CHAPTER 3

3113 Words
Nawawalan na ng pag-asa si Oly. Kahit anong gawin niya talaga ay mukhang hindi niya mayayari lahat ng backlogs. Kung wala lang sanang dumadagdag na mga bagong transaction araw-araw. Nananamlay na siya. Ginabi na naman siya sa pag-uwi dahil sa lintek na backlogs na 'yon. Tapos hindi naman bayad ang overtime. Inangat niya lang ang ulo niya nang makarating siya sa supermarket. Mukhang kilala na siya ng mga nakapwesto doon kaya medyo nahiya siya. Hindi na siya inaalok ng mga ito. Pero four hundred na lang ang pera niya. Ayaw niya namang gastusin pa 'yon dahil limang araw pa bago ang sahod. Paano kung may biglaan na naman? Hindi niya na kayang ibenta pa ang sarili. Gusto niyang dumampot ng isang free taste na sausage kaso hindi siya inaalok ng babae. Tapos ang sungit pa ng tingin sa kanya na akala mo pagmamay-ari niya ang produkto na 'yon. "Masarap ba?" tanong ng isang lalaki at napaharap siya dahil sa amoy na 'yon. Daig niya pa ang aso ngayon. Kilala niya na agad kung sino ang dumating. Nakatingin ito sa kanya kaya bumilis bigla ang t***k ng puso niya. Kilala niya na ba ko? Bakit niya ko kinakausap? "Sir, masarap po ito. Bagong labas lang po." Si Kade ang inalok ng babae at nakasunod naman ang mga mata ni Oly sa mga sausage. Natatakam siya lalo na nang maamoy niya 'yon. Parang nanunuot sa karne ang flavor ng cheese at garlic. "Miss, pwede mo bang tikman? Allergic kasi ko sa pagkain na 'yan," utos ni Kade na seryoso pa rin ang mukha. "Allergic ka? Bakit ka pa bibili?" pabulong na tanong ni Oly at nakangiting kumuha na ng isa. Sinubo niya 'yon at tinignan si Kade. "Inutusan lang akong bumili." Umiwas ito ng tingin at kumuha rin ng isang stick ng sausage. "Try it again," utos nitong abot sa kanya. Hindi niya talaga kukunin 'yon kung hindi lang masarap talaga 'yung sausage. Inabot niya 'yon at sinubo. Tinignan niya 'yung babae at nagkunwaring hindi niya tipo ang lasa. "What about that one?" Turo ni Kade sa kabilang bilihan. "Tikman niyo po." Abot agad ng babae doon. Hindi nag-alinlangan si Oly na kumuha agad ng isang stick kaso iniwas ng babae ang tray sa kanya. Napakunot siya ng nuo. "Miss, inaaraw-araw mo naman kami dito. Hindi ka naman bumibili," sabat ng isang sales lady sa kabilang booth. "Oo nga," pakikiayong sabi naman ng nasa harapan nila. "Sir, tikman niyo po." Baling nito kay Kade. Umatras na si Oly, hiyang-hiya sa sarili niya lalo pa't narinig ito ng binata. Oo, patay gutom siya pero hindi na dapat ito pinalandakan pa ng mga tindera sa harapan ni Kade. Lalo tuloy nanliit ang tingin niya sa sarili niya. Isang stripper at ngayon naman ay isang patay gutom. "Oly!" May sumigaw na mabilis niyang nilingon. Parang bigla niyang gustong tumakbo sa mga oras na 'to. Nasuya siya sa nakita niya na papalapit ngayon sa kanya. Ex-bestfriend niya 'yon sa una niyang trabaho. Kasama nito ang dati niyang manliligaw na si Bryan. Naagaw ito sa kanya dahil takot siya dating lumandi at sa kamalas-malasan niya ay pinakilala niya ito sa ex-bestfriend niyang si Kim, na palihim itong naagaw sa kanya. Ngumiti si Oly nang medyo may pagkaplastik. "Hello! Kumusta ka na?! Saan kana nagwo-work dito?" tanong ni Kim. "Diyan lang sa malapit," matipid niyang sagot at sinulyapan ng tingin si Kade na nasa free taste booth na natikman niya kanina. "Gusto mo bang sumabay sa aming mag-shopping?" Shopping? Mapapahiya lang siya kung sasama. "Sa susunod na lang. Pauwi na rin kasi ko." "Ang killjoy mo talaga kahit kailan." Nagpaalam na ang mga ito sa kanya. Naiwan siyang pasulyap-sulyap ngayon kay Kade. Mukhang hindi naman siya nito nakikilala kaya naman aalis na sana siya kung hindi lang siya nito muling hinarang. "Natikman mo na ito. Masarap ba?" tanong nito habang pinapakita ang sausage kanina. Hindi doon nakatingin si Oly nang sumagot siya ng oo, dahil sa labi siya ngayon ni Kade nakatingin. "Good, then let's buy this." Bumalik si Kade sa may booth at napanganga naman si Oly nang bumili ito ng sampung piraso. Tuwang-tuwa tuloy ang babaeng nagpapa-free taste no'n. Natauhan lang si Oly na nakahawak pala sa braso niya si Kade nang hilahin siya nito papunta sa counter. Gusto niyang umalis na kung hindi lang sila sinusundan ng tingin ng mga nagpapa-free taste sa gilid. "Sa'yo na 'to." Abot ni Kade ng isang paperbag kay Oly. "Thank you," sabi pa nito at hindi na siya nakatanggi dahil sa pagtalikod nito sa kanya pagkaabot no'n. Bumilis ang t***k ng puso niya sa hindi niya malamang dahilan. Bumalik ang tingin niya sa bitbit niyang paperbag ngayon na may lamang—"Hoy! Teka!" Tumakbo siya nang makitang doon nakalaman lahat ng binili ng binata. Ngunit wala ng naabutan si Oly sa labas ng supermarket. Kahit saan siya tumingin, malinis na ang labas nito. Wala na kahit amoy ni Kade. Masayang tinignan ni Oly si Herl na kadarating lang. Proud siya habang pinapakita sa kaibigan ang nilulutong sausage. "Ang bango naman niyan." Lapit agad ni Herl. "Hindi lang mabango. Masarap din." Kumuha siya ng isang tinidor at tumusok ng isa para sa kaibigan. "Tikman mo." Kinuha 'yon ni Herl saka bumaling ng tingin sa mga supot ng sausage sa lamesa. "Bakit ang dami? Binili mo lahat ng 'to?" "Hindi, napulot ko." Dinura agad ni Herl ang sinubong sausage na tinawanan naman ni Oly. "Joke lang," sagot niya sa masamang pagtingin nito. "Baka sumakit tiyan ko dito!" "May nagbigay sa akin niyan," mahina niyang sagot kaya na curious si Herl. Umakbay siya kay Oly na nakatutok ngayon sa pagluluto no'n. "At sino naman 'yon?" Ngisi ni Herl sabay kagat sa sausage. "Wala." "May nanliligaw sa'yo?" Natigilan si Oly at tinignan siya. "Hindi ko 'yon manliligaw. Naiwan niya lang 'yan sa akin." "Bakit nagagalit ka? Nagtatanong lang naman ako." "Kasi napaka-ano mo." "Makapagbihis na nga." Binaba ni Herl ang tinidor sa lababo. "Diyan nagsisimula 'yon, e. Una naiinis ka sa kanya tapos hindi mo namamalayan na nahulog ka na." "Eewww, Herl!" "Why?" Tumawa siya sa reaksyon ni Oly. "Hindi ba gwapo?" Muli niyang sinilayan ang magiging reaksyon ni Oly at muling napatawa dahil sa pag-iisip nito. "So, gwapo.." Tumango-tango siya at mabilis na pumasok ng kwarto nang ambaan siya nito ng sandok. Hindi rin lubos na maisip ni Oly kung sadyang