CHAPTER 1

2039 Words
"Ate, pabili po ng lugaw yung may itlog," "Ganda, magkano isang balot ng pansit?" "Bente po," sagot ko habang sumasalok ng lugaw mula sa malaking kaldero na nasa aking harapan. Inilagay ko ito sa isang mangkok na may nakabalot na plastic at nang maging husto sa isang order ay dinagdagan ko ito ng binalatang nilagang itlog saka pinusod ang plastic. "Sige Ganda, pa order ng isang pansit," Tumango naman ako rito Inilagay ko ang binalot na lugaw sa loob ng plastic bag at nilagyan ng kalamansi at saka inabot sa bata. "Salamat," ani ko rito pagkatanggap ng bayad Sinunod ko namang ihanda ang order na pansit ng Ale at inabot ito. "Salamat po," ani ko nang matanggap ang kanyang bayad "Elle, kumain ka muna," sabay abot sa akin ni Aling Lusing ng pandesal at pansit. "Kumuha ka na rin dyan ng dalawang balot ng lugaw at itlog para sa nanay at kapatid mo," "Salamat po," ani ko sa kanya, ang may ari nitong kainan Ganito ang eksena ko sa tuwing umaga. Nagtatrabaho ako dito bilang isang tindera. Gising na ako ng alas kwatro ng umaga at dumidiretso dito sa tindahan para tumulong sa paghahanda ng pagkain bago kami magbukas. Itinabi ko muna ang pagkain na binigay para sa akin at kumuha na ng dalawang balot ng lugaw at itlog. Pagkahanda ay nagpaalam muna ako kay Aling Lusing para saglit na umuwi sa aming tinitirhan. Malapit lamang kasi ito mula rito. Kadalasan ay marami na ang mamimili sa maagang maaga. Kapag bahagyang humupa ang dagsa ng bumibili ay pinapayagan ako na ihatid muna ang pagkain sa aming bahay. Maswerte ako at mabait ang aking amo. Pagkauwi sa aming barung barong ay nadatnan ko ang aking kapatid na nakasuot ng uniporme at kasalukuyang sinusuklayan ni Mama. Sakto ang aking pagdating para may makain sya bago pumasok sa eskwela. "Ate!" bati nito sa akin. "Bunso!" ani ko sabay pisil sa kanyang pisngi na sya namang ikinangiwi nito, "Fresh na fresh ah," "Anak, kumain ka na ba?" tanong sa akin ni Mama. "Mamaya po Ma, dalhan ko po muna kayo ng almusal," at nagmano ako rito Natapos nang suklayan ni Mama si Ading. Kumuha ito ng mga mangkok at inilapag sa aming mesa samantalang inalis ko sa pagkakabuhol ang mga plastic na may lamang lugaw at itlog at isinalin sa mga mangkok. Pinagmasdan ko si Mama na malungkot ang mga mata, "Ma, wag na po kayong mabalisa. Kain po muna kayo. Kakayanin natin ito," pilit akong ngumiti kahit na unti unting nadudurog ulit ang aking puso sa aming kalagayan. Tumango na lamang ito at pinipigilang bumaba ang luha. Kung tutuusin ay bata at maganda pa rin sya ngunit dahil sa mga pinagdaanan ay bakas na sa kanyang mga mata ang pagod. Pinakain na ni Mama si Ading para maihatid na rin nya ito sa eskwela. Simula pagkabata ay mag isa kaming itinaguyod ng aking ina. Noong buo pa ang aming pamilya, maginhawa ang aming buhay. Siguro kung hindi kami iniwan ni Papa ay hindi kami nakatira dito sa barung barong at nakakapag aral pa rin sana ako. Simula nang maghiwalay ang aming mga magulang ay wala na kaming natanggap na suporta galing sa aming ama. Hindi na umuwi ng bahay si Papa at di kalaunan ay pinalayas kami ng mga Lolo at Lola dahil hindi rin nila gusto si Mama. Napilitan tuloy kaming lumipat sa isang maliit na barung barong. Minsan iniisip ko kung naalala pa ba kami ng aking ama. Wala na akong narinig mula sa kanya. Sinubukan kong hanapin sya sa f*******: ngunit wala ang kanyang pangalan. Nag aalala ba sya kung ayos lang ba kami. Hindi ba kami kamahal mahal at bakit nya kami pinabayaan. Batang bata pa si Mama at hindi pa tapos ng pag aaral nang magpakasal sila ni Papa. Kaya naman kahit gustuhin nya ay wala syang makuha na maayos na trabaho. Gayunpaman, nagsumikap ang aking ina sa pamamagitan ng iba't ibang trabaho tulad ng pagiging tindera sa palengke, paglalabandera, at pagmamani at pedicure. Iginapang ako ng aking ina para makatapos ng high school. Gustuhin ko man na magpatuloy sa kolehiyo, sa panggastos pa lamang sa araw araw bukod sa matrikula ay hindi na kakayanin. Kaya naman nagpasya na akong tumigil ng pag aaral at tumulong sa paghahanap buhay. Kahit na tapos ng senior high school ay mailap pa rin ang pagkakataon para sa isang mas maayos na trabaho. Ngayon ay nagtyatyaga ako sa pagtitinda sa umaga habang sa gabi naman ay nagjajanitress sa isang club. Tinitiis ko kahit kayod kabayo para makatulong sa mga gastusin at para makapag ipon para sa kolehiyo. Nagmano ako kay Mama at agad na bumalik sa karinderya. Pagkarating ay naabutan ko ang isang magarang kotse na nakatigil sa harap. Nandito na uli ang aming suki. Lumapit ako para pumasok sa tindahan nang maabutan sila ni Aling Lusing na magiliw na nag uusap. "Oh, ayan na pala ang hinihintay mo!" "Good morning Elle! Yung favorite ko ulit," ani Eros. Simula nang magtrabaho ako dito ay naging suki na namin sya. Anak mayaman ngunit mapagpakumbaba at marunong makibagay. Katulad ng kanyang itsura ay maganda rin ang kalooban. Nasa ika apat na taon na sya sa kolehiyo sa kursong Business Management mula sa isang prestihiyosong unibersidad. Ngumiti naman ako rito at inihanda ang paborito nyang almusal na macaroni. Pagkatapos ibalot sa plastic ay inabot ko ito sa kanya. Inabot nya ang isang libo bilang bayad. "May mas maliit ka bang bill? Kulang kasi ang panukli ko," "Keep the change," Nagtataka ko syang tinignan, "Pero..." Ngumiti sya sa akin, "Para sa 'yo ang sukli," "Pero mauubos ang baon mo," Natawa naman sya sa aking sinabi, "It's okay Elle. Masarap naman yung macaroni," "S-salamat," tugon ko. Hindi na ako nakipagtalo pa. Siguro nga ay maliit na halaga lang ito para sa kanilang mayayaman, samantalang ginto na para sa akin. "Elle, Aling Lusing alis na po ako," paalam nya "Ingat ka Anak," tugon ni Aling Lusing. Kumaway naman ako sa kanya habang papasok sya ng kotse. Dumaan ang kalahating araw at naging maayos ang aming benta. Dito na rin ako pinagtanghalian ng aking amo. Sa aking pagtatrabaho ay libre na ang aking almusal pati tanghalian. Nagpapasalamat ako dahil kahit paano ay mabuti ang kalooban ng aking pinagtatrabahuan. Pagkaraan ng dagsa ng mamimili sa tanghalian ay nagsara na rin kami ng tindahan. Inabot sa akin ni Aling Lusing ang aking sweldo para sa araw na ito. Matapos magpasalamat ay umuwi na ako sa amin. Dumaan muna ako sa malapit na tindahan para bumili ng isang kilong bigas. Pagkatapos ay pumunta ako sa nagtitinda ng fried chicken. Mula sa binigay sa akin ni Eros ay kumuha ako ng otsenta para sa dalawang pirasong manok. Tiyak ay matutuwa sina Mama at Ading dahil masarap ang aming ulam mamayang gabi. Pagkauwi ay nadatnan ko ang kapatid na gumagawa ng kanyang takdang aralin habang si Mama ay namamalantsa. Lumapit ako kay Mama at nagmano, "Elle, nagtanghalian ka na ba? May itinabi akong pritong itlog at may kanin pa sa kaldero," "Kumain na po ako kina Aling Lusing, Ma. Sya nga po pala, may pasalubong po ako," nakangiti kong sabi "Wow! Fried chicken! Thank you Ate!" sabay palakpak pa ni Ading nang makitang inilalagay ko ang pagkain sa isang mangkok. Napangiti naman ako rito, "Galingan mo pa sa pag aaral, Bunso para sa susunod, may kasama nang spaghetti," "Sige po Ate, mas sisipagan ko pong mag aral," "Anak, saan ka kumuha ng pambili?" tanong sa akin ni Mama. "Binigyan po ako ng tip ng isang customer," sagot ko "H'wag mong gastusin ang pera mo para sa amin, ang importante ay makaipon ka para sa pag aaral mo," paalala ni Mama "Opo, Ma. Magtatabi po ako mula sa aking tinanggap para sa ipon ko. Naisip ko lang po na minsan lang naman tayo makakain nito at dahil may ekstra naman po akong kita ngayon kaya bumili na rin po ako para sa atin," "Salamat, Anak. H'wag kang mag alala, ang sabi sa akin ng Tita mo ay magpapadala sya ng pera sa isang buwan para makatulong sa pag aaral mo," "Salamat, Ma," sabay yakap ko sa aking ina. Hinila nya ang kanyang kuwelyo para ipunas sa kanyang luha. "H'wag kang mag alala Ma, magsisikap po ako para maiangat ang ating buhay. Mahal ko po kayo," sambit ko habang pinipigilang bumagsak ang aking mga luha. "Ang swerte ko at ikaw at ang kapatid mo ang mga anak ko. Pagpalain ka nawa ng Panginoon, Elle," Matapos kumalma ay nagpaalam na rin ako para maligo dahil mayamaya ay papasok na rin ako sa club. Pagkaligo ay nagpalit ako ng damit at nag ayos ng sarili. Kumain na muna ako ng natirang kanin at pinritong itlog at pumarte ng bahagi ng pinritong manok. Nagpaalam na ako kina Mama at Ading at umalis na ng bahay. Sumakay ako ng jeep at ibinaba ako sa tapat ng pinagtatrabahuang bar. Ipinakita ko ang aking ID sa guwardya at pinapasok ako. Dumiretso ako sa kwarto kung saan naroon ang aming mga locker para makapagpalit ng uniporme. Pagkaraan ay tinipon kami ng aming bisor para ibilin ang kanya kanya naming mga toka. Nakatoka ako at ang ibang kasamahan sa VIP area. Mahigpit ang bilin sa amin ng bisor na maging alerto at h'wag gagawa ng anumang katangahan o gulo, bagkus ay tahimik na maglinis lamang. Ayaw ng pamunuan na may mairereklamo sa kanila kaya nararapat na ayusin namin nang maiigi ang trabaho lalo na't may sinabi sa buhay ang mga kliyente dito. Bitbit ang walis at pangmop ay umakyat na kami sa VIP area. Kanya kanya kaming linis sa lugar na ito bago dumating ang mga kliyente. Pagkaraan ay nagtungo kami sa isang silid kung saan kami nakahimpil. Dito kami mananatili habang naghihintay na tawagin ng aming bisor kung sakaling may kailangang linisin sa VIP area. Mula sa loob ay kita namin mula sa glass wall ang mga kliyente na pumapasok sa VIP lounge. Kahit na salamin ang dingding ay hindi kami nakikita ng mga guest sa loob. May mga couch at table na nakalaan para sa kanila. Sa harapan naman ay mayroong entablado para sa mga magsasayaw mamaya. Mayroon ding mga bouncer na nakapaligid. Mayroong isang pangkat ng kalalakihan na may kasamang ilang babae na syang nakaupo malapit sa stage. May kasama rin silang mga bodyguard na nagbabantay sa loob ng silid. Napukaw naman ang aking tingin sa isang lalaki na mag-isang umiinom. Nasa likod sya ng mga nakaupo sa bandang harap. Tulad nila ay may mga bodyguard din ito na nakapaligid sa lugar. Tila wala syang balak na huminto sa pag-inom. Habang nagkakasiyahan ang isang pangkat ay tahimik lamang syang nagpapakalango sa alak. Seryoso ang mukha at malalim ang nakapaloob sa kanyang mga mata. Base sa kanyang itsura ay mukhang may halo itong ibang lahi. Matangos ang ilong at manipis ang mga mapupula nitong labi. Prominente ang kanyang panga at umaalon ang adam's apple nito sa bawat lagok ng alak. May mga bagong tubo itong balbas sa paligid ng kanyang bibig. Makapal at magulo ang kanyang buhok. Simple lamang ang kanyang suot na puting button down shirt at slacks ngunit mistula syang modelo. Ang mamahaling relo na nakasuot sa kanyang kamay ay lalong nagiging prominente. Bukod sa magandang itsura ay matipuno rin ang katawan nito. Sa tuwing iaangat nya ang kanyang braso upang inumin ang baso ng alak na hawak ng kanyang kamay ay bakat ang magandang depinisyon ng kanyang muscle. Diretso lamang ang kanyang tingin at tahimik na nanonood sa babaeng nagsasayaw na ngayon sa harapan. Mapang akit ang sayaw ng babae at tila hinahalina ang mga manonood. Biglang naagaw ang aking atensyon nang bigla akong hatakin ng kasama sa trabaho, "Elle, halika na! Baka pagalitan tayo ni Sir!" Napatingin ako sa aking kasama at napagtanto na tinatawag na pala kami ng aming bisor. Nalibang pala ako sa kakatitig sa lalaking iyon. Tumango ako sa aking kasama at tinignan muli ang lalaki. Marami na akong nakitang mga magaganda at matipunong lalaki dito sa club, ngunit kakaiba ang dating nya sa akin. May kung anong nakapaloob sa kanyang mga mata na tila hinihila ako upang tignan sya. "Elle, ano ba! Tara na!" iritado na ang aking kasama "O-oo, pasensya na," at agad akong sumunod sa aking kasama palabas ng aming kwarto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD