Beginning
Nine years old
Nakarinig ako ng ingay mula sa may kusina namin. Tila nagsisigawan sila. Mukhang nag-aaway na naman sina Nanay at Tatay. Tumayo ako at lumabas ng kuwarto. Naabutan kong inaayos ni Tatay ang suot na bagpack niya habang karga ang kapatid ko na si Levi na isang taong gulang pa lamang. Dumako ang tingin ko kay Nanay, napansin ko ang kanyang mukha na basam-basa ng kanyang luha.
"Paciano! Kung aalis ka, ikaw na lang ang umalis! Huwag mong dalhin ang anak ko!" sigaw ni Nanay at pilit na inaagaw si Levi mula kay Tatay.
"Punyeta!" sigaw ni Tatay at itinulak si Nanay kaya napaupo siya. Nagsimula na ding umiyak si Levi. Umalingawngaw ang matinis na iyak ni Levi sa buong bahay. Wala naman akong magawa kung hindi ang panuorin ang mga nangyayari sa aking paligid.
"Paciano, ibigay mo ang anak ko," sabi ni Nanay. Nasasaktan ako dahil sa mga nangyayari sa amin. Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa kanila at tinawag sila.
"Nanay, Tatay," sabi ko dahilan para mapatingin sila sa akin.
"Zia, anak bumalik ka sa kuwart,." sabi ni Nanay. Tumingin ako kay Tatay.
"Tatay, saan kayo pupunta ni Levi?" tanong ko. Kitang kita ko ang pagkairita sa mukha ni Tatay.
"Wala kang pakialam! Magsama kayong dalawa ng Nanay mo! Mga malas kayo sa buhay ko! Si Levi lang ang suwerte sa akin!" sigaw niya at itinulak din ako.
Pinanuod kong lumabas ng bahay si Tatay kasama si Levi. Padabog na isinara ni Tatay ang pinto.
Narinig kong umiyak si Nanay kaya tumayo ako at nilapitan siya.
"Nanay? Nanay ‘wag ka na umiyak. Nandito pa naman ako." Nagulat ako ng bigla niya akong itulak papalayo dahilan para tumama ang noo ko sa kanto ng maliit naming center table.
"Nanay?"
"Malas! Malas! Malas!" sigaw niya at nagpunta sa living room at doon siya umiyak nang umiyak. Tumayo na lang ako at bumalik sa kuwarto.
Napatingin ako sa salamin at nakitang may dugong umaagos mula sa noo ko.
Pero bakit ganoon? Wala akong maramdamang sakit?
Twelve years old
"Dalhin na lang natin siya sa bahay ampunan." Papasok na ako sa kuwarto ng marinig kong nag-uusap si Tiya Mabel at Tiyo Arturo. Napatigil ako sa narinig ko.
"Bakit pa natin dadalhin ang batang iyan sa ampunan? Puwede naman nating iligaw na lang iyan. Dalhin natin sa malayong lugar at iwan na lang," sabi ni Tiyo Arturo. Hinigpitan ko ang hawak sa bag ko.
Ayaw din nila sa akin. Walang gustong tumanggap sa akin.
Pumasok na ako sa kuwarto ko na nasa ilalim ng hagdanan. Ramdam ko ang tingin nila pero ‘di ko na sila pinansin.
"Malas! Malas! Malas!" Narinig kong sigaw nila.
Tiningnan ko ang sarili ko sa maliit na salamin. Minsan sa buhay ko naging masaya ako. Pero ngayon, hindi ko na alam papaano sumaya.
Thirteen years old
"Oy Malas! Lumayos ka dito!" Napaupo ako ng itulak ako ng isa sa mga kaklase ko.
"Kawawa ka naman! Walang may gusto sayo!"
"Wala ka na palang magulang eh!"
"Kawawa ka naman!"
"Malas daw kasi siya!"
"Sabi ni Mommy lumayo daw ako sa kanya!"
Maingay. Maingay sila. Tumatawa sila. Pinagtatawanan nila ako.
Ano bang mali sa akin?
Tinakpan ko ng mga kamay ko ang magkabilang tainga ko.
Maingay sila. Gusto ko ng tahimik.
Gusto ko ng manahimik ang mundo ko.
Eighteen Years old
Pinagmamasdan ko ang pag-agos ng tubig sa ilog. Malakas ito at mabilis. Ano kaya ang mayroon sa dulo ng ilog na ito? Gusto kong marating ang dulo nito.
Gaano ba kataas ang tulay na ito? Kapag ba tumalon ako mabubuhay pa ba ako? o hindi na? Gusto ko malaman.
Hahanapin ba nila ako? May maghahanap ba sa akin? May makakamiss ba sa akin? Gusto kong alamin.
Nakakapagod din palang mabuhay.
Gusto kong magpahinga.
"Zia San Filipe." Napalingon ako sa tumawag sa akin. Isang lalaki. Mapagkakamalan siyang babae dahil sa kanyang itim at mahabang buhok. Halatang banyaga dahil sa kulay green niyang mga mata. Maputi, matangkad at matangos ang ilong.
"S-sino ka?" tanong ko. Ngumiti siya sa akin na siyang kinabigla ko. Kahit kailan, walang ngumiti sa akin.
"Huwag mong sayangin ang buhay mo. Sayang ang ganda mo," sabi niya sa akin. Ako? Maganda? Napaismid ako sa sinabi niya. Mukhang may problema siguro siya sa paningin. Ano namang kagandahan ang taglay ko? Hindi makinis ang balat ko, may ilang peklat sa mga braso at binti ko. Ang buhok ko ay halos sira na dahil kapag nagagalit ang tiyahin ko sa akin ay basta na lamang niya ito ginugupit.
"Anong kailangan mo sa akin?" tanong ko ulit. Lumapit siya ng husto sa akin, halos maduling na ako sa sobrang lapit niya.
"Pagod ka na ba sa ganitong buhay mo? Why don't you come with me? Pakikinabangan natin ang kagandahang taglay mo. Work for me. Malaking pera ang maari mong kitain."
"Anong trabaho iyan?"
"Be a dancer in my club."
Napailing ako sa kanya. Ako? Magiging dancer? Una sa lahat ay wala naman akong talent sa pagsayaw at saka hindi ako maganda. Hindi ko alam kung bakit niya ako niyayaya na magtrabaho sa kanya. Alam kong napakalayo ng hitsura ko sa mga babaeng nasa club niya.
Pero kung tutuusin, puwede ko namang pag-aralan ang bagay na iyon. Nakakasawa at pagod na din kasi akong tumira sa mga kamag-anak ko. Para akong bolang pinagpapasa-pasahan nila.
“Wala kang ibang gagawin maliban sa pagsayaw sa taas ng entablado. Sisiguraduhin kong sisikat ka bilang isang magaling na mananayaw. May kagandahan kang taglay, Zia. Marahil ay hindi mo pa nakikita ngunit ako ay kitang kita ko na. Aalagaan kita at bibigyan ng pagpapahalaga. Hindi ba’t iyon ang gusto mo?” Natahimik ako. Tama siya, ang gusto ko ay may magpahalaga sa akin para naman maramdaman ko na may halaga din ako. Na hindi kamalasan lang ang dala ko.
“Malas ako. Baka bumagsak pa ang negosyo mo kapag pumasok ako diyan. May kamalasan akong dala sabi nila,” I said at tumawa naman siya.
“Sorry, but I don’t believe in bad luck.”
That day, I saw my salvation. He saves me from this misery.