Tumuloy pa rin ako sa kuwartong kinaroroonan ng aking mga kasama. Mabuti na lang at natandaan ko ang room. Third floor, room 326. Pagbukas ko ng pinto ay sigawan ang aking nabungaran.
"Natatandaan mo siya?! Eh ako?! Ano ako?! Ano ako para sa iyo?! Lagi na lang ganito?! Lagi na lang ako, ako na lang palagi ang nagbibiga-aray!" Natigil mula sa pagdadrama si Nash nang sapakin ito ni Tiffany.
Nakisiksik na rin ako sa kanila at sinilip si Cail na nakangiti naman habang nakahiga sa hospital bed.
"Anong pinagdadadrama mo?!" sigaw ni Tiffany kay Nash.
"Nagpa-practice lang, kasi sasali ako sa big brother," nakasimangot namang sagot ni Nash na nasa aking unahan. Napangiwi naman ako sa kanyang sinabi.
"Maglalandi ka lang do'n!" sigaw ko sa kanya.
"Huwaw! Nagsalita," balik niya rin sa akin.
"Tse!"
"'And'yan na si Doctor, tumabi nga muna kayo. Ang gugulo niyo," sabat ni Caithy.
Sabay-sabay kaming napalingon sa aming likuran at sumalubong sa amin ang hindi pa naman katandaang Doctor at bakas ang kakisigan.
Kaagad din akong napalingon kay Zyra. Alam ko kasing patay na patay siya sa mga Doctor, eh. At hindi nga ako nagkamali, nangungutitap ang kanyang mga mata habang nakatitig sa Doctor na kapapasok lang.
Humawi kaming lahat at binigyang daan ang Doctor. Lumapit siya kay Cail at maraming tinanong at ni-check ang mga vital signs niya. Binuksan niya ang malaking band aid sa tiyan ni Cail at sinilip ang kanyang sugat. Nakisilip din kami at sabay-sabay kaming napangiwi dahil sa mahaba niyang sugat.
"Ang sakit naman," di ko mapigilang saad.
"Talaga ba? Mas masakit pa sa break-up?" sagot naman ni Zyra sa akin.
Parang may laman ang kanyang pagkakasabi ah. Ako ba ang pinatatamaan nito? Anong ibig niyang sabihin? 'Di pa naman kami break ni Andrei ah.
"Mas masakit 'yong ipinamukha mismo sa iyong hindi ka mahal!" ngingisi-ngising sagot naman ni Floyd habang kay Tiffany nakatutok ang kanyang paningin.
Wait, parang wala dito si Bryan ah. Kasama iyon ni Nash kanina sa restroom 'di ba? Oh, my God! Naalala ko na naman 'yong nangyari kanina ! Ayoko na!
"Eh, kung paduguin ko ang nguso mo?! Tingnan natin kung alin ang mas masakit!" sigaw pabalik sa kaniya ni Tiffany.
"Eh, kung tahiin ko ang mga bunganga n'yong lahat para manahimik kayo? Hindi naman 'yon masakit," sagot ng Doctor kaya bigla kaming nanahimik pero ang iba ay pigil na pigil ang pagtawa.
Hanggang sa hindi na kinayanan ang pagpipigil kaya mabilis na naglabasan ang ilan ng silid at rinig dito mula sa loob ang mga paghagalpak ng tawa nila sa labas.
Mga baliw talaga.
***
Pagdating ko sa apartment ay nilukuban ako ng matinding takot nang maabutan kong nakakalat ang lahat ng gamit namin sa loob!
Anong nangyari dito?! Nilooban ba kami?! May nakapasok bang magnanakaw?!
"Mia!" Baka na-rape ang gagang 'yon! O baka naman ay pinatay na ni Shadow Man! Oh my God! Ako na lang! Ako na lang ang patayin niya sa sarap!
Eh?
"Oh, anong problema mo?! Nagsisisigaw ka d'yan! Nakakahiya sa kapitbahay! Baka isipin, nire-rape na kita dito! Hoy, parehas tayong babae! Lalaki ang gusto ko at si Mr. Kulot ko 'yon! Kaso hindi naman ako ang gusto niya kundi 'yong haliparot na Michelle na 'yon! Buti nga sa kaniya, nawalan na siya ng bestfriend! Sana hindi na bumalik si Alliyah! Magtago na lang siya kung saan mang sulok ng bansa! Mula Batanes hanggang Mindanao! EAT BULAGA! Hmp!" Umirap at tinalikuran niya akong muli. Pumasok siya sa kusina na may bitbit na mga kaldero.
Ang haba ng kanyang litanya. Tinawag ko lang naman siya, pati ang sawi niyang lovelife ay idinamay pa!
Sumunod ako sa kaniya sa kusina.
"Eh ano bang nangyayari? Bakit nagkalat ang mga gamit natin?" Pati pala ang mga gamit namin sa kusina ay nagkalat na rin. Binagyo ba kami?
"Halah! Tanungin mo si Aling Petra, nakakainis siya! Nakakapagod kaya ang maglipat-bahay, no? Ang hirap-hirap maghakot at mag-ayos! Nakakainis talaga siya! Eh kung siya na lang kaya ang lumipat ng bahay?! Kung kelan nananahimik tayo dito eh saka niya tayo paaalisin! Nagbabayad naman tayo ng upa, ilaw at tubig ah! Baka nga siya ang hindi nagbabayad sa bayad center at ipinangsusugal na lang niya ang pera!"
"Teka nga! Teka nga!" Haaayst! Ang hirap talagang kausap ng babaeng ito!
Nanahimik naman siya.
"Pinaaalis tayo? Eh, bakit daw?" Magsasalita na sana siyang muli pero agad ko ng pinigilan dahil hahaba na naman ang kaniyang mga sasabihin tapos ay wala naman din akong maiintindihan.
Mabilis na akong lumabas ng apartment at pinuntahan si Aling Petra na nasa tapat ng kanyang bahay at totoo ngang nagsusugal siya! Siguro ay mga nasa edad singkuwenta na siya base sa puting buhok niya at wrinkles sa balat.
"Helow po," magalang kong bati sa kanila.
"Oh Charisma, 'andiyan ka na pala. Siguro naman ay nasabi na sa'yo ni Mia," sabi niya habang nakatutok pa rin sa kaniyang hawak na baraha ang kanyang atensiyon at inaayos-ayos ang pagkakasalansan nito.
"Ahm, hindi pa po niya sinasabi kaya kayo na lang po ang tatanungin ko." Medyo nag-aalangan ako at nahihiya dahil baka nakaka-istorbo ako sa paglalaro nila eh.
Lumingon naman siya sa akin at walang nagawa kun'di ipasa sa kanyang katabi ang hawak niyang baraha.
"Pasensiya na po sa abala," paghingi ko ng pasensiya, baka kasi magalit siya eh.
"Ganito kasi 'yon Charis, uuwi na kasi 'yong kapatid kong galing ng ibang bansa na siya mismo ang may-ari ng ating tinitirhan. Ang sabi niya ay d'yan siya titira sa tinitirhan niyong dalawa ni Mia, pero huwag kayong mag-alala dahil may lilipatan na kayo. Mas maganda iyon dito at ibibigay ko lang din sa inyo ng kaparehong upa noon," malumanay niyang paliwanag. Actually, mabait naman si aleng Petra. Nagtataka lang talaga ako sa biglaan niyang pagpapaalis sa amin.
"Ibig niyo pong sabihin ay kayo din ang may-ari ng aming lilipatan?"
"Hindi ako, k-kun'di 'yong kapatid ko." Medyo napakunot ang aking noo nang mag-iwas siya ng tingin sa akin.
"Ako lang naman ang namamahala. Huwag din kayong mag-alala dahil parating na rin 'yong mga tutulong sa inyo sa paghahakot ng gamit para hindi kayo mahirapan. At saka m-mas maganda 'yong lugar doon. Ayaw lang talaga ng ate ko doon dahil narito kami. Gusto niya ay magkakasama kami rito."
Napatango-tango na lang ako at wala ng nagawa pa pero ayaw ko sanang umalis. Paano kung bumalik siya? Paano kapag hindi na niya ako nakita? Paano kapag hindi niya ako nahanap?
***
Pagkatapos ng mahabang pag-aayos at paghahakot sa truck ay bumiyahe na kami ng halos isang oras bago nakarating dito sa bago naming apartment. Nasa loob siya ng isang subdivision at malalaki ang mga bahay dito.
Napatingala ako sa limang palapag ng apartment na siyang pinagdalhan sa amin. Napakaganda niya at mukhang bago ang pintura at mukhang bagong gawa din ang apartment na ito.
Napangiwi ako kay Mia dahil sa tingin ko ay mahal ang upa dito! Baka hindi namin kayanin! Pero ang sabi naman ni Aling Petra ay ibibigay lang din sa amin ng kaparehong upa sa aming inalisan.
Nakarating kami sa third floor. Ang ganda ng terrace at napakaluwag. P'wedeng mag-basketball sa hallway. Tapos ay hilera-hilera ang mga pinto ng bawat unit at may mga magagandang halaman sa balcony. Ang daming mga bulaklak!
Nakarating kami sa tapat ng aming unit habang may kanya-kanya kaming buhat na mga gamit ni Mia. Ang kaso, bakit may maingay?
"Ang ingay naman!" reklamo ni Mia habang sinususian na niya ang pinto ng aming room.
Pinakinggan kong mabuti at hinanap ng aking pandinig kung saan nagmumula 'yong maingay na background music. Ang lakas-lakas!
Parang dito lang sa aming katabing unit sa kanan. Lumapit ako sa nakasaradong pinto at idinikit ang aking tainga. Lumakas ang ingay kaya napatunayan kong dito nga nagmumula ang masakit sa tainga nilang musika. Hindi ba sila naiingayan sa loob?!
Pero maya-maya lang ay mas lumakas pa ang tugtog at ang pinto ay hindi ko na maramdaman sa aking pisngi.
Napatayo ako ng tuwid at napatingala habang napapanganga sa lalaking hubad-baro at naka-boxer lang sa aking harapan!
What the hell? G-Ghian? 'Yong lalaki sa hospital! Oh my God! Kapit-bahay namin siya? Oh no!