Maria's POV
"Susme! Maria, bumaba ka nga riyang bata ka!" histerikal na tawag sa akin ng napaka nerbiyosa kong lola na si Apo Ibyang.
Tsk! Si Apo, talaga ako na naman ang nakita.
"Apo, mamaya na po, kaaakyat ko lang, eh!" malakas na sigaw ko dahil kung hindi ko gagawin iyon ay hindi ako maririnig ni Apo. May pagkabingi kasi ang lola kong ito, hehehe!
Bakit ba kasi hindi na siya nasanay sa akin, lagi naman akong umaakyat ng puno?
"Sinabi ng bumaba ka riyang bata ka! Gusto mo bang mapalo ng yantok?"
banta pa nito sa akin na dinuro-duro pa ako ng tangan nitong tungkod na gawa sa puno ng bayabas.
Huh! Makababa na nga. Ilang beses ko na ring natikman ang pamalong yantok nitong si Apo at talaga namang masakit kapag lumatay na sa katawan.
"Nariyan na po!" tugon ko na may halong pagmamadali.
Pero, bago ako bumababa ay umabante pa muna ako sayang naman eh, malapit na rin lang ako sa tuktok, makakuha man lang kahit mga limang pirasong buko. Kaya naman nang sa tantiya ko ay abot ko na ang kumpol ng bunga ay hinugot ko ang itak na nakasabit sa aking bewang at pinagtataga ko ang sanga na nag-uugnay sa mga buko at nakailang hampas pa ako bago bumulusok ang kumpol ng bunga paibaba sa lupa.
Ang galing ko talaga! Anong sinabi ni Tata Igme na kilala sa Baryo Masingkay sa paggawa ng tuba? Tsh! Sisiw lang sa akin ang pag akyat sa puno ng niyog.
Pagkatapos kong makakuha ng buko ay mabilis na akong bumaba.
Kitang-kita kong tuwang-tuwa ang nakababata kong pinsan na si Imyong. Bitbit nito ang isang buko sa kanang kamay habang ang kaliwang kamay naman ay nakahawak sa lawlaw nitong short na anumang oras ay maaring bumagsak dahil sa luwang ng garter.
"Manang! Akin na lang itong isa, ah!" paalam pa nito sa akin, hindi alintana ang sipon nitong tumutulo sa magkabilang ilong.
"Sige, iuwi mo na 'yan dagdagan mo pa ng isa," tugon ko naman.
Kinuha ko ang tatlong pirasong buko na natira. Ngunit bago ko pa maiangat ang katawan ko buhat sa pagkakayuko ay naramdaman ko na ang pingot ni Apo Ibyang sa aking tenga.
"Apo! Aray! Apo naman masakit!" reklamo ko.
"Masakit pala, ha! Bakit hindi ka ba nagtatandang bata ka? Dinaig mo pa ang unggoy kanina dun sa taas ng puno, ah!" singhal nito sa akin.
Hay! Sa wakas binitiwan na rin ni Apo ang tenga ko, akala ko matatanggal na siya.
Napahawak ako sa sarili kong tenga.
Huh! Ang sakit nun, ah!
"Uuwi napo ako, Apo!" Nagmamadali kong kinuha muli ang mga buko at patakbong tinahak ang masukal na daan pauwi sa aming dampa.
Bago pa ako makarating sa tarangkahan ng aming munting bahay ay may nadaanan akong ilang mga kababaihan na walang ginawa kung hindi ang tumambay sa ilalim ng puno ng mangga, nagkukutuhan at naghuhuntahan habang nagpapasuso ng maliit pang mga anak.
"May pupunta raw ditong mga doktor galing sa siyudad na mamigay ng mga gamot," narinig kong sabi ng isa.
"Ganun ba? Hiling ko lang ay may dala rin silang mga pagkain. Napakatagal na panahon na buhat ng may mapadpad na dayo rito sa lugar natin. Sana naman totoong darating sila."
"Malayo tayo sa siyudad, ilang bundok at dagat pa ang tatawirin nila bago makarating dito kaya walang nagtangkang sumuong."
Nagkandalaki ang tenga ko sa pakikinig sa usapan ng mga matatanda.
Diyata't may maliligaw na mga taga Maynila rito sa lugar namin? Tamang -tama pagkakataon ko na ito para makakita ng mga taga siyudad. Pitong taon palang ako noon pero natatandaan ko pa ang unang pagkakataon na makakita ako ng mga taong galing Maynila na nagpunta rito sa baryo namin para mamigay ng mga kumot, kulambo, lampara, tsinelas, de lata, noodles at iba't ibang pagkain na hindi ko alam ang tawag.
Biglang nagliwanag ang aking isip.
Tama! Luluwas ako ng Maynila, kapag natuloy ang mga taong iyon dito ay gagawa ako ng paraan para makasama sa kanila sa siyudad.
Matagal ko nang pinangarap na makapunta roon. Hindi ko makakalimutan, ang sabi ng ale na napadpad dito noon. Maganda raw sa siyudad, napaka liwanag at maraming mga sasakyan, nagtataasang mga gusali, malalaking bahay at masasarap na pagkain. Gusto kong makita kung talagang totoo ang mga sinasabi niya kaya simula noon ay pinangarap kong makarating ng Maynila.
Pagkatapos ng labing dalawang taon ngayon na lang ulit may mapapadpad na dayo rito sa amin.
-
"Apo! Gusto kong lumuwas ng Maynila, gusto kong makita ang siyudad!" humahangos na sabi ko ng salubungin ko si Apo Ibyang na papasok sa aming tarangkahan. Kanina ko pa siya hinihintay, ang bagal kasi niyang lumakad.
Nanlaki ang mga mata ni Apo sa sinabi ko.
"Hindi maaari! Kahit kailan wala ni isa mang nagtangkang lumuwas ng siyudad mula rito sa baryo!" mariing sabi nito.
Nagsisinungaling si Apo. Maraming bulung-bulungan na may isang babae raw na naglakas ng loob na bumaba ng siyudad, pero hindi na raw ito nakabalik simula noon.
Hindi nalang ako umimik dahil kapag tungkol sa Maynila ang pinag uusapan, si Apo ay nag iiba ang timpla, nagagalit ito at talaga namang tumataas ang presyon. Hindi ko alam kung bakit kapag inuungkat ko ang tungkol sa Maynila ay nagiging aborido na ito?
Tsk. Mabuti pang hindi ko na lang sinabi sa kaniya.
Pero hindi na magbabago ang desisyon ko, talagang gusto kong makakita ng liwanag, napakadilim dito sa baryo kapag gabi at tanging mga gasera lamang ang nagsisilbing liwanag. Sa siyudad maraming ilaw, maraming tao at maingay. Gusto kong maranasan ang buhay sa siyudad.
"Huwag na huwag mong tatangkaing pumunta doon bata ka kung ayaw mong manganib ang buhay mo! Hala magsaing ka na malapit nang mag-dilim!" utos nito sa akin at naglakad papasok ng aming dampa.
Hindi ko naman gustong iwan si Apo pero nais kong sundin ang udyok ng damdamin ko.
Hay! Makapag saing na nga lang.
Lumabas muna ako sa likod bahay para magsibak ng kahoy na gagamitin ko para makapagluto.
Mabigat ang palakol na gawa sa purong bakal pero nakasanayan ko nang gawin ang pagsisibak ng kahoy sa araw-araw. Nang matantiya kong sasapat na ang mga nasibak kong kahoy para sa aking pagluluto ay tinipon ko ang mga iyon at inumpisahan ko nang magpadingas ng apoy sa pamamagitan ng pagkikiskis ng dalawang bato. Ilang saglit lang ay nakagawa na ako ng apoy buhat dito.
Ganito ako araw-araw sa bundok.
Payak na pamumuhay, malayo sa sibilisasyon. Masaya naman ang buhay namin dito kahit simple lang. Hindi ko rin maipaliwanag sa sarili ko kung bakit ganun na lang ang hangarin ko na makarating ng Maynila? Dahil lang ba sa modernong pamumuhay roon o may malalim pang dahilan na hindi ko naman maipaliwanag sa sarili ko kung ano iyon?
Kanin na lang ang niluto ko dahil dumating si Tiya Beca, may dala itong ginataang ubod na may sahog na pinatuyong dilis.
"Sabihin mo nga kay, Inay, na huwag ng lalabas kapag gabi. Malabo na ang mga mata niya at madilim ang daan panay pa ang gala," ani Tiya Beca.
"Huh! Ikaw naman, Tiya, hindi kana nasanay kay Apo, kahit nakapikit 'yon ay hindi iyon maliligaw. Kabisado na niya ang daan sa buong baryo. Dito na 'yon nagkaisip at tumanda," tugon ko na walang halong pag aalala. Kampante naman ako kapag nasa labas si Apo, madalas lang naman ay sa kaibigan nitong si Apo Salud ito dumadayo ng huntahan at hinahatid naman ito ng anak niyang si Mang Hernan. Iyon lang naman ang libangan niya para ipagkait ko pa.
"Sige, ako'y aalis na at pakakainin ko pa ang mga pinsan mo," paalam ni Tiya Beca, tumayo na ito buhat sa pagkakaupo sa aming sahig na gawa sa kawayan.
Hinatid ko si Tiya hanggang sa tarangkahan ng aming bahay, mga ilang minuto lang ay narinig ko na ang pagbukas ng pinto ng aming bakod na gawa sa pinagtagpi-tagping pawid.
"Maria, narito na si Apo Ibyang!" sigaw na sabi ni Mang Hernan kaya dali-dali akong bumaba ng bahay para salubungin si Apo.
"Nakapagluto ka na ba at ako ay nagugutom na?" bungad tanong ni Apo sa akin.
Nagpasalamat muna ako kay Mang Hernan bago binalingan ang aking lola.
"Opo, nakahain na po ako, kayo na lang ang hinihintay ko para kumain. Nagbigay ng ulam si Tiya Beca kaya bukas ko na lang po iluluto ang sitaw.
"Ah, ganun ba, sige nga at mukhang masarap ang ulam natin ngayon, ah." Kumapit si Apo sa braso ko at inalalayan ko ito hanggang makapasok kami sa dampa.
Maganang kumain si Apo, gayundin naman ako, malasang magluto si Tiya Beca. Matapos magligpit at maghugas ng aming mga pinagkainan ay pinagpahinga ko na si Apo at ikinabit ko na ang kulambo para hindi kami lamukin sa pagtulog. Nang patayin ko ang apoy sa gasera ay dumilim na ang buong paligid, wala na akong makita kung hindi puro kadiliman. Ipinikit ko ang aking mga mata. Maalinsangan ang panahon, kinapa ko ang abaniko na nakatago sa ilalim ng aking unan, pinaypayan ko ang aking sarili pati narin si Apo Ibyang. Mahihinang hilik ang naririnig ko buhat sa aking lola, malalim na ang tulog nito. Patuloy lang ako sa pagpapaypay hanggang sa hindi ko namalayan na unti-unti narin akong nilalamon ng antok.