Simula
ISANG TAON ang lumipas...
Masuyo kong hinahaplos ang lapida ni Enzo habang nakaupo sa manipis na mantle na inilatag ko. Napapangiti ako sa tuwing naaalala ko ang mga ngiti nito. Ang pagtawag nito sa akin ng Ms. Universe sa tuwing naglalambing ito sa akin.
"Kumusta ka na Enzo? Masaya ka ba riyan sa itaas?" Napatingala pa ako sa kalangitan at napatungong muli.
"Sorry Enzo, hanggang ngayon hindi ko pa rin naipapasa ang board exam. Ang mahal kasi sa review center. Nakailang kuha na ako at take note, lagi naman akong bagsak." Pinahiran ko ang luha kong nahulog sa lapida nito.
"Pero may good news naman ako sa 'yo. Wala na iyong sakit na nararamdaman ko palagi sa tuwing maaalala kita. At ang bad news, wala pa ring lalaki ang naliligaw ng landas para sa akin." Napatawa ako ng marahan.
"Isa lang yata ang natupad ko Enzo, ang makayanan ang lahat ng ito." Napayakap ako sa mga tuhod ko.
"Miss na miss na kita Enzo. Nakakainis dahil hindi mo man lang ako binisita sa panaginip ko," pagtatampo ko pa.
Tumunog naman ang telepono ko. Binasa ko 'yong text ni Nica sa akin. Ngayong araw, August 31, 2015 ang result daw ng aking board exam. Napa-cross finger ako. Sana naman ay pumasa na ako. Grabeng pagod at puyat din ang inilaan ko sa pag re-review makapasa lang sa exam. Isinilid ko na sa bag ko ang aking cell phone. Tumayo na rin ako at pinulot ang mantle na inupuan ko.
"Wish me luck Enzo," bulong ko sa kawalan.
Sa pagharap ko para lumakad na ay nabitiwan ko ang mantle na hawak ko. Natigilan at nagulat ako sa bumungad sa akin. Dalawang dipa lang ang layo niya at kitang-kita ko kung sino ang nasa harap ko mismo. Ang kanyang taas at tikas ng pangangatawan ay parehong-pareho. Ngunit may malaki pa ring kaibahan. May kahabaan na ang buhok nito. Nakasuot ito ng itim na v-neck shirt na bumabakat sa matipuno nitong katawan. Pinatungan niya ito ng isang leader jacket na kulay itim din. Isang kupas na maong na kulay itim din ang suot nitong pang-ibaba na pinarisan pa ng leather shoes na kulay itim din.
Palapit ito nang palapit sa kinatatayuan ko. Kahit na alam kong nakasuot ito ng shades ay alam na alam kong siya talaga ang nakikita ko. Bahagya ring napapikit ang isa kong mata dahil nakakasilaw ang suot nitong kuwintas na may pendant na krus. Tumatama kasi ang sikat ng araw sa kuwintas nito. Maangas ang dating nito para sa akin. Bahagya rin naman akong natigilan nang maalala ko ang tagpong iyon noong nasa La Trinidad kami. Hindi ako puwedeng magkamali, siya ang nakita ko noong mga araw na iyon. Pero hindi e! Nanlaki ang mga mata ko.
"Ahh! Calvin Enzo! Diyos ko naman! Ginagawa ko naman lahat para tuparin ang mga pinangako ko sa 'yo pero huwag mo naman akong multuhin! Utang na loob Enzo!" naisambit ko pa habang napapa-cross sign pa. Napapikit na ako sa sobrang takot!
"Mukha kang tanga!" Narinig ko pang wika nito.
Napadilat ako at napakurap ng maraming beses. Nasa harapan ko na siya mismo at limang dangkal na lang ang pagitan namin. Napalunok ako. Dahan-dahan nitong tinanggal ang suot niyang shades at napasinghap ako sa sobrang gulat. Siya nga talaga!
"Calvin..." naisambit ko nang masilayan ko ang mukha nito ng malapitan.
"Definitely wrong! It's Caldwill Enzo Villaraza and I am your husband," anito.
Nanlaki ang mata ko sa narinig ko. Oh hindi!