SIMULA
St. Jude International Academy
NAMAMANGHANG minasdan ko ang pangalan ng school na kumikinang na nakakabit sa gate na pinuntahan namin. Naiiba sa kinakalawang at kulang na ang letrang nakalagay naman sa entrada ng school namin.
“Grabe entrance pa lang sosyal na ano, Sanya?!” sigaw sa akin ni Annabelle na akala mo napakalayo ko sa kanya samantalang dumikit na nga ang pawis niya sa akin dahil para kaming sardinas na pinagkasya sa van na nirentahan ng school namin.
“Kailangan sumigaw sa tenga ko, Annabelle?” saad ko na tinawanan niya lang akala yata hindi ako naiinis sa kanina pa niya pagsiko sa bewang ko kada may ikukwento siya.
Para makaganti dinukot ko ang cream-o sa bulsa ng bag niya at mabilisang inubos iyon habang busy siya sa pakikipagdaldalan sa iba naming kagrupo.
“Ano pa bang aasahan mo Annabelle? Natural! Pangmayaman ‘tong school na ‘to. Tiyak kong parang mga daga tayo mamaya pagbaba natin. Bakit ba kasi dito natin kailangan lumaban?” nakasimangot na saad ni Arnold na nang makitang nakatingin ako sa kanya ay kinindatan ako dahilan para mapangiwi ako.
“Hoy Arnold! Magpasalamat ka na lang na nakapasok tayo sa finals. Kahit saang lugar pa ‘yan ‘wag kang mag-inaso diyan. Baklang toooo akala mo napakalaki ng ambag kung makareklamo,” ani Tim na siyang leader namin.
Nanahimik na ang mga ka-grupo ko sa cheerleading competition nang ianunsyo na ni Coach na bababa na raw kami. Mukhang nagkatotoo ang sabi ni Arnold dahil may mangilang-ngilang estudyante na tumitingin sa amin mula ulo hanggang paa sabay tatawa na akala mo mga clown kami.
Kulay orange ang pe uniform na suot namin na kung ikukumpara nga naman sa uniform nilang hitsurang mamahalin wala talaga kaming binatbat.
Maganda man uniform nyo mas maganda pa rin ako!
Inirapan ko iyong dalawang babae na dumaan sa harap namin na hindi man lang itinago ang pagtawa sa amin. Maputi lang at amoy mayaman pero ang fez sus winner pa rin akez.
Habang naglalakad patungo sa locker room daw na nasa gym. Napahawak ako sa tiyan ko nang biglang manakit ‘yon. Mukhang kinarma ata ako sa pagkain ng biscuit ni Annabelle.
“Coach!”
“Oh, anong problema Sanya?”
“Coach, banyo lang ako. Saglit lang!” tinuro ko ang nadaanan naming rest room.
“Huh? Doon ka na magbanyo—”
Hindi ko na pinatapos si Coach dahil pakiramdam ko magkakalat ako kung hindi pa ako makakaupo sa trono.
Shuta! Wala akong tissue!
Naiiyak kong isip habang nanakbo patungo sa rest room. Pero wala naman pala akong dapat problemahin. Pang-mayaman nga pala ang school na ‘to, hindi de tabo at de tissue. De bidet ang St. Jude! Tarush!
Nakahinga ako nang maluwag nang nairaos ko ang pananakit ng tiyan ko. Habang naghuhugas ng kamay sa sink ay nagpasukan ang dalawang babae na kung mamalasin ka nga naman iyong dalawang bruha kaninang inirapan ko.
“Oh my gosh Alleya, ang baho naman dito.”
“Yeah, you’re right Janna, it’s so stinky here. Eewwww.”
“Oh, well what do you expect? Na-invade na kasi tayo ng mga low class—”
Hindi na natapos ang babaeng labanos sa pagsasalita nang matalsikan siya ng tubig mula sa pinagpag kong kamay na siyempre sinadya kong umabot sa kanya.
Kunwaring nagulat sa nagawa na nilingon ko sila. “Oh my gosh, sorry po!” nakangising panggagaya ko sa mga boses nila.
“You b*tch! Sinadya mo ‘to!” maarteng sigaw niya na akala mo naman ikinamatay niya na ang onting wisik ng tubig na dumako sa braso niya.
“Hala ateng hindi ah! Bakit ko naman gagawin ‘yon?” maang-maangan ko sabay lakad paalis pero napangiwi ako nang mapatid ako at bumagsak sa lapag.
“Ooops sorry, hindi ko din sadya. Let’s go Alleya, baka mahawaan pa tayo ng virus here.”
Kalma Sanya! Huwag mong sasabunutan wala ka sa balwarte mo loka!
Nakasampung buntonghininga yata ang nagawa ko bago ako tumayo nang hindi ko na narinig ang boses ng dalawa. Wala sa motto ko ang magpaapi pero ayokong mapahamak kung makikipag-away ako sa kanila. Mamaya ma-report pa ako at hindi makasali sa cheerleading competition na ilang buwan naming pinagpraktisan.
Nanlaki ang mga mata ko nang hindi ko mabuksan ang pinto palabas. Sinulyapan ko ang mumurahin kong relo at gusto kong magwala sa galit nang makitang malapit nang magsimula ang laban namin.
“Tulong! Pabukas ng pinto!”
Halos mapaos na ako sa kakasigaw at nanakit na rin ang kamay ko sa pagkalampag sa pinto ngunit kung minamalas ka ngang talaga wala pa yatang tao sa labas o kung meron man baka hindi sila mga nagsilinis ng tenga at hindi ako marinig.
Inikot ko ang tingin sa paligid pero hindi ako si spiderman para maabot ang ceiling at doon dumaan makalabas lang dito sa rest room. Makita ko lang talaga ang dalawang ‘yon! Patapusin lang nila ang kompetisyon makakatikim sila ng palad ko.
Kung makakasali ka pa!
Hindi ako iyakin na tao pero nag-umpisa nang tumulo ang mga luha ko sa pinaghalong inis at lungkot. Huling kompetisyon ko na ‘to ngayong taon. Ibang kompetisyon na ang sasalihan ko sa mga susunod na taon. Ito na ang huling pagsayaw ko na mukhang hindi pa yata matutuloy.
Humugot ako nang malalim na hininga at isang malakas na sigaw ang pinakawalan ko. Nang wala pa rin akong marinig na kung ano sa labas ay napayukyok na lang ako sa tuhod ko nawalan na ng pag-asa.
Pero agad akong napatayo nang marinig ang pag-click ng pinto sa labas. Nanlalaki ang mga matang natulala ako sa lalaking bumungad sa akin matapos bumukas ang pinto.
Napalunok ako nang magtagpo ang mga mata naming dalawa.
Ang guwapo!
“Miss?”
Nabalik sa reyalidad na yumuko ako at pinulot ang bag kong nalaglag na mula sa balikat ko dahil sa pagwawala ko kanina.
“S-salamat Kuya!” sigaw ko at nagmamadaling tumakbo paalis para lang mapahinto nang maalalang hindi ko alam kung nasaan ang gymnasium pero higit pa roon napangiwi rin ako sa sakit na naramdaman ko sa bukung-bukong ko.
“Are you okay?”
Dahan-dahan akong lumingon at nakita ang gwapong lalaki na sinundan pala ako.
Tumango ako at sininop ang buhok kong kalat na sa mukha ko. “Oo, pero pwede bang magtanong?”
Ngumiti siya at tumango. “Sure, ano ‘yon?”
“Saan iyong gym?”
“Oh, in the next building. Do you want me na ihatid ka?”
Nilunok ko na ang hiya ko at parang batang tumango-tango. “Pwede ba? Kung hindi lang naman abala.”
“No problem, I’m not busy. Let’s go?”
Susyal! Kanina pa spokening dollars ‘to!
Hindi ko na pinansin ang paa ko at sinundan siya na nauna nang maglakad sa akin. Bawat hakbang ko nga lang ay napapangiwi ako.
“You’re not okay.”
“Huh?” takang tanong ko sa kanya.
“Your feet, it’s not okay. Let me bring you to the clinic—”
“Ay hindi na, pogi! Ayos lang ako. Malayo ‘to sa bituka kailangan kong makapunta na sa gym! Male-late na ako.”
“Pogi?”
Nakagat ko ang labi at tumikhim. “Hindi ko alam pangalan mo ‘eh.”
“I’m Yuan,” labas ang biloy sa pisnging pagpapakilala niya sa akin. “How about you?”
“Ako si—”
“Dimabuyu! Halika na bakla ka! Magsisimula na ang laban ni hindi ka pa nakaayos. Bruha ka, nahilo ako kakahanap sa malaking school na ‘to nakikipagbungisngisan ka lang pala diyan!”
Kung hindi lang krimen ang manakal ng baklang akala mo laging may dalaw baka hindi na humihinga ngayon si Tim. Ang leader kong walang habas akong kinaladkad dahilan para hindi ko maibigay ang maganda kong pangalan kay poging Yuan.
Dimabuyu.
Nakakaiyak na ang apelyido ko lang ang nalaman niya hindi ang pang-artistahin kong pangalan.
Lord, pwede bang mamaya paghagis kay Timothy sa ere ‘wag na siyang masalo? Kaimbyernang bakla!
“Ano?! May gumawa sa ‘yo no’n?!”
“Nako! Hindi ‘to pwede. Mamaya resbakan natin ‘yon!”
“Hoy Arnold Clavio, anong resbak pinagsasasabi mo baka gusto mong maging inmates sa edad mong ‘yan.”
Inis kong inagaw kay Tim ang pressed powder dahil pakiramdam ko bugbog na ang mukha ko sa sobrang diin niyang maglagay ng make-up.
“Bilisan na ninyo diyan at magsisimula na ang program, pangalawa tayo,” sulpot ni Coach kaya natigil sa pagmamarukulyo si Arnold.
“Mga mayayaman talaga masasama ang ugali. Dinadarag tayong mga mahihirap—”
“Hindi lahat,” nangingiti kong putol kay Arnold.
“Huh?”
“Merong mga mababait. Huwag kang judgementol Arnold, hindi mo ikapopogi ‘yan,” natatawa kong sabi inaalala ang gwapong mukha ni Yuan.
Eto yata ang sinasabi nilang love at first sight.
Lumala ang sakit ng bukung-bukong ko nang matapos ang program pero wala ni isa sa mga kasama ko ang nakahalata. Mga nagsasaya kasi kahit hindi namin nakuha ang championship, first place naman kami.
Magpapa-jollibee pa nga si Coach kaya mas lalong nagkasiyahan ang lahat. Nauna na akong magpalit sa kanila kaya lumabas na ako ng locker room at naupo sa bench na naroroon sa labas. Hinubad ko ang sapatos kong mas dumagdag sa sakit ng paa ko dahil hindi naman tugma ang sukat sa akin.
“Congrats.”
“Ay kabayo!” sigaw ko dahil sa gulat sa biglaang nagsalita.
Pagtingala ko ay parang nagliwanag ang paligid nang makita ko ang lalaking kanina pa hindi mawala sa isip ko kahit noong sumasayaw ako.
“Mind if I help you with that?” English na naman na tanong niyang ipinakita sa akin ang supot na hawak niya at itinuro ang paa ko.
“O-okay,” tanging nasagot ko na lang hindi alam kung paano itatago ang kilig na nararamdaman ko.
Lumuhod siya at inisprayan nang kung ano ang bukung-bukong ko matapos ibaba ang medyas kong may maliit pang butas. Kakahiya buti na lang walang amoy at maputi ang paa ko.
“This is only a remedy. You should see a doctor. Sumayaw ka pa naman even you’re injured,” aniyang binabalutan naman ng benda ang paa ko.
Saktong maingay na naglabasan ang mga ka-grupo ko nang matapos siya sa ginagawa. Mula sa pag-iingay ay natahimik ang mga ‘yon at akala mo isa kaming palabas na pinanood.
Nakangiti siyang tumayo at inabot sa akin palad niya. “Let me introduce myself again, I’m Yuan Lee.”
“Sanya D-Dimabuyu,” natuloy ko nang pagpapakilala sa kanya at tinanggap na rin ang kamay niya.
“Beautiful name just like you…”
Hindi ako naniniwalang maganda ang pangalan ko at alam kong pambobola lang ang sinabi niya pero nakagat ko ang labi sa pagpipigil na pakawalan ang ngiti. Ramdam na ramdam ko ang pamumula ng buo kong mukha at ang tila pagkakarera ng kung ano sa puso ko.