Naudlot ang paghakbang ni Proserpina nang makitang may dalawang lalaki na nakatayo sa tapat ng silid ng Papa niya sa ospital. Nagkubli siya sa likod ng pader imbes na ituloy ang paglalakad sa mahabang pasilyo. Hindi sa kanya pamilyar ang hitsura ng dalawang lalaki, pero nakakatiyak siyang padala na naman ng Mafia ang dalawang ito. Lalo na dahil hindi pa rin siya nahahanap ng mga tauhan ni Hades. Magmula nang matakasan niya si Lukas sa restaurant ay hindi muna siya umuwi sa inuupahan niyang apartment. Alam niyang may mga tao nang nag-aabang sa kanya roon. Naghihintay upang muli na naman siyang tangayin. Nakiusap siya sa kaklase at malapit na kaibigan niyang si Romary na doon na muna siya sa bahay nito, tutal ay nasa Madrid pa ang mga magulang nito at sa sunod na buwan pa nakatakdang bumal