IKA-DALAWAMPU’T-LIMANG PATAK

1725 Words
PAGPATAK ng ulan ang nagpagising sa kamalayan ni Juniel. Hindi niya napansing nakatulog na pala siya. Nagpapasalamat naman siya at kahit papaano ay nakatulog din siya kahit na sa ganoong sitwasyon. Marahil kaya siya nakatulog ay dahil na rin sa pagod. Nais niyang magpakalayo na mas malayo sa mga kakilala sa ampunan. Ayaw niyang maging laman ng bulungan o pag-isipan siya ng masama. Walang ideya si Juniel sa oras dahil wala naman siyang relong pambisig, nakikitingin lang siya sa mga nadadaanan niyang bukas na mga restaurant. At kapag sinusuwerte ay may nakukuha siyang pagkain na mula sa tira-tira na ang iba ay itinapon na. Sa loob ng ilang mga araw ay naging ganoon ang buhay ni Juniel hanggang nakarating siya sa pantalan. Kung saan kumukuha ng mga isda ang mga tindero o tindera para ibenta sa mga palengke. Gamit ang napulot niyang cap sinuot niya iyon upang magtrabaho sa pantalan. Tumulong bilang kargador. Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya kinakailangan ng resume o mag-apply ng trabaho. “Ito ang bayad sa pagkarga mo sa mga isda,” sabi ng ale na inabutan siya ng singkwenta pesos. Mas iniyuko niya ang kanyang ulo. “Marami pong salamat.” Sa ganoong paraan siya nagpatuloy para mabuhay. Minsan ay may nagmamagandang loob para abutan siya ng pagkain. Pritong isda, o minsang sinabawang isda. Doon na nga siya natutulog upang mag-abang ng mga ibabagsak na isda at magkukusang magbuhat at aabutan siya ng pinakamababa ay bente pesos. Pinakamataas na ang one hundred fifty. Sa loob ng isang araw ay umaabot sa tatlong daan kapag kaunti ang hakot ngunit umaabot naman ng limang daan kapag maraming nagpapabuhat sa kanya. Ginamit ni Juniel ang lakas ng kanyang katawan. Ang sugat din na natamo niya ay kusa na ring gumaling at hindi na niya nararamdaman ang sakit. Para ngang hindi siya nasaktan at nang silipin nga niya ay wala na ang bakas ng marka o peklat. Tunay na siyang pinagpala at ginabayan ng may kapal upang maging kapaki-pakinabang siya. Sa loob lamang ng isang linggo ay nakaipon na siya ng halagang isang libong piso, ibinawas na rin kasi niya ang pagkain doon. Kung hindi niya binawasan ay baka mayroon na siyang isang libo at tatlong daang piso. Ipinagkakasya lang ni Juniel ang pera para sa pang-araw araw at nais niyang makaupa ng kahit maliit lamang na kwarto. Hindi na niya kinakailangan ng kahit na anong gamit sa bahay. Sapat na na mayroon siyang matutulugan at hindi iyong nagtitiis lamang siya sa lamig at init sa labas dahil wala siyang matirhan. “Ako na po ang magbubuhat,” alok ni Juniel sa ginang nang hila-hila nito ang malaking banyera ng mga isda. “Naku, salamat.” Pinasan ni Juniel sa kanyang balikat ang malaking banyera, nakayuko at pilit pa ring itinatago ang kanyang mukha. Matagal na siyang hindi nanalamin dahil tuwing nakikita naman niya ang kanyang mukha sa tubig ay sapat na iyon para ipaalala sa kanya kung gaano siya kapangit. “Dito mo na lamang ilagay.” Dahan-dahang inilapag ni Juniel ang banyera ng mga isda. “Ito ang isang daan. Salamat ha.” Malugod na tinanggap ni Juniel ang pera mula sa ginang. Agad siyang tumakbo pabalik sa pantalan upang maghanap pa ng puwede niyang tulungan at pagkakitaan. Minsan ay may nag-aabot, minsan naman ay salamat lang. Hindi naman siya nagrereklamo. Dahil alam niyang gagantimpalaan din pagdating ng panahon ang mga katulad niyang may mabuting puso. Paglubog ng araw ay naghanda na si Juniel sa paglatag. Malapit lang siya sa pantalan humihiga. Tiis ang lamig na dala ng simoy ng hangin. Hindi na nga niya alam kung anong buwan na, maliban sa mga naririnig niya. Ang mga raw sa kanya ay parang pangkaraniwan na lang. Hindi na niya maihiwalay ang bawat buwan. Dahil ang araw ay tila pare-pareho lang. Bago pa nga sumikat ang araw ay nagigising na si Juniel para ihanda ang sarili. Bumibili lamang siya ng pandesal, dalawang piraso at minsan ay ipinagkakasya na niya hanggang sa tanghalian. Matihak lamang na makakaipon siya ng pera. Ang mga naiipon naman niyang pea ay isinilid niya sa plastic labo at saka itinatali niya sa kanyang baywang dahil wala siyang bulsa o pitaka. Nakita siya ng ginang. Tinawag siya nito. “J-Juniel!” “Opo?” “Pakibuhat mo naman,” sabi nito na nakaturo sa banyera. Walang tanong-tanong ay dinampot niya iyon at binuhat sa kanyang kaliwang balikat. Naibaba na ni Juniel sa dati ang banyera. Naging palagay rin ang loob ni Juniel sa ginang. Mabait naman ito at tuwing nakikita siya ay palagi na siya nitong tinatawag para siya ang utusan at hindi na kumukuha ng iba pa. “Maraming salamat.” Nag-abot ito sa kanya ng isang daang piso muli. “Mamaya ay aabutan pa kita ng singkwenta, ipagdasal mo lamang na malaki ang kitain ko.” “Ipagdadasal ko po iyan palagi.” “Aling Sita na lang ang itawag mo sa akin,” nakangiting sabi nito habang nakatingin sa kanya. Iniyuko ni Juniel ang ulo. “S-Salamat po, Aling Sita.” “Salamat din, Juniel. Alam mo parang magkasing edad kayo ng anak kong sing Gwen.” NALIMUTAN ni Juniel na pangit ang kanyang hitsura kaya nang mag-angat siya ng mukha ay bahagya itong nagulat. Mabilis na ibinaba niya ang sariling mukha at akmang lilisan na nang pigilan nito ang braso niya. “Pasensiya ka na. Ngayon ko lang kasi napagmasdan ang mukha mo. Hindi naman ako natingin sa hitsura o panlabas na mukha ng tao. Mabait ka namang bata.” “M-Marami pong salamat.” “Napansin kong iyan lang ang damit mo palagi. Wala ka bang inuuwian? Nasaan na ang pamilya mo?” Hindi nakasagot dahil sa hiya si Juniel. Ikinubli na lang niya ang lungkot sa pagyuko. “S-Sige po. Aalis na po ako. Tawagin n’yo lang po ako kung may kailangan kayo.” “Mamaya, bago ang pagtirik ng araw o mag-alas dose, pumunta ka rito. Magluluto ako ng masarap na pagkain at bibigyan kita ng pananghalian.” “H-Huwag na po. Nakahihiya sa inyo.” “Isa lang naman ang anak ko. Alam kong magkakasundo kayo ng anak ko. Mabait din iyon,” ngingiti-ngiting sabi ni Aling Sita. “Marami pong salamat sa alok ninyo. Aalis na po ako,” paalam pa niya kay Aling Sita saka tumalikod. “Huwag mong kalimutan ha,” pahabol pa nito sa kanya bago siya makalayo. Si Aling Sita na ang huli niyang trabaho. Nang makabalik siya sa pantalan ay may kanya-kanya na ngang kuha na mga kargador ang bawat isa. Naupo na lamang siya sa gilid. Hihintayin na naman niyang tumirik ang araw para sa pananghalian. “Gusto mo ng sigarilyo,” mayamaya ay tanong ng lalaking tumayo sa tabi niya at nagsindi ng sigarilyo. Umiling siya. “S-Salamat po.” Iyon lang ang sabi niya habang nakayuko. “Matagal ka na ba rito?” “Hindi po.” “Mukhang marami kang kita.” “W-Wala po. Hindi ako kumakain.” Nagkaroon na ng kutob si Juniel. Sa paraan pa lamang nag pagkakatanong sa kanya ay halatang may balak ng nakawan siya o agawin ang kanyang kinita. “I-Ito lang po ang kinita ko.” Ipinakita ni Juniel ang isang daang piso na iniabot sa kanya ni Aling Sita. Agad hinablot ng lalaki ang pera mula sa kanyang kamay. “Akin na ito!” Napaabante na lang si Juniel at hindi na hinabol pa ang lalaki. Mabuti na lamang at pain lang na isang daang piso ang nakuha nito. Mukhang hindi nito nakita ang nakatago sa kanyang baywang na pera. Puro barya lang naman din kasi ang kinukuha niya kaya hindi iyon kumakalansing. Ang iniwan niya ay puro papel. Nakalaan iyon para sa upahan. Sa oras naman ng pagligo ay nakikiligo siya sa mga bakanteng banyo o pampublikong banyo. Nagbabayad na lamang siya para makaligo araw-araw. Iyon nga lang ay parehong damit ang kanyang gamit. Minsan naman ay isinasama na niya ang mga damit sa paliligo at hinahayaang matuyo sa kanyang katawan. Himalang hindi siya nagkakasakit na ipinagpapasalamat niya. Alam ni Juniel na maraming masasamang loob ang nasa labas ng ampunan dahil kahit naman sa ampunan ay mayroon din naman. Ngunit mas masahol na lang din sa labas at ang mga tao ay hindi niya mga kilala. Binalikan ni Juniel ang higaan niya ngunit may iba ng nakahiga roon. Iniwan lamang niya saglit, ngayon ay iba na ang kumuha. Pati ang mga karton na tinipon niya at mga dyaryo ay gamit na ng babaeng nakahiga. Sa halip na gisingin at magreklamo ay hindi na niya ginawa. Hinayaan na lamang niyang matulog ng mahimbing ang babae. Baka kagaya niya ay pareho din nito siya na walang pamilya. Tinalikuran na lang ni Juniel ang babae saka naglakad palayo. Umupo na lamang siya sa isang tabi para hintayin ang papasikat na araw. Nang mapagmasdan ni Juniel ang pag-ahon ng araw ay tila isa iyong bagong liwanag. Napakagandang pagmasdan habang unti-unti iyong umaangat sa dulong bahagi. Ang paligid ay nagkukulay orange. Isang panibagong yugto ng kanyang buhay. Hindi alam ni Juniel kung may patutunguhan ang kanyang buhay ngunit pinipilit niyang magpatuloy sa agos ng buhay. Isa lamang ang kanyang alam, madapa man ay kinakailangan pa ring umahon. Kagaya ng araw na lumulubog at muli ring sumisikat at umaangat. Pinuno na lamang ni Juniel ang isipan ng mga magagandang alaala mula sa ampunan. Ang mga nakaraang mapapait ay pinipilit na niyang iwaglit sa kanyang isipan. Hanggang hindi niya namalayang oras na nang pananghalian. Parang alarm ang kanyang tiyan na sa oras ng tanghalian ay bigla rin iyong nagreklamo at nag-react na siya ay gutom na. Tumayo na lamang si Juniel mula sa pagkakasalampak sa semento, nag-unat at tumingala sa langit. Tirik na tirik na ang araw ngunit tila hindi naman iyon masakit sa kanyang balat. Nakasisilaw lamang iyon. Dahil sa lamig sa labas ay hindi na gaanong masakit ang araw sa mga balat. Malapit na rin kasi ang Disyembre. Bigla niyang naalala ang pasko sa ampunan. Sa mga ganoong sandali ay tumutulong na siya sa pag-aayon ng mga dekorasyon sa loob ng ampunan para sa paghahanda ng pasko. Kapag araw na ng pasko ay abala na rin ang ampunan para sa mga bisita na nagdo-donate at minsan ay nag-aampon ng mga bata. Hindi man siya pinalad, alam ni Juniel na darating din ang araw na para sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD