MAXI's POV
Araw ng Linggo. Supposedly, feeling blessed dapat ako ngayong araw na ito. Pero hindi iyon ang nararamdaman ko habang nakikita kong nagliliparan papuntang semento ng malawak na bakuran namin ang mga personal kong gamit na pinaghahagis ng ama kong si Arnulfo. Feel na feel ni Father Dear ang pagpapalipad ng mga gamit ko rahil talagang bumubuwelo pa siya habang hinahagis ang mga ito.
Siguro maswerte pa rin ako rahil hindi niya ako sinaktan physically after kong magladlad na isa akong mujer. Na ang puso ng kanyang anak na bunsong lalaki ay ninakaw mula sa katawan ng isang babae. Na ako ay nagkakagusto sa kapwa ko lalaki. At dahil hindi ako kayang saktan ni Father Dear ay inilalabas na lang niya ang kanyang galit sa aking mga gamit.
Kaya naman pwede ko pa rin sigurong i-claim that I am blessed.
Ang Mother Dear kong si Minda ay kanina pa pinapakalma si Father Dear. Damang-dama kong nag-aalala ito para sa kalusugan ni Father Dear.
Bago pa man magliparan ang mga gamit ko rito sa labas ay may nauna pang eksena sa aming living room. Doon naganap ang aking pag-amin, ang pagkagulat nila Father Dear at Mother Dear, ang panunumbat ng aking ama, ang pagluha ng aking ina, at ang pagyakap sa akin ni Mother Dear telling me that she still loves me no matter what. Syempre humagulgol ako. Kasi nakaka-touch naman talaga. Hindi ko na nga napansin ang sariling pag-e-emote ni Father Dear. Parang slow motion na napaupo siya sa aming malaking couch at halatang dismayadong-dismayado ang mukha.
Ang Kuya David ko, nakatingin lang ito sa akin. Akala ko nga ay sasapakin ako nito. But he just smiled at me and I know, nauunawaan ako nito.
At 'yon na nga. Binawi lahat ni Father Dear ang luho ko. Ang sasakyan ko, ang phone ko, at ang iba ko pang gadgets. Pinakuha niya lahat ng gamit ko mula sa aking kwarto maliban sa mga gamit kong siya ang bumili. In short, pinalayas niya ako.
Kaya heto ako ngayon sa bakuran namin. Pinapanood ang pagliliparan ng mga gamit ko. I should be sad, pero ang sarap sa feeling na alam na nila. I feel free. Kasehoda pang kahit ako ay paliparin din ni Father Dear.
Ang problema ko nga lang ay kung saan ako titira. Syempre bago pa ako magladlad ay alam na ng friends ko ang gagawin ko. Inisip na namin ang consequences. At isa nga roon ay ang mapapalayas ako. Naaalala ko pa ang sinabi ng kaibigan kong si Ruby.
Ruby: Ipupusta ko ang buhay ko, friend. Palalayasin ka ni Tito Arnulfo.
At nagdilang-anghel nga ito. Which means, extended pa ang buhay nito.
Hindi ako pwedeng makitira kay Pauline dahil sa boarding house ito nakatira at puno na raw ang kwarto. Hindi pwedeng kay Devon dahil nakikitira lang ito sa tiyahin nitong saksakan ng sama ang ugali. At lalong hindi pwedeng kina Ruby dahil kulang pa ang kwarto nila sa kanilang pitong magkakapatid.
Naisip ko si Aris. Actually, nag-offer ito. Pero tinanggihan ko rahil ayokong may maisumbat ito sa akin oras na hilingin na naman nito sa aking maging kasintahan nito.
Yes, you read it right. Type ako ng friend kong si Aris. Ang ganda ko, 'di ba? Wala namang problema rito, 'yon nga lang, I only see him as a friend. Magkaibigan na kami simula Elementary days namin kaya hindi ko ma-imagine na mas hihigit pa roon ang relasyon namin.
Maya-maya ay napagod din si Father Dear sa paghahagis ng mga gamit ko at masama akong tinitigan. In all fairness, hindi naman niya sinabing itinatakwil niya ako, so there's still hope na matanggap niya pa rin ako in the near future.
Pumasok na siya sa loob kasama si Mother Dear matapos sabihan sina Mother Dear at Kuya David na siguraduhing walang bakas ko ang masisilayan niya paglabas niyang muli mamaya.
Kinalabit ako ng aking Kuya David. Mega shocked ako kasi hindi ko napansin na roon pala ang blocking nito sa likod ko habang naghahagis si Father Dear ng mga gamit ko. May iniabot ito sa aking piece of paper. May nakasulat doon. Parang address. Tiningnan kong muli si Kuya David.
Maxi: Ano 'to?
Napailing pa ito.
David: Alam kong wala kang matitirhan kaya naman I made an urgent call sa kakilala ko. Mabilisan lang ang paghahanap kaya pagpasensyahan mo na 'yang apartment na 'yan. Bibisitahin ka namin ni Mom once okay na ang lahat. Kinuha ni Dad ang phone mo, so ito muna ang gamitin mo.
Iniabot nito sa akin ang isang mumurahing phone na hinugot nito mula sa bulsa ng shorts nito. Inabot ko ang cellphone at muling tiningnan ang Kuya David ko.
David: Nabayaran na ng kakilala ko ang upa mo sa apartment for six months. Wala ka ng poproblemahin. Kailangan mo na lang pumunta roon dala ang mga gamit mo. Hindi ka namin pwedeng ihatid ni Mom kasi for sure magagalit si Dad, so I called Aris para sunduin ka. Parating na 'yon kaya ayusin mo na ang mga gamit mo.
Napatingin pa si Kuya David sa likod ko kung saan nakakalat ang mga gamit kong feel na feel na ibinato ni Father Dear.
Nanatili lang akong nakanganga sa harap ng kapatid ko. Grabe. Nagawa nitong lahat iyon habang nagkakagulo kami nina Father Dear and Mother Dear. Iba talaga ang Kuya David ko. I can always count on him.
Nagsimula na akong ayusin ang mga gamit ko at inilagay sa maleta na ako ang bumili kaya kasama ito sa mga gamit na madadala ko. Pagkatapos kong mag-ayos ng gamit ay saktong paglabas ni Mother Dear ng pinto ng aming mansyon.
Minda: Nakatulog na ang Dad mo.
Niyakap ako ni Mother Dear with matching tears. Nag-iiyakan kaming dalawa.
Minda: I love you so much, my son.
Pagkatapos ay pinisil ni Kuya David ang balikat ko.
David: Mami-miss kita, bunso.
Lumalabas na ang uhog sa ilong ko, pero wala akong pakialam. Moment ko ito.
Maya-maya ay may bumusina sa labas. For sure dumating na si Aris.
Inihatid ako nina Mother Dear at Kuya David hanggang gate. Inilagay ni Aris ang maleta ko sa trunk ng kotse nito. Nang makasakay ako sa passenger seat ay binuksan ko ang bintana at kumaway kina Mother Dear at Kuya David. Sumisinghot-singhot pa rin si Mother Dear habang pinipisil-pisil ng kapatid ko ang balikat ng aming ina.
Maxi: Alagaan mo ang sarili mo, Mother Dear. Mag-iingat kayong palagi.
Maya-maya lang ay umaandar na ang sasakyan ni Aris palayo ng aming mansyon at nagsimula muling tumulo ang mga luha ko. Hinawakan ni Aris ang aking kaliwang kamay at pinisil ang aking palad. Hinayaan ko itong gawin iyon dahil napapakalma niyon ang aking pakiramdam. Hindi ito nagtatanong. Wala itong sinasabi. Basta pinipisil lang nito ang aking palad habang nagmamaneho ito.
Maya-maya ay may tumatapik sa aking kaliwang balikat. Nagmulat ako ng aking mga mata. Nakatulog pala ako matapos umiyak. Inayos ko ang aking sarili. Paglingon ko ay ang nakangiting mukha ni Aris ang nabungaran ko.
Aris: Nandito na tayo sa binigay na address ng Kuya David mo sa akin. Tinawagan ko siya rahil ayaw kitang gisingin.
Oo nga pala. Hindi ko ibinigay kay Aris 'yong papel na may nakasulat na address. Mas inuna ko kasi ang umiyak hanggang sa makatulog ako.
Ilang sandali pa ay inihahatid na kaming dalawa ni Aris ng may-ari ng apartment na si Aling Ludy at ng pamangkin nitong si Trixie sa magiging apartment ko.
Ludy: Nakiusap 'yong nagbayad ng upa mo na sana may maibigay akong apartment para sa iyo, urgent daw, kaso okupado lahat. Pero naisip ko si Jake, 'yong isang umuupa rito sa akin. Sabi niya rati ay kung may kakilala raw ako na pwedeng makahati niya sa upa, payag daw siya. Kaya makakasama mo siya pati ang kapatid niyang si Gigi. Okay lang ba sa iyo?
Syempre, sino ba naman ako para mag-inarte sa mga oras na ito? Walang-wala ako ngayon kaya lahat ng maliliit na biyaya ay tatanggapin ko.
Maxi: Okay na okay po, Aling Ludy. Kailangan ko po talaga ng matutuluyan ngayon.
Paglingon ko ay nakita kong hinaharot ni Trixie si Aris, pero parang bored na bored ang kaibigan ko. Napailing na lang ako.
Kinatok ni Aling Ludy ang pinto ng tutuluyan ko. Matagal bago may nagbukas ng pinto at talaga namang napanganga ako sa kagwapuhan ng lalaking nagbukas ng pinto.
Ludy: Jake, nandito na si Maxi. Siya 'yong makakahati mo sa upa.
Lumingon sa akin 'yong Jake at para akong nanigas sa aking kinatatayuan nang titigan ako nito mula ulo hanggang paa at pabalik ng aking mukha.
Nakatulala pa rin ako rito at parang tumutulo pa ang laway ko. Nabigla na lang ako nang bigla itong magsalita na maangas ang dating.
Jake: Problema mo, ha?
----------
itutuloy...