Chapter 6 - Gem "Know your worth"

1902 Words
"Bakit nandito ka? Hindi ka pa ba inaantok?" tanong ni Lola mula sa likuran ko at agad ako napalingon. Katatapos lang namin mag-usap ni Troy. Akala ko ay matitiis talaga niya na hindi ako kausapin. Kung sakali naman na hindi niya ako tinawagan ay sigurado naman na mag-usap kami pagbalik ko ng Maynila. Nag-sorry siya dahil sa inasal niya kanina at nag-sorry din ako dahil hindi ako nagpaalam sa kanya ng maayos. Sa ilang taon na pagsasama namin ay natutunan namin na makinig sa isa't isa. Sa tuwing hindi kami nagkakaintindihan ay binibigyan namin ng oras para kumalma ang isa't isa. Ipinaliwanag niya sa akin kung bakit galit siya kanina. Stress at pagod siya sa trabaho at ang inaasahan niya ay makasama ako pero wala siyang naabutan. Nangako ako sa kanya na babawi ako pagbalik ko. "Kanina pa po ba kayo nandiyan, Lola?" nag-aalala na tanong ko at huli na para bawiin pa iyon. "Hindi naman. Bakit?" tanong niya at nakangiti na umiling lang ako para itago ang kaba ko. "Nagpapahangin lang po ako, Lola. Namiss ko lang po ang ganitong katahimikan na malayong malayo sa Maynila pati na rin po ang preskong hangin," nakangiti na tugon ko at umupo siya sa tabi ko. Dito na ako lumaki sa probinsya kaya kahit paano ay hinahanap ng katawan ko ang mga nakagisnan ko. Simpleng buhay lang naman ang gusto ko at pinapangarap ko. Hindi ko lang alam kung magiging simple lang ba ang buhay ko kay Troy lalo na estado ng buhay niya. Kung ano man ang maging takbo ng buhay ko ang mahalaga ay kasama ko si Troy dahil sa kanya umiikot ang buhay ko. "Ibang-iba talaga ang buhay dito at sa Maynila kaya nga mas pinili ko na manatili rito. Gustuhin ko man na samahan ka roon kaso mas pipiliin ko pa rin dito. Sa tingin ko kasi hindi ko kakayanin makipagsabayan doon at saka ayaw ko na laging kang mag-alala sa akin. Imbes na makatulong ako ay baka makaistorbo lang ako sa trabaho mo. Okay lang naman ako rito at panatag ang kalooban ko dahil alam ko na okay ka rin doon," nakangiti na sabi niya at pinatong ko ang ulo ko sa balikat niya saka saglit na pumikit. "Pero mas okay po sana Lola kung kasama po kita. Hinding-hindi ka po nakakaistorbo sa akin," sabi ko at tinapik niya ang kamay ko. "Kumusta naman ang trabaho mo?" tanong niya. "Okay naman po Lola. Kinakabahan nga po ako pero excited din dahil malapit na po lumabas ang resulta para sa training management program. Ayaw ko po umasa pero malaking bagay po kung mapapasama po ako. Kung hindi naman po ako palarin na makuha ay lang din po at least na experience ko po. Deserving po lahat ng kasama ko at masaya po ako dahil marami po akong natutunan," tugon ko. "Mabuti naman at okay ka sa trabaho mo. Ganyan nga Gemma lagi mo iisipin na lahat ng bagay ay may dahilan. Kung para sa iyo kahit anong mangyari makukuha mo iyon pero kung hindi magpasalamat ka na lang. Ang bilis ng panahon parang kailan lang sa isang maliit na kumpanya ka lang nagtatrabaho pero ngayon ay sa isang kilalang kumpanya ang pinapasukan mo. Masayang-masaya ako para sa iyo Gemma dahil natutupad mo na ang mga pangarap mo. Magkaroon ng stable na trabaho at magandang disposisyon sa buhay," sabi niya at napatingin ako sa kanya. "Masaya po ako Lola dahil sa trabaho ko nakatulong po ako sa inyo. Naibigay ko po ang mga pangangailangan po ninyo at sa wakas ay napaayos na po natin ang bahay mo. Unti-unting nakabawi na po ako sa inyo sa lahat ng ginawa po ninyo sa akin mula noon hanggang ngayon. Sobrang nagpapasalamat po ako dahil hinding-hindi po ninyo ako pinabayaan at ginawa po ninyo ang lahat para sa akin. Wala po ako sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi po dahil sa inyo kaya lahat ng ito ay utang ko po sa inyo Lola," nakangiti na sabi ko at hinaplos niya ang pisngi ko. "Gemma, huwag na huwag mo iisipin na kailangan mo tumanaw ng utang na loob sa akin dahil pamilya tayo. Ginawa ko ang lahat ng iyon dahil mahal kita at nangako ako sa mga magulang mo na hindi kita pababayaan. Hindi mo naman kailangan bumawi sa akin dahil makita lang kita na masaya ay sobrang sarap na sa pakiramdam," sabi niya. Pareho kaming nakatingin sa kalangitan na punong-puno ng mga bituin. Lumaki ako na walang magulang pero hindi iyon pinaramdam sa akin ni Lola dahil binusog niya ako ng pagmamahal. Hindi man ako sagana sa material na bagay noon dahil sa kahirapan namin pero itinuro sa akin ni Lola ang kahalagahan ng pera. Natuto akong maging kuntento sa kung ano ang meron kami at magsumikap. Maraming itinuro si Lola sa akin na dahilan kung ano ako ngayon. Na appreciate ko naman lahat ng mga binibigay sa akin ni Troy pero mas mahalaga sa akin ang mga oras na magkasama kami. "Gemma, pwede ka ba mangako sa akin?" tanong niya pagkalipas ng ilang minuto na katahimikan. "Ano po iyon, Lola?" tanong ko at humarap siya sa akin. "Huwag na huwag mo hahayaan na saktan ka ng kahit sino. Mangako ka sa akin na kahit anong mangyari Hindi mo pababayaan ang sarili mo. Hindi habang buhay ay nandito ako sa tabi mo - "Lola, huwag ka nga po magsalita ng ganyan. Mahaba pa po ang buhay mo at saka nangako ka na aalagaan mo pa ang mga apo mo sa akin," saway ko sa kanya at parang wala siyang narinig. "Matuto kang manindigan sa sarili mo at huwag mo hayaan na tapakan ka ng ibang tao. Maging matatag ka at matapang para pangalagaan mo ang sarili mo lalo na ang puso mo. Nag-aalala ako dahil masyado kang mabait at madaling magtiwala. Kapag dumating ang panahon na may makilala kang lalaki sana ay huwag mo ibibigay ang lahat sa kanya at matuto kang magtira para sa sarili mo," pagpapatuloy niya. "Pero Lola hindi po ba kapag mahal mo ang isang tao ibibigay mo ang lahat sa kanya dahil nga po mahal mo siya. Gagawin mo ang lahat para maging masaya siya. Normal lang naman po sa taong nagmamahal na unahin ang kaligayahan ng taong mahal niya," katwiran ko at tiningnan niya ako nang mabuti. "Walang masama maging madamot at hindi kasalanan kung hindi mo siya mamahalin ng lubusan. Ang sinasabi ko lang ay mahalin mo muna ang sarili mo bago ka magmahal ng iba. Huwag na huwag mo ibaba ang sarili mo para sa kanya at dapat alam mo ang halaga mo. Oo gagawin natin ang lahat para sa mga mahal natin pero hindi sa lahat ng pagkakataon. May mga oras na dapat sarili muna natin ang isipin natin bago ang ibang tao. Magmahal ka ng sapat lang para maramdaman niya na mahal mo siya. Alam kong hindi madaling intindihin ang mga sinasabi ko. Sa isang relasyon hindi lang puro saya dahil maraming pagsubok ang darating. Dumadating din sa punto na bigla na lang nagbabago ang isang tao dahil hindi mo hawak ang isip at puso niya," paliwanag niya at napaisip ako. "Hiling ko lang sana ay makahanap ka ng lalaki na mamahalin ka at kaya kang protektahan. Lalaki na ipaparamdam sa iyo kung gaano ka kahalaga at hinding-hindi ka sasaktan. Hindi lang maginhawang buhay ang ibibigay sa iyo pero pati na rin seguridad," sabi niya habang nakatingin sa kalangitan. Huminga ako nang malalim dahil hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko sa mga sinabi niya. Imbes na lumakas ang loob ko na sabihin sa kanya ang tungkol sa amin ni Troy ay bigla ako nakaramdam ng takot at