Prologue
2002
Taong 1970 nang magpatupad ang bansang Tsina ng “one child policy” dahil sa lumalaki nitong populasyon. Binalot ng matinding takot ang lahat ng mamamayan dahil sa batas na ipinatupad ng kanilang bansa. Nang mga panahon na iyon ay marami ang sapilitan na ipinaabort ang kanilang ipinagbubuntis at ang iba ay ipinaampon ang kanilang mga anak na babae sa ibang banyaga dahil sa takot na magmulta sila ng malaking halaga o maparusan dahil sa pagkakaroon ng higit sa isang anak.
Mas pinapahalagahan ng bawat mag-asawa ang pagkakaroon ng anak na lalaki sapagkat ito ay magdadala sa pangalan ng kanilang angkan at maghahatid ng malaking swerte sa kanilang pamilya. Mula sa malayong probinsya ng Hainan sa China ay isa ang pamilya ni Aiguo Zhōu sa mga naghahangad na magkaroon ng anak na lalaki. Kasalukuyang nagdadalang tao ang kanyang asawa na si Tiffany at ngayong buwan ay nakatakda ang pagsilang nito sa kanilang panganay na anak. Bawat araw na lumilipas ay ibayong kabâ ang nararamdaman nilang mag-asawa at walang humpay ang pag-usal ng kanilang dalangin nawa ay biyayaan sila ng isang anak na lalaki.
Ang pamilya ni Aiguo Zhōu ang isa sa pinakamayaman sa kanilang lalawigan dahil kapwa mga negosyante ang kanyang mga magulang.
Ngunit ang kanyang mga magulang ay may sinusunod na tradition at kinakailangan na lalaki ang maging panganay na anak nilang mag-asawa kaya hindi lang sa one child policy ang labis nilang kinatatakutan kundi maging ang sinaunang paniniwala ng kanilang pamilya.
“Aiguo, I-I think I’m about to give birth...” nahihirapang saad ni Tiffany habang nakahawak sa malaki niyang tiyan, hindi na maipinta ang mukha nito at halatang nakakaramdam na ito ng matinding sakit. “Hmmmp…” impit niyang sigaw ng hindi na nito kayanin pa ang sakit at napa-luhod na ito sa sahig.
“J-just a moment and I will call the doctor!” Natataranta na wika ni Aiguo sa asawang malapit ng manganak, naudlot ang sanay paghakbang nito ng mahigpit na kapitan ni Tiffany ang kamay ni Aiguo dahil nararamdaman niya na ilang minuto na lang ay lalabas na ang kanilang anak mula sa kanyang sinapupunan. Mabilis na lumuhod ang asawa sa harap ni Tiffany at tinulungan itong makatayo.
“Jiě jie!” Malakas na sigaw ni Aiguo kaya natataranta na lumabas ng kusina ang kanyang kapatid na babae maging ang kanilang mga katulong.
Nagmamadali na binuhat niya ang asawa papasok sa loob ng kanilang kwarto, kasabay ng paghiga nito ay ang pagputok ng panubigan ng kanyang asawa. “ Ahhhh...” malakas na sigaw ni Tiffany na siyang bumulabog sa katahimikan ng gabi. Halatang hirap na hirap na ito ngunit sinisikap na maging matapang upang maisilang ng maayos ang kanilang anak. Tumagal pa ng ilang minuto ay hindi pa rin niya nailuluwal ang bata kaya halos habol na nito ang bawat paghinga.
Namumutla na ang kanyang mukha at halos maligo na siya sa pawis, huminga siya ng malalim at muling sinubukan na umirê habang sa pagitan ng kanyang mga hita ay nakaabang ang asawa nitong si Aiguo upang saluhin ang bata.
Buong pwersa na isinilang ni Tiffany ang anak ngunit sa paglabas ng bata ay kasabay nito ang pagsigīd ng kirot sa kanyang dibdib. Mahigpit na napahawak si Tiffany sa tapat ng kanyang dibdib habang lumalalim na ang bawat paghinga nito. Nang lumabas ang sanggol ay kakambal nito'y dugo kaya labis na naghirap si Tiffay sa panganganak.
Lumarawan ang labis na kasiyahan sa mukha nilang mag-asawa ng marinig ang iyak ng sanggol maging ang kapatid ni Aiguo ay walang pagsidlan ang kasiyahan na nararamdaman.
Ngunit ng iangat ni Aiguo ang kanilang anak ay dagling naglaho ang ngiti sa kanilang mga labi ng makita nilang babae ang sanggol na isinilang ng kanyang asawa. Dahil sa labis na pagkadismaya ay hindi na nila napansin si Tiffany na kanina pa nahihirapang huminga habang mahigpit na nakakapit ito sa tapat ng kanyang dibdib.
“A-Aiguo...” si Tiffany habang naghahabol hininga, natataranta na ipinasa ni Aiguo ang anak nila sa kanyang kapatid na ngayon ay tahimik na lumuluha. Kaagad na tinanggap ni Jiě jie ang bata at nilinis ito gamit ang mga kagamitan na inihanda ng mga katulong kanina habang nanganganak ang kanyang hipag.
“P-please, s-save our c-child...” ito ang mga huling kataga na namutawi sa bibig ng kanyang mahal na asawa bago ito nalagutan ng hininga. Batid ni Tiffany na nanganganib ang buhay ng kanyang anak kaya hanggang sa huling hininga nito ay mas inaalala pa rin ang kaligtasan ng anak.
“Tiffany! Ahhhh...” Malakas na palahaw ni Aiguo habang mahigpit na yakap ang walang buhay na katawan ng kanyang asawa. Ramdam sa kanyang pagtangis ang matinding sakit dulot ng pagkawala ng kabiyak. Sumabay sa pag-iyak ni Aiguo ang uha ng sanggol na tila maging ito ay nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang ina.
Ilang sandali pa ay nagmamadaling pumasok sa loob ng kwarto ang mga magulang ni Aiguo at ganun na lang ang galit ng mga ito ng makita nilang babae ang isinilang ni Tiffany. Lalong lumakas ang paniniwala nila na malas sa pamilya ang pagkakaroon ng panganay na anak na babae ng makita nilang namatay ang asawa ng kanilang anak.
“Ràng hái zǐ yuǎnlí zhèlǐ, huì wèi wǒmen jiā dài lái jùdà de bùxìng!” (Alisin mo ang batang ìyan dito, malaking kasawian ang hatid nito sa ating pamilya!) Nanggagalaiti na utos ng kanyang ina na halos mamula sa matinding galit ang buong mukha nito habang matalim na nakatingin sa walang muwang na sanggol. Maging ang ama ni Aiguo ay hindi na maipinta ang mukha habang mahigpit na nakakuyom ang mga kamay nito.
“Dài háizi ba! (Kunin nyo ang bata!) Pabulyaw na utos ng matandang lalaki sa kanyang mga tauhan, kaagad na kumilos ang mga ito at lumapit sa kapatid ni Aiguo upang agawin ang sanggol mula sa mga bisig nito. Mabilis na ibinaba ni Aiguo ang labî ng kanyang asawa at kaagad na kinuha ang kanyang anak mula sa mga bisig ng kapatid.
“You can’t take away my child, we’re leaving this country if you’re not going to accept my child.” Matigas na saad ni Aiguo at matapang na hinarap ang kanyang mga magulang.
“Tai-Tai! The authorities were here!” Natataranta na saad ng katulong na biglang pumasok sa loob ng silid. Labis na nataranta ang ina ni Aiguo ng marinig ito dahil ayaw niyang mapahamak ang kanilang anak.
Mabilis na kinuha ng kapatid ni Aiguo ang bata at nagmamadali itong pumasok sa loob ng malaking closet habang karga ang sanggol.
Siya namang pagpasok ng dalawang sundalo sa loob ng kanilang tahanan at bawat minuto ay ibayong kabâ ang nararamdaman ng bawat isa sa kanila. Habang ang kapatid ni Aiguo ay umuusal ng isang dalangin na sana ay huwag umiyak ang sanggol na nasa kanyang mga bisig. Parang dininig naman ng Diyos ang dalangin nito dahil kasalukuyang mahimbing na natutulog ang bata na nakahimlay sa kanyang dibdib.
Pinalabas nila na hindi pa naisisilang ang sanggol ay binawian na ng buhay ang ina nito. Pagkatapos suriin ang pulso ni Tiffany ay kaagad na umalis ang dalawang sundalo ng makumpirma nila na patay na talaga ang mag-ina.
Batid ni Aiguo na hindi na ligtas para sa anak ang manatili pa ito sa kanilang bansa, kaya pagkatapos ng libing ng kanyang asawa ay tumakas siya, dala ang kanyang anak at nilisan ang China gamit ang pera na naipon nilang mag-asawa.
Nais ng kanyang mga magulang na abandunahin niya ang sanggol at humanap ng isang babae na may kakayahang magbigay sa kanilang pamilya ng isang anak na lalaki. Dahil sa labis na pagmamahal sa kanyang asawa na si Tiffany ay tinupad niya ang huling kahilingan nito, sinuway niya ang kagustuhan ng kanyang mga magulang kaya nawalan siya ng mana.
Sa totoo lang ay parang ayaw na niyang makita ang mukha ng kanyang anak dahil kawangis ito ng yumao niyang asawa ngunit mas nangingibabaw pa rin sa kanya ang pusong ama. Kahit nakakaramdam na siya ng galit sa tuwing titingnan niya ang mukha nito ay inaasikaso pa rin niya ang bata dahil sa tuwina ay sumasagi sa kanyang isipan ang imahe ni Tiffany na wari mo ay hinahaplos ang kanyang puso kaya dagling naglalaho ang galit na nararamdaman niya para sa anak.
Mabilis na lumipas ang panahon at lumalaki ang kanyang anak na halos iisa na ang mukha ng mag-ina kaya lalong lumaki ang galit niya sa bata. Dahil hindi mabura sa kanyang isipan na ito ang naging dahilan ng sunod-sunod na kamalasan na dumating sa kanyang buhay at higit sa lahat ng dahil sa batang ito ay nawala ang pinakamamahal niyang asawa.