Prologue

1959 Words
Prologue “ARE you sure you’re going to decline the offer, Teacher Cons? Sayang ang opportunity sa Singapore. You’re one of our outstanding teachers here in St. Jude kaya nga ikaw ang ni-refer ko kay Jona na pwedeng pumalit sa kanya. Malaki ang pasahod doon at pwede mo rin namang dalhin doon ang Nanay mo kapag maka-isang taon ka lang.” Umiling ako sa offer ng Principal ng St. Jude na si Ma’am Bethany. Alam kong magandang oportunidad ang makapag-ibang bansa ngunit wala sa plano kong lisanin ang Isabela dahil hanggang ngayon umaasa akong babalik siya. “Ibigay nyo na lang po sa iba Ma’am Beth. Mas gusto ko po dito sa Isabela at hindi ko rin po kayang iwanan ang mga estudyante ko.” Tumango-tango siya. “Bweno hindi na kita mapipilit eh. May mai-rerecommend ka ba sa mga kasamahan mo?” “Si Mildred, Ma’am Beth magaling din siya sa mga bata at tiyak kong papayag siya sa offer na magtrabaho sa Singapore,” tinutukoy ko ang co-teacher kong si Mildred na noon pa man ay nais nang magtrabaho abroad para mas mabigyan nang maalwang buhay ang pamilya niya. Ako naman bagama’t hindi mayaman, hindi rin naman matatawag na mahirap ang buhay ko. May tahian ang Nanay ko at may sariling bahay at lupa kami sa Isabela. Dalawa na lang din kami sa buhay dahil limang taon ang nakakalipas pumanaw ang Lolo ko sa atake sa puso. Napangiti ako nang madaanan ang mga batang nagtatakbuhan at naglalaro sa playground ng St. Jude. Semi-private ang St. Jude at apat na taon na ako ritong nagtuturo bilang isang preparatory teacher. Pagdating ko sa silid aralan ay naabutan ko roon si Paolo na umiiyak. Magdadalawang-taon ko ng estudyante si Paolo. Hanggang ngayon kasi ay hirap pa rin siyang makabasa kaya hindi niya nagawang makatuntong sa grade one. Agad ko siyang dinaluhan at inakbayan. “Paolo, anong problema anak?” Nang tingalain niya akong puno ng luha ang magkabilang pisngi ay binalot ng awa ang puso ko at niyakap siya. “Bakit ka umiiyak? May umaway ba sa ‘yo?” “Teacher Cons, bobo po ba ako?” Agad akong humiwalay sa kanya nang marinig ang salitang iyon. “Sinong nagsabi sa ‘yo niyan? Siyempre hindi, anak.” Humikbi siya at kinuha ko ang panyo sa bulsa ng blusa ko para punasan ang mga luha niyang walang tigil sa pagtulo. Namumula na rin siya at pawis na pawis. “Kaninang umaga sabi ni Papa kay Mama kanino raw po ba ako nagmana at ang bobo ko? Tapos sabi rin ni Bonbon, bobo rin daw po ako kasi naunahan niya pa ko mag-grade one,” pagtukoy niya sa nakababatang kapatid na nag-aaral din sa St. Jude bilang grade one student. Hinaplos ko ang ulo ni Paolo pati na rin ang pisngi niya. “Pao, hindi ka bobo. Walang taong bobo, okay?” “Eh bakit po hirap pa rin po akong bumasa pero si Bonbon ang bilis bilis natuto.” “Hayaan mo simula bukas sasabihin ko kay Mama mo na dalhin ka sa akin tuwing hapon para matutukan kita sa pagbabasa. Itu-tutor kita. Ayos ba ‘yon?” “Kapag po ba ni-tutor nyo ako Teacher Cons hindi na ako magiging bobo?” “Pao, huwag na huwag mong tatawagin ang sarili mo niyan, okay? Ayoko nang maririnig sa ‘yo ‘yan maliwanag?” Tumango siya pero hindi pa rin nawala ang lungkot sa mata. Tumayo ako at tinungo ang lamesa ko para kumuha ng lollipop na palaging hindi nawawala sa drawer ko. Yumuko ako at inabot ko sa kanya ‘yon. Nagliwanag ang mga mata niya at ako na mismo ang nagbukas no’n para makain niya bago magsimula muli ang klase. Habang pinagmamasdan ko si Paolo ay tila may kumurot sa puso ko sa alaalang dumaloy sa isip ko. Ipinilig ko ang ulo ko at kinuwentuhan na lang si Paolo para mawala sa isipan niya ang narinig niyang sinabi ng ama niya. “Nako Teacher ang budget lang kasi sa tutor ay kay Bonbon lang. Hindi na papayag si Paul kung pati si Paolo—” “Mommy Joyce, wala naman po akong bayad na hihingin. Libre naman po ako kapag hapon, wala rin naman akong masyadong ginagawa kaya ayos lang na dalhin nyo siya sa akin kapag nakapahinga na siya galing school.” “Sigurado po kayo? Nakakahiya naman po.” “Ayos lang po. Saka hindi po sa nakikialam ako pero sana maging maingat po tayo sa sinasabi natin sa bahay na posibleng marinig ng bata.” Ikinuwento ko ang pag-iyak ni Paolo kanina at mangiyak-ngiyak namang nakinig ang ina niya. Napapangiting pinagmasdan ko siyang salubungin ng halik si Paolo. Isa-isa ko na ring hinatid sa kani-kanilang magulang ang mga estudyante ko. Masaya kong pinagmasdan ang ingay at tuwa ng mga bata. Ito ang nami-miss ko tuwing bakasyon ang mga tawanan at ingay nila. “Gawa ka na rin kasi ng sa ‘yo Teacher Cons mukhang gustong-gusto mo ng bata talaga eh.” Nilingon ko si Teacher Mildred na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa akin sa sobrang tutok ko sa mga batang nag-alisan na. “Eh ang tanong Mildred may kasama bang gagawa si Teacher Cons?” sabat naman ni Teacher Marie na sa hindi ko malamang dahilan ay tila ang init ng ulo sa akin. “Ikaw Teacher Marie, napaka-echosera mo. Siyempre meron, may asawa ‘yan si Teacher Cons ‘eh.” “Oh eh nasaan ba iyong asawa niya? Apat na taon na tayo rito pero ni anino ni Mr. Gallego hindi natin nakita. Talaga bang kasal—” “Mildred, nakausap ka na ba ni Ma’am Bethany?” putol ko kay Teacher Marie at agad namang umabrisete sa akin si Teacher Mildred na nagniningning ang mga mata. “Hala oo, Teacher Cons sinabi niya ngang nirekomenda mo ko matapos mong tanggihan ang offer.” “Anong offer ‘yon Mildred?” Nakangising hinarap niya si Teacher Marie na kunot na kunot ang noo. “Magkakaroon daw ng slot sa pagtuturo sa Singapore ng kakilala ni Ma’am Bethany at dahil dinecline ni Teacher Cons ang offer, ako na ang ipapadala roon.” “Huh? Bakit ikaw ‘eh mas magaling naman di hamak ako sa ‘yo—” Napapailing na iniwanan ko na silang dalawa nang magtalo na sila. Hindi mawala-wala sa isip ko ang sinabi ni Teacher Marie tungkol sa asawa kong hindi nga nila kailanman nakita pa. Dahil parehas silang hindi tubong Isabela, hindi talaga nila nakita ang napangasawa ko limang taon na ang nakakalipas na si Alas. Kapa-kapa ang singsing na hindi ko kailanman inalis sa daliri ko ay tiningala ko ang kalangitan at malungkot na napangiti. Kailangan ko na nga ba talagang tumigil sa pag-asang babalik pa siya, baby? *** “MANO po Nay, ano pong gusto nyong iluto ko ngayong hapunan?” tanong ko sa ina kong nakahiga sa de-kahoy naming sofa mukhang nagpagod na naman sa pananahi. “May binili akong gulay kanina kay Ka Gusting. Sayote tapos may galunggong pang hindi naluto kahapon. Okay na ‘yon, anak,” nakapikit niyang sagot sa akin. “Nay, bakit hindi po muna kayo magpahinga sa kwarto? Gigisingin ko na lang po kayo kapag handa na ang hapag.” Tumango-tango siya at hihikab-hikab na bumangon. “O siya sige, hamo’t bukas ay hindi ako pupunta ng tahian at tapos naman na ang orders nila Ma’am Tricia para sa debut ng kambal nila. Ako naman ang maghahanda ng kakainin natin, ipagluluto pa kita ng paborito mong turon.” Sa pagdilat niya ay isang buntonghininga ang pinakawalan niya nang matitigan ako. “Ang ngiti mo, Cons…” “Anong meron sa ngiti ko, Nay?” Umiling siya at tumayo na. “Wala. Sige na at magpalit ka na. Itutuloy ko ang tulog ko sa taas.” Sinabayan ko na siyang pumanhik sa taas para makapagpalit na rin ako ng damit sa kwarto ko. Nang makapagbihis ay binuksan ko ang bintana ng kwarto at sinalubong ako nang malakas na ihip ng hangin mukhang nagbabadya ang masamang panahon. Napapitlag ako nang marinig ang pagkabasag ng kung ano. Pagtingin ko sa bedside table ko ay nalaglag pala ang picture frame na naroroon. Agad kong kinuha iyon at pinagpag para mawala ang nabasag na salamin doon. Hinaplos ko ang litrato hinihiling na sana siya ang pisikal kong nahahawakan. Miss na miss na kita, Alas. Gusto kong magalit sa ‘yo pinipilit ko ang puso kong kalimutan ka na pero ang hirap…hindi ko talaga kaya. Pinunasan ko ang tumulong mga luha sa litrato naming dalawa at maingat na iyong ipinatong sa kama. Bumaba ako para kumuha ng walis at dustpan pero hindi pa ako tuluyang nakakapanhik nang may kumatok sa pinto. Napailing ako at napangiti dahil tiyak kong si Thomas na naman na may dala-dala na namang ulam para sa amin ni Nanay. “Thomas—” Umawang ang labi ko nang hindi si Thomas ang bumungad sa akin. Agad na nangilid ang luha ko at nag-umpisang bumilis nang bumilis ang t***k ng puso ko. “Alas…” anas ko sa pangalan ng asawa ko. Ngali-ngaling sumbatan at awayin ko siya pero nilundag ko siya at mahigpit na niyakap. “Alastair! B-bumalik ka na rin sa wakas—” Natigil ako sa pagsasalita nang alisin niya ang pagkakayakap ko sa kanya. Napatigalgal ako nang titigan niya ako mula ulo hanggang paa habang pinapagpag ang suot-suot niya. Doon ko lang napansin na ibang-iba ang ayos niya kumpara noon. Hindi na rin naman nakakapagtaka dahil limang taon na nang huli kaming magkita, pero ang tingin niya sa akin. Ibang-iba. Pakiramdam ko hindi siya si Alastair na asawa ko. Ipinilig ko ang ulo sa naisip, sa bista at tingin oo ibang-iba siya kay Alas ngunit kilalang-kilala siya ng puso ko kaya alam ko…siya ang asawa ko. Tumikhim siya at doon ko lang napansing hindi siya nag-iisa. Meron siyang kasamang lalaki na titig na titig sa akin pagkatapos ay ibabalik ang tingin sa hawak-hawak na tila isang larawan. “Are you Constancia Emmanuella Virata?” “Gallego…ako si Constancia Emmanuella Virata-Gallego.” Mariin siyang pumikit at umiling-iling. “Damn it. Goddamn it!” “Sir Sancho, maiwan ko po muna kayo—” “No. Stay attorney, I need you to be here as I talked with Miss Constancia.” Hinawakan ko siya sa pisngi pero tinabig niya lang ang kamay ko. “Alas, bakit ka ba ganyan magsalita? Parang h-hindi mo ako kilala. Ano ka ba!” sigaw ko sa nanginginig na boses. Seryoso ang mga matang tinitigan niya ako. “You’re right. I don’t know you. Hindi ko rin alam kung bakit ako kasal sa ‘yo pero nandito ako para itama ang kung anumang kalokohang ginawa ko noon.” Tumulo ang luha ko. “K-kalokohan? Alas, ang tagal-tagal mong nawala—” “Sancho. Call me Sancho, Miss Constancia” Tila may sariling buhay ang palad kong umangat at malakas siyang sinampal. Napahawak ako sa dibdib ko nang magsimulang sumikip iyon. “Lumayas ka! Maaaring kamukha mo si Alas pero tulad mo hindi rin kita kilala. Hindi ikaw ang lalaking pinakasalan ko noon. Hindi ka si Alastair!” tinulak ko siya sa dibdib pero mahigpit niyang hinawakan ang mga kamay ko. “I’m sorry but I’m Sancho Alastair Gallego…and according to my cenomar, I’m married to you, Miss Constancia that’s why I’m here to talk to you about… our annulment.” Umiling-iling ako at tinalikuran siya. Ramdam ko ang panghihina ng tuhod at unti-unting pag-ikot ng paligid ko. Napahawak ako sa dibdib nang mas sumikip pa iyon kumpara kanina. “Miss—” Bago ko pa marinig ang sasabihin niya ay tuluyan na akong tinakasan ng malay. Isang bangungot lang ‘to…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD