Chapter XVI–2

1204 Words
Matuling lumipas ang isang araw at hindi man lang nagpakita si Koen kay Rainsleth. Hinanap niya ito pero wala siyang nakita maski anino man lang, hanggang sa matapos ang araw ng Huwebes. February 10, 2017, ang huling araw ng Foundation Day ng University of the Dark Someroux. At iyon na rin ang araw ng koronasyon para sa tatanghaling Miss UDS 2017. Dumarami na ang pumapasok sa theater room para manood. At isa na roon sina Rainsleth at Araselah. Nandoon na naman ang mayor at ang iba pang kasali sa Alumni Association ng kanilang unibersidad. Nakapagsabi na si Rain bago pa man magsimula ang program na aatras na siya. At nirespeto naman ng mga namamahala ang naging desisyon niya. Magkasabay sila na umupo ni Selah sa seats na malapit sa stage. Naglakbay agad ang paningin ni Rain sa kabuuan ng silid. Nagbabaka sakaling nandoon din si Koen. Nagsimula na ang programa at bigo na naman siyang makita ang lalaki. 'Di maiwasang pumasok sa isipan niya kung umiiwas ba ito sa kanya o kung may nangyari bang masama rito. Natapos ang Q & A ng limang nangunguna sa patimpalak at kasunod niyon ang isang play na pinangungunahan ng Drama Club. Nagpaalam muna si Rain kay Selah na pupunta sa banyo. May restroom sa loob pero nahaharangan iyon ng mga manonood. Bukas kasi ang araw na iyon para sa lahat ng tao sa bayan nila na gustong makisaya sa pinakahuling araw ng Foundation Day. Pababa na siya ng hagdan nang may tumawag sa kanya. "May nagpapabigay po nito, ate." Iniabot sa kanya ng isang binatilyo ang hawak nitong piraso ng papel. Kunot-noo niya iyong tinanggap at tiningnan kung ano ang nakasulat doon. Pero mas nagsalubong lang ang kilay niya sa nakita. "Ano 'to?" naguguluhan niyang tanong sa kaharap. "Sabihin ko raw po 2, 5, at 7," sagot naman ng binatilyo. "Nakilala mo ba kung sino ang nagpabigay?" Sa tantiya ni Rain, nasa katorse pa lang ang edad nito kaya malabong kilala nito ang nagpadala kung sino man iyon. Pero sinubukan niya pa ring itanong. "Hindi po, ate. Ang masasabi ko lang, lalaki siya." Napakamot ito sa batok at nahihiyang ngumiti sa kanya. Tumango si Rain at nagpaalam na rin ang binatilyo. Nagpatuloy naman siya sa dapat niyang. Paulit-ulit niyang tinitigan ang papel na may nakasulat na kagaya ng sa word search puzzle. Ang kaibahan lang, mga numero ang nakasulat doon sa halip na mga letra. Nakabalik siya sa loob na walang ibang laman ang isipan kundi iyon. Inalala niya ang tatlong numero na binigay nito. Nang tingnan niya ang mga numerong iyon sa papel, napansin niyang magkakakonekta ang ilan sa mga ito. "Ano iyan?" Noon niya lang namalayan na nakasilip na pala si Selah sa papel na hawak niya. Mabilis niya iyong binaliktad. "Ah, wala. Napulot ko lang." Sinadyang himasin ni Rain ang sariling kilay para hindi nito mapansin ang pagsisinungaling niya. "May ballpen ka riyan?" mayamaya'y tanong niya rito. Puno ng pagtataka ang tinging ipinukol ni Selah sa kanya. Ganoon pa man, humugot ito ng ballpen mula sa bag nito at ibinigay sa kanya. Muli siyang nagpaalam dito na may gagawin lang saglit. Pagkalabas doon, pumunta siya sa may hagdanan sa fire exit. Doon sa hagdan kung saan siya unang dumaan nang sinundan niya ang mayor noon. Kaya wala masyadong dumaan doon nang oras na iyon kahit may program naman sa theater room, iyon ay dahil nasa kabilang gilid pala ang main stairs. Mabilis niyang nilagyan ng markang X ang mga numerong dos, singko, at siyete. Nang makita niyang bumuo ang mga iyon ng mga letra, tuluyan na niyang pinaitim ang mga iyon gamit ang ballpen. At lumitaw na rin ang mensaheng nakasulat doon. "Meet me in the lab." Iyon ang mga salitang nabuo ni Rain. Walang nakalagay roon kung anong oras at araw siya dapat na pupunta roon. Pero nang maisip na baka si Koen iyon, wala na siyang sinayang na oras. Lakad-takbong tinunton ni Rain ang laboratory. Alam na alam niya kung saan iyon dahil may mga araw na rin na doon sila nagka-klase. Pagbukas niya ng pinto, sumalubong sa kanya ang madilim na silid. Walang takot na humakbang siya papasok roon at isa-isang pinindot ang switch ng ilaw. Nilamon agad ng liwanag ang buong silid. At wala ni isa mang senyales na may ibang tao roon. Naglakad-lakad si Rain sa kabuuan ng lab. Sinisilip ang iilang tagong parte na pwedeng pagtaguan ninuman. Wala siyang pinalampas maski ilalim ng mga mesa. Nakauklo pa siya nang tumunog ang lock ng seradura. Dali-dali siyang tumayo at lumingon sa gawi ng pinto pero wala siyang namataang tao roon. "Koen?" pagtawag niya sa inaakalang nagpadala sa kanya ng mensahe. "257, nakalimutan mo na agad?" Nahigit ni Rain ang kanyang hininga nang marinig ang boses na iyon. At nag-unahan sa pagkarera ang pintig ng puso niya nang mapagtanto ang ibig sabihin ng tatlong numero. Bakit 'di ko agad naisip iyon! Nasabunutan niya ang sarili sa sobrang katangahan. Dahil ang tatlong numero na tinutukoy nito, ang tatlong huling numero ng ginamit niya pang-send ng video rito—kay Casimir Estrella. "Akala mo talaga maiisahan mo ako?" Unti-unti itong lumabas mula sa pinagtataguang estante na patungan ng mga garapon na may iba't ibang laman na specimen. Tumayo siya nang tuwid at pilit itinatago ang kaba mula sa kaharap. "Ano ngayon? Balak mo rin akong patayin katulad ng ginawa mo kay Xena?" taas-noong tanong ni Rainsleth. "Ayos ka rin, ah?" Umalingawngaw sa buong silid ang malakas na tawa ni Casimir. Nabaliw na... Napangiwi siya sa naisip. Hindi malabong mangyari iyon sa kakapukpok ng mayor sa ulo nito. "Akin na ang kopya ng video kung gusto mo pang lumabas dito nang buhay." Unti-unti itong humakbang palapit sa kanya. Kumislap ang talim ng hawak nitong kutsilyo kaya napaatras si Rain. Dumadagundong na ang kaba sa kanyang dibdib at unti-unting nilamon niyon ang kakayahan niyang mag-isip ng tamang gawin. Tanging pag-atras lang ang ginawa niya. Wala na siyang pakialam sa mga nasasagi at nababasag niya. Huminga siya nang malalim at nagbilang sa isip. Balak niya itong lansiin saka siya tatakbo palapit sa pinto. Sa huling pag-atras niya, may nasagi na naman ang kanyang kamay. Nilingon niya iyon at binasa nang mabilisan ang nakasulat doon. Copper Sulfate "Huwag kang lalapit!" Hinawakan niya ang sisidlan niyon at itinuon kay Casimir. Nakita niyang nanlaki ang mga mata nitong nakatitig sa hawak niya kaya sinaman tala niya iyon. Sinubukan niyang humakbang palapit kay Casimir. At sumilay ang ngiti sa labi niya nang matunghayan ang pakhakbang nito paatras. Unti-unting nabaliktad ang kanilang sitwasyon. Nasa side na siya kung saan pwede na niyang takbuhin ang pinto na walang haharang na Casimir, pero tatalikod pa lamang siya, ibinato na agad nito sa kanya ang hawak nitong kutsilyo. Sapol ang kamay niya at nabitiwan niya pa ang hawak niyang sisidlan ng copper sulfate. Tumakbo siya nang mabilis papunta sa pintuan at agad ini-unlock iyon. Pipihitin na sana niya ang seradura nang maramdaman niya ang mga kamay nitong nakahawak na sa kanyang leeg. At unti-unti siyang sinasakal niyon. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakasakal ni Casimir sa kanya. At pahina nang pahina na rin ang pintig ng puso niya. Ramdam na niya ang panghihina. Unti-unting nilamon ng dilim ang kanyang paningin hanggang sa sumuko siya at nagpaubaya. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD