SUMABAY sa malakas na pagbuhos ng ulan ang sunod-sunod na pagtulo ng mga luha ni Christmas habang hinihintay ang pagdating ni Throne sa labas ng kanyang kotse. Kausap pa rin niya sa kabilang linya ang binata.
"Pipilitin ko nang magsalita ngayon kasi hindi ako sigurado kung magagawa ko pang magsalita kapag kaharap na kita," tila amused na natawa si Throne. "Because when I'm in front of you, all I want to do is just kiss you."
Napasigok siya. Hearing him say all those things for the first time made her so glad that she took the risk. Humigpit ang pagkakahawak niya sa payong nang umihip ang malakas na hangin.
"Ma'am, ako na lang po ang maghihintay sa kanya. Pumasok na po muna kayo sa kotse-"
Sandali niyang inilayo ang cell phone sa kanyang tainga. "I can't." Napailing pa siya nang tumingin kay Rodrigo. "Walang dalang payong si Throne. Gusto kong salubungin siya kaagad kasi siguradong magpapaulan 'yon." Akmang magsasalita pa si Rodrigo nang makarinig sila ng sunod-sunod na pagbusina ng isang paparating na sasakyan. Pumarada iyon malapit sa kanila.
Sandaling nasilaw si Christmas sa headlights ng sasakyan bago unti-unting sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi nang makita kung sino ang nasa likod ng manibela. Muli niyang ibinalik ang cell phone sa kanyang tainga nang makitang nagsasalita ang binata.
"Alam mo bang simula nang makilala kita, naging gahaman na ako sa bawat pagngiti mo? Because your every smile, your every happy reaction, has this silly ability to define my day." His words were like... a warm embrace to her.
"I love you, Throne," sa halip ay sagot niya. "Hindi ako nakipag-date sa iba. Sa 'yo lang."
ILANG segundong nanatiling nakatitig lang si Throne sa nakatayong pigura ni Christmas paharap sa kanyang kotse. Sa pinaghalong liwanag na nagmumula sa poste at sa headlights ng kanyang sasakyan ay hindi nakaligtas sa kanya ang pagtulo ng luha ng dalaga kasabay ng pagtatapat nito ng pagmamahal sa kanya.
Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakarinig si Throne ng ganoon. He had heard those words many times before from the women he had dated, hoping against hope that they would be able to somehow ease the emptiness he had been hiding all along. But those words never sounded real until... they came from Christmas.
Nanatiling nakasunod ang mga mata niya kay Christmas habang marahan itong naglalakad palapit sa kanyang kotse. Malayang pinaglalaruan ng hangin ang alon-along buhok nito pati na ang dilaw na bestida nitong hanggang tuhod lang ang haba. Sa gitna ng dilim ay mistulang bituin na nagniningning si Christmas tulad ng mga mata nito nang mga sandaling iyon. Seeing her like that made the last of his defenses crumble. Mabilis na bumaba siya ng kotse. Maagap naman si Christmas sa pagsalubong sa kanya kasabay ng pagpapayong nito sa kanya.
"Throne..."
"Sshh." Parang may sariling isip na umangat ang kanyang kamay at masuyong hinaplos ang mga labi ng dalaga, mga labing ilang gabi ring nagpahirap sa kanya sa kaiisip sa mga pinagsaluhan nilang halik. "'Sabi ko, ako ang magko-confess, 'di ba?"
"Magko-confess? Ibig sabihin... mahal mo rin ako?"
Naaaliw na napangiti si Throne. Standing there, looking the best that she could, how could he still deny it? Inilapit niya ang sarili kay Christmas at bumulong sa tainga nito. "Fine," namamaos ang boses na sinabi niya nang malanghap ang mabining pabango ng dalaga. Kasabay niyon ay narinig niya ang malakas na pagsinghap nito. "Let me tell you something really awkward... I've fallen in love with you, too." Lumawak ang pagkakangiti niya nang tangkang magsasalita pa si Christmas. Kahit kailan ay napakakulit talaga nito. Mabilis na hinapit niya ang dalaga sa baywang at hinalikan sa mga labi.
