Annika's Pov
Napasimangot ako nang makarinig nang sunod-sunod na katok mula sa labas ng aking kuwarto. Bahagya akong bumangon para kunin ang aking cellphone. Mas lalo akong napasimangot nang makita kong alas singko pa lang naman ng umaga.
"Annika!" Rinig kong tawag ni Mama kasabay nang malakas na katok sa pinto.
"Ma, inaantok pa ako."
"Lumabas ka na riyan! Anong oras na, ah," sabi pa nito.
"Alas singko pa lang, Ma."
"Bilisan mo na nga riyan! May patay raw sa kabilang subdivision, kakausapin ka raw ng namatayan."
Nang marinig ko ang sinabi ni Mama ay napilitan na rin akong bumangon. Sayang ang grasya kung magtatagal pa ako sa aking kama.
"Annika!"
"Oo na, Ma, babangon na ako."
"Bilisan mo na at baka sa ibang punerarya pa nila dalhin ang bangkay!"
Napangiti naman ako sa sinabi ni Mama. Oh, 'di ba, basta patay ang pag-uusapan ang bilis ni Mama. Kasi naman mayro'n kaming sariling punerarya, ang St. Carmen Funeral. Pag-aari iyon ng mga magulang ko at ako mismo ang namamahala niyon. Apat na ang branch na mayro'n kami, dito sa Laguna iyong dalawa at sa Cavite iyong dalawa pa.
On hands ako sa negosyo namin, at hindi kayo maniniwala pero nag-iimbalsamo rin ako, make up artist ng mga patay at kung anu-ano pa. Kung iyong mga kaibigan ko ay nadidiri sa negosyong mayro'n kami, ako hindi. Wala akong pakialam kahit mag-inarte pa sila. Ang akin, bakit ako mahihiya eh marangal na hanap-buhay ang hanap-patay.
Nang maka-graduate ako sa aking pag-aaral bilang isang guro ay hindi ako nagturo sa paaralan. Sa halip ay nagdesisyon akong tumulong na lang sa pamamahala ng negosyo namin. At hanggang ngayon masaya pa rin naman ako sa desisyon ko kaya keri lang.
At sa nagtatanong kung may dyowa, naku, single na single dahil walang gustong tumagal kapag nalalaman nilang punerarya ang negosyo namin. Lalo na kapag nalalaman nilang nag-iimbalsamo rin ako.
Hindi ko napigilan ang mapatawa nang maalala ko ang nangyari sa huling nagtangkang manligaw sa akin. Dinala ko kasi si Arthur sa mismong punerarya namin at ipinakita rito ang klase ng pinagkakaabalahan ko. Halos maihi ako sa kakatawa nang makita kong wala ng kulay ang mukha nito sa sobrang takot. Hindi nagtagal si Arthur at nagpaalam na aalis na at simula noon hindi na nagpakita pa.
Isa rin kasi iyon sa paraan ko para itaboy ang mga manliligaw ko na hindi ko naman trip. Lalo na iyong may kayabangan sa mga sarili, ligwak agad sila sa akin.
"Annika!"
Napaiktad pa ako nang marinig ko ang boses nito Mama kasabay nang pagbukas ng pinto ng aking kuwarto.
Ang nakataas na kilay ni Mama ang sumalubong sa akin. Ang aga-aga na naman nitong magtaray.
Napahagikhik ako nang muli kong maalala si Arthur, lalo na ang malakas na sigaw nito nang gulatin ko. Napatigil lang ako sa pagtawa nang lumapit si Mama sa akin at kurutin ako nang pinong-pino sa tagiliran ko.
"Ma, naman eh." Napasimangot ako nang mataray itong tumingin sa akin.
"Kanina pa ako katok nang katok pero hindi ka nagsasalita. Mukhang sinasaniban ka na naman ng mga kaluluwa ng mga patay na inimbalsamo mo!"
"Ang ingay n'yo kasi, ang aga-aga binubulahaw n'yo ang tulog ko eh."
"May patay nga sa--"
"Oo nga po, pupuntahan ko na iyon mamaya. Dinala pa naman sa hospital eh, tenext ko na si Kuya Rick." Tukoy ko sa aming driver. Driver ng ambulansiya at Karo.
Pero kapag wala ito o hindi available ay ako na rin ang nagda-drive. Sa ganitong klase ng negosyo kailangan ay matatag ang loob mo sa lahat ng pagkakataon. Kailangan ay matibay rin ang sikmura mo.
"Annika!" sikmat ni Mama sabay hila ng buhok ko.
"Ang kamay mo, Ma, palagi ka na lang may kurot, sabunot, at kung anu-ano pa," reklamo ko rito.
Paborito kasi ako ng Mama at Papa ko. Kasi ako lang naman ang anak nila.
"Maligo ka na, baka hinihintay ka na ni Rick sa hospital," utos nito.
Nang tangkain ako nitong sabunutan ay mabilis akong nakalayo rito. Patakbong pumasok ako sa banyo na nasa loob ng kuwarto ko.
"Bilisan mo!" Rinig kong sigaw pa ni Mama.
Pinaikot ko naman ang mga Mama ko.
Kainaman 'tong Mama ko, parang aagawan, hmp! Bulong ko sa sarili ko habang naghuhubad ng damit ko.
Binilisan ko na lang ang paliligo ko dahil raratratin na naman ako ni Mama kapag nagtagal pa ako. Matapos ang kinse minutos ay natapos na ako at saka nagbihis.
Maong na pantalon ang suot ko at tenernuhan ko iyon ng kulay itim na t-shirt. Naglagay lang ako ng kaunting pulbos sa aking mukha at saka lipstick sa aking mga labi.
Nang makita kong maayos na ang hitsura ko ay lumabas na rin ako mula sa aking kuwarto. Nabungaran ko sa sala ang aking mga magulang na prenteng nakaupo habang nagkakape.
"Annika." Tawag ni Papa sa akin nang makita ako.
Lumapit ako rito at humalik sa pisngi nito.
"Morning, Papa," bati ko rito.
"Morning, paalis ka na?" tanong nito.
"Opo, tumawag na po si Kuya Rick nasa morgue na raw po iyong namatay eh," sagot ko at saka lumapit kay Mama. Humalik din ako sa pisngi ko, tampuhin kasi ang Mama ko.
"Hindi ka na mag-aalmusal, maaga pa naman."
"Sa daan na lang po, Pa, saka hindi pa naman ako gutom."
"Kape?" alok pa ni Papa at iniabot sa akin ang tasa ng kapeng iniinom nito.
Nakangiting tinanggap ko naman iyon. Nakailang higop muna ako ng kape bago muli iyong ibinalik kay Papa.
"Thanks, Pa, mauuna na ho ako," paalam ko at saka muling humalik sa pisngi nito.
Gano'n din ang ginawa ko kay Mama bago tuluyang umalis. May pagmamadaling lumabas ako ng aming bahay at saka sumakay sa kotse ko.
Ilang sandali lamang ay nakarating na ako sa hospital kung saan naroon ang patay na inimbalsamo ko.
Agad kong tinawagan si Kuya Rick para ipaalam na narito na ako. Hindi naman nagtagal ay sinalubong ako ni sa lobby ng hospital.
"Annika," tawag pansin nito sa akin.
"Kuya Rick, okay na po ba lahat?" tanong ko.
"Oo, ikaw na lang ang hinihintay ng pamilya nila."
"Sige po." Magkaagapay kami nitong naglakad papunta sa morgue.
At tulad ng sabi ko kung ganitong trabaho ang papasukin mo kailangang matibay ang loob mo. Kung duwag ka naku, for sure hindi mo kakayanin ang ganito.
Isang malalim na buntong-hininga muna ang pinakawalan ko bago tuluyang pumasok sa loob ng morgue. Medyo nanghihina pa rin kasi ako sa tuwing papasok sa lugar na ganito. Hindi dahil takot ako kun'di naaapektuhan ako sa bawat hagulhol at hikbi ng mga taong namatayan.
Ramdam na ramdam ko kasi ang sakit at hinagpis nila. Isang malalim na buntong-hininga ang muli kong pinakawalan nang makalapit na ako sa tatlong taong umiiyak habang yakap-yakap ang bangkay ng kanilang mahal sa buhay.
Tumatagos sa puso ko ang bawat hikbi nila, ramdam ko iyong sakit lalo pa't napakabata pa ng namatay. Bente-uno anyos lang kasi ito at namatay sa aksidente sa motor.
"My deepest sympathy po, Ma'am, Sir," sabi ko.
Luhaan silang tumingin sa akin bago sabay na tumango.
"Kukunin na po siya, okay lang po ba?" tanong ko sa mag-asawa.
Sa halip naman na sumagot ay muling humagulhol ang babae at saka muling yumakap sa anak nitong wala ng buhay.
Lumayo ako nang bahagya dahil naaawa ako sa Nanay. Iyong tipong hindi pa ako Ina pero ramdam ko iyong sakit nito bilang isang magulang na nawalan ng anak.
"Tama na, Sally. Kukunin na nila ang anak natin para maayusan," anang lalaki sa asawa nito.
Bagama't halatang nasasaktan din ito ay mas pinili nitong mas magpakatatag para sa asawa.
"Bakit kailangang mangyari ito sa anak natin, Miguel? Ang bata-bata pa ng anak natin! Ang dami ko pang pangarap para sa kaniya, ang dami pa niyang gustong gawin, pero paano pa mangyayari iyon kung patay na siya...patay na ang anak ko...patay na, Miguel!" sabi ng babae at saka muling humagulhol nang iyak.
"Sally.."
"Dapat tayo ang ihahatid niya sa huling hantungan, Miguel! Hindi siya iyong ihahatid natin, dapat tayo ang mauuna, pero bakit siya...bakit ang anak natin ang kailangang mauna..bakit siya!" Halos magwala na ito at kulang na lang ay panawan ng ulirat.
Tila pinipiga naman ang puso ko sa nakikitang hinagpis nito. Pasimple akong tumingala para pigilan ang luhang gustong kumawala mula sa aking mga mata.
Nasasaktan ako para sa kanila.
Patuloy na umiyak ang babae at panay ang tanong nitong bakit ang anak pa nito at hindi lamang siya.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong napabuntong-hininga habang nakatingin sa pamilya ng namatay. Dito sa part na ito ako nahihirapan talaga. Mabigat sa dibdib na makasaksi nang ganito.
"Ma'am, Sir, sorry po pero kailangan na po naming kunin ang anak n'yo," magalang na paalam ko sa mag-asawa.
Ayaw pa ring lumayo ng babae, hinatak lang ito ng asawa nito palayo sa walang buhay na anak.
Lumapit ako sa ginang at tinapik ko ang braso nito bilang tanda ng aking pakikiramay.
"Nakikiramay po ako sa inyo, Ma'am, Sir. Pasensya na po pero kukunin na po namin siya," paalam ko.
Hindi naman sumagot ang babae dahil umiyak lang ito nang umiyak.
"Sige," ang lalaki ang sumang-ayon sa akin.
Kiming tinanguan ko naman ito at saka sinenyasan si Kuya Rick na lumapit sa amin. Hindi ko na kailangang sabihin ang gagawin dahil alam na nito kung bakit siya ko tinawag.
Narinig ko itong nakiraan sa mag-asawa bago lumapit sa bangkay. Kasama nito si Randy ang isa sa tauhan namin.
"Miss.." Agad akong napalingon sa mag-asawa nang tawagin nila ako.
"Yes, Ma'am?"
Humikbi muna ito bago nagsalita. "Gawin mo guwapo ang anak ko, ha?" bakas ang sakit na sabi nito.
Nakakaunawang tumango naman ako rito. Hindi lang naman ito ang unang nakiusap sa akin na gawing maganda at guwapo ang namatay na kaanak nila.
"Makakaasa po kayo, Ma'am, Sir."
"S-Salamat, M-Miss," hikbing anas nito bago yumakap sa asawa nito.
Mabigat ang pakiramdam na nilisan ko ang morgue na iyon at sumunod kay Kuya Rick at Randy. Tulak ng mga ito ang stretcher na kinalalagyan ng katawan ng namatay na nakabalot sa body bag na kulay itim.
Haist, that's life, lahat doon mapupunta pero una-una lang naman talaga. At willing naman akong magpahuli dahil gusto ko pang mag-asawa. Ang problema wala pa akong nakikitang mapapangasawa.
Naipilig ko ang aking ulo nang biglang may isang pamilyar na mukha ang biglang sumagi sa isip ko. Ang pilyong mukha ni Derek Aristotle Montana.
Hmm.. Kumusta na kayo iyon? Piping tanong ng isip ko.
Malamang may asawa na iyon, baka nga sampu na ang panganay no'n. Asa ka pa do'n sa libog ng lalaking iyon. Kulang na lang yata kahit posteng nakapalda tirahin niya sa sobrang libog. Piping sikmat naman ng isang bahagi ng isip ko.
Si Derek na mula pagkabata ay best enemy ko. Pasalamat na rin ako at matagal na panahon na itong pinatapon ng pamilya sa ibang bansa. Walong taon na rin naman ang lumipas mula nang huli kong makita ang damuhong na iyon.