tanga lang ba si Kade o sadya nitong iniwan sa kanya ang lahat ng sausage na 'to. Ngunit gayon pa man, wala naman siyang balak na isoli pa ito at magmukhang tanga. Para kay Oly, mayaman naman 'yon at siguradong makakabili ulit ng maraming ganito. Basta ngayong, gabi. Magpapakabusog siya. Isang supot ang kanyang niluto pero ang natitirang siyam ay nilagay niya sa isang lalagyanan na nilagyan niya ng dalawang tig-tres na yelo para hindi masira. Wala pa kasi sa plano nila ni Herl na maglagay ng kahit maliit na ref. Magastos lang 'yon at wala naman din silang ilalaman. Madalas si Herl na sa labas na kumain kasama ang boyfriend nito. At siya naman ay madalang kumain dahil walang pambili. Kaya bakit pa sila magre-ref? Hindi naman araw-araw ay pasko na may makakaiwan ng ganito karaming sausage. Nagising si Oly dahil sa sakit ng tiyan. Hinang-hina siyang lumakad palabas at lalong napakapit sa tiyan niya nang marinig na naliligo na ang kaibigan sa loob. "Herl, bilisan mo!" sigaw niya, namimilipit sa sakit. "Bakit ba? Nasobrahan ka, 'no?" Labas ni Herl na naglalagay ng tuwalya sa ulo. "Tumabi ka na diyan." "Ang dami mo sigurong kinain." "Oo na." Sinara niya agad ang pinto. Paglabas niya, wala na si Herl. Natulala rin siya sa screen ng cellphone niya nang makitang alas-sais na. Hindi siya makapaniwalang gano'n siya katagal sa loob ng CR. Tulad ng dati, huminto siya malapit sa building ng kumpanyang pinagtatrabahuhan. This time, napapaisip na siya kung magre-resign na ba siya. Matagal na rin siyang nagtitiis at habang tumatagal lumalabo na rin ang paningin kakatitig sa ledger ng kumpanya. "Good morning, Ma'am Oly." "Good morning, kuya." Ngumiti siya at nilampasan ang gwardiya. Kakaiba ang saya niya ngayong araw. Bukod sa hindi siya gutom ay nakaabot pa siya sa meeting ng boss niya. "Alin po 'yon?" naguguluhan na tanong ni Oly. Nawala ang ngiti sa labi niya habang nakatitig nang may pagkamasungit ang boss niya. "Kulang ka ba sa tulog?" sarkastiko pa nitong tanong na nagpatikom sa bibig ni Oly. Narinig niya 'yon. Sobrang linaw! Pero hindi siya makapaniwalang dadagdagan pa siya nito ng trabaho. Ni hindi na nga siya makaahon sa backlogs tapos heto na naman. Nang matapos ang meeting. Tulala na lang si Oly sa lamesa niya. Nanginginig ang kamay niyang nakahawak ngayon sa ballpen na halos mabali niya na sa inis. Bumalik siya sa pagtatrabaho kahit pa masama ang loob. Sa isip niya, gusto niyang imali-mali na ang mga 'to. Tapos magre-resign siya. Pero nagbago ang isip niya nang mag-text ulit ang Tita Gwenda niya. Kailangan na naman nila ng pera para sa ilang gamot ni Gillen na hindi pa nabibili hanggang ngayon. Napapikit si Oly at natauhan lang nang maputol niya ang ballpen na hawak. Tumayo siya para kumuha ng tubig sa drinking fountain. "Excuse me, ma'am." Pinihit niya ang tingin sa isang lalaki. May hawak itong coke na naka-abot ngayon sa kanya. "Yes?" taka niyang tanong. Ngayon niya lang 'to nakita. "Bago ka ba?" dugtong pa niya. "Hindi po. May nagpapaabot lang sa inyo." Napunta sa coke ang atensyon niya saka muling binalikan ng tingin ang lalaki. "Ahm, sorry. Pero hindi ko matatanggap 'yan." Pag-ayaw niya dahil sa kahina-hinala nitong kilos. "Pero, ma'am!" Humarang ito sa daan niya. May minomostra 'to sa kanya na hindi niya maintindihan. Parang sinasabi nitong matatanggal siya kapag hindi niya kinuha ang inaabot niyang coke. "Hindi ako umiinom ng softdrinks." "Please?" Ngumiti ito, kahina-hinala talaga. "Sorry, but no." Ngumiti rin siya at nilampasan ang lalaki. ***** "Ano na naman 'yan?" Humiga si Herl patabi kay Oly na kanina pa nakatitig sa cellphone. "Kailangan ng pera ni Tita Gwenda para kay Gillen. Kaya naisip kong kumuha ng part time." "Jusko, isa pa nga lang trabaho mo ngayon hindi ka na makahinga. Dadalawahin mo pa," reklamo ni Herl at kinuha ang cellphone ng kaibigan. "Yaya? Full time 'to." "Hayaan mo na nga ako." Inagaw ulit ni Oly ang cellphone niya. "Kung may bakante lang talaga sana sa kumpanya namin. Isasama na kita do'n. Sure naman akong mapapasa mo ang interview saka exams." Sabay silang napabuntong hininga. "Gusto mo bang pahiramin na muna kita?" tanong ni Herl. Natigilan si Oly sa pag-scroll. Tahimik siyang umiling kay Herl at kunwaring nagpaalam na may bibilin sa labas. Kahit ang totoo ay gusto niya lang makatakas kay Herl. Sure siyang pipilitin siya nito lalo na't pambili lang ng gamot ang pinag-uusapan nila. Lumakad-lakad siya sa park malapit sa tinitiran. Nakasuot lang siya ng jacket, sando, pajama at tsinelas. Kaya hindi niya na iniisip na may mangho-holdap pa sa kanya dito. Huminto siya nang makita ang dating ka-roommate na si Sunshine. Nito niya lang napagtatanto na hindi pala gano'n kasamang tao ito. Akala niya kasi dati, ayaw siya nito dahil lagi na lang siyang sinusungitan at hindi pinapansin. Pero ang totoo pala ay nilalayo lang siya nito kay Venus. May kasama itong mukhang mayamang lalaki. Nakahawak ito sa bewang ni Sunshine kaya naman hindi na siya lumapit pa. Ayaw niyang makaabala. "Excuse me, ma'am?" "Ikaw na naman?!" bulalas ni Oly sa lalaking nag-aalok sa kanya ng coke kanina sa kumpanya. "Siya ba?" tanong ng isang matandang lalaki. Mukhang expensive tingnan 'yung dalawang matandang kasunod ng lalaki kaya lalo siyang nagtaka. "Opo, siya po." Yumuko nang magalang ang lalaki. "Hija, pwede ka ba naming makausap?" nakangiting tanong ng matandang babae. Napakurap-kurap si Oly. Nagpapalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang matanda at doon sa lalaki. "May restaurant ba ditong disente at walang lamok?" Nandidiring pinalo ng matandang babae ang sariling braso. "Meron po." "Pwede ka bang sumama sa amin, hija?" "Naku, sorry ho, ha? Pero hindi sa akin gagana 'yung mga ganyang modus." Nakangiting umiling si Oly, handa ng sumigaw ano mang oras. "Modus?" tanong ng matandang babae sa lalaking nakayuko pa rin hanggang ngayon. "Ms. Oly, wala kang dapat ikatakot. May gusto lang po silang i-offer sa'yo." "Kilala mo ko?" "Of course, ma'am." Ngumiti ito at minostrahan siyang lumakad na papasok sa magarang kotse. Wala sa sariling sumunod si Oly. Sumakay siya pero may pagtataka pa rin sa isip. Sobrang ganda sa loob ng magarang kotse. Paikot ang upuan nito at may magarang ilaw din sa paligid. Walang ginawa si Oly sa loob kundi mamangha. Tumigil lang siya nang makitang nakangiti sa kanya ang dalawang kasama. "Sino po ba kayo?" hindi niya na mapigilang tanong. "Sorry, hindi pala kami nakapagpakilala sa'yo," mabait na sabi ng matandang babae, nakangiti pa rin sa kanya. "Analisa Cuevas." Abot sa kanya ng kamay nito. Mabilis na naglaho ang ngiti sa labi ni Oly. Para siyang biglang nanlamig nang marinig ang isang pamilyar na aplido. Kinuyom ng matanda ang kamay niya nang hindi ito abutin ni Oly na hanggang ngayon ay tulala. "Ito naman ang asawa ko. Christofer Cuevas. Mas kilala siya sa akin kaya naman baka medyo pamilyar ka." "Magulang ho kayo ni Kade?" mabagal pero nanlalaking matang tanong niya. Masayang tumango ang babae. "B-bakit po? A-anong kailangan niyo sa akin? Hindi ko po tinakbo 'yung pera niyo!" Napahawak na si Oly sa pinto ng kotse. Kabang-kaba dahil sa biglaang pagsulpot ng mag-asawa. "Ha? Anong sinasabi niya, Henry?" nakangiti pero takang tanong ng matandang babae. Sumilip mula sa passenger seat ang lalaki. Minostrahan siya nitong tumigil at alangan na ngumiti sa mag-asawa. "Ahm, sa tingin ko po natatakot lang ngayon sa atin si Ms. Oly." "Gano'n ba? Nasaan na ba kasi 'yang sinasabi mong restaurant? Ayokong matakot siya sa atin." Ngumiti si Oly nang balikan siya ng tingin ng matanda. Huminto sila sa isang Japanese Restaurant. Medyo malayo na ito sa apartment ni Oly kaya nangangamba siya kung paano makakauwi. "Hindi nila alam na nagkakilala kayo sa club. Pwede bang 'wag mo na lang sabihin?" bulong ni Henry sa kanya bago siya pagbuksan ng pinto. Gusto ng umatras ng mga paa ni Oly. Hindi niya alam kung ano bang sumapi sa kanya at sumama pa siya sa mga taong 'to. Para kay Oly, ang wi-weird nilang lahat. Umupo siya sa katapat na pwesto ng mag-asawa. Kanina pa ito nakangiti sa kanya sa hindi niya malamang dahilan. Nakuha ulit ni Henry ang atensyon niya nang babaan siya nito ng tsaa. Ngumiti ito at muling umupo sa kabilang lamesa. "Ano po bang kailangan niyo sa akin?" "May gusto kasi sana kaming ipakiusap sa'yo," panimula ng matandang babae. Kung ano man 'yon. Hindi maganda ang kutob ni Oly. "Balita namin. Gusto ka raw ni Kade." Napabuga agad si Oly ng tsaa niyang iniinom. Mabilis siyang nag-sorry at tarantang nagpunas kung saan-saan. "Nabigla mo siya," sabi ng lalaki sa asawa. "Sorry, hindi pa ba siya umaamin, Henry?" Biglang baling ng matanda sa lalaking nasa kabilang table. Gulat na tumingin ulit sa kanila si Henry, na kanina pa kinakabahan. Pinagbantaan lang siya ng dalawang matanda dito. Para siya ngayong nasa gitna ng dalawang bangin. Isang nag-aapoy at isang puro kalansay na. "Well, 'di bale na. Since nasabi ko na rin sa'yo. Gusto ko sanang 'wag mo na siyang pahirapan. Handa kaming magbayad ng kahit na magkano basta sagutin mo lang siya agad." "At dadagdagan ko pa 'yon kapag pinakasalan ka niya." Parehas na silang nahihibang. Ano bang ibig sabihin nito? Napaisip si Oly na baka kilala na nga siya ni Kade noong una pa lang. Kaya niya ba binili 'yung