I told you, all I want to do is kiss you.
Sa gitna ng malakas na ulan at hangin ay nakapagtatakang hindi man lang nakaramdam si Throne ng panlalamig. Her kisses gave him shelter. Tama si Brylle. Sa pamamagitan ni Christmas ay may matutuluyan na siya.
Ipinaikot nito ang mga braso sa kanyang batok dahilan para mabitiwan ni Christmas ang payong nila.
Napamulat si Throne at sandaling pinakawalan ang dalaga, pagkatapos ay napasulyap sa kalangitan at sinalubong ang bawat patak ng ulan. Ngayon niya na-realize na gusto na rin pala niya ang ulan. Muli siyang tumingin sa kauna-unahang babaeng bumulabog sa kanyang puso. Masuyo niyang hinawakan ang malalambot na palad nito.
"You have my world in your hand and my heart in the other. Kaya ingatan mo sana ang mga bagong pagmamay-ari mo kasabay ng pag-iingat mo... sa mga kamay na ito."
"GUSTO ko sanang magsimba na kasama ka," nagpaparinig na sinabi ni Christmas nang makita ang madaraanan nila ni Throne na simbahan. Nilingon niya ang binata na kasalukuyan pa ring tutok na tutok sa pagmamaneho. Nang hindi ito kumibo ay pinagsalikop niya ang kanilang mga palad. "Alam mo bang simula nang maging tayo, 'yon ang unang-una kong gustong gawin natin?"
Sinulyapan siya ni Throne. "Sa susunod na lang. There's this Japanese restaurant nearby that we could try-"
"Pero masyado pa namang maaga para kumain." Sumandal si Christmas sa balikat ni Throne at sandaling ipinikit ang mga mata. Nang maramdaman niya ang mainit na palad nito na humawak sa kamay niya ay napangiti na siya. Para bang biglang tinangay ng simpleng ginawang iyon ng binata ang lahat ng pagod at antok na naramdaman niya dala ng maghapong pag-aasikaso sa kanyang restaurant. Sa susunod na linggo na ang opening niyon kaya naman madalas na siyang abala kasama ng kanyang mga empleyado.
"Sinabi ko naman sa 'yo na 'wag kang magpakapagod nang husto. Hindi ka nakikinig."
Nangingiting iminulat ni Christmas nag mga mata at tinitigan ang guwapong mukha ni Throne. Maliban sa hindi maikakailang paglalambing ng binata, na bigla na lang lumalabas nang hindi nito namamalayan ay wala namang gaanong nagbago kay Throne mula nang gabing nagkaunawaan sila. Kahit na nanenermon ay hindi nito naitago ang pag-aalala.
Lahat ng gustuhin ni Throne ay ginagawa nito kaagad sa kanya. May mga pagkakataong bigla na lang siyang hahapitin ng binata sa kanyang baywang at sisiilin ng halik sa mga labi. Ginagawa iyon ni Throne kahit saan at kahit kailan nito gusto. Pero sino ba siya para magreklamo kung ganoong halos kahalati ng kanyang buhay ay hinintay niyang mangyari iyon?
"I love you, Throne," wala sa loob na bulong ni Christmas. Ilang sandaling natigilan ang binata bago niya narinig ang marahas na paghinga nito, pagkatapos ay lalo pang binilisan ni Throne ang pagmamaneho. Mayamaya ay nagulat na lang siya nang bigla nitong ihinto ang sasakyan.
"Throne-"
Inalis nito ang sariling seat belt saka inilapit ang sarili sa kanya. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok nang ilapit ng binata ang bibig sa kanyang tainga. "You really have a way of getting what you want. Hanggang ngayon, pinag-iisipan ko pa kung advantage o disadvantage ang bagay na 'yon." Damang-dama niya ang mainit na hininga ni Throne sa kanyang balat. Lalo na nang masuyong idinikit nito ang noo nito sa kanyang noo.
"I love you, too. Tara na?" mayamaya ay tila walang nagawang sinabi ni Throne.
Nanlaki ang mga mata ni Christmas. Saka lang niya napansing naalis na ng binata ang kanyang seat belt. Namangha siya nang malamang nasa tapat na sila ng simbahan nang sumilip siya sa bintana. "Gusto mo na ring magsimba?"
Nagkibit-balikat si Throne. "Gusto mo, eh. May magagawa pa ba 'ko?"
Muli siyang napangiti. "Thank you, Throne."
Lalabas na sana siya ng kotse nang maagap siyang pigilan ni Throne sa braso, nakakunot ang noo nito. "Ilang beses ko bang kailangang sabihin sa 'yo na sa panahon ngayon, wala nang libre? Hindi lahat, nadadaan sa simpleng salamat. Lalo na sa 'kin."
Bago pa man makapagsalita si Christmas ay nasa batok na niya ang isang kamay ni Throne at sakop na ng mga labi nito ang kanyang mga labi. Maingat iyon at masuyo na para bang gusto lang maglambing sa kanya. Nangingiting nagpaubaya siya. Ilang segundo rin ang inabot ng halik bago siya pinakawalan ng binata.
Ngumiti si Throne at pabirong pinisil ang kanyang ilong. "When it comes to me, a kiss will do."
"NO, THANKS," mabilis na napailing si Throne nang abutan siya ni Christmas ng puting kandila na binili nito sa labas ng simbahan. "I don't really pray."
Saglit na natahimik si Christmas. Mayamaya ay bumuntong-hininga ito. "Alam mo bang matagal na 'kong nagtitimping hanapin at sumbatan ang mga magulang mo? Dahil kasi sa kanila kaya ang dami mong hindi pinaniniwalaan sa mundo." Hinaplos nito ang kanyang mga pisngi. "Pero nakaraan na ang lahat ng 'yon. I can't do anything about your past though I wish I can. Pero palayain mo na ang sarili mo, Throne. The darkness is over."
He was jolted by her words. Nang salubungin ni Christmas ang kanyang mga mata ay napakalinaw ng pag-asang nasasalamin niya mula roon. Napalunok siya. Ngumiti naman si Christmas at muling iniabot sa kanya ang kandila.
"Ang sabi nila, ang pagmamahal daw, nagpapalaya. Kung totoo man 'yon, gamitin mo ako at ang pagmamahal ko... para makalaya ka na."
Napasulyap si Throne sa loob ng simbahan. Ilang beses na rin siyang humiling at nanalangin. Una ay huwag na sanang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Pangalawa ay ang balikan silang magkapatid ng mga ito. Ang iba ay hindi na niya matandaan pa. Pero wala ni isa sa mga iyon ang natupad. That was why for years, all he knew were pain, bitterness and hatred. But standing right in front of him was the woman who was willing to give him her all, someone who was willing to introduce him to hope for the very first time in his life...
Muling napatingin si Throne sa nakalahad pa ring palad ni Christmas bago niya iniangat ang sariling kamay at inabot ang kandila. Gusto niyang paniwalaang ayaw lang niyang madismaya si Christmas kaya niya ginawa iyon pero sa sulok na bahagi ng kanyang puso ay may nagtutulak sa kanyang muling maniwala... na baka sa pagkakataong iyon ay pakinggan na siya at ang mga dasal niya.
Nangislap ang mga mata ni Christmas. "Salamat," sabi nito saka siya hinila papunta sa pinagtitirikan ng mga kandila. Sinindihan ng dalaga ang mga hawak nila bago pumikit at nagdasal.
Ilang segundong napatitig si Throne sa magandang mukha ng girlfriend bago niya namalayang nagtitirik na rin pala siya ng kandila. Deretso siyang tumingin sa altar pagkatapos ay ipinikit niya ang mga mata bago pa tuluyang magbago ang kanyang isip.
I've forgotten how to pray... so forgive me if I'd go straight to the point. Thank You for the woman beside me. Nakakapagod na rin ang magalit. Kaya tulungan N'yo akong lumaya... kami ng kapatid ko para sa babaeng katabi ko. Salamat.
Ganoon na lang ang gulat ni Throne nang salubungin siya ng yakap ni Christmas pagdilat niya. Magaan iyon na para bang kinakalma siya. "Ang sabi ni Lola noong nag-aaral pa 'ko, okay lang naman daw ang ma-in love sa mga bad boy ang dating. Dahil nasa lahi rin daw namin ang mga gano'n," tumawa ang dalaga. "She said that a bad boy who enters the church with a girl is a sign... that he can be redeemed."
Natigilan si Throne. Can he really be... redeemed?
PALABAS na ng simbahan sina Christmas at Throne nang mag-ring ang cell phone ng binata. Agad na binalot ng pag-aalala ang mga mata nito nang silipin ang pangalang nakarehistro sa screen.
"Mauna ka na sa kotse. Susunod na lang ako."
Nagtataka man ay tumango na lang si Christmas at pumasok na sa sasakyan. Mula sa bintana ay sinilip niya si Throne. Kumunot ang noo niya nang makita ang pagkuyom ng kamay ng binata habang nakikinig sa sinasabi ng kausap, pati na ang pagdaan ng galit sa mukha ni Throne bago unti-unting naging blangko ang expression nito.
Nang makitang paparating na si Throne ay maagap na sinalubong niya ito. "What's wrong? Bakit parang-"
Narinig niya ang marahas na pagbuntong-hininga ng binata bago ito ngumiti pero alam niyang pilit lang iyon. "Wala 'to. Okay lang ba sa 'yo kung kay Rodrigo ka na muna sumabay? May importante lang akong pupuntahan ngayon. Emergency."
Hindi na rin naiwasan ni Christmas ang mag-alala. "Ano ba 'yon? May maitutulong ba ako? Saan ba-"
Mabilis siyang hinalikan ni Throne sa mga labi. "May maitutulong ka kung magpapahatid ka na pauwi kay Rodrigo. 'Wag ka nang mag-alala. I can handle this. I'll just call you later."
Walang nagawang tumango na lang si Christmas at nagpaalam na. Akmang papasok na si Throne sa sariling kotse nang muli niya itong lapitan. "Natatandaan mo pa ba ang binanggit ko sa 'yo kanina?" Nang magsalubong ang mga kilay ng binata ay nagtuloy-tuloy na siya sa pagsasalita. "Gusto na kasi kitang ipakilala kay Kuya Jet. Pwede ka bang... mag-dinner sa bahay bukas ng gabi? I'll cook."
Sa pagkakataong iyon ay malinaw na niyang nakita ang pagrehistro ng galit sa mga mata ni Throne dahilan para bahagya siyang mapaatras palayo sa binata. "T-Throne, may nasabi ba akong masama? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo-"
"Nothing," pormal na sagot ng binata. "Darating ako bukas ng gabi. It will be an honor to see an old friend again. After all... Jethro and I have a lot of catching up to do."
Hindi na nakapagsalita pa si Christmas. Napaawang ang bibig niya nang dere-deretso nang sumakay sa kotse si Throne at pinaharurot iyon palayo.
"WHAT the heck happened?" nagsisikip ang dibdib na tanong ni Throne sa nurse habang nakatingin sa humahagulgol pa ring kapatid na pagdating niya sa kwarto ay agad na napatitig sa kanya at para bang takot na takot na lumakas ang pag-iyak.
"Hindi ko rin maintindihan, Mr. Madrigal. Pero kanina, habang tinitingnan ko ang blood pressure ng pasyente, may pumasok dito at nagpakilalang Chad Galvez."
Kumunot ang noo ni Throne. Kilala niya ang lalaking tinutukoy ng nurse. Manager iyon ng kapatid. Kay Chad lang niya ipinaalam ang sitwasyon ni Cassandra nang ilang beses tangkain ng lalaki na tawagan ang kanyang kapatid. Kasabay niyon ay pinakiusapan niya ang manager nito na ilihim ang tungkol doon sa iba.
"Nang makita siya ng kapatid ninyo ay naging ganyan na ho siya." Nagkibit-balikat ang nurse. "Siguro ay may naalala siya bigla na siyang nag-trigger para magkaganyan siya." Tumingin ito sa kanya. "Gusto n'yo ho bang turukan namin siya ng-"
"No," maagap na sagot ni Throne. "Just go. Thank you."
Nang marinig niya ang mahihinang yabag ng nurse palayo ay dahan-dahan siyang lumapit sa kama ni Cassandra. Iniangat niya ang mukha ng kapatid at masuyong pinunasan ang mga luha nito. Inatake siya ng kanyang konsensiya. Habang siya ay nagpapakasaya sa piling ng iba, naririto at nahihirapan ang kanyang kapatid.
Nang hindi pa rin huminto si Cassandra sa pag-iyak ay niyakap niya na ito. "Si Kuya lang 'to, Cassey. Tama na, please?" aniya nang biglang pumalag ang kapatid. Marahang tinapik-tapik niya ang likod nito. "At ang bumisita sa 'yo kanina, si Chad lang 'yon, ang manager mo. Kaya 'wag kang matakot. No one will ever hurt you here."
Nang maramdaman ni Throne ang unti-unting paghupa ng emosyon ni Cassandra ay naipikit niya nang mariin ang kanyang mga mata. Kasabay niyon ay ang muling pagbangon ng galit sa kanyang puso na ngayon na lang niya muling naramdaman.
"It's that Jethro Llaneras, right? Siya ang dahilan kung bakit nagkakaganyan ka sa lahat ng lalaking nakikita mo. They remind you of him." Dahan-dahan siyang kumalas sa kapatid at tinitigan ang luhaang mukha nito. Nagdilim ang anyo niya nang makita ang pagkabigla ni Cassandra. "'Wag kang mag-alala. I'm already working on Christmas, his baby sister. We'll get even, Cassandra. Ipinapangako ko 'yan sa 'yo."
Naikuyom ni Throne ang mga kamay nang maalala ang magandang mukha ng kauna-unahang babaeng nagpatibok sa kanyang puso. God... how he wished his life was different.
SANDALING hindi nakagalaw si Christmas pagkatapos marinig ang mga sinabi ni Throne sa babaeng tinawag nitong Cassandra. Hindi na mahirap para sa kanyang hulaan na si Cassandra ang sinasabi ni Throne na nag-iisang kapatid nito.
Mariin siyang napakapit sa doorknob ng pinto na marahil ay nakaligtaang isara ng nurse na siyang naabutan niyang lumabas mula sa kwarto. Kahit na nanginginig pa ay maingat niyang isinara ang pinto pagkatapos ay malakas na tinapik-tapik ang dibdib sa pag-asang mawawala ang matinding kirot na kanyang nararamdaman.
Hindi siya mapakali sa nakitang itsura ni Throne noong nasa simbahan sila kaya kahit pa pagod sa maghapong trabaho ay nagpasama siya kay Rodrigo para sundan ang binata. Noong una ay nagtaka pa siya nang huminto si Throne sa isang pribadong ospital. Pero ngayon ay sa sariling bibig na mismo nito niya nalaman ang dahilan.
Naguguluhang napaluha siya. Si Cassandra? Ang akala niya ay nasa Milan ang babae at doon nagtatrabaho bilang modelo. Iyon ay ayon na rin kay Throne. Si Cassandra ba ang dahilan kung bakit nagpapakalunod sa alak at trabaho ang kuya Jethro niya? Pero ano ang nangyari sa kapatid ni Throne at ano ang kinalaman ng kuya niya roon? Ang akala niya ay si Cassandra ang siyang nakipaghiwalay sa kapatid niya? Pero bakit tila lumalabas na ang kapatid niya ang siyang nagkasala? At si Throne? Paano niya tatanggapin ang mga sinabi nito tungkol sa kanya?
"It's weird but whenever I look at him, I see... rage."
Biglang sumagi sa isip ni Christmas ang sinabi na iyon ng kanyang kinakapatid. So, Dana was right... all this crazy time? How could she accept the fact that everything was just a show right from the very start?
Parang masisiraan ng ulo na napatalikod siya at uuwi na muna sana para makapag-isip nang mapasinghap siya sa nabungaran. Naroon at nasa likod niya ang kanyang Kuya Jethro. He was clenching his jaw. Base sa reaksiyon ng kapatid ay alam niyang hindi lang siya ang nakarinig ng usapan nina Throne at Cassandra sa loob ng kwarto. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagdaan ng sakit sa mga mata ng kapatid bago nanumbalik doon ang galit.
"Totoo ba? Are you and Throne dating behind my back?" Mariin siyang hinawakan ng kuya niya sa braso nang hindi siya nakasagot. "Tell me the damn truth, Chris! May relasyon ba kayo?"
Pumatak ang kanyang mga luha. "Kuya-"
"No, dammit!" Gigil na gigil na binitiwan siya ng kapatid at para bang tigreng susugod sana sa loob ng kwarto pero nakikiusap na pinigilan niya ito. "Sa labas tayo mag-usap, Kuya. Please."
Ilang sandali siyang tinitigan ng kapatid pagkatapos ay narinig niya ang mahinang pagmumura nito kasabay ng paghawak sa kanyang braso at paghila sa kanya palabas ng ospital.
"SA LOOB ng ilang buwan, nanahimik ako, Kuya. Wala kang narinig sa 'kin kahit alam mong ang dami kong tanong. But you have to break your silence now," mahinang pagbasag ni Christmas sa katahimikan sa pagitan nila ng kapatid sa loob ng kotse nito. Napatingin siya sa bintana ng sasakyan para itago ang mga luhang hindi niya alam kung paano patitigilin sa pagbagsak.
"Chris..." nang hawakan siya ng kapatid sa balikat ay hindi na niya napigilan ang paghagulgol. Pumaloob siya sa nakabukas na mga braso ng kapatid.
"H-help me... understand, please."
Iyon ang kauna-unahang beses na nagmahal si Christmas. At sa pinaghalong sakit at pagkalito sa kanyang puso ay baka siya naman ang bumigay kapag hindi nasagot ang kanyang mga tanong.
"Hell, I never thought Madrigal would stoop this low." Sunod-sunod na malalalim na paghinga ang pinakawalan ng kapatid para marahil ay kalmahin ang sarili. "Nabuntis si Cassandra pero nakunan siya nang hindi niya kayanin ang depression nang iwan siya ng lalaking mahal niya. But it wasn't me who got her pregnant, Chris. It was her manager, Chad Galvez."
Hindi makapaniwalang napatingala siya sa kapatid.
"Nagpaalam siya sa 'kin noon na pupunta sa Milan para doon mag-shooting. She said she'll be staying there for a month. Hinayaan ko siya. I had a plan that when she comes back..." he was breathing heavily. "I'll ask her hand for marriage. Pero hindi na 'yon nangyari. Nahuli siya ni Rodrigo nang minsang mag-day off at bisitahin ang in-laws niya kasama ang kanyang asawa sa Antipolo. Ang sabi ni Rodrigo, nakita raw niya si Cassandra, kissing her manager in broad daylight, sa tapat ng bahay ng in-laws niya." Natawa si Jethro pero walang kasing pait ang dating niyon sa kanyang pandinig. "Noong una, ayoko pa ngang maniwala. But Rodrigo had no reason to lie. Para na rin kaming magkapatid. So, I went there. It turned out... it was their love nest."
Napasinghap siya. "Kuya..." Kinabig siya ng kapatid at muling niyakap. Gusto sana niyang kumawala pero lang iyong humigpit.
"Dyan ka na muna. I don't want you to see me with these awful tears. It'll freak you out."
"I'm sorry."
"Ginamit niya lang ako para hindi mahalata ng malalapit sa kanya na may relasyon sila ng manager niya, because the lucky bastard already has two kids and a wife who's probably just as stupid as me," parang walang narinig na sagot ng Kuya Jethro niya. "Pero mahal ko siya at wala na akong pakialam sa salitang pride nang mga oras na 'yon. Instead, I asked her to leave him and marry me. But she was cruel... until the very last minute. Pinili niya pa rin si Chad. Dahil mahal niya raw... si Chad."
KASABAY ng pagpikit ni Jethro ay ang pagbuhos ng mga alaalang sinikap niyang kalimutan sa nakalipas na mga buwan pero madalas ay bigo siya dahil para iyong anino na parating nakasunod sa kanya at hindi niya maitaboy-taboy kahit ano pang gawin niya.
"He left me, Jet."
Natigilan si Jethro pagkarinig sa sinabing iyon ni Cassandra pagkatapos niyang sagutin ang tawag ng dalaga. Ilang linggo na rin silang walang komunikasyon nito pagkatapos nilang maghiwalay pero wala pa ring nagbago dahil muli pa rin niyang naramdaman ang pagkabuhay ng kanyang puso nang muling marinig ang boses nito. Pero agad rin iyong naglaho nang ang pag-iyak ni Cassandra sa kabilang linya ang sumunod na narinig niya.
"Iniwan niya ako nang malaman niyang buntis ako, Jet."
Napahugot siya ng malalim na hininga. Kung siya lang ang pinili noon ni Cassandra, kahit kailan ay hindi niya ito iiwan. Pangmatagalan ang nakahanda niyang ialok rito. Pero mas pinili nito ang alam nitong panandalian lang. Handa siyang tanggapin ang anak nito at pakasalan pa rin ito sa kabila ng mga nangyari. Ganoon niya kamahal si Cassandra.
Tuluyan nang nawalan ng gana sa mga binabasang dokumento si Jethro. Isinandal niya ang likod sa swivel chair. Sa kabila ng pagod ay hindi niya magawang makapagpahinga. His mind and heart were both restless. "And what do you want me to do now?"
Say you'll come back to me, Cassandra. Just say the word... and I swear; I will come running to you.
Napakaraming plano ni Jethro para sa kanilang dalawa. Isa sa mga iyon ay ang pag-amin sa publiko ng tungkol sa relasyon nila ng dalaga. Gusto sana niya iyong gawin sa mismong araw ng pagpo-propose niya na hindi na nabigyang katuparan. Hindi na rin siya nagkaroon ng pagkakataong maipakilala si Cassandra sa kanyang abuela pati na sa nag-iisang kapatid. Gusto niya sanang dalhin ang dalaga sa Spain at pormal na ipakilala sa dalawa kapag fiancée niya na ito. He drew a sharp breath upon the thought.
"Tulungan mo akong makausap siya, Jet. Wala na akong malapitan pang iba bukod sa 'yo. Hindi ko kakayanin kapag nawala siya. Baka mabaliw ako."
The moment of hope was gone. Dumiin ang pagkakahawak niya sa kanyang cell phone kasabay ng muling pagkadurog ng kanyang puso. Bakit ba kasi umasa-asa pa siya? "That's it?" Natawa siya pero wala iyong buhay kahit sa kanyang pandinig. "How can you be this harsh, Cassandra? Ano'ng nagawa ko sa 'yo para tratuhin mo 'ko nang ganito?"
"I-I'm sorry, Jet-"
"Para saan? Sa panggagamit mo sa 'kin? Sa pagpapaniwala sa 'king mahal mo ako? Or for calling me to help you after he left you?"
Nang hindi kaagad nakasagot sa kabilang linya si Cassandra ay pinindot na ni Jethro ang End button. Inalis niya ang sim card ng cell phone at itinapon sa trash can na malapit sa kanya.
Mapait siyang napangiti nang mapasulyap sa wristwatch. Alas-nuwebe y media na ng gabi pero nasa opisina pa rin siya at isinusubsob ang sarili sa trabaho para lang makalimutan si Cassandra kahit na sandali.
Pagkalipas ng tatlong araw ay sumunod siya sa kapatid sa Spain, umaasang maiibsan kahit paano sa kanyang puso ang sakit. Pero kahit naroon na siya ay hindi pa rin niya napigilan ang sariling pasubaybayan si Cassandra kay Rodrigo sa Pilipinas kaya alam niya ang lahat ng nangyari sa dalaga.
"Bakit ka nandito?" Nahinto si Jethro sa pagbabalik-tanaw nang marinig ang namamaos na boses ni Christmas. "Dahil mahal mo pa rin si Cassandra, 'di ba? Kaya hindi mo mapigilan ang sarili mo na makita siya. It's funny how we fell in love with the people who constantly hurt us." Kumawala ang kapatid sa yakap niya at deretsong tumitig sa kanyang mga mata. "Pero masaya akong malaman na wala ka palang kinalaman sa nangyari kay Cassandra, Kuya."
"Layuan mo na si Throne simula ngayon-"
"Hindi ko kaya. Mahal ko siya, Kuya."
He gritted his teeth. Kailan ba sila tatantanan ng mga Madrigal?
"I CAN'T just let you be with him!" Kulang na lang ay maglabas ng apoy ang mga mata ng kanyang Kuya Jethro habang hawak siya nito sa balikat. "Hindi mo pa rin ba naiintindihan? You're not safe with him!"
Napayuko si Christmas. Ngayon ay naiintindihan niya na kung bakit palaging iniiwasan ni Throne na mapag-usapan nila ang kapatid niya sa tuwing magkasama sila. Walang dudang nasasaktan pa rin siya. Hindi biro para sa kanya ang malaman na ginagamit lang pala siya ni Throne para ipaghiganti si Cassandra sa inaakala nitong kasalanan ng kuya niya. Pero mahal na mahal niya si Throne at hindi niya kayang ibuko ang lahat sa takot na baka mawala ang binata sa buhay niya.
"At ano'ng gusto mong gawin ko, Kuya Jet? Bumalik sa ospital at ipamukha sa kanyang mali siya? Pagkatapos, ano? Iiwan niya ako dahil wala naman pala akong halaga sa kanya? Paano naman ako?" Malungkot ang mga matang hinarap niya ang kapatid. "I don't want him to lose his reason to be with me. Siguro nga, hindi niya ako mahal pero 'di bale na. Ang mahalaga, kasama ko siya."
Gustong magalit ni Christmas kay Throne pero maliban sa sama ng loob ay wala na siyang maramdaman pang iba para sa binata. Mali ang ginagamit nitong paraan para patunayan ang pagmamahal kay Cassandra. But at the end of the day, he was just like the rest of the brothers in the world who would do anything to protect his sibling. Nagmamahal lang ito sa kapatid, at ginagawa ang inaakala nitong tama.
"You're so damn stupid that I want to be ashamed we're siblings."
"Naranasan mo na ang magmahal, 'di ba? Kaya dapat, alam mo ang pakiramdam na kapag hindi mo kasama ang taong mahal mo, para kang naliligaw." Mapakla siyang ngumiti. "Because that's exactly how I feel, Kuya Jet. Without Throne... I'll be lost."
Nagtaas na ng boses ang kuya niya. "Pero masasaktan ka lang-"
"Hindi bale na. 'Wag lang akong maligaw." Muling tinanaw ni Christmas ang ospital na pinanggalingan na para bang makikita niya roon si Throne. "Oo. Siguro nga, iiwan niya rin ako. Wala akong magagawa, parte iyon ng plano niya. Pero umaasa akong bago mangyari ang araw na 'yon ay nakaipon na ako ng maraming memories... na itatago ko. I just want to feel his love in the meantime. Because everything has been real for me from the very beginning... no matter how fake it has been for him."
Damang-dama ni Christmas ang pagkadismaya ng kuya niya nang bumuntong-hininga ito dahil iyon din mismo ang kanyang nararamdaman sa sarili.
"Sa loob ng ilang taon, iningatan kita, Chris. Ni ayaw kitang padapuan sa insekto. 'Tapos ngayon, sasaktan ka lang ng isang tulad niya?"
Humarap si Christmas sa kapatid pagkatapos ay muli itong niyakap. "Hayaan mo na 'ko, Kuya. Kaya ko pa naman," namamasa ang mga matang sinabi niya. "Promise, kapag hindi na kaya ng puso ko, ako na ang kusang bibitaw."