“AYAN lang ba bibilhin mo?” Nilingon ko ang kapwa-guro kong si Mildred at tumango.
Dalawang supot ang dala-dala kong pasalubong kay Nanay at sa kababata kong si Thomas. Huling gabi namin ngayon sa Baguio kung saan ginanap ang team building na inorganisa ni Ma’am Beth para sa aming mga teachers.
“Oo, ito lang. Magkita-kita na lang tayo sa transient, medyo inaantok na ako e.”
Hindi talaga ako mahilig sa galaan at kung hindi nga lang ni-required ni Ma’am Beth na sumama ako ay hindi ako dadalo.
Nakita ko ang pag-iling ng mga kapwa ko guro. Bukod kay Mildred ay wala akong masyadong close sa kanila dahil wala pa namang isang taon akong nagtuturo sa St. Jude.
“Sigurado kang kaya mong bumalik mag-isa?”
Ngumiti ako at tinanguhan siya. “Hindi pa naman late. Marami rin namang naglalakad.”
“Sige na nga, mag-iingat ka.”
Habang naglalakad pabalik sa transient ay nakakita ako ng bilihan ng inumin. Habang hinihintay ang sukli sa akin ay iginala ko ang tingin sa paligid. Maraming tao at kita ang saya sa mga mata nila.
Kung nandito ka lang sa tabi ko ngayon, siguro ang saya-saya ko rin tulad nila–
Natigilan ako at nanlaki ang mga mata ko nang makita ang lalaking nakatayo sa katapat na stall.
“A-alas?”
Nabitiwan ko ang hawak-hawak kong inumin at tangkang tatakbo na ako patungo sa kanya nang may malakas na katawang bumangga sa akin.
“Hala Mago, nabangga mo si Ate!”
“Omg sorry po ateng bigla ka kasi sumulpot–”
Agad akong tumayo at hindi pinansin ang kamay na inaabot sa akin ng lalaking nakabangga sa akin. Napangiwi ako nang maramdaman ang kirot sa palad ko ngunit pilit kong isiniksik ang sarili sa biglaang dagsa ng mga tao.
“Alas!” sigaw ko nang makitang wala na siya sa pwesto kanina.
Inikot ko ang tingin sa paligid. Nanakbo ako at pilit na hinahawi ang mga tao. Ngunit bigo ako, hindi ko na siya muling nasilayan pa.
Ang asawa ko…
Namamalikmata lang ba ako kanina?