Kabanata 1

1218 Words
“Alam n’yo ba na ang mga Engkanto ay sobrang magaganda at pogi?" Pagbibigay-alam ni Nadine sa kanyang dalawang kaibigang sina Rhian at Indira. Napabuga ng hangin si Indira sa sinabi ng kaibigan. “Nadine, tigilan mo na nga ‘yan. Alam mo namang matatakutin itong si Rhian tapos ganyan ka pa.” Nakayakap ito sa isa pa nilang kaibigan na si Rhian na medyo nanginginig sa lamig. Maulan kasi at mahangin kaya napagpasyahan nilang magkakaibigan na sa bahay ni Indira mag-sleep-over pagkatapos nilang gawin ang kanilang proyekto sa paaralan. Sa kanilang tatlo, si Rhian ang pinakamatatakutin at ang pinakabata habang s’ya naman ang pinakamatanda. Ilang buwan lang naman ang agwat n’ya sa mga ito. Kanina pa s’ya nagku-kuwento ngunit ayaw maniwala ni Indira lalo na’t tungkol ang mga ito sa iba’t ibang klase ng nilalang na nabubuhay sa mundo. Maging s’ya ay hindi pa nakikita ang mga iyon ngunit naniniwala pa rin s’ya. May third eye kasi ang kanyang Lola at nakakakita ito ng mga hindi pangkaraniwan lalong-lalo na ng mga Engkanto. S’yempre naman ay maniniwala s’ya sa mga sinasabi ng kanyang Lola. Habang lumalaki s’ya ay palagi itong nakukuwento sa kanya kaya nasanay na rin s’ya. Iyon na nga ang nagsilbing bedtime story n’ya nang s’ya ay bata pa. Sadyang hindi lang talaga naniniwala ang kanyang kaibigan sa tuwing nagku-kuwento s’yasa mga ito ng tungkol sa mga Engkanto. Hinawakan n’ya ang nanginginig na kamay ni Rhian habang yakap pa rin ito ni Indira mula sa likod. Naramdaman n’yang sobrang lamig ng kamay nito kahit na nakasuot naman ito ng jacket. “Sana talaga may magpakitang Engkanto ngayon para hindi na lang puro kuwento ni Lola ang pinagbabasehan ko.” Pagpapatuloy n’ya pa. Napasinghap si Rhian sa kanyang sinabi at ramdam n’ya ang masamang tingin na ipinupukol sa kanya ni Indira. Nginitian na lamang n’ya ang mga ito. Wala naman s’yang intensyong takutin ang mga ito—well, minsan lang naman. Gusto lang talaga n’yang ibahagi sa mga kaibigan n’ya ang kanyang nalalaman tungkol sa ibang nilalang. She finds it interesting at pangarap n’yang makakita ng ganoon. “A-Ano ka ba, Din, wala namang ganyanan, oh. Ayokong makakita ng E-Engkanto.” Medyo garalgal na sabi ni Rhian. Marahil ay dahil ito sa malamig na klima o ‘di kaya ay dahil sa takot. Bigla naman s’yang binato ng unan ni Indira kaya napahalakhak s’ya. “Ikaw, babae ka, ah. Tumigil ka na. Hindi totoo ang mga Engkanto. Sa mga kuwento lang sila nag-e-exist.” Nagkibit balikat s’ya. Alam n’yang kahit ilang beses n’yang ulit-ulitin ang kuwento na totoo ang mga ito, hindi pa rin maniniwala si Indira. Napatigil silang tatlo ng bigla na lang may kumatok sa pinto ng kwarto ni Indira na s’yang pinagkukublian nila ngayon. Napangisi s’ya ng may naisip na kapilyahan. “’Ayan na ang Engkanto!” Impit na napatili si Rhian at sumiksik lalo kay Indira. Inumang ni Indira ang kamao nito sa kanya pero dumila lang s’ya dito. Tumayo s’ya upang buksan ang pinto upang malaman kung sino ang kumatok. Nakangiting nilingon n’ya ang mga ito. “Handa na ba kayong malaman kung sino ang ating bisita?” Sinimangutan s’ya ng mga ito. Dahan-dahan n’yang pinihit ang doorknob habang nililingon ang dalawa na magkayakap. Nakapukol sa kanya ang masamang tingin ni Indira. Ang sarap talagang asarin ang mga kaibigan n’ya. “’Pag si Rhian umiyak, humanda ka sa ‘kin.” Banta sa kanya ni Indira ngunit hindi na n’ya pinansin ito. Pagbukas ng pinto, “Bulaga!” Napatili ang nasa likod ng pintuan na kanyang binuksan pati na rin ang kanyang mga kaibigan. Sapo-sapo ng katulong ang dibdib nito at nanlalaki ang mga mata habang nakatitig sa kanya. Kumaway s’ya dito habang nakapaskil ang ngisi sa kanyang labi. “Hello.” Napahinga naman ito ng malalim habang nakasapo pa rin ito sa dibdib nito. “Diyos ko po kang bata ka! Muntik na akong atakihin sa puso!” Nagpeace sign pa s’ya. “Pasensya na po. Nagtatakutan ko kami, eh.” “Ang sama mo talaga, Din.” Ani Rhian. Nilingon n’ya ang mga ito. Parehong masama ang tingin ng mga ito sa kanya. Hindi rin nakatakas sa kanya ang pasimpleng pag-irap ni Indira bago humarap sa laptop nitong nakapatong sa kama. Hinarap n’ya ang katulong. “May kailangan po ba kayo?” “Gusto ko lang sanang sabihin na matulog na kayo. Maghahating-gabi na. Buti na lang at wala kayong pasok kinabukasan.” “Natutulog na po ba si Daddy, Nana?” Bumaling ang katulong kay Indira. “Oo, hija, kaya dapat ay matulog na rin kayo. Baka saan pa humantong ‘yang takutan n’yo.” “Narinig mo ‘yun, Din?” Tawa lang ang isinagot n’ya dito. Maya-maya pa ay nakahiga na silang tatlo sa kama ni Indira. S’ya ang nasa kaliwa, si Rhian ang nasa gitna habang si Indira naman ang nasa kanan, malapit sa bintana. Mahimbing nang natutulog ang dalawa pero s’ya ay hindi pa rin dinadalaw ng antok kaya napagpasyahan n’yang pumunta muna sa veranda at magpahangin. Bago s’ya bumangon, nilagyan n’ya muna ng unan ang kanyang hinigaan upang hindi mahalata ni Rhian na wala s’ya. Paglabas n’ya ay agad s’yang sinalubong ng malamig na simoy ng hangin. Nakangiting nilanghap n’ya ito habang yakap ang sarili. Walang katumbas ang preskong hangin sa probinsya at ang katahimikang natatamasa ng mga tao sa pagsapit na ng dilim. Ilan lang ang mga ito sa mga karanasang hinding-hindi n’ya ipagpapalit sa kahit ano. Tumila ang ulan at naaamoy ni Nadine ang basang lupa na dulot ng malakas ng pag-ulan kanina. Ilang sandali pa ay nakaramdam na s’ya ng pamimigat ng kanyang mga mata kaya nagpasya s’yang pumasok na upang makapagpahinga. Inayos n’ya ang unan na kanyang hihigaan ng mapadako ang kanyang tingin sa veranda. Marahang isinasayaw ng panggabing hangin ang kurtina. Hindi n’ya kasi ito sinarado ng husto dahil iyon ang sinabi ni Indira sa kanya kanina. Pinatay kasi nila ang aircon. Napakunot ang kanyang noo ng may maaninag na bulto sa bahagi ng veranda kung saan s’ya naka puwesto ilang sandali lang ang nakakaraan. Kung hindi s’ya nagkakamali ay nakaputi iyon at ayon na rin sa tindig nito, marahil ay lalaki iyon. Napapikit s’ya ng mariin at muling binaling ang tingin sa veranda ngunit wala na ang bulto na naaninag n’ya. Kinusot n’ya pa ang kanyang mata upang masiguro ngunit wala talaga. Bigla namang umihip ang napakalamig na hangin dahilan upang kilabutan s’ya. Naramdaman n’ya ang pagtaas ng kanyang mga balahibo. Dali-dali s’yang humiga at tinabunan ang sarili ng kumot. Gustuhin man n’yang isara ang glass door patungo sa veranda ay hindi n’ya magawa. Nakaramdam s’ya ng takot. Paano pala kung magnanakaw iyon? Pinilig n’ya ang kanyang ulo. Impossible. Mataas ang bakod nina Indira. Isa pa, walang mangangahas na pagnakawan ang bahay ng Mayor. Hindi kaya….ibang nilalang iyon? Nakagat n’ya ang kanyang labi sa naisip. Imbes na makaramdam ng excitement dahil gusto n’ya naman makakita ng ganoon ay mas lalo lang s’yang kinilabutan. Mas madali ngang sabihin iyon at gawing biro pero kapag nandyan na, umuurong na ang lahat sa kanya. Kahit anong pikit ni Nadine sa kanyang mga mata ay hindi s’ya mapakali. Inalis n’ya ang kumot na nakatabon sa kanyang mukha at nilingon ang orasan sa dingding. Alas tres ng madaling araw. Pinagpapawisan na s’ya ng malamig. Tama kaya ang pangalawang hinala n’ya sa kung sino iyong nakatayo sa veranda? Diyos ko po! Ini-Engkanto yata ako!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD