Chapter 1. The Third Prophecy

1563 Words
•Kingdom of Haleia• King Dylan Sa gitna ng gabing matiwasay ay maigi kong pinagmamasdan ang kwintas na bigay sa 'kin ni Inang Bathaluman o kilala bilang Divine Amity. Siya ay nagmula sa ika-unang propesiya, ang nagpapanatili ng kapayapaan. Nagpapakita lamang siya sa tuwing na sa kalagitnaan ng napakahalagang okasyon o pangyayari. Hindi pa lalagpas sa bilang ng daliri kung ilang beses siyang nagpakita sa Kaharian ngunit isa lang ang siguro, iyon ay parati siyang nakabantay sa buong Haleia. Mula nang sinuot ko ito ay hindi ko pa nakita ang pag-ilaw nito na siyang rason kung bakit ngayon ay napapaisip ako. Ang puting ilaw mula sa kwintas ko ay simbolo ng kapayapaan, ang pagdating ng isang nilalang na may kakayahang protektahan ang buong Kaharian bukod sa 'kin. Ang pulang ilaw naman ay senyales na isang panganib, isang nilalang na magdudulot ng delubyo sa Kaharian. Labis kong ipinagtataka kung bakit salitan ang pag-ilaw ng aking kwintas. Ibig sabihin ba nito'y dalawang magkaibang nilalang ang parating sa kaharian? Sino sila? Walong buwan pa lang ang nakalipas mula nang lisanin ko ang mundo ng mga tao at buong pusong tanggapin na ang tulad ko ay nabibilang sa mundo ng isang Kaharian. Sa madaling salita'y walong buwan ko na ring pinamumunuan ang Kaharian ng Haleia. Ang lugar na 'di ko akalaing pag-aari ko sa mga nagdaang siglo. Nagising na lamang ako sa isang lugar na tila 'di pamilyar. Kahit saang anggulo'y puno ng makikintab na bagay, mga palamuti't dekorasyon na nakaaantig sa paningin. Doon ay nakilala ko ang ikalawang hari, na siya ring kapatid ko na si King Spencer at ang iba pang prinsipe, prinsesa na nakatira rito sa Kaharian kasama ko. Sa ikalawang buhay na ipinagkaloob sa 'kin, nakagisnan ko ang magulong pamumuhay dahil nanggaling ako sa mahirap na pamilya. Lumaki akong walang ibang hinangad kung hindi ang maging malaya sa kahirapan at kasaaman na nagaganap sa paligid. Sa kabila ng komplikadong buhay na mayro'n ako ay pinipili ko pa rin araw-araw na maging tama at umiwas sa masasamang impluwensya. Ngunit isang araw ay nasangkot ako sa isang krimen na hindi ko akalaing tatapos sa 'king buhay na pilit kong iningatan. Aksidente ang aking ikinamatay mula sa tadtad na bala ng baril ng isang pulis. Sa araw ding iyon ay binawian ako ng buhay. At 'yon ang kwento sa likod ng aking pagkatao. Sa panibagong pagkakataon na aking pagkabuhay ay may may isang misyon ang naghihintay sa akin at 'yon ay ang pangalagaan ang buong kaharian at alamin ang rason ng aking ikinamatay. KINABUKASAN ang lahat ay nakahanda na para sa pagpupulong. "Nalalapit na ang pagsapit ng ikatlong propesiya at ang bawat isa sa 'tin ay kailangan kumilos. Kamakailan lang nang makausap ko ang Inang Bathaluman at mahigpit itong nagbilin sa akin." Bakas sa mukha ng lahat ang kuryosidad na malaman ang sunod kong sasabihin. "Alam kong nagulat kayo dahil masyadong maaga ang panibagong misyon kasama ang isang haring wala pang taon ang pananatili rito sa Kaharian." Maiging nakikinig ang lahat. "Kailangan nating tipunin ang iba nating lahi sa mundo ng mga tao." "Anong ibig mong sabihin?" tanong mula kay Prinsesa Gracielle. "Kailangan niyong hanapin sa mundo ng mga tao ang mga nilalang na nagtataglay ng kapangyarihan gaya natin. Ituturo ng mga kristal na 'to ang kinaroroonan nila at inuutusan ko kayo na dalhin silang lahat dito sa Kaharian ng Haleia." Sandali akong tumingin kay Spencer. "Mahirap ang bagay na ipinagagawa ko kaya't ikaw ang bahala na kumbinsihan ang sinomang tumanggi." "Masusunod, Kamahalan," mabilis na pagsang-ayon nito. Sandali akong naglakad sa gitna nila at lumapit sa dalawang prinsipeng higit kong pinagkakatiwalaan, sina Prinsipe Rigor at Fharo. "Kayong dalawa ang inuutusan kong magpaliwanag kung ano man ang na sa kasulatan ng ikatlong propesiya at imulat sila sa katotohanan." inabot ko ang kasulatang naglalaman ng adhikain para sa ikatlong propesiya. "Kamahalan, para saan ang bagay na 'to?" tanong ni Prinsesa Gracielle. "Nakalahad sa kasulatan na kailangan na nating mahanap ang kasagutan sa totoong rason ng aking kamatayan sa nagdaang siglo't kung sino ang may pakana noon. At ang pinakamaliit na kristal na 'to," lumapit ako kay Spencer. "Ang makapagtuturo kung na saan ang nilalang na may pinaka-mapanganib na kapangyarihan sa buong Kaharian ng Haleia." Maiging pinakatitigan ni Spencer ang kristal na inabot ko. "Masusunod, Kamahalan," sambit nito. Lahat ay nagulat sa huli kong sinabi. Kahit ako ay hindi makapaniwalang may hihigit pa sa kapangyarihang taglay ng isang haring tulad ko. "Kung gano'n ay anong sunod na kaganapan sa oras na madala sila rito?" tanong ng isa pang prinsipe. "Hahasain niyo sila sa kanilang kapangyarihan. Kailangan niyong maituro sa kanila ang tamang pagkontrol sa lalong madaling panahon." agad akong bumalik sa aking inuupuan. Bulungan ang namayani sa paligid. Pinaghalong galak at kaba ang paniguradong nararamdaman nila. "Pero, Kamahalan… napagkasundaan na noon na kailanman ay hindi na guguluhim pa ang buhay nila. Mananatili sila sa mundo ng mga tao sa isang kondisyon ay hindi nila gagamitin ang kapangyarihang mayro'n sila," usal ng isang Prinsipe na si Randal. "Sino naman ang nagsabi na panggugulo ang ang gagawin natin?" tanong ko rito. Marahan akong tumayo at saka siya tinitigan. "Imumulat natin sila sa totoong mundong pinagmulan nila. Ang kapalaran nila ay naririto sa loob ng Kaharian kaya't paano mo nasabing panggugulo 'yon, Prinsipe Randal?" dagdag ko pa. "Paumanhin, Kamahalan… gusto ko lang sabihin na matagal nang pinag-usapan ang tungkol sa mga nilalang na—" "Prinsipe Randal!" matalim ko itong tinitigan. "Hindi ba't nagkaroon ng pagbabago sa kasunduan ni Inang Bathaluman. Huwag mo sabihing hindi mo na maalala 'yon?" Sandali itong napayuko nang makitang nakakunot na ang noo ko. "Kamahalan, nanggaling sa Miseah si Prinsipe Randal kaya't wala siya no'ng panahong binago ang kasunduan." kumalma ako sa sinabi ng aking kapatid. Buong akala ko'y tuluyang nalimot ni Prinsipe Randal ang importanteng bagay na 'yon. "Paumanhin, Kamahalan," sambit niya at saka yumuko. Agad ko naman akong tumango tanda ng pagpapatawad. Muli akong umupo at nagpahayag. "Nakita ni Inang Bathaluman sa kanyang pangitain na ang Kaharian ng Gusio ay naka-planong salakayin tayo pagsapit ng ikatlong propesiya. Gusto niyo bang lumaban na tila ba hindi handa?" Lahat ay hindi sumang-ayon at ang itsura nila ay halatang may pangamba. "Ibig sabihin ay nakatakda tayong lumaban kasama ang ibang nilalang sa mundo ng mga tao," sambit ng isang Prinsesa. "Tama ka, Topea." nakuha niya ang punto ko. "Spencer, higit na mahalagang madala niyo rito ang nilalang na may pinakamapanganib na kapangyarihan. Dahil sa oras ng pakikipaglaban, malaki ang posibilidad na siya ang makatalo. Sa oras na magwagi tayo laban sa kaharian ng Gusio, malaya nating makukuha ang brilyanteng sinag, at 'yon ang makasasagot sa lahat ng mga katanungang hindi masagot. Kaya nitong ipakita sa atin ang tunay na pangyayari sa nakaraan. Nauunawaan niyo ba?" "Masusunod, Kamahalan," sagot nito kasabay ng bahagyang pagyuko. Kasabikan at pangamba ang namumuo sa kanilang mga mata. Mahirap dahil madugong labanan ang magaganap sa pagsapit ng ikatlong propesiya. Gayunpaman ay tunay na galak ang naghihintay sa amin, at sa buong Kaharian sa oras na mapagtagumpayan ang adhikaing makamit ang katarungan sa aking kamatayan. "Sa pagsapit ng bukang liwayway ay umaasa akong ang lahat ay nagsisimula na, maaasahan ko ba 'yan sa inyong lahat?" "Kami na ang bahala sa paghahanda, Kamahalan." "Masusunod ang inyong nais, Kamahalan," sunod-sunod nilang sagot. KASALUKUYAN akong nakatayo sa harap ng salamin, pinagmamasdan ang kwintas na walang humpay sa pagkislap— kulay puti at pula. Ito ang ikalawang araw na nakita kong umilaw ang kwintas na ito. Labis akong nababahala sa ibig nitong iparating. Sa gitna ng aking malalim na pag-iisip ay natauhan ako nang makarinig ng ingay mula sa yapak ng paa palapit sa 'kin. Paglingon ko ay si Prinsesa Gracielle. Sa lahat ng Prinsesa ay siya ang pinakamalapit ang loob sa 'kin, hindi na hihigit pa ro'n. Pero kung minsan 'di ko maitatanggi na kakaiba ang aura niya sa lahat ng naggagandahang nilalang dito sa kaharian, ibang karisma ang taglay niya. "Kamahalan, mukhang malalim ang iniisip mo. May maitutulong ba 'ko?" "Ayos lang ako. Hindi naman maiiwasan ang mag-isip, pero wala kang dapat ikabahala," sagot ko at saka muling isinuot ang kwintas. Sandali naman itong ngumiti sa 'kin at saka nagtungo sa tabi ko. "Hindi ko minamaliit ang kakayahan mo, Kamahalan. Pero sa pagsapit ng ikatlong propesiya, paniguradong mahihirapan tayo na pabagsakin ang Kaharian ng Gusio." Nang mapatingin ako sa kanya'y nakatitig na siya sa 'kin. "Kung kailangan mo ng taong hindi aalis sa tabi mo, Kamahalan, handa akong isakripisyo ang kapangyarihan ko," seryoso niyang sabi. "Prinsesa Gracielle, bago ko tanggapin ang kapalaran ko ay matagal ko na ring tinanggap na delubyo ang sasalubong sa 'kin pagsapit ng ikatlong propesiya." "Nirerespeto ko ang desisyon mo, Kamahalan." yumuko ito at saka tumalikod. Nakakailang hakbang pa lang ay muli siyang humarap. "Kung sakaling magbago ang isip mo, nandito lang ako, Kamahalan." Malawak na ngiti ang pinakawalan nito, bilang sukli ay bahagya rin akong ngumiti. Tuluyan na siyang umalis. Habang ako ay patuloy na binubulabog ng sarili kong isip. Sabik akong makilala ang iba pang imortal na nilalang sa mundo ng mga tao kahit pa alam kong mahirap na sila ay kumbinsihin. Muli akong napatingin sa kwintas at maigi itong tinitigan. Ngunit sa gabing ito ay may isang katanungan ang higit na bumabagabag sa 'king isipan… Ang nilalang na nagtataglay ng mapanganib na kapangyarihan— kagaya rin ba kitang namuhay na sa nakaraan? Kung oo… Sino ka sa nagdaang siglo?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD