PROLOGUE
Ang tunog ng orkestra ang naging background namin sa aming pagsasayaw. Ang pula kong damit ay namumukod tangi sa maiitim na mga damit ng iba. Sumasayaw din sa saliw ng musika ang aking mahabang buhok habang tila dinuduyan ako sa ere ng lalaking 'to. Ang mga katawan namin ay magkadikit. Huli na nang mapansin kong sa amin nakatutok ang mga mata ng mga mapanghusgang nasa aristokratiko. Hindi ko sila pinansin at ibinalik ang tingin ko sa lalaki.
Nakamaskara man ay naaninag ko pa rin ang nakangiting mga mata niyang naglalakbay sa kabuuan ko. Mas pinag-igigi namin ang sayaw. Malapit na matapos ang kanta.
Halos sinasabayan ko ang bawat pagpitik ng orasan.
"What's your name, mademoiselle?"
Isang ngiti lang ang isinagot ko at nang malapit na sa sukdulan ang kanta ay inilayo niya ang katawan ko mula sa aming pagkakadikit upang makabwelo ako ng ikot.
Ibinuka niya ang kanyang mga kamay at doon ako umikot. Kasabay nang pagkadikit ulit namin ay ang paghinto ng kanta at ang pagpalakpak ng mga tao. Nasa amin pala ang atensyon ng halos lahat ng mga tao sa magarbong silid na'to.
Isang nakakakilabot na ngiti ang itinago ko mula sa kanila. Nga naman, kasayaw ko lang naman ang siyang nagdaraos ng kanyang kaarawan. Bago mapalibutan ng tao ay mabilis akong naglakad palayo sa kanya.
"Mademoiselle wait!"
Hindi ako nakinig at mas binilisan ang paglakadtakbo palayo sa kan'ya. Nang biglang nagkagulo. Lahat ay papunta sa direksyong pinanggalingan ko.
Lumingon ako sa mga nagkakagulo. Ang kasayaw ko kanina ay ngayo'y bumagsak habang tila bahang umagos ang dugo mula sa kanyang butas na tagiliran. Sakto namang namatay ang mga ilaw sa paligid at tumunog ang orasan na hudyat ang pagkatapos ng kanyang kaarawan at buhay. Mas lumala ang gulo.
Kalmadong naglalakad ako palabas ng function room habang nasa kaliwang kamay ko ang aking mga sandals. Gamit ang kanang kamay ay pinindot ko ang ear piece na nakatago sa buhok ko.
"Mission complete."