Nanlulumo ako sa reyalisasyong pumapasok sa 'king isipan, lalo na at hindi ko maamin-amin sa 'king ina ang aking kalagayan. Makailang ulit kong sinimulang nagsabi sa kanya dahil alam kong siya lamang ang tanging kakampi sa oras ng kagipitan.
Bumangon ako sa aking kinahihigaan at lumabas sa maliit kong silid, naamoy ko ang niluluto ng aking ina nang bigla ay para akong nasusuka. Patakbo akong nagtungo sa aming banyo malapit sa aming kusina.
"Buntis ka ba?" tinig sa aking likuran, ang aking ulirang ina. Abuhin na ang buhok nito gawa ng pinaghalong puti at itim. Malalim ang mata nito gawa ng puyat dahil sa dami ng gawain lalo pa at natanggap pa rin ito ng mga labahin. Ang kamay nito ay makikitang batak sa paglalabada dahil hindi sapat ang aking sahod para sa dalawa ko pang kapatid na nag-aaral.
"I-Inay," hintakot kong usal. Hindi ko alam kung may boses bang lumabas sa aking bibig dahil nakatitig lamang ang aking ina sa namumutla kong mukha.
"Anak, buntis ka ba?" ulit na tanong nito.
Umiling ako kasabay ng makailang lunok gawa ng tensyong nananahan sa aking kalooban.
"H-Hindi po, inay, siguro ay nalipasan lang ako ng gutom. Hindi po kasi ako kumain kagabi dahil sa pagod," nauutal ko pang katwa pero sa isip ko ay may naiisip na may posibilidad na buntis nga ako dahil magdadalawang buwan na akong hindi dinatnan.
Sa kabila ng takot ko sa aking ina at sa kahihinatnan kung sakaling buntis ako, ang tanging pumapawi noon ay ang kaalamang kapag nalaman ni Blake na buntis ako ay baka ipakilala na ako sa kanyang pamilya.
"Tatanungin ulit kita, Lily, buntis ka ba?" matiim na tanong ng aking ina na nakatitig sa aking mga mata na siyang nagpanumbalik sa aking diwa.
Bigla ay naluha ang aking mga mata, gulong-gulo kung magsasabi ba sa aking ina ang tungkol sa lihim kong relasyon sa bunsong anak ng gobernador o hindi.
"I-Inay," muli kong usal.
Nakita kong napaunat ng tayo ang aking ina saka ako tinitigan ng pailalim na tila binabasa ang nasa aking isipan at kalooban.
"Anak, magsabi ka man o hindi, ramdam kong may itinatago ka sa 'kin o sa amin ng mga kapatid mo," turan ng aking ina dahilan upang tuluyang malaglag ang aking mga luha.
"Inay, hindi ko pa alam kung papaano ko sisimulang—" putol kong wika nang sumabad ang aking ina.
"Anak, ina mo ako, hangga't kaya ko ay susubukan kong intindihin ang pinagdadaanan mo, alam kong mula nang mamatay ang itay mo ay ikaw na ang sumalo sa responsibilidad sa mga kapatid mo kaya handa kong intindihin ang lahat, subukan mo lang ipaintindi sa 'kin," naluluhang wika ng aking ina.
Bumuhos ang aking luha at sinimulang isiwalat sa kanya ang lihim kong relasyon sa anak ng aming gobernador.
"Inay, patawad po dahil naglihim ako sa inyo, wala po akong balak pero hiningi po pagkakataon," matalinghaga kong saad sa aking ina na napakunot ng noo.
"Ano ang ibig mong sabihin, anak?" tanong nito.
"May lihim po kaming relasyon ng bunsong ni Gobernor Salazar," mahina kong wika kay inay.
"Ano?!" gulat na bulalas ng aking ina sa aking inamin. "Teka, anak, bakit siya pa, alam mo namang hindi ka bagay sa tulad niya. Paano kung pinaglalaruan ka lamang niya," palatak ng aking ina na puno ng pag-aalala sa mukha hanggang sa tila may naalala ito. "H-Huwag mong sabihing siya ang ama?" dagdag nitong saad sa 'kin.
"Inay, hindi ko pa po alam kung buntis ako?" tugon ko rito.
Umiling ang aking ina.
"Hindi ako maaring magkamali, anak, alam kong buntis ka," maigting na wika ng aking ina dahilan upang manghina ang aking mga tuhod.
"I-Inay," nanulas sa aking mga labi.
"Huwag kang mag-alala, anak, nandito kami ng mga kapatid mo," saad nito dahilan upang muling maglaglagan ang aking mga luha.
***
Mag-iisang linggo na kaming hindi nagkikita ni Blake, ang huling sinabi nito ay huwag na muna akong tatawag o magte-text sa kanya dahil pupunta silang pamilya sa London at siya na lang ang tatawag sa 'kin kapag nakabalik na ito ng Pilipinas.
Iba na ang kutob ko sa sandaling iyon, buntis nga ako at excited na sabihin sa kanya ang aking kalagayan. Kailangan ko lang ng kompirmasyon galing sa doktor na ako nga ay nagdadalang-tao, kaya pagkatapos ng trabaho namin sa kapitolyo ay dumaan ako sa clinic malapit sa isang malaking mall.
Pagkababa ko ng dyip ay agad akong nagtungo sa clinic, mabuti na lamang at saktong walang gaanong pasyente kaya agad akong naasikaso, ilang sandali ko lang ding hinintay ang resulta ng ginawang pagsusuri sa aking dugo ng doktor. Positibo, buntis nga ako, halos hindi mapatid ang ngiti ko dahil may alas na ako para ipakilala na rin ako sa wakas ni Blake sa kanyang pamilya.
Masaya akong lumabas sa clinic bitbit ang resulta ng aking konsultasyon, nasa gilid na ako ng daan at nag-aabang ng dyip na daraan nang sa 'di kalayuan ay may humimpil na isang sasakyan. Hindi ko 'yon pinansin at nakangiting matiyagang naghintay ng dyip na masasakyan.
"What do you think honey, is your mom gonna like these flowers?" tanong ng sosyal na boses.
Hindi ko tuloy napigilang lumingon lalo pa nang marinig ang tinig na sumagot dito.
"Of course, hon," matipid na tugon ng lalaki pero agad ko namang nakilala ang boses na 'yon. Tumitig ako rito. Noong una, buong akala ko ay namamalikmata lamang ako dahil nasa aking isipan si Blake pero hibdi ako pwedeng magkamali, si Blake ang kasama ang isang maganda, sopistikada at seksing babae.
Napalis ang ngiti sa aking labi, nakatitig pa rin ako sa kanila habang inalalayan nitong pumasok sa sasakyan ang babae saka umikot sa driver's seat. Bago ito pumasok ay nagawi ang tingin nito sa aking kinatatayuan, marahil ay dahil ramdam nitong may mga matang nakamasid sa kanya.
Nagtama ang mga mata namin, gusto kong sugurin siya pero tila na-magnet ang mga paa ko sa aking kinatatayuan, maging ito ay hindi nakakilos nang makita ako.
"Are we going honey, you're parents are waiting," may kalakasang tinig ng babae, doon ay nakitang pumasok na ito sa sasakyan saka umusad.
Tila babagsak ang aking katawan sa sandaling iyon. But not my type, napagdaanan na naming mag-anak ang hirap lalo na nang pumanaw ang aming ama. I know I have to be strong, hindi lang para sa 'kin pero para na rin sa aking magiging anak.
Umuwi ako at naramdaman ng aking butihing ina ang aking pagkabalisa, dumantay sa akin ang nangangapal nitong palad. Tumulo ang aking luha, nabigo ko siya dahil umibig ako sa taong hindi ako kayang ipaglaban.
"Anak, may problema ba?" malumanay na tanong nito sa 'kin.
"Inay, patawarin mo ako."
"Bakit anak?" tanong nito.
"Buntis po ako, inay," naiiyak na turan dito.
Umiyak din ito. "Alam ko, anak, kaya noong tinanong kita noong isang araw ay medyo lumuwag ang loob ko noong sabihin mong hindi pero paanong—" putol nito.
Mas lalo akong napahagulgol. "Inay, umi—umibig po ako sa taong hindi ako kayang ipaglaban," saad ko rito.
Ramdam ko ang paglunok ng aking ina habang yakap ko siya. "Alam na ba niya?" anito.
Umiling ako saka ko ikinuwento ang mga nangyari kanina. Batid kong naintindihan na ng aking ina ang aking kalagayan. "Gulong-gulo na ako, inay, patawarin niyo po ako. Nawala lahat ng pangako ko sa inyo," anang ko rito.
Walang imik si inay pero nang gumalaw ang kamay nito upang payapain ako ay batid kong hindi ito galit.
"Anak, alam kong hindi mali ang magmahal, wala rin sa estado ng buhay pero dapat naging mapagmatiyag ka, may mga taong gagawin ang lahat makuha ka lamang pero hindi sila buong napapasa'yo. Dapat noong mga panahong naging kayo at ayaw ka niyang ipakilala sa magulang niya ay dapat napaisip ka na pero hindi panahon para magsisihan ngayon, hala, umayos ka na upang makakain ka na, masamang malipasan ka ng gutom," turan ng aking ina saka niya ako muling niyakap.
Habang nagbibihis ako ay isang mensahe ang aking nakuha, galing 'yon kay Blake. Gusto niya kaming magkita, sa dating tagpuan, sa lugar kung saan kami lang dalawa ang nakakaalam sa lihim naming relasyon.
Binaba ko ang aking cell phone matapos basahin ang mensahe ipinadala nito. Imbes na pambahay ang aking isuot ay nagsuot ako ng aking panlabas. Buo na ang plano sa aking isipan, bitbit ang resulta galing sa doktor kanina ay tinungo ko kung saan kami laging nagtatagpo sa restaurant bago nalipat sa motel. Ngayon, hanggang restaurant na lamang kami, siguro hanggang doon na lang talaga kami.
Pagdating ko ay nakitang kanina pa ito naghihintay. Pinagmasdan ko siya hanggang sa mapansin niya ako, agad itong tumayo at akmang sasalubungin ako nang mabilis ko siyang nilapitan kasabay ng malakas na sampal sa kanyang kanang pisngi na kinabigla nito.
"Let me explain," anito.
"Explain what? Kung papaano mo ako niloko!" malakas na boses ko kung saan ay may ilang kostumer doon ang naagaw ng pansin.
"Lower your voice," anito.
"No! Niloko mo ako, sa tingin mo kakalma ako. Yes, mahirap lang ako, yeah, I can say naivè dahil nagawa mo akong paikutin ng sampung buwan. Alam mo ang pinakamasakit," saad ko saka ako ngumisi sa kanya.
"Ngayong araw nito, I just found out na buntis ako, ang araw na ito na nalaman kong niloloko mo ako at sa araw na rin ito matatapos ang kahibangang ito," matatas at matatag na turan ko, ayaw kong magpakita ng anumang kahinaan kay Blake.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" anito habang hawak ang braso ko, mabilis ko iyong piniksi saka inirapan.
"Wala na tayo!" saad ko sabay alis na sana pero hinawakan ang aking braso upang pigilan.
"No! Hindi mo ilalayo sa akin ang anak ko!" sabad nito.
"I can and I will!" matapang na turan ko sa kanya saka ko siya sinalya papalayo.
"No, hindi ako papayag!" matigas ding tugon ni Blake na humigpit pa ang pagkakahawak sa aking braso.
Tumigil ako at tumitig ng matiim sa kanya, mata sa mata. "Okay, fine, handa mo bang iwan ang babaeng 'yon para sa amin ng magiging anak mo?"
Nakita kong agad na nag-iwas ng tingin si Blake, tila may pumipigil dito. Napangisi na lamang ako sabay piksi ng kamay nitong nakahawak sa aking braso.
"Please, Lily, huwag naman ganito," sumamo ni Blake.
"Mamili ka, Blake, kami ng magiging anak mo o ang babaeng 'yon," anang ko sa kanya.
Ramdam ko pa ring hirap si Blake na mamili kaya ginawa ko na lamang madali para rito.
"Fine, aalis na lang kami ng anak mo dahil alam ko namang hindi mo siya kayang hiwalayan," dagdag ko sabay kalas sa pagkakahawak nito sa aking braso.
Mabilis itong lumuhod sa aking harapan na agad ko namang inawat.
"Kahit lumuhod ka pa d'yan at lumuha ng dugo, hindi na magbabago ang desisyon ko. Good bye!" bulalas ko saka iniwan ito at hindi na kailanman lumingon pa rito.
Sa aking paglayo ay ang pagbalong ng aking mga luha. Luha ng disappointment at frustration, mahal ko si Blake but I need to let him go.
Mabilis kong sinapo ang aking tiyan. "Patawad, anak ko," bulong ko sa aking impis na tiyan.