pangamba. Naikwento sa akin ni Mela ang buong nangyari kay Lanie at sa pamilya niya. Hindi nagkakalayo ang sitwasyon ni Lanie sa akin. Nabanggit niya sa akin ang naging reaksyon ni Lola sa mga pangyayari. Kung sa akin daw kasi nangyari iyon ay hindi niya ako mapapatawad hindi dahil sa pagkakaroon ng boyfriend na mayaman pero dahil hinayaan ko na malagay ako sa ganun na sitwasyon. Kung mahal daw talaga ng lalaki si Lanie ay hinding-hindi siya papayag na itago ang relasyon nila kahit na ano pa ang sitwasyon. Natakot ako sa magiging reaksyon ni Lola kapag nalaman niya na matagal na kami magsasama ni Troy. Pakiramdam ko tuloy ang sama-sama ko dahil nangako ako kay Lola na wala ako inilihim sa kanya. "Mangako ka, Gemma," sabi niya pagtingin sa akin at tumango ako kahit na kinakain ako ng konsensya ko. "Opo Lola hindi ko po gagawin iyon at hindi mangyayari sa akin ang nangyari kay Lanie. Susundin ko po ang mga bilin mo at lagi kong tatandaan ang mga sinabi mo po," pangako ko sa kanya para mapanatag ang kalooban niya. "Ayaw ko lang na masaktan ka dahil hindi ko iyon kakayanin. Buong buhay mo ay inaalagaan kita at prinotektahan. Alam ko na hindi ko kayang mapigilan na mangyari iyon at hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang gusto ko lang ay maging aware ka sa mga desisyon mo," puno ng pag-aalala na sabi niya at pinigilan ko na umiyak dahil ang bigat ng dibdib ko. "Alam mo ba Gemma kung ano ang pinaka-kinatatakutan ko sa lahat?" tanong niya. "Hindi ako natatakot na mawala dahil alam kong kaya mo na. Natatakot lang ako na kapag may nanakit sa iyo ay wala akong magagawa o wala na ako rito para damayan ka. Alam kong nasa tamang edad ka na at alam mo na ang tama sa mali pero hindi ko mapigilan mag-alala. Hindi ko pwedeng pakialamanan ang mga desisyon mo kaya ang tanging magagawa ko lang ay magpa-alala at magpayo. Minsan kasi may mga desisyon tayo na akala natin ay tama dahil iyon ang nararamdaman natin pero hindi pala," emosyonal na sabi niya at kinuha ko ang dalawang kamay niya. "Huwag mo po ako alalahanin Lola dahil okay lang po ako. Maraming salamat po dahil kapakanan ko pa rin po ang laging iniisip mo po. Mahalaga rin po sa akin na okay ka po at ang kalagayan mo kaya Lola huwag po matigas ang ulo. Please," tugon ko saka ko pinisil ang kamay niya. "Nagsumbong ba si Mela sa iyo?" nakasimangot na tanong niya at natatawa na umiling ako. "Hindi na po kailangan magsumbong ni Mela kasi kilala po kita. Hindi dahil hindi mo po nararamdaman ang sakit ay okay ka na po. Kailangan po natin sundin ang bilin ng mga Doctor para po tuluyan ka na po gumaling," tugon ko at tumango-tango siya. "Maraming salamat sa lahat Gemma. Lagi mo tatandaan na mahal na mahal kita at nandito lang ako palagi," emosyonal na sabi niya bago niya ko niyakap. "Mahal na mahal din po kita Lola. Maraming salamat po sa lahat ng sakripisyo, pagmamahal at paggabay sa akin," tugon ko saka tinugon ang yakap niya ng mahigpit. Maintindihan naman ni Lola ang lahat pagdating ng panahon. May plano naman kaming sabihin sa lahat ang tungkol sa amin at naghahanap lang kami ng tamang panahon. Makikita at mararamdaman naman ni Lola kung gaano ako kamahal ni Troy. Hindi ko naman intensyon na itago sa kanya ang lahat nagkataon lang na komplikado ang sitwasyon namin. Mahal namin ang isa't isa. Kumpiyansa ako na hinding-hindi niya ako sasaktan at kung sakali na dumating ang oras na kailangan niya ako protektahan ay alam kong gagawin niya iyon. "Magiging okay din ang lahat," sabi ko sa sarili.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD