May mga isda, karne, prutas at mga kung ano-ano pa na kailangan sa kusina ng Shelter na tinitirhan ko sa ngayon. Abala kasi ang lahat sa paglilinis at pag-aayos ng buong Shelter sa araw na ito dahil sa mga importanteng bisita namin na paparating. Kaya't wala akong nakasama ngayon sa pamimili. Hindi naman na gano'n karami ang kailangan dahil nagsimula na kaming mamili noong isang araw pa, kaya lang ay mayroon pa ding kulang. "Heto na." Mabilis naman akong ipinaglagay ng Ale sa isang plastic ng ilang pirasong kamatis bago niya mabilis na inilapag sa harapan ko. "S-Salamat po." Kaagad kong iniabot sa kanya ang sampong pisong barya ngunit kapansin-pansin na ingat na ingat siyang huwag sumayad ang daliri niya sa kamay ko. Pagkakuha niya niyon ay kaagad siyang nag-alcohol ng mga kamay kasama ang sampong pisong barya. "Alis na. Alis. May mga bibili pa. Hindi sila makalapit nang dahil sa iyo," pagtataboy na niya sa akin. Napayuko na lamang ako at hindi na umimik pa. Isinama ko na lang sa isang maluwag na plastic ang nakasupot na ring kamatis bago ako umalis sa tapat ng tindahan niya. Luminga ako sa paligid at halos lahat sila ay nasa akin ang paningin at tila iniiwasan nilang mapalapit sa akin. Para akong may sakit na ketong kung pandirihan nila. Pero sanay na ako kaya't wala na lang sa akin ito. Kaagad ko na silang tinalikuran at minabuti nang lumabas ng palengke dahil wala na rin naman akong bibilhin pa. Inayos ko ang pagkakasaklob ng bandana sa ulo ko at medyo tinakpan ang mukha ko upang hindi gaanong mapansin ng mga tricycle driver. Karamihan kasi sa kanila ay tinatanggihan akong pasakayin sa tuwing nakikita nila ang pangit kong mukha. Sa 'di kalayuan ay may natanaw na akong paparating. Kaagad kong itinaas ang kamay ko upang ito ay parahin. "P-Para! Manong, pasakay!" Ngunit para bang nakilala ako ng driver kaya't mabilis niya rin akong nilampasan kahit wala pa namang laman na pasahero ang tricycle niya. Napahinga ako ng malalim bago inayos ang mga bitbit ko. Nangangawit na rin ang mga braso ko sa bigat ng mga dala ko. Muli akong nakatanaw ng tricycle na paparating at malayo pa lang ito ay kaagad ko nang kinawayan. "Manong, pasakay!" "Magnanakaw! Hulihin niyo! Magnanakaw!" Ngunit napalingon ako sa kaliwang bahagi ko nang may marinig ako doong nagsisigawan. Nakita ko ang ilang nga taong naghahabulan patungo sa kinaroroonan. Nanlaki ang mga mata ko at nataranta akong bigla. "Magnanakaw! Tulong! Habulin niyo!" Kaagad akong umatras ngunit dahil doon ay nawalan ako ng balanse. Nabitawan ko ang ilang piraso ng plastic na dala ko at nanabog ang mga gulay sa lupa. Pagdaan sa tapat ko ng mga taong naghahabulan ay may isa pang tumalakid sa paa ko na dahilan nang muntik ko nang pagsubsob sa lupa. Ngunit nahinto nang biglang may mga braso sumalo at yumakap sa akin. Ilang segundo akong natulala at hindi nakakilos. "Are you okay?" Isang baritonong boses ng lalaki mula sa likuran ko ang narinig ko na siyang ikinanigas ng katawan ko. Naibaba ko ang paningin ko sa mga braso niyang nakayakap sa akin ngunit nanlaki ang mga mata ko nang makita kong sakop ng dalawang palad niya ang magkabila kong dibdib! Napahigop ako ng isang malalim na hininga bago ako tuluyang nakasigaw, "BASTOS!!! MANYAKIS!!! RAPE!!! TULONG!!!" Halos mapatid ang mga ugat sa litid ko sa pagsigaw kong 'yon ngunit parang wala namang pumansin sa akin. "What the f**k?" Mabilis din namang bumitaw ang mga kamay ng lalaki mula sa akin at dahil doon at tuluyan na akong napasalampak sa lupa. "A-Aray!" napadaing ako nang tumama sa matigas na bagay ang balakang ko. Mabilis kong nilingon ang demonyong lalaki ngunit kamuntik na akong mapatulala sa nabungaran ko. Isang Amerikanong hilaw na animo'y artista sa telebisyon, na ngayon ay mukhang natulala na rin nang makita na niya ng tuluyan ang mukha ko. Nalaglag na rin kasi sa batok ko ang saklob kong bandana dahil sa dulas ng buhok ko. Muntik ko nang makalimutan ang sarili ko ngunit naalala kong manyakis siya kaya't mabilis kong dinampot ang ilang piraso ng kamatis sa tabi ko at malakas kong ibinato sa mukha niya. Kaagad din naman siyang tinamaan. "Lumayo ka! Bastos! Manyakis!" "P-Pasensya na. Promise, w-wala naman akong nahawakan." Walang nahawakan? Napayuko akong bigla sa dibdib ko at halos wala naman talagang umbok ang dibdib ko. Ang isang mahabang talong naman ang nadampot ko at ibinato ko sa kanya ngunit mabilis niya itong nasalo at muling inihagis sa tabi ko. "Demonyo ka! Lumayo ka! Papatayin kita!" "T-Teka, ikaw na nga ang tinulungan." Sinusubukan niyang ilagan ang bawat bagay na dinadampot ko sa lupa at ibinabato ko sa kanya. "Hindi kita kailangan! Isusumbong kita sa Pulis! ALIIISSSS!!!" "Oh, eh 'eto na nga. Tsk. Akala mo naman ang ganda," dinig kong sabi niya bago siya mabilis na tumalikod at sumakay sa isang pulang kotse na nakaparada sa tabi. "Alam kong hindi ako maganda! Hindi niyo na kailangan pang ipagsigawan sa mukha ko!" Inis kong sigaw ngunit ramdam ko ang sakit sa puso ko. Araw-araw ko na lang naririnig ang mga salitang 'yan. Pero bakit ang tagal kong maging manhid? Tangina. Mabilis na akong tumayo at inipon muli ang mga pinamili ko. Ramdam ko ang pagtitig sa akin ng lahat ng mga taong naririto ngunit wala na akong pakialam. Nag-alok ako ng malaking bayad sa isang tricycle driver para lamang ihatid ako pauwi ng Shelter. Sa susunod ay makikipagpalit na lang ako ng gawain sa mga kasama ko para naman hindi masayang ang malaking pamasahe ko. PAGDATING ko sa Shelter ay napansin ko ang ilang mamahaling kotse na nakaparada sa parking lot. Kinabahan ako dahil baka naririyan na ang mga bisita at nasa akin pa ang ibang sangkap sa mga lulutuin! "Hanna, bakit ang tagal mo? Kanina pa namin hinihintay ang mga sangkap!" Kaagad akong sinalubong ng mga kasama kong katulad ko ay ampon lang din sa lugar na ito. "Kanina ka pa rin hinahanap ni tita Grace." "Pasensiya na. Natagalan ako sa pagsakay ng tricycle." "Tulungan mo muna kami para matapos na kaagad. Nagugutom na ang mga bisita." "O-Oo." Kahit napapagod pa ako ay tumulong pa rin ako. Hindi kami p'wedeng magreklamo dahil nakikitira lang kami sa lugar na ito nang walang bayad at napakabait ni tita Grace sa aming lahat, gano'n din ang mga kasama ko. Sila lang ang hindi nandiri sa hitsura kong sira-sira ang mukha at balat sa ilang parte ng katawan ko. Ang balita din namin ay bestfriend ni tita Grace ang bisita namin ngayon at kasama ang pamilya niya. Isa daw iyon sa mga malaking magbigay ng donasyon sa Shelter na ito kaya't marapat lang din na magpasalamat kami sa kanila. *** "Okay na ba ang lahat?" tanong ni tita Grace matapos niyang pumasok dito sa loob ng dining room. "Opo, tita. Ready na po ang lahat," halos sabay-sabay naming sagot sa kanya. Nakahayin na sa mesa ang lahat ng aming mga niluto para sa kanila. "Sige, ayusin niyo na ang mga sarili niyo dahil ipapakilala ko rin kayo sa kanila." Natigilan naman ako sa sinabi niyang 'yon. "P-Pati po ba ako, tita Grace?" alanganin kong tanong sa kanya. Alam naman niya ang kalagayan ko at dinaranas ko sa mga mapangutyang mga tao sa paligid ko. "Huwag kang mag-alala, Hanna. Napakabait ng pamilya Fairford. Wala akong masabi sa kanila." Hindi na lang ako umimik at bahagya na lamang akong tumango sa kanya kahit kinakabahan pa rin ako. "Sige na. Tatawagin ko lang sila dahil siguradong gutom na gutom na sila." Kaagad na siyang tumalikod at lumabas ng malawak na dining room. "Sige po, tita Grace." "Handa na po kami." "Excited na po kami!" Kanya-kanya nilang sagot ngunit ako ay pinili na lamang manahimik. Inayos ko ang pagkakasuot ng balabal sa mukha ko upang hindi ito masyadong ma-expose. Hindi rin nagtagal ay muling pumasok si tita Grace at natanaw na nga namin sa likuran niya ang mga kasama niyang bisita. Napahinto ako dahil mukhang ibang lahi ang mga bisita namin ngayon. Kay tatangkad ng mga lalaki at babae at kay puputi! Ang tatangos pa ng mga ilong! "Hello, everyone!" magiliw na bati ng isang maganda at may edad ng babae sa amin, na sa tingin ko ay isa namang pinay dahil sa kutis niya. "Hello, po!" "Good afternoon po!" "M-Magandang tanghali--" bati ko din sana ngunit naputol ito nang biglang lumabas mula sa likuran nila ang isang pamilyar na lalaki, na ngayon ay nakatitig sa akin ng taimtim. Oh, my God. No, panaginip lang 'to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD