6.
“PINAGTATAKHAN ng mga kasama natin ang pananahimik mo, Ruth. Nagtatanong sila kung anong nangyayari sa iyo at bakit parang kang namatayan,” sabi sa kanya ng kaibiyang si Bernadet nang mag-lunch break sila.
Aligaga na naman siya sa mga oras na iyon dahil daig pa ang mga paa niya ng tinubuan ng mga alipunga, kinakati na maglayas at humanap ng isang private investigator.
Isinukbit niya ang bag tapos ay tumingin sa orasan niya. Baka hindi siya makaabot ng time ng hapon, malintikan siya sa head nila.
Parang nakamata pa naman iyon sa kanya sa buong umaga na nagdaan.
Napaidlip lang siya kanina dahil sa antok, sinermonan na siya. Pati ang ganda niya ay idinamay pa. Sabi naman ng mga kasamahan niya, bwisit lang daw yun dahil binabasted niya parati.
May gusto kasi sa kanya ang matandang binatang head nila na iyon. Palipad hangin ang gawa ng lalaking iyon, pero nang malaman na may nobyo na siya, bigla na iyong nagalit sa kanya at masyado siyang pinag-iinitan sa trabaho.
Muli niyang ibinaba ang bag niya. Hindi siya makapag-isip nang matino. Bwisit. Bakit parang hindi matanggal sa kukote niya ang mukha ng boss niya.
Mali man na sabihin, ngayon lang siya nakakita ng ganun kagwapong lalaki sa tanan ng buhay niya. Oo, pogi si Baron pero iba si Lush Miguel Montesalvo.
Walang salita ang pwedeng maglarawan sa kagwapuhan nun.
Ano nga ba ang itsura nun?
His look is very intriguing. Ang aura nun ay hindi basta-basta mababasa. Ang mga mata ay malalamlam parang nakikiusap pero nang-aakit. Nasa ilalim ang mga iyon ng diretso at makakapal na mga kilay. His nose was perfect. His lips were not thin and not thick. Sakto lang iyon sa maikling salita. Mapula ang mga iyon at kapag tumitikwas ang kabilang dulo ay parang nakakabuntis ng babae.
He has a lightly shaved mustache, connected to his stubble. Ang mukha nun ay maganda ang hulma. He had a pair of well defined and prominent jaws, pero hindi iyong mga panga na nakakabwisit tingnan.
Maputi iyon pero hindi mukhang tinapay na hilaw ang pagkakaluto. To be precise, he had an olive skin tone, matching the color of his brows and his hair.
Ang buhok ni Lush Miguel ay katamtaman ang haba, medyo wavy pero ang ganda ng pagkakasuklay. Hindi iyon tipikal na malinis ang gupit o mukhang army na naunsyami, pero may sarili iyong style, style na hindi nakakasawang tingnan.
Pasimple pa siya pero kabisadong-kabisado niya ang itsura nun sa minsan na pagkakatitig niya kanina.
And she has this very unusual feeling for that man. Ang gwapo kasi kaya alam niyang normal lang naman na hindi niya makalimutan ang mukha nun, lalo pa at wala iyong kamukha sa mundo.
That man was so blessed to have everything in life. Gwapo iyon, matalino at higit sa lahat, napakayaman.
“Hoy,” sita sa kanya ni Berna nang hindi niya ito pansinin sa mga sinasabi nito sa kanya.
“Maupo ka nga. Ano bang nangyayari sa'yo. Hindi ka pwedeng umalis kung may binabalak ka. Mainit ang mga mata sa iyo ni Sir Dennis.”
“Kailan ba hindi?” Naiinis na sagot niya.
Masyadong nami-mersonal ang lalaki na iyon dahil sa mga pambabasted niya. Kahit na maayos naman ang ginagawa niya, kung anu-anong hinahanap na mali.
“Kaya nga dapat mas lalo kang pumirmi rito. Parang aalis ka sa lagay mo, isusukbit ang bag, ibababa.”
Bigla siyang naupo sa tabi nito, “Maghahanap ako ng private investigator.”
“Ha? E bakit di na lang detective at baka libre pa?” Nakatanga si Berna sa kanya.
“Kaya nga ako maghahanap dahil ang mga pulis, hindi pa ako mabigyan ng resulta. Baka patay na si Baron, di pa tapos ang imbestigasyon,” giit niya, “Baka bangkay ng dumating ang asawa ko sa akin.”
Napabuntong hininga ito sa sinabi niya, “Alam mo ba kung magkano ang PI? Ang alam ko, sa sampung oras ay kinse mil.”
Diyos ko. Halos mapatutop na rin siya sa bibig. Baka bangkay na rin na dumating si Baron, di pa siya nakakaipon ng pang trenta oras ng isang investigator.
“Malaking pera ang kailangan mo, Ruth.”
Nanlulumo siyang napatingin sa sahig. Hindi siya dapat na mag-assume na tatlong araw lang ay tapos na ang paghahanap. She needs a big amount of money. Kung milyonarya lang siya, magha-hire siya kahit sampu pang investigators, mapabilis lang ang lahat, kaya lang ay ganda lang ang ibiniyaya sa kanya ng Diyos, hindi kasama ang pera.
“Hahanap ako ng paraan, Berna. Hindi pwede na ganito lang ako, nakatunganga, di alam kung anong nangyari sa asawa ko.” helpless na sabi niya, “Habang tumatagal, parang lalo akong di makahinga sa kalagayan niya.”
“Magpahula kaya tayo.”
Agad na lumipad muli ang mga mata niya sa kaibigan, “Kanino naman?”
“Sa Quiapo. Marami dun. Mamaya pag-out natin sasamahan kita.”
Hindi niya alam kung anong klase ng kalokohan ang sumapi sa utak niya at tumango siya. Siguro, wala siyang hindi gagawin para sa nawawala niyang mister.
Hindi na nakaalis pa si Ruth nang lunch break. Baka matuluyan na siyang masisante kapag hindi siya nakabalik ng ala una ng hapon. Kahit na alam niyang obligasyon niya na hanapin ang asawa niya, hindi na niya alam kung alin pa ang uunahin.
If she sacrifices her job, saan siya kukuha ng panggastos sa paghahanap? Baron will surely understand her struggles.
Naglakad siya sa lobby, dala ang kanyang rotary mop na may sabon, pabango at pang disinfect.
She just finished her job. Time na rin kaya wala na ang mga empleyado sa banyo. Malinis na ang mga nakatoka sa kanya. Naglalakad siya nang mapansin niyang pumasok nababae.
Hindi niya maunawaan ang itsura ng suot nun. Naka-tube na mukhang bestida pero pantalon pala, may slit sa dalawang harapan ang bestidang pantalon. Pulang-pula iyon.
Naglakad iyon papasok at siya naman ay papaliko na para bumalik sa quarter nila.
“Janitress,” the woman called and she looked immediately.
“Yes, ma'am?” Aniyang may ngiti.
Nasa may harap na niya ito at bigla na lang na itinapal sa dibdib niya ang dala-dala nitong bag.
“Bring me to the boss,” order nito sa kanya.
“Ma'am, hindi po kami pwedeng umakyat dun.”
Tumaas ang sulok ng mga nakahulma nitong kilay, halatang naiimbyerna sa kanya.
“Don't you know me? I am Annelyn Estravez! I am the boss’ fiancée!” Pakilala nito sa sarili at halos isigaw sa mukha niya.
“Ruth!” Galit na boses ng isang lalaki sa may likod niya kaya napatingin siya kaagad doon.
Si Dennis.
“Napakatanga mo talaga!” Anang lalaki kaya napamaang siya, “Inuutusan ka ng bisita na samahan siya tapos sasagot-sagot ka. Hindi ka ba nag-iisip? Maganda ka pa naman sana, wala ka namang utak!” Ani Dennis sa kanya at hindi siya nakaimik dahil una ng nasaling ang damdamin niya, lalo na nang ngumisi ang babae sa harap niya.
“I like you,” the woman said.
“Thank you, ma'am. Pasensya na po sa katangahan ng isa sa mga tao ko. I'm her head.”
“I see. Supposedly, even a janitress must have a simple common sense,” nakataas ang mga kilay na sabi ni Annelyn saka nagmartsa, lumalagatak ang mga sapatos sa sahig.
Napilitan siyang sumunod kahit na ayaw niya. Mukhang magkasundo ang dalawa ni Dennis dahil parehas na mayabang.
Si Dennis, parang Santo noong una, may mga kung anu-ano pang pick up lines sa kanya, tapos ngayon kung sabihan siya na tanga ay parang isa lang siyang daga na naligaw sa loob ng building.
Naunahan siya ng emosyon dahil sa mga pinagdadaanan niya. Hinang-hina na siya, nasita pa siya at napahiya sa girlfriend ng boss nila.
