PROLOGUE

1435 Words
Nalukot ang mukha ni Kristine habang pinupunasan ang mga butil ng pawis na namuo sa kanyang noo. Basang-basa na ang nag-iisang panyo niyang dala kakapunas magmula nang makarating siya sa siyudad ng Maynila. Malayong-malayo ang klima sa nakagisnan niyang probinsiya. Nakakasulasok ang mga usok na ibinubuga ng mga sasakyan. Halos wala nang puno sa paligid kaya wala rin siyang masilungan. Hawak-hawak ang payong sa isang kamay at piraso naman ng karton pamaypay sa kabila ay binagtas niya ang mainit na daan upang humagilap ng mga kompanyang naghahanap ng trabaho. Pagod na pagod na ang kanyang mga binti kakalakad, pero hindi siya pwedeng sumuko. Kailangan muna niyang makapagpasa ng resume kahit sa limang iba't ibang kompanya na muna, para kahit papaano ay mataas ang tiyansa niyang matawagan para sa interview. Mahirap pa naman ang kompetisyon sa siyudad. Nang hindi na matiis ang init at pagod ay saglit siyang umupo sa isang bench sa ilalim ng puno. Laking pasasalamat niya at may nasilungan siya. Nang ilibot ang mata sa paligid ay napatango na lang siya nang mapagtantong nasa parke pala siya. Nanunuyo na ang lalamunan niya dahil mahigit isang oras na siyang hindi umiinom ng tubig. Naubos na kasi ang baon niyang tubig at kung bibili naman siya ay napakamahal naman nito para sa isang maliit na bote ng tubig. Tanging paglunok ng laway na lang ang ginagawa niya para kahit papaano ay mapawi ang uhaw niya. Tiningnan din niya ang dala niyang biskwit at paubos na ito. Gutom na gutom na siya, ngunit kailangan niyang magtiis upang makatipid dahil hindi niya alam kung hanggang kailan siya rito. Kailangan niyang masigurong magkakasya ang perang dala niya. Sa isip-isip niya ay kakain lamang siya ng masarap kapag nakahanap na siya ng trabaho. Marahan siyang bumuga ng hangin bago kinuha ang mùmurahing cellphone na ginamitan na lang niya ng lastiko para hindi matanggal ang screen. Tiningnan niya ang ginawa niyang listahan ng mga kompanyang pag-apply-an niya. Tatlo sa mga ito ay napasahan na niya ng resume. Malayo pa siya sa target niya, kaya kailangan niyang maka-lima kahit ngayong araw lang. "Laban, Tin," sambit niya sa sarili at humigop ng hangin bago ito marahang ibinuga. "Never lose hope dahil kailangan," dagdag niya bago tumitig sa cellphone niya kung saan ang lock screen ay ang family picture nila. Apat silang magkakapatid at siya ang panganay. Magkokolehiyo na ang sumunod sa kanya at ang dalawa naman ay nasa high school na. Sa mahal ng bilihin at sa laki ng gastusin ay hindi na kinakaya ng mga magulang niya. Tindera sa palengke ang ina niya at construction worker naman ang ama. Sapat lang ang kinikita nila sa pang-araw-araw na gastusin. Mabuti na nga lang at may full scholarship grant siya mula sa provincial government nang magkolehiyo siya kaya hindi gaanong nabigatan ang mga magulang niya. Dalawang buwan pa lang nang makapagtapos siya ng kursong Human Resource Management. Dahil wala namang masyadong job opportunity para sa mga fresh graduate sa probinsya nila ay napilitan siyang lumuwas ng Maynila dahil mas maraming job offers. Kailangan na kailangan na kasi niyang makapagtrabaho. Kung hindi siya makakahanap ng trabahong angkop sa pinag-aralan niya ay susuong siya sa pagiging call center agent kung saan walang pinipiling applicants basta marunong ka lang mag-ingles at willing ma-train. "Laban para sa pamilya," bulong niya at napangiti. Kahit papaano ay napawi ang pagod niya nang maisip ang magiging reaksyon ng pamilya kapag ibinalita niya sa mga ito na may trabaho na siya. Tiningnan niya ang oras at malapit nang mag-ala una kay nagdesisyon na siyang kumilos. Inayos niya ang sarili hanggang sa magmukha siyang presentable muli. Naglagay siya ng pulbo at lipstick para kahit papaano ay magkabuhay ang mukha niya. Inayos niya rin ang mahabang buhok dahil buhaghag na ito kakalakad sa ilalim ng init ng araw na sinamahan pa ng alikabok. "Okay, laban ulit!" Bumuga siya ng hangin at tumayo na. Iginala niya ang mga mata para hanapin ang palatandaan ng kalyeng lalakarin papunta sa susunod na kompanyang pag-a-apply-an. Habang naglalakad siya ay hindi niya napigilang mapatigil nang maramdaman niyang parang may nagmamasid sa kanya. Nagpalinga-linga siya sa pero wala naman siyang nahagip na kaduda-dudang tao. Napakibit na lang siya ng balikat bago nagpatuloy. Ilang beses niya 'yong naramdaman pero hindi na lang niya pinansin. Hanggang sa bigla na lang may puting van na tumigil sa harapan niya. Naging mabilis ang pangyayari. May mga lumabas na lalaking nakasuot ng itim na amerikana sabay hila sa kanya. Ilang segundo pa ang itinagal bago niya napagtanto kung ano ang nangyayari. "T-Tulong..." bulong niya nang hawakan siya ng mga kalalakihan. "Tulong!" sigaw niya. "Silence!" saway sa kanya ng lalaki. "Dàmn it, bakit kasi tayo pa ang nautusan?!" dinig niyang reklamo nito. "We didn't have a choice! This is an emergency!" sigaw naman ng isang lalaki. "Huwag kang magalaw, miss!" "Tulong!" Nagpumiglas siya. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya dahil sa takot at pangamba. Pilit siyang kumawala sa mga kamay ng mga kalalakihan pero walang-wala ang lakas niya sa kanila. Nataranta siya nang tuluyan siyang hilain ng mga ito papasok sa sasakyan. "This is kidnàpping," angal naman ng isang lalaki. "We'll surely pay for this. Ayokong magka-criminal record." "I rather do this than meet that bastàrd's rage. Mas nakakatakot ang gagòng 'yon," sagot naman ng isa. Hindi alam ni Kristine kung ano talaga ang nangyayari. Pero isa lang ang pumapasok sa isip niya—kinikidnap siya. Dahil imposibleng pera ang habol sa kanya, dalawang bagay lang ang naiisip niyang pakay ng mga ito—mga laman-loob niya o ang pagkababàe niya. Dahil sa naisip ay mas binalot ng takot ang buong sistema niya. "Tulong! Tulungan n'yo ako!" Nagpumiglas siya nang nagpumiglas. "Please, pakawalan n'yo ako. Wala kayong makukuha sa akin! Wala akong pera! Hindi rin healthy ang katawan ko! Please!" "She's too loud. Silence her will you?" reklamo ng isa bago pinaandar ang sasakyan. "Tul—" Hindi na natapos ni Kristine ang pagsigaw nang maramdaman niyang may humampas sa batok niya na naging dahilan para umikot ang paningin niya hanggang sa tuluyang magdilim ang buong paligid. --- Sa kabilang banda ay hindi na mapakali si Uriel. Kanina pa siya lakad nang lakad sa kanyang opisina at naghihintay ng update mula sa mga kaibigan niya na inutusan niya para sunduin ang babaeng magpapanggap bilang asawa niya. Hindi niya napigilang kagatin ang kuko dahil sa nerbyos lalo na't pauwi na ang lolo niya galing Europe para dumalo sa kasal niya. "Fùck it! Bakit ang tagal nilang mag-reply?" inis niyang sambit at pabagsak na umupo sa swivel chair niya. "What's taking them so long? Pagsundo lang sa isang babae hindi pa magawa? Mga bòbo talaga!" Hindi na siya nakatiis. Tinawagan na niya ang kaibigang si Marco para magtanong. Ilang ring pa ang lumipas bago ito sumagot, "Uriel, we got her." Napanatag siya nang marinig iyon mula sa kaibigan. Napangiti siya at napasandal sa upuan. Akala talaga niya ay papalpak ang mga ito lalo na't kalahating tànga at kalahating bangag ang mga 'yon. Tumingala siya at tumitig sa kisame bago marahang bumuga ng hangin. "Good. Can I talk to her?" "Uh, I don't think it's possible," sagot ng kaibigan. "And why?" "She's unconscious," tugon nito kaya napaayos siya ng upo. Bigla siyang kinutuban dahil sa sagot ng kaibigan. Napalunok siya at napailing. "No. No. It's impossible," bulong niya sa sarili. "Hindi sila ganoon katanga para magkamali," dagdag niya pa para kumbinsihin ang sarili. Pero para makasigurado ay tinanong niya si Marco, "Can you send a photo of her?" "Okay. I'll send it to you," sagot nito bago ibinaba ang tawag. Ilang segundo lang ay natanggap na niya ang litrato. At nalaglag na lang siya sa upuan niya nang makitang hindi ito ang babaeng kinontrata niya. They got the wrong girl! Naikuyom niya ang kamay niya at malakas na napamura. "Dàmn it! Bakit pa nga ba ako umasa sa mga unggoy na 'yon?" Nahilot na lang niya ang sintido dahil sa labis na stress na nararamdaman. Huminga siya nang malalim para kumalma bago tinawagan ang babaeng kinontrata niya, pero hindi ito sumasagot sa tawag niya. Unattended ang cellphone nito. Muli siyang napamura at nahilamos na lang ang kamay sabay gulo ng buhok niyang maayos na nakasuklay. Nanghihina niyang tinawagan si Marco, "Bring that girl to my house as soon as possible," sambit niya na lang bago siya napahiga sa sahig. Pinili na lang niyang ipikit ang mga mata niya kaysa magwala dahil sa kapalpakan ng mga kaibigan. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ang ituloy ang plano kahit pa maling babae ang nakuha ng mga unggoy niyang kaibigan. He will do whatever it takes to secure his inheritance!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD