Matapos palayasin sa mansyon ay naglakad siya sa pribadong kalsada ng pangalawang pinakamataas na subdivision sa Folmona. Paulit-ulit na itong nangyayari sa kanya subalit paulit-ulit din niyang iniintindi para sa kapakanan ng kanyang asawa. Sa ngayon ay wala siyang ibang magagawa kung hindi ang magtiis muna sa masamang ugali ng angkan nito. Inaaliw na lang niya ang sarili habang nakatingin sa naglalakihan at naggagandahang mga mansyon sa Monato subdivision. Pangarap niya noon pa man na bilhan si Umica ng mansyon. Hindi sa Monato subdivision, kung hindi sa pinakamayamang subdivision sa Folmona, ang Foltajer mountain. Doon ay nakatayo ang mga first class mansyon at nasa state of the art ang seguridad sa loob ng mga naninirahan doon. Hindi basta-basta ang halaga ng isa sa mansyon doon, kaya alam niyang hanggang panaginip at pangarap na lang muna siya ngayon. Lagi niyang sinasabi sa kanyang sarili na kung mangangarap man siya ay sasagarin na lang niya.
Hawak-hawak niya ang kanyang bisikleta at nagpasyang hindi na muna ito sakyan. Nagbabaka sakaling may mabundol na suwerte sa kanya. Milagro kumbaga.
Sa bawat posteng kanyang madaanan ay hindi niya mapigilang ikumpara ang sarili niya sa mga ito.
“Mabuti pa kayo may silbi. Ako, ewan ko kung hanggang saan kayang magtiis ni Umica sa katulad kong hindi siya kayang bigyan ng magandang buhay . . . Hanggang yuko na lamang ako sa bawat pagsubok na dumating sa kanyang buhay, lalo na sa pera . . .” bulong niya at mapait na ngumiti. Alam niyang malala na ang insecurities na kanyang nararamdaman. Subalit wala siyang magagawa dahil totoo naman ang kanyang mga iniisip sa sarili niya. Sa bawat araw na dumaraan ay parang nilalamon rin siya ng mapanlait na mga boses ng mga kamag-anak ng asawa niya.
Upang bahagyang mapanatag ang kanyang kalooban ay ninamnam muna niya ang katahimikan ng gabi at nagpakawala nang mabigat na buntong hininga. Sa bawat buga na kanyang ginawa ay tila mas lalong bumibigat ang kanyang pakiramdam, dahilan upang malalim siyang napaisip.
“Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin upang matulungan kita, Umica. Labis na akong nahihiya at nalulungkot dahil nahihirapan ka . . .” bulong niya sabay park ng kanyang bisikleta sa gilid nang makarating siya sa park ng subdivision. Ngunit kalaunan ay napagpasyahan niya ring dalhin ito sa loob. Nakita siya ng mga nagbabantay doon, ngunit kinamayan lamang siya ng mga ito at kumaway lang din siya. Malaya siyang nakapasok sa loob dahil kilala niya ang mga nagbabantay. Sa tagal niyang nanirahan sa mansyon ng matandang Sares ay halos nakilala na niya ang mga trabahador sa Monato subdivision.
Ilang sandali pa ay narating na niya ang isa sa paborito niyang spot sa park. Matagal na niyang gustong dalhin doon si Umica. Hindi nga lang niya magawa dahil pinagbawalan siya ng Lolo nito na lumapit sa dalaga kapag nasa labas sila ng bahay. Hindi siya maaring maglambing dito sa harap ng mga tao. Itinarak ng matanda sa puso at isipan niyang isa lamang siyang surot na na-inlove sa isang purong Diyosa.
Marahan siyang naupo sa isang bench na nakalagay sa ilalim ng puno. Mula doon ay malaya niyang pinagmamasdan ang makinang na mga bituin sa langit. Sinariwa ng kanyang diwa ang bawat araw at mapapait na mga pangyayari sa buhay ng kanyang asawa simula ng pinili siya nitong mahalin. Alam niyang langit at lupa ang pagitan nilang dalawa. Subalit hindi iyon naging hadlang upang piliin siya nito. Sa bawat araw sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay ni minsan, hindi nito pinaramdam sa kanya na matindi ang kanyang pagkukulang bilang lalaki. Mabigat ang pinapasan nito at dumagdag pa siya, ’yun ang labis na nagpapalungkot sa kanya. Mas lalo pa siyang dinudurog dahil mahal din siya ng mga magulang nito.
“Kung mas malakas lang sana ako at makapangyarihan . . . Sana isinilang akong mas maykakayahan. Hindi naman mayaman ang iniisip ko. Nais ko lang maging kapakipakinabang para sa ’yo, mahal ko.” Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatingala. Basta ang alam niya ay unti-unti na siyang humihiga sa bench habang hinihila ng matinding pagod at pagkadismaya.
“Bro . . . Wixon . . . Wixon . . .”
“Uhmmm . . .”
“Bro, umuwi ka na. Nakatulog ka na rito sa park.” Isang marahan na tapik sa kanyang braso ang mabilis na nagpabalik sa diwa niya sa mundo.
“Ha? Nako! Pasensya ka na, bro. Nakatulog ako nang hindi ko namamalayan.”
“Oo nga. Inaabangan kitang lumabas kanina pa. Nagtataka na ako kaya ay pinuntahan na kita rito.” Napapakamot siya ng kanyang ulo sa sinabi nito.
“Nako! Patay!” Agad siyang napatayo nang makita ang oras sa mumurahin niyang relo.
“Oo. Alas-kwatro na nang umaga,” turan nito dahilan upang alanganin siyang ngumiti. “Sige, bro. Pasensya ka na. Magpapaalam na rin ako. Kailangan ko pang tawagan si Umica. Nag-aalala na ’yun sa akin pati sina Mama’t Papa.” Mabilis ang kanyang mga kilos na sumampa sa kanyang bisikleta at nagmamadaling pumadyak palabas ng park upang habulin ang kanyang oras. Ngunit, bago tuluyang umalis ay kinuha muna niya ang kanyang telepono.
“Umica, mahal ko.”
“Wixon!” Bahagya niyang nailayo ang kanyang telepono sa tenga dahil sa biglang pagsigaw nito na may kalakip pang hikbi. Hindi na niya kailangan maghintay dahil nakaabang na ito sa kanyang tawag.
“Pa-pasensya ka na, mahal. Dumaan ako sa Monato park, kaso hindi ko namalayan na nakatulog ako. Pasensya na talaga, pati na rin kina Papa at Mama.”
“Pinag-alala mo ako nang husto . . .” bulong nito sa kabilang linya at talagang humagulgol na.
“Akala ko umalis ka dahil nagalit ka sa sinabi ni Lolo at ginawa ni uncle at ng mga kamag-anak ko.”
“Mahal kita, Umica. Ang maramdaman lang na mahal mo ako ay sapat na iyon sa akin. Handa akong tanggapin ang lahat ng masasakit na salita, at mga pisikal na pananakit. Ang hindi ko lang gusto ay pati ikaw pagtawanan din nila at pagkakatuwaan.”
“Umuwi ka na, mahal. Hihintayin kita rito sa bahay.”
“Hindi ka ba pumasok sa Opisina mo ngayon?” nagtatakang tanong niya rito. Alam niyang masyadong estrikto sa trabaho ang Asawa niya. At hindi ito basta-bastang lumiliban.
“Wala ring silbi kung pumasok ako. Lumilipad ang aking isipan sa kakaisip kung napano ka na. Lalo’t hindi ka rin tumatawag.”
“Pasensya ka na talaga, mahal. Sige, uuwi na ako. Ngunit, dadaan lang ako saglit sa pampublikong pamilihan. Narito na ako kaya di diretso na lang ako roon.”
“Si-sige. Mag-ingat ka, Wixon . . . Mahal kita . . .” sabi nito sa kabilang linya bago nito tuluyang pinatay ang telepono.
Dahil sa tawag na ’yon ay gumaan muli ang kanyang pakiramdam. Masaya siyang pumadyak hanggang makarating sa pamilihan. Labing-anim din na minuto bago siya nakarating doon, subalit hindi siya nakaramdam ng pagod dahil labis ang kanyang kasiyahan. Ginugol pa niya ang sampung minuto sa pamimili bago tuluyang nagpasya na umuwi na. Gamit ang basket na nakalagay sa harapan ng kanyang bisikleta ay maayos niyang nadala ang mga pinamili at banayad din ang kanyang pag padyak. Nakangiti pa siya habang inaalala ang kanyang asawa nang nakarinig siya ng sunod-sunod na mga putok. Dahil doon ay labis siyang naalarma at nagmamadaling pumadyak upang mabilis na makauwi. Ngunit, ang hindi niya inaasahan ay nakita niya ang isang ginang na binabaril, habang nagtatago ito sa likod ng isang mamahaling sasakyan nang liliko na sana siya sa short cut na palagi niyang dinadaanan matapos mamalengke.
“I-ilag po!” sigaw niya at nagmamadaling bumaba sa kanyang bisikleta. Natumba pa ito dahilan upang magkalat ang kanyang mga pinamili. Ilang sandali pa ay nagtuloy-tuloy na ang putukan.
“Ayos lang po ba kayo?” tanong niya sa Ginang habang tinatakpan ang sugat nito sa braso.
“Wa-Walter . . .” bulong nito habang matamang nakatitig sa kanyang mukha. Pumatak pa ang luha nito at nakikita niya ang matinding kagalakan sa maganda nitong mga mata.
“A-ayos lang po ba kayo?” Muling tanong niya rito.
“Ayos lang ako, hijo. Salamat sa iyong pagtulak sa ’kin. Baka kung saan na tumama ang balang ’yun kung hindi mo ako nasagip,” turan nito na parang normal lang para dito ang natamong tama ng baril. Nagtataka pa rin siya dahil panay ang titig nito sa kanya.
“Baka po ilang saglit lang at narito na rin ang mga pulis.” Laking pagtataka niya nang pagak itong tumawa. Pinahid nito ang luha at hinila siya pagilid.
“You can’t count on them this time, hijo. Sa ngayon ay nasa pamilyang Monato ang kanilang loyalty. Walang ibang magsasalba sa ’tin kung hindi ’yung meron lang tayo,” wika nito at muling ikinasa ang hawak na baril matapos punitin ang suot nitong damit at tinali sa sugat nito.
“Baka po mas lalong dumugo ang iyong sugat, Madam ’pag naglikot kayo,” nag-aalala niyang turan dito.
“Malayong-malayo ito sa bituka, hijo. Ngayon na tinulungan mo ako ay malaki ang posibilidad na madamay ka. Kaya riyan ka muna sa likuran ko, at magtago ka. Ngunit, bago ang lahat. May itatanong lamang ako sa ’yo. Mayroon ka bang balat na hugis mapa sa iyong dibdib?” Halos lumuwa ang kanyang mga mata sa tanong nito. Tanging kanyang Ina, Ama at si Umica lamang ang nakakaalam ng balat niyon.
“Saan— Ilag!” Kung kanina ay naririnig lamang niya ang palitan ng mga putok sa bawat sasakyan at sa sasakyan na kanilang pinagtataguan, ngayon ay lantaran na niya itong naramdaman mismo sa kanyang katawan. Dilat ang kanyang mga mata habang pinapakiramdaman ang sarili. Napapaigik siya dahil ngayon lamang niya naramdaman ang matinding sakit dahilan upang unti-unting namanhid ang kanyang katawan. Saglit pa siyang nakatayo hanggang natumba na siya dahil hindi na niya kayang suportahan ang sariling bigat.
“Madam! Ayos lang po ba kayo? May sugat ang Donya! Madali! Kilos!”
“Ayos lamang ako. Ang batang ito ang tulungan ninyo. Magmadali kayo, gawin ninyo ang lahat upang mabilis siyang makarating sa hospital nang ligtas at humihinga. Pakiusap! Unahin ninyo siya. Sasabay ako sa inyo sa Hospital.” Napangiti siya nang marinig niya ang mga katagang iyon. Isa lamang ang ibig sabihin nito. Dumating na ang backup ng Ginang. Nagpapasalamat din siya dahil kahit papano, isa ito sa mga taong pinahalagahan ang buhay niya. Iyon na lamang ang huli niyang narinig matapos maramdaman na tila ay napuputol na ang kanyang paghinga. Pakiwari niya ay nasa ilalim siya ng tubig at nalulunod dahil walang kahit na anong hangin ang pumapasok sa sistema niya.
“U-Umi-Umica . . .” Pumikit ang kanyang mga mata at naglandas ang kanyang mga luha. Ngayon lamang niya naisip ang naging kapalit ng kanyang ginawa. Nagdurugo ang kanyang puso sa isiping mawawala na siya sa mundo na hindi man lang niya natulungan ang kanyang butihing asawa. Sa huling pagkakataon ay iniwan niya sa lugar ang mapait niyang mga luha, nagkalat na mga pinamili at ang nasira niyang bisikleta.
‘Kung bibigyan ako ng pagkakataon na mabuhay pa. Babalik ako, mahal ko at sa araw na ’yun ay sila naman ang hihingi ng tulong sa ’tin . . .’