MAXI's POV
Hindi ako makapag-focus sa pagkain nitong hapunang nasa aking harapan. Damang-dama ko sa aking kaloob-looban ang mga titig sa akin ng aking roommate.
Bakit naman ganito?
Wala akong ginagawang masama.
Kuya, huwag p---
Hay naku. Kung anu-ano na ang pumapasok sa aking isipan. Eh, tinititigan lang naman ako ng aking roommate.
Maxi, sumubo ka na ng hapunan.
Pinipilit kong mag-focus sa mainit na kanin at malutong na piniritong isdang nasa aking harapan.
Kumain ka, Maxi. Kumain ka na.
Bakit ba parang hirap na hirap akong isubo itong pagkain? So what kung nakatitig sa akin ang aking roommate?
Ang masungit kong roommate na si Jake.
Nakaupo si Jake sa kabisera ng mesang narito sa loob ng aming apartment. Nakaupo ako sa kanyang kaliwang gilid at sa kanyang kanan naman ay katapat ko ang kanyang kapatid na si Gigi.
Nagulat pa ako nang biglang magsalita si Jake sa aking gilid. Nanginig pa ang aking kanang kamay na may hawak na kutsara.
Jake: Kakain ka ba o hindi?
Bakit naman masyadong seryoso ang lolo mo?
Pormal na pormal ang tinig ng boses ni Jake nang kausapin ako.
Gigi: Tikman niyo po ang luto ni Kuya Jake. Siguradong masasarapan po kayo.
Napatingin ako sa batang si Gigi. Napakasigla nito.
Kung ganito lang sana ang kapatid nitong si Jake.
Jake: Baka kasi mapili, Gigi? Baka hindi sanay sa mga ganitong pagkain?
Parang biglang nagpanting ang aking mga tainga sa narinig kong sinabing iyon ni Jake.
Ano ang ibig sabihin ni Jake? Sinasabi niya bang nag-iinarte ako at hindi kayang kumain ng piniritong isda?
Eh, favorite ko nga ito.
Dahil sa sinabing iyon ni Jake ay dire-diretso kong isinubo ang kanina pang naghihintay na pagkaing nasa kutsarang aking hawak.
Puno pa ang loob ng aking bibig nang muli akong sumubo.
Isa pang subo muli.
At isa pa.
Lumulobo na ang aking magkabilang pisngi pero tuloy pa rin ako sa aking pagsubo ng pagkain hanggang sa mahirinan ako.
Namula ang aking buong mukha habang dali-dali kong inabot ang baso ng tubig sa aking tabi.
Nakita kong tumayo mula sa pagkakaupo nito si Gigi at lumakad palapit sa akin. Hinimas nito ang aking likod at marahang tinapik-tapik.
Nanlalaki ang aking mga mata habang sinasaid ang lamang tubig ng hawak kong baso. Hindi pa ako nakuntento at nang masaid ko ang tubig sa loob ng baso ay muli ko itong pinuno ng tubig at muling sinaid iyon.
Nang ilapag ko ang baso sa ibabaw ng mesa ay hinihingal ako. Lumalawit pa ang dila.
Namumula pa rin ang aking mukha at namamasa ang aking dalawang mata.
Napansin kong nasa aking tabi pa rin si Gigi. Nag-aalala ang mukha nito habang hinihimas pa rin ang aking likod.
Ngumiti ako kay Gigi at hinawakan ang dalawang kamay nito.
Maxi: Salamat, Gigi. Balik ka na sa upuan mo. Kumain ka na ulit. Okay na si Kuya Maxi.
Ngumiti sa akin si Gigi at pagkatapos ay muli nang bumalik sa upuan nito at ipinagpatuloy ang pagkain ng hapunan.
Lumingon ako sa lalaking naging dahilan kung bakit naging sunud-sunod ang aking pagsubo ng pagkain. Prenteng-prente siyang kumakain na parang walang nahirinang tao sa kanyang tabi.
Hindi man lang ako makakita ng pagka-concern mula kay Jake. Kahit man lang napipilitan ay wala.
Jake: Gutom naman pala ay nag-iinarte pa.
Nanlaki ang aking mga mata sa sinabing iyon ni Jake.
Doon ay naisipan ko nang magsalita. Bumuntung-hininga muna ako bago humarap kay Jake kahit hindi siya humaharap sa akin at tuluy-tuloy lang sa pagsubo ng pagkain.
Maxi: Jake, ka-kaya ako nahihiyang ka-kainin 'yong ni-niluto mong pagkain kanina ay dahil-dahil, uhm...
Bakit ba ako kinakabahan?
Kaya mo ito, Maxi.
Aba, at talagang hindi man lang ako tinapunan ng tingin ni Jake. Kanina ay titig na titig siya sa akin, tapos ngayong nagsasalita ako ay hindi man lang humaharap sa akin.
Pero bahala na. Itutuloy ko pa rin ang aking sasabihin.
Muli akong bumuntung-hininga. Please lang, huwag na sana akong mautal.
Maxi: Jake, kaya ako nahihiyang kainin ang niluto mong pagkain kanina ay dahil parang nakaka-guilty na kainin ang nilutong pagkain ng taong aking sinigawan kanina.
Sa parteng iyon ay biglang tumigil sa pagsubo ng pagkain si Jake at humarap sa akin. Seryosong-seryoso ang mukha.
Jake: Nagi-guilty ka?
Napalunok ako sa kaseryosohan ng tinig ng boses ni Jake at muling naalala kung bakit ko siyang nasigawan kanina.
Hindi ko namalayan na lumuluha na pala ako sa harapan ni Ruby habang ikinukwento rito ang nangyari sa loob ng apartment ng aking ex-boyfriend na si Lyndon. Bigla na lang itong yumakap sa akin at sinubukan akong pakalmahin. Sumali na rin si Devon sa pagyayakapan namin ni Ruby.
Nagyayakapan kami nina Devon at Ruby nang marinig namin ang pagbukas ng pinto ng apartment. Hindi namin pinansin ito.
Bigla ay may narinig kaming tatlo nina Devon at Ruby na tumikhim sa aming likuran. Isang lalaki.
"Anong nangyayari rito?"
Nanlaki ang aking mga mata. Sigurado ako kung sino ang nagsalitang iyon.
Ang kasama ko sa apartment.
Ang masungit kong roommate.
Si Jake.
Napalunok ako.
Kaming tatlo nina Devon at Ruby ay unti-unting naghiwa-hiwalay mula sa aming mahigpit na pagyayakapan. Unti-unti kaming lumingon sa aming likuran.
Pagkalingon namin sa aming likuran ay nakatayo roon si Jake at magkasalubong ang dalawang kilay. Nasa kanyang tabi ang kapatid na si Gigi na nakasuot ng school uniform. Marahil ay kanyang sinundo mula sa school ang kapatid.
Sabay-sabay kaming napatayo nina Devon at Ruby mula sa pagkakaupo sa sofa.
Jake: Pumasok ka muna sa loob ng kwarto mo, Gigi. Magpalit ka ng damit-pambahay.
Tinanggal ni Jake mula sa pagkakasukbit sa kanyang balikat ang backpack ni Gigi at iniabot sa kapatid. Maya-maya ay nasa loob na ng kwarto nito si Gigi.
Humalukipkip si Jake at seryosong hinarap kaming tatlong magkakaibigan.
Jake: Alam mo bang hindi magandang basta-basta ka na lang nagpapapasok ng ibang tao rito sa apartment nang hindi sinasabihan ang mga kasama mo rito?
Matiim na nakatitig sa akin si Jake.
Kitang-kita ko ang kaseryosohan sa mga mata ni Jake. May point naman siya.
Pero emotional ako ngayon at kailangan ko ng karamay, ng mapaglalabasan ng sama ng loob.
Nakita kong parang nahiya si Ruby at nagyuko ng ulo nito. Nagulat ako nang magsalita si Devon.
Devon: Uhm... Mister?
Ako ang sumagot para kay Jake. Bumulong ako kay Devon.
Maxi: Jake.
Pinanlakihan ko ng mga mata si Devon na parang sinasabi kong huwag na itong magsalita. Pero hindi ito nagpaawat.
Devon: Mister Jake, I am Devon. Maxi's friend. Our friend needs some emotional support right now, that's why we're here. We're very sorry if you feel like we invaded your privacy. Next time, sa labas na kami magkikita-kita.
Nakita kong apologetic ang mukha ni Devon habang kausap si Jake.
Grabe. Hindi man lang affected si Devon sa seryosong aura ni Jake.
Nakita ko namang medyo lumambot na ang expression ng mukha ni Jake.
Lumingon ako kina Devon at Ruby.
Maxi: Guys, ma-magkita-kita na lang tayo u---
Nagulat na lang ako nang biglang sumingit si Jake at putulin ang aking pagsasalita.
Jake: Sige lang, Maxi. Ituloy niyo lang ang pag-uusap ninyo rito. Huwag lang kayong masyadong maingay. Alam mo namang ayaw ko sa mga maiingay.
Iyon lang at tumalikod na si Jake para pumasok sa loob ng kanyang kwarto.
Nagkatinginan naman kami nina Devon at Ruby.
Ruby: Nakakatakot naman 'yong roommate mo, bestie.
Tumango ako kay Ruby.
Maxi: Sinabi mo pa.
Muli akong bumalik sa pagkakaupo.
Maxi: Buti na lang at hindi niya kayo pinalayas.
Tumaas ang isang kilay ni Devon.
Devon: He can't do that. Anyway, I need to go. Malapit na ring gumabi. Kilala niyo naman si Tita Ditas. Daig ko pa ang may curfew.
Ilang minuto matapos makaalis ni Devon ay sumunod na rin si Ruby.
In all fairness naman ay medyo gumaan ang aking loob dahil sa ipinaramdam na emotional support ng aking mga kaibigan.
Akmang papasok na ako sa loob ng aking kwarto nang makita kong lumabas mula sa kanyang kwarto si Jake.
Naisipan kong magpasalamat kay Jake.
Maxi: Jake---
Pinutol ni Jake ang aking pagsasalita.
Jake: Sa susunod ay ikaw ang mag-e-explain sa akin kung bakit narito ang iyong mga kaibigan. Hindi iyong may nagsasalita pa para sa iyo. Emotional-emotional support pa kayo, eh, baka nga puro kaartehan at boys lang ang pinag-uusapan ninyo. Baka nga pinag-uusapan ninyo 'yong lalaking kasama mo rito kahapon? 'Yong kayakapan mo.
Bigla akong natigilan sa sinabi ni Jake.
Ang lakas ng loob ng lalaking itong akusahan ako ng mga bagay-bagay gayong hindi pa nga namin kilala ang isa't isa at lagpas isang araw pa lang mula nang una kaming magkita. Partida, halos buong araw ding hindi kami nagkita ngayon.
Dahil siguro sa aking mga natuklasan ngayong araw, ang pangangaliwa sa akin ng aking ex-boyfriend na si Lyndon kasama ang aking ex-friend na si Pauline, ay biglang nag-init ang aking ulo sa sinabing iyon ni Jake.
Nagulat na lang ako sa aking sarili nang bigla akong sumabog sa galit na bihira namang mangyari.
Actually, kanina lang ako nagalit nang makita kong nagtatalik ang aking ex-boyfriend at ex-friend.
Maxi: Hoy! You have no right to accuse me of anything! Hindi mo ako kilala! You don't know the whole story! My boyfriend who is now my ex-boyfriend was cheating on me with my friend who is now my ex-friend!
Nakita kong nanlaki ang mga mata ni Jake.
Hindi ako tumigil at muling nagpatuloy sa pagsasalita. Dinuro ko pa si Jake.
Maxi: Alam mo ba kung gaano kasakit iyon, ha?! Malamang hindi! Double betrayal 'yon! Wala ka sa aking pwesto kaya hindi mo alam ang aking nararamdaman! Niloko ako! Pinagtaksilan! Tapos sasabihin mong kaartehan!
Matapos kong sabihin iyon ay para akong nanghina. Hinihingal ako at parang muling maiiyak. Hindi ko gustong makita ni Jake na umiiyak ako kaya patakbo akong pumasok sa loob ng aking kwarto.
Bumuntung-hininga ako matapos alalahanin ang nangyari kanina.
Tumango ako kay Jake.
Maxi: Pa-pasensya na kung na-nasigawan kita kanina.
Yumuko ako pagkatapos kong sabihin iyon.
Nakayuko pa rin ako nang muling magsalita.
Maxi: Sa-salamat sa hapunan. Ba-babawi ako bukas.
Narinig kong nagbuntung-hininga si Jake.
Jake: Pasensya rin.
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig kong humingi ng pasensya si Jake. Biglang napaangat ang aking ulo at tumingin sa kanya. Nakita kong kumakain na ulit si Jake.
Bakit ganoon? Parang may kung ano akong naramdaman sa aking puso nang sinserong humingi ng pasensya si Jake.
Ang masungit kong roommate ay humingi ng pasensya sa akin.
Nakahiga na ako sa aking kama ay para pa rin akong timang na nakangiti sa kisame.
Kanina ay puno ng galit at sakit ang aking puso rahil sa kataksilan ng aking ex-boyfriend na si Lyndon at katrayduran ng aking ex-friend na si Pauline.
Pero ngayon ay parang ang gaan ng aking pakiramdam dahil lamang sa sinserong paghingi ng pasensya ng aking masungit na roommate.
Maya-maya ay nauhaw ako kaya naman bumangon ako mula sa aking pagkakahiga para uminom ng tubig sa kusina.
Nasa kusina na ako nang mapansin kong nakabukas ang pintuan ng banyo at bukas ang ilaw.
OMG. Naiwan ko bang bukas ang ilaw?
Matapos kong uminom ng tubig ay lumakad ako papuntang banyo para i-off ang switch ng ilaw.
Sa panahon ngayon ay kailangang nagtitipid.
Binuksan ko ang pintuan ng banyo at nang akmang pipindutin ko na ang switch ng ilaw para i-off ito ay may napansin akong tao sa loob.
Ganoon na lamang ang panlalaki ng aking mga mata nang aking makita ang bilugan at malamang pang-upo ng aking roommate.
Napatakip ako sa aking bibig at nanlalaki ang aking mga mata habang unti-unting umaangat ang aking paningin papunta sa mukha ng lalaking nagmamay-ari ng malamang pang-upong iyon.
Nagkatinginan kami ni Jake ng ilang segundo bago sabay kaming sumigaw.
Lupa, lamunin mo ako!
----------
itutuloy...