May girlfriend na pala si Lush Miguel. Mukhang hindi magka-match ang ugali ng dalawa, dahil iyon kahit sinapak na niya ng mop, hindi siya sinabihan na wala siyang common sense.
Her eyes watered as they entered the lift. Naluluha siya sa insulto ni Dennis sa kanya. Mas matatanggap pa sana niya kung galing sa kapwa niya babae, pero dahil sa isang lalaki galing, mas lalong nakakainsulto.
Talagang bawal naman sila sa floor ng boss at mga board. Restricted area iyon para sa mga tulad niya ang trabaho. Executive lang ang pwedeng umakyat dun at mga heads, tulad ng mayabang na si Dennis.
Tahimik siyang sumunod sa babae nang lumabas na ito sa elevator. Pinagtitinginan siya ng mga tao roon kaya pakiramdam niya ay nanliliit siya.
Tumunog ang alarm nang pumasok basta ang babae at walang idinikit na I.D sa sensor. Napalunok siya at alanganin na sumunod pero sumunod pa rin siya dahil nasa kanya ang bag.
Hindi siya tumitingin sa mga tao, nakayuko lang siya. She was just plainly looking at the woman's shoes. Nang tumigil ito ay tumigil din siya pero nakayuko pa rin siya, hanggang sa makakita siya ng isang pares ng makintab na leather na sapatos.
“Miguel!” Bulalas ni Annelyn at ewan naman niya kung bakit siya napaangat ng mukha.
She looked up. Eksakto rin na nalipat sa kanya ang mga mata ni Lush Miguel habang kaswal itong nakapamulsa.
Malalaglag ang mata niya sa kagwapuhan ng boss niyang ito. Kung ito ang magsasabi sa kanya ng tanga ay baka mas matanggap pa niya, hindi ang tulad ni Dennis, na sumasahod lang naman ng higiy limang libo sa sahod niya.
“G-Good afternoon, sir,” bati niya kay Mister Montesalvo na nakatingin sa mukha niya.
“How heavy is that bag, Miss Eduardo?”
“P-Po?” Takang tanong niya at inalog-alog pa niya nang marahan ang bag para timbangin, sa kabila ng maluha-luha niyang mga mata, “Parang limang pad na papel po ang bigat.”
Irap ang inabot niya kay Annelyn kaya napakurap siya, “You're really stupid, your head was right.”
Hindi siya nakaimik kaya yumuko na lang. Nagtitimpi siya. Kung wala sila sa loob ng Montevez, papatulan niya ang mga balahura na tulad ng Annelyn Estravez na ito.
“What's stupid for telling the truth, Anne?” Tanong ni Lush Miguel at para siyang sumaya roon. Ipinagtanggol ba siya nito?
“Give me the bag, Ruth,” ani pa ng binata kaya mas lalo siyang nasiyahan dahil alam nito ang pangalan niya.
Hindi nito nakalimutan iyon.
Tanga. Nakalagay yun sa uniform mo. Aniya sa sarili niya.
Iniabot niya rito ang bag pero nakatingin ito sa mga mata niya. Parang mas tinitingnan pa nga siya nito kaysa sa Annelyn Estravez na fiancée raw nito.
May ibang kamay ang kumuha ng bag sa kanya kaya napatingin siya roon.
Isang lalaking matangkad at maputi ang kumuha nun, nakangiti sa kanya nang kaunti.
“Akin na,” aniyon kaya ibinigay niya.
Nakikita niya ang lalaking ito na madalas naglalakad sa lobby. Sabi ay right-hand ito ng CEO.
“Pwede ka ng bumaba, Miss,” ani pa ng lalaki kaya tumango siya tapos ay hindi napigil na huwag tumingin kay Lush Miguel.
Nakatingin ito kay Annelyn tapos ay tumingin sa kanya.
She smiled a bit and turned her back.
“Next time, I don't want to hear an insult to my employees in front of me, Annelyn.” Aniyon kaya halos mapatigil siya sa paghakbang pero hindi niya ginawa.
“She's just a janitor! Mababang uri siya kaya kahit tangahin mo, di yan bibitaw sa trabaho dahil walang mahahanap na ibang trabaho!” Sabi ni Annelyn kaya naman sinarili niya ang pag-irap.
“She's my janitress, not yours.” Maikling sagot ni Lush Miguel na sobra niyang ikinatuwa.
Mabait talaga ang binata at hindi na siya nagtataka pa. Ngayon ay kumpirmado na niya iyon. Walang dudang lahat ay sinalo nito dahil mabuti itong tao.