sausage? "Magkano ba ang gusto mo?" Napakunot na ang nuo niya. Ayaw niyang maging bastos pero hindi niya mapigilan ang sarili na tumayo na. "Pasensya na po. Pero mali po yata kayo ng babaeng kinausap," magalang niyang sabi. Tulalang napatitig si Henry sa kanya at pamaya-maya pa ay napasulyap kay Kade na kadarating lang. Nakapamulsa ito na tila ba hindi natutuwa sa nakikita. "Hindi po kami magkakilala ng anak niyo. Saka kahit magkano po 'yan. Hindi ko po ibebenta ang sarili ko. Pasensya na po ulit." Yumuko si Oly at muling ngumiti bago dali-daling lumabas sa restaurant. Hindi niya napansin si Kade na nakatayo sa isang gilid. "Gusto namin siya." Tumayo ang matandang babae palapit sa anak. "Mom, bakit niyo 'yon ginawa?" reklamo niya at sinamaan ng tingin si Henry na natataranta na. "f**k," kunsumidong usal ni Kade paalis. Ngumiti lang ang dalawang matanda at nang mawala sa paningin nila ang dalawa ay nag-aya na ring umuwi. Sinundan ni Kade si Oly sa paglalakad. Hindi niya naman gano'n kagusto si Oly. Hindi niya lang naman ito malimutan dahil sa nabigay nitong matinding temptasyon sa kanya. 'Yung nangyaring halik. Hindi 'yon malimutan ni Kade. Hindi si Oly ang unang nahalikan niya pero si Oly lang ang nag-iisang babae na gusto niyang mahalikan ulit nang paulit-ulit. Ngunit sa kilos nito, mukhang mahihirapan siya. Parehas silang tumigil. Mapanghinalang tumingin si Oly sa kanyang likuran at mabilis namang nagtago si Kade sa isang sasakyan. "May sumusunod ba sa akin?" tanong ni Oly sa sarili. Lumakad siya ng tatlong hakbang pabalik para makasigurado pero wala ng ibang taong lumalakad bukod sa kanya kaya bumalik na rin siya sa paglalakad. Nakakahiya ang suot niyang damit. Kung sabagay, gabi naman na. Pagdating niya sa apartment, hingal na hingal siyang uminom ng tubig. Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala sa nangyari. Inaalok siya ng pera kapalit ulit ang sarili niya! "Gano'n ba ko kababaw tingnan?" inis niyang usal sabay tungga na sa jug. "Saan ka galing? Para ka diyang nakipaghabulan sa aso." "Hindi ka maniniwala sa naging gabi ko." Tumigil na siya nang maisip na nagtatrabaho nga pala ang kaibigan niya do'n. Tumalikod na lang siya agad at pumasok sa kwarto. Hindi niya na tinignan ang mukha ni Herl na naghihintay ng kwento. "Pero pera rin 'yon," bulong niya at binagsak na ang sarili sa kama. Kinabukasan, siya ang naunang naligo kay Herl. Plano niyang magluto sana ng sausage kaso naalala niya si Kade kaya nagtinapay na lang siya sa may kanto. Bumili siya ng tigsais na pandesal. Pwede na 'yon kaysa naman kainin niya ang bigay ng lalaki na 'yon. "Kung isoli ko kaya?" Hinugot ni Oly ang kanyang wallet. "May sapat pa kong pera kung bibili pa ko ng isa para mabuo ko ulit 'yon. Pero kung isosoli ko naman, makikita ko siya ulit. Paano kung hindi niya pala ko kilala? Paano kung trip-trip lang 'yon ng dalawang matanda na 'yon?" Mabilis niyang pinulot ang pera niya nang may mabunggo siya. Nilipad ang isang bente na mabilis niyang inapakan. Napangiti si Kade. Namamangha talaga sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD