NAKATITIG si Mariz sa kumakaing alaga pero wala roon ang kanyang atensyon. Lumilipad kasi iyon patungo sa huling beses na nagkita sila ni Lyon sa clinic nito. Parang nag-replay lahat sa utak niya ang mga binitiwan niyang salita. Nababaliw na talaga ako! Ba’t ko binulyawan si Lyon?! Imbes kasi na kumbinsihin ang lalaki ay binigyan lang niya ito ng rason para ayawan siya. She should’ve been more careful. Ngayon ay wala na tuloy siyang naiisip na paraan kung paano pa makukuha ang loob ng lalaking iyon para makipagtulungan sa kanya. “Ate, sunog! Ate may sunooog!” “H-ha?!Nasaan ang sunog?Nasaan!” Pero imbes na magmukhang nag-aalala ay humagalpak lang sa tawa ang kapatid niyang si Donnie. Kaya naman agad niya itong sinugod at saka binigyan ng malakas na sapak sa braso. “Sira ka talaga!”